Kabanata 9

2140 Words
PUMALAHAW ang puting tigre habang nakamasid sa kanila. Sa balak nitong pagtalon sa kinatatayuan nilang bubongan, binitiwan siya ng babae upang pigilan ang mabangis na hayop. Napakapit na lamang siya pinakatuktok ng bubongan nang hindi siya madulas paibaba pabalik sa lupa. Tumayo sa kaniyang harapan ang babae sa paghanda nito sa hawak na palaso. Hindi na hinintay nitong makatalon ang puting tigre. Pinakawalan nito ang mga pana ng palaso nang sunod-sunod. Mabilis na gumalaw ang mga kamay nito mula sa pagkuha ng pana sa sisidlan hanggang sa pagbitiw niya rito. Umiwas ang mabangis na hayop sa pinakawalan ng babae. Iilan lamang ang mga tumama sa mga paa ng tigre dahil iyon naman talaga ang nais na mangyari ng tumutulong sa kaniya. Ang karamihan sa mga palaso’y bumaon sa lupa paikot sa kinatatayuan ng puting tigre. Sa katapusan ng pagpapakawala ng babae sa mga pana, inilagay nito ang nakatayong kamay sa harapan ng mga bibig nito. Mabilisan itong nag-usal ng orasyon na siyang nagpalabas sa kuryente sa dulo ng mga pana. Nagsimula ang kuryente sa maliit na bahagi na magkarugtong. Lumaki nang lumaki iyon habang kumakalat. Sa pagwasiwas ng babae sa kaniyang kamay tumama ang kuryente sa buong katawan ng puting tigre na siyang nagtulak sa mabangis na hayop na pumalahaw nang ubod lakas. Maririnig ang pagpalahaw nito sa buong baryo. Natakpan na lamang niya ang kaniyang tainga ng mga kamay upang hindi siya mabingi. Hindi kaagad nakakilos ang puting tigre sa pagbalot ng kuryente sa buong katawan nito. Nasusunog ng kuryente ang balahibo nitong kasing puti ng niyebe. Nailuluhod na lamang nito ang mga tuhod sa harapan kasabay ng pagkawasak ng likuran nito. Ang lamang naalis sa katawan ng tigre ay naging nilalang na walang katawan at ubod ng itim. Hindi tumatama ang kuryente sa mga nilalang kaya nagawa ng mga nilalang na magsiliparan patungo sa bubongan. Nanglaki na lamang ang mata ng babae sa nangyayari. Tumigil ito sa pagpapakawala ng kuryente upang mapangalagaan ang sarili sa pagsugod ng mga nilalang sa kanila. Winasiwas nito ang hawak na palaso sa pag-aakalang magagawa niyong mapigilan ang mga nilalang. Ngunit dahil sa higit itong nagkamali tumama ang mga nilalang sa katawan ng babae bago ito tumalsik patungo sa kabilang ibayo ng bahay. Maging siya ay hindi nakaligtas sa mga nilalang. Sa pagtama ng mga ito sa kaniya’y naramdaman niya kaagad ang bigat ng mga ito’t ang dulot ng mga ito na nakakadeliryong sakit. Pagsigaw na lamang ang kaniyang nagawa. Napaluhod siya sa bubongan hanggang sa napahiga na siya rito. Hindi niya naman maiwasang sabihin sa kaniyang sarili na marahil isa ngang malaking pagkakamali na mapunta siya sa mundong iyon. Wala na siyang sinubukang gawin pa katulad ng mga araw na siya ay labis na nahihirapan bago pa man siya mapunta roon. Pinili niya na lamang na sumuko nang mga sandaling iyon at hayaan ang mga nilalang na maging ang panibagong buhay niya ay tapusin na rin ng mga ito. Ang buong akala niya’y magiging maayos pa siya sa pananatili niya sa Kasarag kaya nga umabot siya sa limang taong gulang na walang ginagawa sa kaniyang sarili. Naghanap siya ng kasiyahan ngunit sadyang mailap ang bagay na iyon sa kaniya. Nasabi niya na lamang na marahil kalooban niya talaga ang maunang mamatay kaya kahit pilit anong niya’y hindi niya makuhang maging masaya kahit sa mumunting bagay. Walang balak na tumigil ang mga nilalang hanggang hindi nagpapaalam ang isa sa kanila ng babae. Patuloy pa rin ang pagsugod ng mga nilalang sa babae sa lupa sa ibaba. Hindi ito makaalis sa kinatatayuan. Napapaluhod na rin ito sa paulit-ulit na paglusot ng mga nilalang sa katawan nito. Sa paglaho ng kuryente’y tumalon ang puting tigre mula sa lupa kahit na nag-aapoy ang mga balahibo nito sa katawan. Sa laki ng tigre kasama na ang bigat nito nasira nito ang bubongan na kaniyang kinalalagyan. Nahulog siya paibaba kasabay ng mga nasirang laryo at kahoy na ginamit sa balangkas ng bubongan. Impit ang kaniyang naging ungol pagbagsak niya sa lupa’t naipit ang kaniyang kalahating katawan ng mga kahoy. Huminto man ang mga nilalang sa paglusot sa kaniyang katawan, nagpalutang-lutang pa rin ito sa kaniyang itaas. Napaubo-ubo siya sa alikabok na naglaro sa hangin. Pinagmasdan niya na lamang ang pagkilos ng mga nilalang sa kaniyang itaas. Hinintay niya ang mga ito na tuluyan siyang dalhin sa kamatayan. Ngunit hindi kaagad nangyari ang naglalaro sa kaniyang isipan. Humakbang nang ilan ang puting tigre palapit sa kaniya. Lalo siyang napaungol dahil sa natatapakan nitong mga kahoy na nakaipit sa kaniyang kalahating katawan. Ibinaba nito ang bibig na matutulis ang mga ngipin at pangil upang kagatin ang kaniyang ulo. Hindi naituloy ng puting tigre ang balak nitong gawin. Tumama sa mga mata nito ang dalawang pana nagtulak sa mabangis na hayop na umatras. Nang tumingin siya sa itaas ng nasirang bubongan nakita niya ritong nakatayo ang babae. Nangingitim ang mga kamay nito na naghahanda ng pana. Kahit ang mukha nito’y hindi nakaligtas sa pangingitim na dulot ng mga nilalang na sumugod dito. Nag-usal ito ng dasal sa paglagay nito ng pana sa palaso. Sa dulo ng pana’y lumitaw ang apoy. Hindi pinatagal ng babae ang sandali’t pinakawalan na nga nito ang nag-aapoy na pana. Tumama ang pana sa noo ng puting tigre na siya ring patuloy na pag-usal ng babae ng orasyon. Kusang gumalaw nang mag-isa ang pana matapos na tumasok. Bumaon nang bumaon ang pana sa noo ng tigre kasabay ng pagkalat ng apoy. Sa nangyari’y bumagsak ang puting tigre kasunod ang paglaho ng mga nilalang na palutang-lutang sa hangin. Hindi tumigil ang pagkalat ng apoy na siyang tumapos nga sa buhay ng puting tigre. Unti-unting lumiit ang katawan nito hanggang sa mapunta sa likas nitong laki. Tumigil din naman ng apoy nang tuluyang masunog ang balahibo ng manbangis na hayop. Nangitim ang katawan ng tigre na naiwang nakahandusay sa gitna ng daan. Nang masigurado ng babae na hindi na kikilos pa ang mabangis na hayop, bumaba na ito mula sa kinatatayuan. Lumapag ito sa itaas lamang ng kaniyang ulo na isinusukbit ang palaso sa likuran. Walang lumabas sa bibig nito nang alisin nito ang mga kahoy na nakaipit sa kaniya. Hinayaan niya lang ang babae’t nanatiling nakahiga kahit nang maalis nito ang lahat ng kahoy. Lalong kumalat ang mga alikabok sa hangin sa pagbitiw nito sa mga inalis na kahoy. Pinagmasdan siya ng babae na nakaguhit ang pag-aalala sa mga mata. “Ano ang masakit sa iyo?” tanong nito nang hawakan siya nito sa kaniyang balikat upang tulungang makabangon. “Wala,” pagsisinungaling niya rito kahit na ramdam niya ang sakit na pumupukpok sa kaniyang buong katawan. Pinagmasdan nito nang maiiga ang kaniyang buong katawan mula ulo hanggang paa. “Sigurado ka ba? Sinugod ka ng mga nilalang at nabagsakan. Imposbileng hindi ka nasaktan?” ang nasabi ng babae sa kaniya. “Oo. Saka hindi ako bata para magreklamo kung nasasaktan.” Tumayo siya mula sa pagkahiga. Naalis na lamang ng babae ang kamay nito sa kaniyang mga balikat. “Ano ang sinasabi mo? Bata ka pa. Hindi problema kung dadaing ka,” ang nakuhang sabihin ng babae sa kaniya. Sinalubong niya ang mga mata nito. Hindi nga rin naman nito ang alam ang tunay niyang katauhan. “Isipin mo ang sarili mo. Kaya ko ang sarili ko,” paalala niya rito. “Higit kang napuruhan kaysa sa akin.” “Nasanay na ako sa ganito. Mawawala rin ito.” Sinuri nito ang pangngitim ng laman nito sa katawan. “Saan mo ba balak pumunta?” dugtong nitong tanong. “Sa simbahan. Gusto kong malaman kung mayroong nangyaring hindi maganda sa ina ko,” pagbibigay alam niya rito. “Doon din ang punta ko. Sumama ka na sa akin,” sabi ng babae sa kaniya. Nagpatiuna itong umakyat sa ibabaw ng patong ng mga kahoy sabay inilahad nito ang kamay sa kaniya para tulungan siyang makaakyat. Tiningnan niya lang ang kamay nito’t mag-isang umakyat na nagawa niya rin naman. Napapatingin na lamang sa kaniya ang babae. Nang makaakyat nga siya sa itaas ng mga bumagsak na kahoy, sinimulan nila ang paglalakad. Pagkaalis nila sa nasirang bahay, nadaanan nila ang katawan ng puting tigre. Natakpan niya ang kaniyang ilong dahil sa amoy ng pinapakawalan ng nasunog na katawan nito. Inalis niya ang kaniyang tingin sa kanilang pagpapatuloy sa paglalakad. “Ano bang nangyari sa puting tigre?” ang naisapan niyang itanong sa babae. “Ganito ba talaga rito sa mundong ito? Nagagawa ng mga hayop na magbago ng anyo.” Napatitig sa kaniya ang babae dahil sa nasabi niya. “Hindi mo ba naranasan ang ganito?” pag-usisa ng babae sa kaniya. “Hindi,” simple niyang tugon dito. “Hindi naman ako nakakaalis dito sa baryo.” “Sabagay,” pagsangayon na lang ng babae sa kaniya. “Paano nga nangyari?” “Gawa iyan ng nilalang na napunta rito sa baryo niyo,” paglalahad ng babae. “Sa kaya nitong gawin, hindi lang ito basta simpleng nilalang lamang.” Nilingon niya ang katawan ng tigre sa kaniyang narinig mula sa babae. Ibinalik niya rin naman ang kaniyang atensiyon dito matapos niyon. “Hindi mo ba kayang pigilan? Sa nakita ko sa iyo’y mukha ka namang maraming kakayahan.” “Mayroon kasing problema. Hindi namin siya mahanap. Nagpapapanggap siyang taga-baryo,” pagbibigay alam nito. “Kaya mo pa bang tumakbo? Kailangan nating magmadali papunta sa simbahan,” ang naitanong sa huli. “Oo naman,” tugon niya rito kahit na sumasakit pa rin ang kaniyang buong katawan. Tiningnan siya ng babae nang tuwid bago nito sinimulan ang pagtakbo. Napasunod na rin na lamang siya rito nang hindi siya maiwanan. Hindi rin naman gaanong kabilisan ang pagtakbo ng babae. Mahahalatang binabagalan nito nang makasabay siya rito. Naroong lumilingon ito sa kaliwa’t kanan para mag-obserba. Napapatitig na lamang siya sa mga bahay na kanilang nalalampasan dahil karamihan sa mga ito ay sirang-sira na. Nakikita niya rin sa daan ang ilang mga nakahandusay na katawan ng mga taga-roon. Sa bilang ng mga namatay, malaki ang ikakabawas niyon sa populasyon sa baryo. Makalipas ang ilang liko pa’y nakarating na rin sila sa harapan ng simbahan kung saan nagkalat ang mga dugo. Nawasak ang kaliwang bahagi ng simbahan kung saan lumalabas ang liwanag at usapan ng mga tao mula sa loob. Hindi sila sa saradong pinto dumaan kundi sa nawasak na pader. Naunang humakbang sa tambak ng tibag na mga bato ang babae kabundot siya sa likuran nito. Hindi pa man sila nakakapasok hinanap na ng kaniyang mga mata ang kaniyang ina sa mga taong naroon. Nakaupo ang mga tao sa pahabang upuan. Ang lider ng manglalakbay ay kausap ang pari na naroon sa paanan ng altar. Samantalang ang kasamahan nitong lalaki na manipis ang tabas na buhok ay abala sa paggamot sa mga nasugatan. Humiwalay siya sa babae nang maglakad ito patungo sa ginta ng simbahan upang makalapit sa lider ng mga ito. Inisa-isa niya ang mga tao para makita ang ina. Ngunit kahit anong hanap niya’y hindi niya mahanap kahit na anino man lang nito. Napabuntonghininga na lamang siya nang malalim. Naupo na lamang siya sa isa mga upuang bakante, ilang upuan ang layo sa iba. Napapansin niyang iba na naman kung makatitig sa kaniya ang ilang nalamang naroon siya. Lumingon lamang siya sa kaniyang kanan nang tapikin ng lalaking manipis ang tabas ng buhok ang kaniyang balikat. “Nakita mo ang nanay ko?” tanong niya rito. Pinagmasdan siya ng lalaki na malamlam ang mga mata. Huminga ito nang malalim bago magsalita. Nahuhulaan niya kung ano ang nangyari sa kung paano ito tumingin sa kaniya. “Sabihin mo na lang kung paano siya namatay.” “Hindi ka ba man lang natatakot riyan?” pag-usisa nito sa kaniya. Naupo ito sa kaniyang kanan habang nakatingin sa kasamahan nito na nang sandaling iyon ay nakikipag-usap pa rin sa pari. “Bakit naman ako matatakot? Hindi ito ang unang pagkakataon na namatay ang magulang ko. Lahat naman tayo ay napupunta sa kamatayan. Hindi mo alam kung kailan lalo na sa mundong ito.” Napatitig na naman sa kaniya ang lalaki. “Nahihiwagaan ako sa iyo. Hindi ka dapat nagsasalita nang ganiyan. Maiiwan kang mag-isa sa pagkawala ng nanay mo.” “Mag-isa na ako noon pa man. Hindi na bago,” ang walang buhay niyang sabi sa lalaki. “Hindi mo ba sasabihin kung paano namatay ang nanay ko?” Mahahalata ang paghinga nang malalim ng lalaki sa pagbagsak ng balikat nito. “Nilamon siya ng oso. Nahuli na kami nang dating para mailigtas pa siya,” pagbibigay alam ng lalaki sa kaniya. “Saan na iyong oso?” tanong niya rito. “Patay na. Huwag mo nang alalahanin.” “Sa ngayon, kailangan niyo na talagang hanapin ang nilalang na nanggugulo rito,” paalala niya sa lalaki na sinagot nito ng isang tango. “Tama ka riyan,” pagsangyon pa nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD