KUMILOS ang lahat patungo sa kakahuyan na walang naiiwan sa kanila. Pinabayaan lamang nila ang katawan ng halimaw sa daan na nagsisimula na ring maglaho katulad sa nasusunog na papel. Nagpatiuna sa paglalakad ang tatlong manglalakbay habang napapagitnaan ng mga ito ang batang maputi ang buhok. Samantalang siya naman ay nagpapahuli nang ilang hakbang. Nababalot ang kakahuyan ng katahimikan. Makikita sa mga matatayog na punong kahoy ang mga tanda ng dumaang pagpuksa sa halimaw. Naroong nabali ang mga sanga ng mga kalapit na punong kahoy sa kanilang nilalakaran. Sa katawan din ng mga puno ay kapansin-pansin ang malalalim na kalmot ng halimaw. Sa pagtaas ng lider ng kanang kamay nito ay napatigil na lamang ang lahat sa paglalakad. Tumingin ito sa malayo pailalim ng kakahuyan. Lumingon kapagkuwan sa kaliwa't kanan sa pakikiramdam nito, pagkaraa'y binaba na rin naman nito ang tinaas na kamay na siyang naging hudyat sa kanilang pagpapatuloy sa paglalakad.
Hindi maiwasan ni Greyson na pagmasdan ang batang lalaking maputi ang buhok. Hinampas nito ang kamay sa batok nang kumagat sa balat nito ang kulisap. Nang maibaba ng batang lalaki ang kamay nito pinunas nito ang palad sa suot nitong pantalon. Samantalang siya naman ay napatitig sa batok nito dahil sa mukha ng puting tigre na nakaguhit sa balat nito. Bumalik sa kaniyang isipan ang binatang bumangga sa kaniya nang naroon siya sa interseksiyon ng pinanggalingang mundo.
Lumiko ang lider patungo sa kaliwa matapos makita ang mga dugo sa lupa kaya sumunod sila rito na hindi nagtatanong.
Hindi niya inalis ang kaniyang tingin sa batok ng batang lalaki kung kaya napansin iyon ng bata nang ito ay lumingon sa kaniyang direksiyon. Pinagmasdan siya nito nang masama kaya iniwas na rin niya ang tingin dito. Ibinalik din naman ng bata ang tingin sa harapan at hindi siya pinagkaabalahang kausapin.
Saglit siyang napatigil sa paghakbang nang umihip ang hangin mula sa kanluran. Napayakap siya sa kaniyang sarili dulot ng lamig. Nagsitayuan ang balahibo sa kaniyang katawan na siyang naging dahilan upang lumingon siya sa pinanggalingan ng hangin. Sa pagkatitig niya sa gitna ng mga puno ay mayroon siyang kung anong narinig na mabilisang bulong sa kaniyang tainga. Dahil dito ay nagmadali siyang maglakad sapagkat naiwan na rin naman siya ng mga manglalakbay.
Naging mabilis ang kaniyang paghakbang dulot ng kabang naramdaman.
Sa paglapit niya sa grupo sa kaniyang unahan tumigil ang mga manglalakbay. Pinigilan ng manglalakbay na babae ang batang lalaki. Humarang ito sa harapan upang tumigil sa paglalalakad ang bata.
"Dito ka lang," saad ng babae.
"Bakit mo ako pinipigilan?" matigas na tanong ng batang lalaki.
Lumingon ang manglalakbay na babae sa dalawang kasama nito sa pag-ikot ng mga ito sa malaking puno. Huminto ang mga ito sa likuran niyon.
Ibinalik ng babae ang tingin nito sa batang lalaki. "Hindi maganda para sa batang katulad mo na makita ang kalagayan ng alalay mo," paglalahad ng babae sa malumanay nitong tinig.
"Kung ganiyan ang sinasabi mo, ibig sabihin patay na nga siya. Titingnan ko pa rin ang sinapit niya. Hindi mo ako mapipigilan," saad ng batang lalaki sa manglalakbay na para bang higit itong nakakatanda rito.
Napabuntong-hininga na lamang nang malalim ang babae sa narinig.
Hinatid na lamang niya ng tingin ang batang lalaki sa paglalakad nito patungo sa likuran ng malaking puno.
"Akala ko ba'y isang mahusay na heneral ang matanda. Pagkatapos ngayon matatagpuan na lang siyang patay," ang kaniyang naisatinig sa manglalakbay.
Ibinaling ng babae ang atensiyon nito sa kaniya. "Sa palagay ko ay hindi lang basta simpleng paglabas ng mga halimaw ang nangyari rito," paliwanag ng babae sa kaniya. "Huwag mo na lang itanong dahil hindi mo maiintindihan."
"Paano mo naman nasabing hindi?" ang naisatinig niya sa babae.
Mapapansin ang malalim na pagbuntong-hininga ng babae sa pagbagsak ng mga balikat nito. "Huwag mo na lang alamin. Kakaiba ka man ngunit masyado ka pang bata para maintindihan mo ang tinutukoy ko," saad ng babae sa kaniya. Huminto ito sa pagsasalita nang bumalik ang lalaking kasamahan nito na manipis ang tabas ng buhok.
"Kailangan nating mag-usap saglit," pagbibigay-alam ng lalaking manglalakbay.
"Para saan?" nagtataka namang tanong ng babae. Imbis na sumagot ang lalaking manglalakbay. Iginalaw lamang nito ang ulo patungo sa kaliwa bago ito muling naglakad patungo sa pinuntahan ng lider ng mga ito kasama ang batang lalaking maputi ang buhok. Ang babae ay binalik nito ang tingin sa kaniya. "Magpahinga ka muna riyan sa katawan ng tumbang puno. Hintayin mo na lang kami rito. Hindi naman kami lalayo," wika ng babae na tinuturo pa ang katawan ng punong natumba sa gawing kanan.
Hindi siya nagsalita sa paglalakad ng babae para sumunod sa kasamahan nito. Lumayo nga ang mga ito nang bahagya mula sa kinalalagayn ng katawan ng matandang alalay. Hindi niya pinakinggan ang bilin sa kaniya ng manglalakbay. Naglakad pa rin siya patungo sa likuran ng malaking puno. Nadatnan niya ang katawan ng matandang lalaki na natabunan ng balabal ng lider. Basang-basa ng dugo ang lupang kinalalagyan nito. Hinawakan niya ang dulo ng balabal upang mapagmasdan niya nang maayos ang katawan. Hindi niya na rin nagawang iangat pa ang balabal sapagkat tumakbo ang dugong kumapit sa balabal sa dumikit niyang kamay. Naramdaman niya ang bigat at init ng paghigop ng kaniyang katawan. Hindi natigil ang dugo kaya pati ang dugong bumasa sa lupa ay gumalaw. Sa pagkagulat niya ay nanglaki na lamang ang kaniyang mga mata. Bumitiw siya sa balabal kasabay ng kaniyang paghakbang palayo rito. Pinagmasdan niya ang kaniyang kamay kung saan unti-unting naglaho ang dugo pailalim ng kaniyang balat.
Lumingon lamang siya nang mariinig niya ang pagbalik ng mga manglalakbay kasama ang batang lalaki. Pinagmasdan siya ng mga ito sa kaniyang kinatatayuan.
"Ano ang problema?" tanong sa kaniya ng lider sa pagtitig nito sa kaniyang nakataas pa rin na kamay.
Naibaba na lamang niya ang kaniyang kamay sa naging katanungan. "Wala naman. Balak ko sanang tingnan ang katawan," pagdadahilan niya rito na tunay ngang nangyari. "Hindi ko na lang tinuloy. Kinabahan ako bigla," dugtong niyang pagsisinungaling dito.
Umalis siya sa kaniyang kinatatayuan sa paglalakad ng lider palapit sa katawan ng matandang lalaki. Iniwan niya ang mga ito upang higit na maging kapanipaniwala na natakot siya. Naghintay na lamang siya sa nakatumbang katawan ng punong kahoy. Pinagmasdan niyang muli ang kaniyang kamay dahil hindi niya pa rin maipaliwanag ang nangyari sa kaniya. Inilabas ng lalaking manipis ang tabas ng buhok ang maliit na pangbungkal ng lupa sa sisidlan sa likuran nito. Inihinto niya ang pagmasid niya sa kaniyang kamay nang mapagtanto niyang nakatitig sa kaniya ang batang lalaki. Pinagtulungan ng mga manglalakbay ang pangbungkal ng lupa na siyang magiging libingan ng matandang lalaki.
Sinalubong niya ang tingin ng batang lalaki dahil na rin sa katanungang nabuo sa kaniyang isipan tungkol sa pag-uusap ng manglalakbay kasama ito malayo sa kaniya. Pakiramdam niya ay mayroon siyang dapat malaman tungkol na siyang naging paksa ng naging usapan. Sa hindi niya nga pag-iwas pinagmasdan siya nang masama nito. Hindi niya maiwasang itanong sa kaniyang sarili kung ang bata at ang binatang nakabangga niya sa mundong pinanggalingan ay iisa. Kung iisa nga ang mga ito hindi malayong maging ito ay nadala rin sa mundong iyon. Walang kasiguraduhan ang kaniyang naiisip sapagkat wala rin namang sinabi sa kaniya ang babae na nagdala sa kaniya sa mundong iyon. Hindi lumabas sa bibig nito na hindi lamang siya ang ipapanganak muli.
Ang batang lalaki na lamang ang umiwas sa kaniyang tingin sa hindi niya pagkilos. Ibinaling nito ang atensiyon sa paglilibing ng mga manglalakbay sa alalay nitong matanda. Matapos maipasok ng mga manglalakbay ang katawan, tinabunan ng mga ito ng binungkal na lupa. Kapagkuwan ay pinatungan ng mga batong nakuha ng mga ito na nakakalat sa paligid hanggang sa magkaroon ng puntod. Tumigil ang mga manglalakbay na nagpapagpag ng mga kumapit na lupa sa kamay ng mga ito.
Pinagmasdan ng lider ng manglalakbay ang batang lalaki. "Mayroon ka ba talagang kilala sa Kingon?" ang naitanong ng lider na si Drust sa bata.
"Oo. Hindi ako magtutungo roon kung wala. Huwag kang mag-aalala pagdating natin doon, babayaran ko kayo ng malaking halaga," saad ng batang lalaki.
"Hindi ko iniisip ang salapi. Sinisigurado ko lang ang kaligtasan mo kung iiwan ka nga namin doon," saad ng manglalakbay sa paglalakad nito. Nilingon nito ang kasamahan nito. "Ibang-iba na nga talaga ang mga kabataan ngayon," ang makahulugang dugtong nito na mayroong kasamang pag-iling ng ulo.
Napangiti na lamang ang dalawa nitong kasamahan.
"Tutuloy na ba tayo?" tanong ng lalaking manipis ang tabas ng buhok.
"Oo. Mas mainam na lumakad na tayo nang hindi tayo maabutan ng gabi sa daan. Malapit na rin naman tayo sa unang bayan papasok ng Kingon,," sabi ng lider sa pagpapatiuna nito. Sumunod naman dito ang dalawang manglalakbay kasabay ang batang lalaki.
Sa pagdaaan ng lider sa kaniya ay tumayo na siya mula sa kaniyang kinauupuan. Sumabay siya sa paglalakad nito. "Anong sinabi sa inyo ng bata?" saad niya sa manglalakbay kaya napalingon ito sa kaniya.
"Wala naman. Tinanong ko lang siya kung saan siya namin iiwan dahil wala na siyang kasama ngayon," pagbibigay alam ng manglalakbay sa kaniya.
"Hindi ako naniniwala sa iyo. Nagsisinungaling ka," aniya sa manglalakbay.
"Bakit mo naman nasabi ang ganiyan?"
Pinag-isipan niya kung dapat niya bang sabihin ang hinala dito dahil sa tatu na mukha ng tigre. "Nakita ko na siya dati pa," paglalahad niya rito sabay lingon sa nakasunod sa kanila. "Gusto kong malaman kung sino siya," dugtong niya nang ibalik niya ang atensiyon sa paglalakad.
"Paano mo naman siya makikita gayong hindi ka naman nakakaalis ng baryo niyo?" paalala sa kaniya ng manglalakbay. Pinagmasdan siya nito nang tuwid. "Sa palagay ko rin ay ni minsan hindi siya nagtungo roon. Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin na gusto mo siyang makilala."
"Nagkakamali ka. Wala akong balak na siya ay kilalanin. Nasabi ko lang dahil pamilyar ang kaniyang mukha," pagdadahilan niya na lamang dito. "Huwag mong sabihing isa siyang mahalagang tao kaya tikom ang bibig mo tungkol sa kaniyang pagkatao. Mula ba siya sa aritokrasyang pamilya?" dugtong niya kaya napatitig sa kaniya ang manglalakbay.
"Sandali nga. Sa mga sinasabi mo ako dapat ang mayroong malaman tungkol sa iyo. Sabihin mo hindi ka lang ordinaryong bata, hindi ba? Napunta ka lang sa baryo. Mayroon ka ring mga lihim kaya iba ang pagsasalita mo."
"Wala akong tinatago. Kung wala kang balak na sabihin kung sino ang bata, hindi naman kita pipilitan," ang huli niyang sinabi sa manglalakbay nang dagdagan niya nang bilis ang kaniyang paglalakad.
Hindi siya lumingon sa kaniyang paghakbang. Huminto lamang siya nang umihip na naman sa kaniya ang malamig na simoy ng hangin. Napatitig na naman siya sa malayo. Sa pananatili niya ng kaniyang tingin sa likuran ng mga puno naririnig niya ang mga bulong sa kaniyang dalawang tainga. Nawala lamang iyon sa paglapit ng manglalakbay.
"Ano ang dahilan mo't tumigil ka?" tanong sa kaniyang lider ng manglalakbay.
"Nakakarinig ako ng bulongan na para bang tinatawag ako."
Kapwa sila muling naglakad ng manglalabay, nakasunod pa rin sa kanila ang tatlo sa kanilang likuran. "Huwag kang makinig sa mga bulong. Ligaw na kaluluwa ang mga iyon," wika ng lider. "Maraming mga namatay sa kakahuyan na ito."
"Kaya naman pala," aniya na mayroong kasamang pagtango bilang nauunawaan niya ang sinabi nito. Ibang-iba nga rin naman ang kakahuyan niyon sa kagubatang nakapaligid sa pinanggalinggang baryo. Wala siyang narinig na kung anong mga bulong sa lugar na iyon kundi ingay lamang ng mga hayop.
"Sino ka ba talaga?" ang biglang naitanong sa kaniya ng manglalakbay. Nanigas ang kaniyang katawan kaya napatayo siya nang tuwid. "Paano mo narinig ang mga bulong gayong ako nga ay walang marinig samantalang higit akong mayroong kaalaman?"
Marahan siyang lumingon sa manglalakbay. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito dahil hindi niya rin alam kung bakit. Sa nasabi ng manglalakbay hindi siya dapat nakakarinig ng kung anong mga bulong. Marahil iyon ay dahil nga sa nagmula siya sa ibang mundo.
Sinalubong niya ang mapanuring mga mata ng manglalakbay. "Ano ba ang gusto mong marinig mula sa akin?" panunubok niya sa manglalakbay. "Kahit siguro sabihin ko sa iyo ngayon na ordinaryong bata lamang ako, hindi ka na maniniwala kung tinatanong mo ako nang ganiyan. Hindi na lamang ako magsasalita dahil magsasayang lang ako ng laway."
Hindi natuloy ang pag-uusap nilang dalawa ng manglalakbay sa paglapit ng tatlo sa likuran ng lider. Napatitig siya sa batang lalaki sa paghinto nito. Nagkasalubong din naman ang kanilang mga tingin bago siya muling naglakad.