Kabanata 18

2048 Words
NAGING tahimik sa kanilang mesang kinauupuan sa paglapag ng serbedora sa karneng kanilang kakainin. Sa naging usapan nila't galit na mukha ng batang lalaki, walang nagsalita sa kanila. Nanatiling tikom ang bibig ng bawat isa sa pagsisimula nilang kumain. Tanging pagtama ng kubyertos ang nag-uusap. Sa pagkagat niya sa karne ay nalusaw lamang iyon sa loob ng kaniyang bibig na nagtulak sa kaniya na pumikit upang lasapin ang katas niyon. Kailanman ay hindi siya nakakain ng karne na katulad ng kinakain nila nang sandaling iyon sa pinanggalingan niyang mundo. Sa takaw niya ay isang hiwa na lang maaubos niya na ang karne sa pinggan na kahoy. Naimulat niya lamang ang kaniyang mata nang marinig niyang kumilos ang batang lalaki sa kaniyang tabi. Ibinaba nito ang hawak na kutsara na gumawa ng ingay sa mesa't nagpunas ito ng bibig gamit ang isa pa nitong panyo mula sa bulsang suot nitong pantalon. Matapos nitong magmunas tumayo na ito sa kinauupuan kaya napapalingon na lamang siya rito't maging ang mga manglalakbay ay ganoon din. "Saan ka pupunta?" ang kaagad na tanogn ng lider kahit na mayroong laman ang bibig nito. Sinalubong ng batang lalaki ang tingin ng manglalakbay. "Magpapahangin lang ako diyan sa harapan. Hindi ko nagugustuhan ang hangin dito sa loob," ang makahulugan nitong sabi. "Hindi ako lalayo. Walang mangyayari sa akin habang narito sa bayan na ito." "Sige. Basta kung mayroon kang mapansin na kakaiba sa labas, bumaik ka rito. Tapusin lang namin itong pagkain," saad ng manglalakbay at binaik nito ang atensiyon sa pagkain. Inalis niya ang tingin sa batang lalaki sa pag-alis na nga nito ng mesa. Maging siya ay binalik niya rin ang pagkain sa huling piraso ng karne. Sa pagnguya niya'y mataman siyang pinagmasdan ng lider sa kaniyang harapan. Sa paraan nang pagtitig nito ay nahuhuluan niya kung ano ang gusto nitong gawin niya nang sandaling iyon. Napabuntonghininga na lamang siya nang malalim at uminom ng dalandan. Sumilay ang manipis na ngiti sa labi ng manglalakbay sa pagtayo niya mula sa mesa. Lumakad na rin siya palayo't lumabas na nga ng tuluyan. Pagkalabas niya ng pintuan ay hinanap niya kaagad ang batang lalaki dahil wala ito sa harapan nang tuluyan. Dahil lumingon siya sa kaliwa't kanan habang naglalakad. Nakahinga lamang siya nang maluwag nang makita niya ito sa dulo ng lansangan kung saan naroon ang bukal. Nakatitig lamang ito sa rebulto ng isang anghel na naroon sa gitna ng bukal. Nakabuka ang mga pakpak ng rebultong anghel at nakataas ang kamay na animo'y mayroong inaabot sa kalangitan. Bumibisirit ang tubig sa paanan ng rebulto. Lumakad siya patungo sa kinatatayuan ng batang lalaki't tahimik na humakbang nang malapit na siya sa likuran nito. "Mayroon din pa lang mga anghel dito," ang nakuha niyang sabihin nang tuluyan na nga siyang nakalapit sa batang lalaki. Nilingon siya nito na salubong ang dalawang kilay. "Ano ang ginagawa mo rito?" ang matapang na sabi sa kaniya ng batang lalaki. "Wala naman. Sinunod ko lang iyong manglalakbay," sagot niya naman dito. Tumayo sa kanan nito pinagmasdan at rebulto na sa malapitan ay nakita niya na ang balute sa katawan nito. "Ano ang paniniwala niyo rito sa anghel? Bumababa ba sila mula sa langit kapag mayroong mahalagang pangyayari?" "Kung magsalita ka'y para kang galing sa ibang mundo." "Bakit ikaw ba'y galing din sa ibang mundo?" balik niyang saad sa batang lalaki. "Ano ang pinagsasabi mo? Nahihibang ka ba?" "Tinatanong lang kita dahil wala akog gaanong alam sa mundo ng Kasarag." Tinaas niya ang kamay na nakaturo sa rebultong anghel. "Sabihin mo na lang sa akin ang tungkol sa kanila. Wala akong ideya." "Sino ka para utusan ako nang ganiyan? Ako na isang prinsipe, uutusan mo," matigas na sabi ng batang lalaki. "Inamin mo rin na isa ngang prinsipe." Lalong nadagdagan ang sama nang tingin nito sa kaniya. "Kinamumuhian ko ang tulad mo. Makabalik lang ako sa palasyo, saan ka man pumunta papahanap kita nang maikulong kita sa piitan sa ilalim ng lupa," pananakot nito sa kaniya. Kinabahan siya sa kaniyang narinig mula rito na nagtulak sa kaniya para lumunok ng laway. Hindi talaga ito nagbibiro sa naging timbre ng tinig nito. Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang sarili't makaiwas sa inis nitong nararamdaman. "Makakabalik ka ba? Sa tingin ko ay ikaw ang kusang umalis sa palasyo. Hindi ka narito kung hindi," paalala niya rito. "Ano bang nangyari sa iyo? Pinalayas ka ba? Sabihin mo na, hindi kita huhusgahan." "Manahimik ka. Wala akong panahon para makipag-usap sa iyo," sabi nito sa kaniya. "Nag-uusap na tayo." Humakbang ito palapit sa kaniya't napahakbang siya patalikod para lumayo rito. Itinaas pa nito ang kamay para siya ay hawakan. Umuusok ang kamay nito dahil sa paglamig niyon katulad ng yelo. Hindi rin naman nito tinuloy kaya napatitig na lamang siya rito. "Huwag na huwag kang lalapit sa akin kung ayaw mong pagsisihan na ipinanganak ka pa." Pinukolan siya nito nang matalim na tinginb kapagkuwan ay lumakad na ito pabalik sa tuluyan. Huminga siya nang maluwag sa paglalakad palayo ng batang prinsipe. Ibinaling niya na lamang ang kaniyang tingin sa rebulto't napaatras nang biglang gumalaw ang mga mata nito't pinagmasdan siya paibaba. Napaatras siya dahil sa takot na naramdaman. Sa pagkatalikod niya nga ay bumangga siya sa pinuno ng mangangaso na kakaalis lamang ng tuluyan. Sa likuran ng mangangaso ay ang ibang kasamahan nito na matalim ang ngisi. Hindi siya nakakakilos nang hawakan ng mangagaso ang likuran ng kaniyang suot. Iniangat siya nito mula sa lupa nang ilang talampakan. Pinagmasdan niya ang mukha nitong pinuno ng tatu. Bumilis ang t***k ng puso niya sa posibilibad ng mangyayari sa kaniya. Hindi niya gustong isipin na inutusan ng batang prinsipe ang mangangaso para pagdiskitahan siya. "Bata, gusto mo bang sumama sa amin?" ang tanong sa kaniyang ng mangagaso. Gumuhit ang ngisi sa labi nito. "Ibaba mo ako," aniya sa mangangaso. "Wala akong balak sumama sa inyo. Inutusan ba kayo ng batang iyon para gawin niyo ito sa akin?" dugtong niya sa kabila ng takot na nararamdaman. "Ano sa tingin mo?" saad ng mangangaso't tumawa ito nang mahina. Hinawakan niya ang kamay nito't kumawag-kawag ngunit wala rin naman iyong naitulong. Ang ginawa niya na lamang ay sinipa ito sa mukha nang maitulak niya ang sarili palayo rito. Sa kasamaang-palad wala ring naging magandang resulta. Hawak pa rin siya nito't sumama ang mukha nito. Pinunasan nito ng palad ang mukha't binalibag siya pabalik sa bukal. Bumangga ang likod niya sa rebulto na kaniyang ikinaungol at bumagsak siya sa malamig na tubig na isang dangkal ang lalim. Pinilit niyang bumangon nang humingi ng tulong sa kaniyang paligid. Hindi na rin naman niya nagawa nang abutin siya ng mangangaso't tinakpan ang kaniyang bibig nang hindi siya makasigaw. Sa liit ng katawan niya bilang bata'y naging madali rito na buhatin siya patungo sa eskenita kasunod ang ibang kasamahan nito nang walang ibang makapansin sa kanila. Sa pagpasok nito sa kaniya'y sa madilim na eskenita nagbabalik sa kaniyang isipan ang mga pagbugbog mula sa pinanggalingan na mundo. Pumailalim nang pumailalim sila hanggang sa hindi na makatuloy nang makarating sa katapusan niyon. Muli siyang binabalibag nang mangangaso't bumangga siya sa pader. Napapaungol na lamang siya sa pananakit ng kaniyang katawan. "Ano ba ang kailangan niyo sa akin? Wala kayong makukuha sa akin," sabi niya rito nang iupo niya ang kaniyang sarili. Nakadikit ang kaniyang likod sa pader. Hinarang niya ang kaniyang mga kamay sa harapan nang hindi niya makita ang pagmumukha ng mga manangangaso. "Alam ko," saad ng mangangaso't tinapakan nito ang kaniyang mukha. "Kinaiinisan ko ang kulay ng buhok mo. Kumita na ako dahil sa batang iyon, maiisahan ko pa si Drust. Kapag namatay ka rito siguradong dadalhin niya sa kaniyang konsensiya hanggang hukay. Walang makakarinig sa iyo rito kahit sumigaw ka pa nang malakas." "Pakawalan niyo ako. Maawa kayo sa akin," aniya sa mangangaso kaya tinawan lamang siya ng grupo. "Kahit magmakaawa ka, walang mangyayari. Bangkay ka nang matatagpuan dito," sabi ng mangangaso't tumawa ito nang masama. Sinipa siya nito sa mukha kaya nahilo siya sa ginawa nito. Bumagsak siya na nanglalabo ang kaniyang mga mata. Hindi nakuntento ang mangagaso sa ginawa nito't sinipa naman siya nito sa tiyan. Ibang-iba nga rin naman ang mangangaso sa mga nangbugbog sa kaniya. Sa laki ng katawan nito hindi niya natiis ang sakit na naramdaman. Sa balak na pagsipa sa ikatatlong pagkakataon ng mangangaso, bigla na lamang mayroong nagsalita sa likuran ng grupo ng mangangaso. "Ano sa tingin niyo ang ginagawa niyo?" saad ng tinig ng isang babae. Lumingon ang mga mangangaso't tumama ang mga mata nito sa taong nakabalabal. Naglagay ng daan ang mga mangangaso nang makita nang pinuno nang maayos ang babae. "Umalis ka rito kung ayaw mong madamay," pagbabanta ng pinuno na hindi umaalis sa kinatatayuan nito. Pinagmasdan nito nang maigi ang babaeng nakabalabal ng kulay itim. Kahit ang kasamahan nitong apat na mangangaso'y nakatitig sa estranghero't nag-aabang na nakakapit ang mga kamay sa mga sandata na dala ng mga ito. "Hindi pa ako nasisiraan ng ulo para sundin ko ang sinasabi niyo," saad ng babae na walang bahid ng takot sa tinig nito. "Lalo na't sa nakikita ko'y pinahihirapan niyo ang bata." "Kung ganoon sasamahan mo siya sa hukay," anang mangangaso't binaling ang atensiyon sa mga kasamahan nito. "Pigilan niyo," utos nito. Sumunod naman ang apat na mangangaso't tumakbo sa kinatatayuan ng babae. Bago pa man makalapit ang mga mangangaso mabilis na kumilos ang babae't lumusot sa mga sumugod dito na siya ring paglabas nito na patalim sa likuran ng balabal nitong suot. Pagkalampas ng babae sa apat na mangangaso'y magkakasunod na nagsibagsakan ang mga ito sa lupa. Napadura na lamang nang mapait ang pinuno ng mangangaso sa nasaksihan nito. Hindi nagaksaya ng sandali ang babae't sinugod nito ang mangangaso. Inalis ng manangangaso kaagad ang palakol na dalawa ang talim sa likuran nito't hinampas. Sinalubong ng babae ang talim ng palakol gamit lamang ang patalim nitong hawak. Bumaon ang mga paa ng babae sa lupa sa puwersa na dulot ng paghampas sa palakol. Binawi ng mangangaso ang palakol at iwinasiwas iyon sa babae. Umiwas ang babae sa pagtalon nito nang palipat-lipat sa dalawang pader. Nang mataas na ito'y tumalon ito sa ere't hinawi ang suot na balabal na umugong sa hangin. Sa pagwasiwas nito sa kanang kamay, nagsiliabasan ang hindi mabilang na punyal sa ilalaim nito. Pinakawalan ng babae ang mga punyal paibaba sa mangangaso. Naging mabilis ang pagbaba niyon kasing bilis ng liwanag. Hinarang ng mangangaso ang malaking palakol nito nang maproteksiyunan ang ulo. Nagawa nga ng mangangaso na pangalagaan ang mukha ngunit ang ibang bahagi ng katawan nito'y hindi. Bumaon sa iba't ibang bahagi ng katawan nito ang mga punyal. Ang iba namang hindi tumama rito'y bumaon sa lupa. Huminga kapagkuwan nang malalim ang mangangaso. Tumigas ang katawan nito't tumalsik ang mga punyal na bumaon na kumalatong pa pagbagsak. Lumitaw ang babae sa uluhan ng mangangaso nang alisin nito ang palakol. "Hanggang dito ka na lang," ang mabilis na sabi ng babae sa mangangaso. Nanglaki na lamang ang mata ng mangangaso nang hawakan ng babae ang ulo nito't binaon sa ulo nito ang punyal na tumarak sa bungo nito hanggang sa utak nito sa loob. Nagawa pa rin naman ng mangangaso na iwasiwas ang palakok nito kaya tumalon palayo ang babae. Lumapag ito ilang dangkal ang layo sa mangangaso. Sumugod ang mangangaso sa kabila ng kalagayan nito nang mga sandaling iyon. Hindi na rin naman ito nakalapit sa kinatatayuan ng babae't bumagsak na lamang ito sa lupa. Sa pagtahimik ng eskinita pinagmasdan ng babae ang katawan ng mangangaso at binaling ang tingin sa kaniya. Nang ipikit niya ang kaniyang mata nakuha niya pang magsalita. "Sino ka?" ang tanong niya upang malaman kung ang babae ay ang nagdala sa kaniya sa mundong iyon. Hindi niya ito mamukhaan dahil sa nakatalukbong ito ng balabal. Tumakbo palapit sa kaniya ang babae sa pagkawala ng kaniyang ulirat. Naramdaman niya na lamang ang pagbuhat nito sa kaniya't ang pagsasalita nito. "Huwag kang mag-aalala. Ligtas ka na ngayon," paniniguro ng babae sa kaniya. Sa lapit niya rito, napagtanto niyang iba ang tinig ng babae. Malayo sa babaeng nais niyang makausap. Imahinasyon niya lamang na pinuntahan nga siya ng babae na mayroong pakana kaya siya nabubuhay sa mundong iyon. Gayunman pinagpasalamat pa rin niya kahit papano na nailigtas siya nito sa kapahamakan bago siya tuluyang lamunin ng kadiliman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD