Kabanata 8

2171 Words
SA PAGLIPAS ng mga sandali ay lalong nagdilim sa labas. Nabalot ng katahimikan ang buong baryo kung kaya nga ay maririnig nang malinaw ang paghuni ng mga kulisap. Hindi niya pinagtakhan na wala pa roon ang kaniyang ina sa mundong iyon. Inasahan niyang hindi ito makakauwi. Liban sa pananatili nito sa simbahan sa dahilang alam niya, hindi gaanong lumalabas ang mga tao sa baryo na iyon kapag mga ganoong oras. Naihanda na niya ang higaan ng tatlo sa lapag ngunit hindi pa pumapasok ang mga ito. Dahil dito’y umalis siya sa kaniyang kinauupuan. Hindi umalis ang mga ito na walang inaabot sa kaniyang bayad. Alam niyang naroon pa ang mga ito sa labas sapagkat naririnig niya pa ang usapan ng mga ito. Humakbang siya patungo sa pinto upang lumabas na hindi niya naituloy ng kusang bumukas iyon. Pumasok sa pintuan ang tatlong manglalakbay. Naunang pumanhik ang lalaking manipis ang tabas ng buhok na mayroong ngiti sa labi nito. Kasunod nito ang babae na kausap ang kanilang lider. “Anong oras ba ang uwi na nanay mo?” ang naitanong sa kaniya ng lalaking manipis ang tabas ng buhok. Tinalikuran niya ito sa tuluyang pagpasok ng dalawa nitong kasamahan. “Bakit mo naitatanong?” ang saad niya pabalik imbis na sagutin ang naging katanungan nito sa kaniya. Naupo siya sa lapag at kinuha ang kahoy na kaniyang nilililok. Iyon lamang ang nagiging libangan niya sa kawalan ng mababasang libro sa baryo na iyon. “Wala naman. Mag-isa ka lang rito,” sabi naman ng lalaki sa kaniya. Lumapit ito sa kaniyang kinauupuan samantalang ang dalawang manglalakbay ay dumiretso sa higaan sa pagtigil ng pag-uusap ng mga ito. Iniangat niya ang kaniyang tingin at pinagmasdan ang lalaking manipis ang tabas ng buhok. “Hindi lang magiging maganda na mag-isa rito kung mayroon kayong gagawing masama sa akin,” ang saad niya na walang pagdadalawang-isip. Tinaas ng lalaki ang dalawang kamay nito para sabihin sa kaniya na nagkakamali lamang siya sa naisip. “Wala kaming gagawin. Iaabot ko lang sa kaniya ang bayad namin sa paggamit ng kusina’t pagpapatuloy rito ngayong gabi,” paliwanag ng lalaki sa kaniya. Binitiwan niya ang hawak na kutsilyo’t tinaas ang nakabukang palad. Napatitig sa kaniyang kamay ang lalaki kaya tinaas niya pa ang kaniyang kamay papalapit pa rito. “Akin na,” wika niya sa lalaki. Sumilay ang isang ngiti sa labi ng lalaki. Hindi ito kaagad nakapagsalita dahil sa lider ng mga ito. “Mauna na akong matulog. Pagod na pagod ako. Gisingin niyo na lang ako kapag mayroong nangyari,” sabi ng manglalakbay sa paghiga nito nang nakatihaya sa inilagay na sapin. Ang babaeng kasamahan naman nito’y tahimik lang na nagbabasa ng kung anong hawakn nitong libro. Lumingon sa higaan ang lalaking kumakasaup sa kaniya’t bago binalik din kaagad sa kaniya ang atensiyon. “Ibibigay ko sa iyo. Pero kailangang sagutin mo ang itatanong ko.” Naupo ito sa kaniyang harapan nang magkatagpo ang nakabaluktot na mga tuhod. Pinagmasdan siya nito nang tuwid kaya sinalubong niya ang tingin nito. “Basta ba’y kaya kong sagutin ang magiging tanong mo,” aniya na lamang niya sa lalaki. “Oo naman. Simple lang naman ang tanong ko.” “Sige. Ano ang tanong mo?” hudyat niya sa lalaki. Mayroon itong inilabas na larawan sa likuran ng suot nitong balabal. Inilagay nito sa harapan niya ang larawang iginuhit nang makita niya nang maayos. Napatitig na lamang siya sa mukha dahil hindi niya nakakalimutan iyon. “Mukhang kilala mo siya,” puna ng lalaki sa kaniyang naging reaksiyon nang sandaling iyon. Ibinalik din naman nito kaagad ang larawan sa likuran ng suot nitong balabal. “Balita namin ay nagtutungo siya rito sa baryo niyo.” “Bakit mo siya hinahanap?” ang tanong niya na lamang dito sa pagtuloy niya sa paglilok. “Pinatay niya ang isang prinsesa,” pagbibigay alam nito sa kaniya. “Kailangan namin siyang hulihin. Delikado siyang tao. Mapanlinlang siya. Mapagsamantala.” “Gaano naman ako nakakasigurado na hindi kayo katulad niya?” “Nasa iyo na iyon kung magtitiwala ka sa amin o hindi,” paliwanag naman ng lalaki. “Paano mo siya nakilala?” Tinaas niya ang kaniyang palad. Naintindihan naman ng lalaki kung ano ang gusto niyang mangyari. Inilagay nito sa kaniyang kamay ang maliit na supot na naglalaman ng salapi. Sinilip niya pa iyon kung kumpleto bago niya isinilid sa kaniyang bulsa. “Nagtungo siya rito nang ako’y sanggol pa lamang,” pagkuwento niya rito. “Pero iyon na ang huling nagtungo siya rito.” Napatitig nang mariin ang lalaki sa kaniya dahil sa lumabas sa kaniyang bibig. “Paano mo siya matatandaan kung sanggol ka pa lang nang huling nagtungo siya rito katulad nang sabi mo?” Nang mapagtanto niyang nagkamali siya nang nasabi nag-isip siya kaagad nang idadahilan. Mabuti na lamang mayroong pumasok sa kaniyang isipan. “Hinihintay siya ng ina ko kaya alam ko kung sino siya,” pagsisinungaling niya rito. Tumango ang lalaki bilang naniniwala ito sa kaniyang kasinungalingan. “Bakit naman siya hinihintay ng ina mo?” “Dahil sa nangako ang lalaki aalisin nito ang ina ko sa baryo na ito’t mamumuhay sa ibang lugar.” “Huwag mong sabihing ama mo ang lalaking iyon?” ang nasabi ng lalaki nang sumagi ang bagay na iyon sa isipan nito. “Imposible ang sinasabi mo. Malayo ang itsura ko sa kaniya.” “Tama ka. Sa buhok mo pa lang malalaman na,” pagsangayon na lang din nito sa kaniya. Tumayo na ito mula sa kinauupuan. “Magpapahinga na rin ako. Hihintayin mo ba ang ina mo?” dugtong nito sa pag-unat nito ng dalawang kamay paitaas. “Hindi. Bukas pa ang uwi niya.” “Matulog ka na rin. Hindi maganda sa batang katulad mo ang nagpupuyat,” ang huling nasabi sa kaniya ng lalaki bago ito nagtungo sa higaan. Humiga ito sa gitna ng babae at ng lider nila. Napatitig siya sa babae dahil sa patuloy pa rin itong nagbabasa ng libro. Naisipan niyang lumapit dito nang malaman niya kung ano ang klase ng libro na binabasa nito. Iniwan niya sa sahig ang kutsilyo at ang kahoy na nililiok. Hindi iniangat ng babae ang tingin nito mula sa binabasa sa paghakbang niya papalapit. Natigil lamagn ito sa pagbabasa nang makatayo na siya sa harapan nito. Iniangat nito ang tingin nang matingnan siya. “Bakit? Anong problema?” pag-usisa nito sa kaniya. “Anong libro ang binabasa mo?” tanong niya pabalik na hindi ito sinasagot. Sinara ng babae ang hawak nitong libro. “Kuwento ito ng taong gusto kong maging katulad.” “Patingin nga ako.” Naupo siya sa harapan nito na inilalapit ang kamay niya rito. “Hindi mo ito mababasa.” “Bakit naman hindi?” nagtataka niyang tanong. “Lenguwahe ng pinanggalingan kong bayan ang ginamit sa pagsulat nito.” “Gusto ko pa ring makita,” pamimilit niya sa babae kaya wala na itong nagawa’t inabot na lamang ang libro. Walang nakasulat na kung ano sa pabalat kaya binuklat niya na lamang iyon. Nakasulat sa unang pahina ang pamagat. Sa ibang lenguwahe nga nakasulat pero naintindihan niya naman iyon. Ang mga letra’y binubuo ng mga patayo, pabilog at pahigang mga linya. “Sa pagsanib ng buwan at araw,” basa niya rito’t tinuloy ang pagbuklat. “Magandang pamagat para sa isang talambuhay.” Nahuli kaagad ng mata niya ang isang salita na pangalan ng taong sinasabi sa kuwentong iyon. Nanglaki ang mata ng babae na nakatingin sa kaniya. “Sinong nagturo sa iyo ng lenguwahe sa Kingon?” pag-usisa ng babae sa kaniya. Natigil siya sa pagbuklat ng libro. Napagtanto niyang hindi siya naging maingat. Hindi naman niya puwedeng sabihin na biniyayaan siya ng kaalaman sa lenguwahe. “Mayroong nagturo sa akin na manglalakbay nang magpunta rito sa amin,” pagdadahilan niya na lamang nang ibalik niya ang libro. “Kahit mayroong magturo sa iyo, magiging mahirap pa rin sa edad mo.” “Hindi siya naging mahirap sa akin,” saad niya sa babae. “Sa nakikita ko sa iyo, mukha ngang hindi. Kakaiba kang bata.” “Nagkakamali ka. Mahilig lang talaga akong mag-aral,” pagpapanggap niya rito. “Siyanga pala. Puwede ko bang gamitin ang pangalan na Grayson El?” Nagsalubong ang dalawang kilay ng babae sa pagtitig nito. “Bakit mo naman gustong gamitin?” taka naman nitong tanong. “Dahil wala akong pangalan. Hindi ako binibigyan ng nanay ko.” “Ano? Bakit hindi?” “Hindi niya ako gusto.” Ginalaw ng babae ang ulo nito bilang naintindihan nito ang sinasabi niya. “Ikaw kung gusto mong gamitin. Hindi naman kita mapipigalan sa bagay na iyon. Maganda nga iyong nabubuhay pa rin ang pangalan ni Grayson El kahit wala na siya.” “Maraming salamat. Iyon na ang pangalang gagamitin ko.” “Ito kunin mo na rin. Regalo ko na lamang sa iyo sa pagtanggap mo sa pangalan mo.” Inabot nito sa kaniya ang libro na malugod niyang tinanggap. Pagkahawak niya sa libro’y binuklat niya kaagad iyon at sinimulang basahin. Napapatitig na lamang sa kaniya ang babae na nakangiti. Naingat niya lang ang kaniyang tingin mula sa libro nang guluhin nito ang buhok niyang berde. Ibinalik na lamang ng babae ang kamay sa tabi kahit wala naman siyang sinasabi. Hindi niya naituloy ang kaniyang pagbabasa nang makarinig siya nang malakas na palahaw mula sa labas. Napalingon na rin ang babae sa gawi ng pintuan. Sinundan ang pagpalahw ng pagsigaw ng mga taga-roon dahil sa takot. Sa ingay na nagmumula sa labas napatayo na lamang ang babae kasunod ang dalawang lalaking manglalakbay na nagising dahil sa ingay. “Ano ang nangyayari?” tanong ng lalaking manipis ang tabas ng buhok. Sa muling pagpalahaw ng mga mabangis na hayop mula sa labas, napatayo na rin siya. “Anong ginagawa nila rito? Paanong sila napunta rito?” ang nasabi niya hangin. Napalingon ang tatlonng manglalakbay sa kaniya. “Ano ang sinasabi mo bata?” tanong ng lider sa kaniya. “Sa palagay ko’y ang tigre at oso ang nanggugulo sa labas. Hindi naman sila napupunta rito sa baryo namin. Ngayon lang,” pagbibigay alam niya sa mga manglalakbay. “Nakita ko sila sa gubat na nag-aaway pagkagaling ko sa pamimingwit.” “Bakit ngayon mo lang sinabi?!” ang naibulalas ng lider sa kaniya. Nagulat siya sa malakas na pagsasalita ng mangangaso na ikinanginig ng kaniyang kamay. “Akala ko kasi’y hindi na mahalaga ang bagay na iyon,” paliwanag naman niya sa manglalakbay. Tiningnan siya nang masama ng manglalakbay at naglakad na ito palabas ng bahay. Sumunod dito ang lalaking manipis ang tabas ng buhok dala ang mga sandata ng mga ito. Naiwan ang babae na hinawakan siya sa kaniyang balikat. “Huwag mong pansin iyon si Drust. Hindi mo kasalanan kung bakit napunta rito ang mga mababangis na hayop. Iyong nilalang na nanggugulo rito ang mayroon kasalanan.” Tinapik-tapik nito ang kaniyang balikat. “Dito ka lang sa loob. Delikado para sa iyo ang lumabas.” Tumango siya babae kaya lumabas na ito na isinasara ang pinto. Napatitig na lamang siya sa pinto sa paglakas ng sigawan mula sa labas. Sa huli’y hindi naman siya nakatiis. Lumabas pa rin siya para malaman kung ano ang nangyayari matapos iwanan ang libro sa kaniyang kahon na lalagyan ng kaniyang mga gamit. Pagkalabas na pagkalabas niya’y muling pumasok sa kaniyang tainga ang malakas na sigawan na nanggaling sa direksiyon kung saan naroon ang simbahan. Nang maisip niya ang kaniyang ina tumakbo na lamang siya patungo roon. Kahit na hindi maganda ang pakikitungo sa kaniya ng ginang hindi pa rin naman niyon maalis ang katotohanang naging ina niya ito sa mundong iyon. Pagliko niya sa isang bahay ay napatitig na lamang siya nang makita niya sa tabi ang puting tigre. Nanglaki na lamang kaniyang mata dahil sa naging laki nito. Umabot sa bubongan ang taas nito. Nginunguya nito ang nahuli nitong taga-baryo. Nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan sa kabang nararamdaman. Iyon nga rin naman ang kauna-unahang pagkakataon na masaksihan ang hindi pangkaraniwan na pangyaayri. Lalo pang bumilis ang t***k ng puso niya nang lumingon ang tigre sa gawi niya matapos nitong lunukin ang katawan ng taga-baryo. Umungol itong tumitig sa kaniya. Nabago ang dating kulay ng mata nitong abuhin at naging kulay lila. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Dahil kahit tumakbo siya maabutan pa rin naman siya ng tigreng naging higante. Napako ang kaniyang mga paa sa kaniyang kinatatayuan. Hindi siya kumilos kahit na papasugod sa kaniya ang tigre. Sa kabutihang-palad hindi tuluyang nakalapit sa kaniya ang tigre nang tamaan ito ng mga panang nag-aapoy ang dulo. Napatigil na lamang ang tigre at napatitig sa bubungan ng bahay. Napalingon na lang din siya rito kaya nakita niya rito ang babaeng manglalakbay. Tumalon patungo sa kaniya ang babae’t lumapag sa kaniyang harapan. Wala itong sinabi sa kaniya nang hawakan siya nito sa kaniyang beywang at tumalon nang mataas patungo sa bubongan ng kasunod na bahay. Iyon din ang pagkakataong sumugod ang tigre na kanilang naiwasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD