NAGISING siya na nanakita ang kaniyang katawan. Pagkamulat ng kaniyang mga mata'y hindi pamilyar na kisame ang sumalubong sa kaniya. Sinapo niya ang kaniyang ulo nang siya ay maupo't iniikot ang kaniyang paningin sa loob ng kuwartong walang ibang gamit kundi ang higaan, tukador at ang salaming mayroong mesa katabi ng bintana na naroon sa gawing paanan ng kama. Pumapasok ang malamig na simoy ng hangin sa silid kaya sumasayaw ang maputing kurtina. Sa itsura ng pader ng silid na abuhin ang kulay malalamang gawa sa bato ang kabuuan ng bahay. Pinagmasdan niya ang kaniyang sarili na iba na ang suot. Malinis na pang-itaas na puti ang kulay ang ibinihis sa kaniya't pinaresan ng kayumangging salwal. Umalis siya ng kama nang marahan na hawak ang dibdib, nararamdaman niya pa rin ang pananakit ng kaniyang kalamnan at buto dulot ng pagbugbog sa kaniya ng mangangaso.
Bahagyang yumangitngit ang kama sa kaniyang paggalaw na malinaw na maririnig sa katahimikan ng silid na kaniyang kinalalagyan. Isinuot niya ang tsinelas na naroon sa tabi't humakbang papalapit sa bintana. Dumungaw siya rito't nalaman niyang nasa ikalawang palapag siya ng bahay. Pinagmasdan niya ang kalaparan ng parang kung saan naroon ang mga kabayo, tupa, kalabaw at kambing na kumakain ng damo. Nang ibaba niya ang kaniyang paningin tumama ang kaniyang mata sa isang babaeng nagsisibak ng kahoy kalapit ng balon. Ang buhok nito ay nakatali sa likuran ng ulo nang hindi madala ng hangin. Nakasuot ito ng blusang dilaw na sinusundan ang indayog ng hangin. Inihampas ng babae ang palakol nang walang kahirap-hirap sa nakatayong kahoy at nasibak iyon kaagad sa isang hampasan lang.
Naramdaman ng babae na mayroong nakatingin dito kaya lumingon ito sa kinalalagyan niyang silid. Pagkasalubong ng kanilang tingin kumaway ito sa kaniya na mayroong kasamang panggiti. Nagpunas ito ng pawis sa noo gamit ang panyong inilabas mula sa bulsa ng suot at pinatong ang palakol sa katawan ng punong kahoy na sibakan. Umalis na rin siya sa puntong iyon ng bintanan't lumabas ng silid. Gumagawa ng ingay ang kaniyang paghakbang na umalingawngaw sa loob ng bahay. Marahan niyang binuksan at sinara ang pinto, kapagkuwan ay tumuloy sa hagdanan na kalapit lang ng pinaggalingan niyang silid.
Narinig niya na lamang ang paglapit ng babae sa pagbaba niya ng hagdanan. Hindi pa man sya nakakarating sa kalagitnaan ng hagdanan, dumating ang babae't tumayo sa paanan niyon.
"Mabuti naman nagising ka na," ang magiliw na wika ng babae sa kaniya. Ibinalik nito sa bulsa ng blusa ang ginamit na panyo. Hindi naalis ang ngiti sa labi nito.
"Sino ka?" ang naisipan niyang sabihin dito. "Ano ang ginagawa ko rito?"
Pinagmasdan siya ng babae nang tuwid sa saglit nitong pagtataka.
"Nakalimutan mo na ba ang nangyari? Iniligtas kita nang isang gabi sa kapahamakan. Dinala na kita rito nang magamot," paglalahad ng babae sa kaniya.
Huminto siya sa pagbaba ng hagdanan nang ilang baitang na lamang ang layo niya rito. Sa narinig isa lamang ang ipagkahulugan niyon, ito nga ang babaeng tumulong sa kaniya. "Ibig mo ring sabihin matagal akong tulog?" ang naitanong niya rito.
"Oo," tugon nito na mayroong kasamang pagtango. "Napuruhan ang katawan mo dahil sa bugbog. Pero ngayong maayos ka na rin. Wala ka nang iisipin."
Nang sandaling iyon ito naman ang kaniyang pinagmasdan nang tuwid.
"Bakit mo ako tinulungan?" pag-usisa niya rito.
"Dahil kailangan mo ng tulong," sagot naman nito. "Halika ka sa kusina't ipaghahanda kita nang makakain."
Sa sinabi nito'y nasapo niya ang kaniyang tiyan sa pananakit niyon dulot ng gutom. Lumakad na ang babae patungo nga sa kusina't naiwan siyang nakatayo pa rin sa hagdanan. Nag-alangan siyang sumunod dahil nga sa hindi niya kilala ang babae. Hindi siya nakakasigurado kung mabuting tao ito. Sa huli ay bumababa na rin siya sa hagdanan nang tuluyan dahil kung masamang tao ito'y hindi siya nito tutulungan. Imposible rin namang gagamitin siya nito sa kung anong maisipan nito. Wala itong mapapala sa kaniya sa pagiging mahirap niya't ulila. Lalo na rin at hindi siya nito kilala.
Naroon pa rin sa kaniyang isipan ang pagdadalawang-isip sa kaniyang pagtungo sa kusina. Payak lamang ang loob ng bahay at walang ano mang palamuti. Pagkapasok niya sa pintuan ay nasinghot niya kaagad ang pagkaing inihanda ng babae na lalong nagpakulo sa kaniyang tiyan. Nanghina man ang kaniyang tuhod nagawa niya pa ring maglakad nang may kabilisan palapit sa mesa. Nakahanda na nga roon ang kaniyang kakainin na umuusok pa.
Tiningnan niya ang babae sa kaniyang pag-upo't sinimulan ang pagkain. Dahil sa hilig niya ang kumain tuluyang nawala ang bagabag sa kaniyang isipan. Sa paghigop niya ng sabaw sa niluto nito'y napapikit na lamang siya ng kaniyang mata. Lasap na lasap niya sa kaniyang dila ang mga pangpalasang ginamit ng babae.
"Masarap ang pagkaluto mo," komento niya't sinimulang isubo ang karneng nakalublob sa sabaw.
Lalong lumapat ang ngiti sa labi ng babae dahil sa narinig mula sa kaniya. "Mabuti naman nagustuhan mo. Nagbunga ang aking pagsasanay sa pagluluto. Inihahanda ko kasi ang sarili ko sa buhay may asawa. Kaso wala naman akong mahanap na mapapangasawa," ang magiliw na sambit ng babae kahit hindi naman niya ito tinatanong. "Sa tingin mo mayroong magkakagusto sa akin?"
Napapatingin pa ito sa kawalan na animo'y mayroong nakikita roon kaya hindi niya naiwasang isipin kung ito ba talaga ang tumulong sa kaniya sa eskenita.
Kung kausapin siya nito'y para bang matagal na siya nitong kilala. Nakikita niya namang masigla ang personalidad nito malayo sa kaniya.
"Oo. Maganda ka rin naman," ang nasabi niya sa babae nang matuwa rin naman ito sa kaniya.
Hindi rin naman siya nagsisinungaling sa bagay na iyon. Ngayong nakita niya sa malapitan ang babae nagkaroon siya ng pagkakataon na masuri ang kabuuan ng mukha nito. Bumagay ang kapal ng kilay nito sa hungis ng mga mata nito. Mamula-mula ang labi kahit na walang ginamit na pangkulay doon. Ang kutis nito ay makinis na animo'y hindi nadadapuan ng ano mang dumi.
"Nagustuhan ko ang sinabi mo. Natutuwa ako sa iyo," sabi nito sa kaniya sa patuloy niya sa pagkain. "Siyanga pala. Ano bang ginagawa mo't nasa labas ka nang isang gabi?" pag-usisa nito sa kaniya.
Napatigil siya sa pagnguya ng kaniyang kinakain. Nang iiangat niya ang tingin mataman siyang pinagmamasdan ng babae kaya muli niyang iniyuko ang kaniyang ulo. Hindi pa rin siya masanay na pagmasdan nang tuwid ang isang tao lalo na kung inuusisa siya. Hindi niya kayang magsinungaling nang tuwid.
"Pinagmasdan ko lang iyong bukal," pinilit niyang sabihin at pinagpatuloy ang pagkain.
Naupo ang babae sa bakanteng upuan sa kabilang ibayo ng mesa. "Hindi kita patuloy na matutulungan kung magsisingungaling ka sa akin. Sabihin mo na sa akin. Sigurado akong hindi ka taga-rito't hindi ka makapapasok ng bayan kung mag-isa ka lang na walang kasamang nakatatanda. Huwag mong isiping masamang tao ako. Mapagkakatiwalaan mo ako."
Humigpit ang kapit niya sa hawak na kutsara. Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang kaniyang sarili. Ininom na lang muna niya ang natitirang sabaw sa bangkok. Tahimik namang naghintay ang babae sa kaniyang muling pagsasalita. Nang masinop niya ang sabaw nilapag niya ang mangkok at pinagmasdan ang babae. Wala rin namang mawawala sa kaniyan kung sabihin niya ang nangyari dahil mabubura na rin talaga sa mapa ang baryong pinanggalingan niya sa kawalan ng mga tao roon.
"Galing ako sa baryong sinugod ng mga halimaw. Nakaligtas lang ako dahil sa mga manglalakbay na tumulong sa akin. Sila rin ang mga kasama ko sa pagpunta rito," pagbibigay alam niya sa babae.
"Kung ganoon balikan natiin sila nang malaman nila ang nangyari sa iyo," suhestiyon ng babae sa kaniya.
Iniling niya ang kaniyang ulo. "Hindi ko sila babalikan. Hindi sila sumasangayon na sumama ako sa kanila kanilang paglalakbay. Balak lang nila akong iwan sa ampunan," aniya sa babae. "Saka hindi ko rin gustong makita ang batang tinulungan din nila katulad ko. Binayaran ng batang iyon ang mga mangangaso para patayin ako."
"Paano naman magagawa ng isang bata ang sinasabi mo?" tanong ng babae sa kaniya.
"Ibang-iba siya. Sa palagay ko'y magkatulad kaming dalawa."
"Naguguluhan ako sa iyo."
"Masyado na siyang matanda para sa kaniyang edad dahil sa naging buhay niya,," aniya na lamang nang hindi maibunyag ang pagiging prinsipe nito. "Poot lang ang alam niyon para sa akin mula nang magkaharap kaming dalawa."
"Ang nakapagtataka lang kung paaano niya nalaman na mamamatay tao talaga ang mga mangangaso na iyon."
"Hindi ko alam," aniya sa pagbalik niya sa kaniyang isipannsa mga nangyari nang isang gabi. Kahit na nagdidilim ang kaniyang paningin alam niyang pinatay ng babae ang mga mangangaso. "Ganoon ka rin naman, hindi ba? Pumapatay ka dahil sa pera."
Nag-iba ng eksprisyon sa mukha ng babae dahil sa sinabi niya. "Iba ako. Pinapatay ko lang ang mga masasamang tao na sumisira sa lipunan."
"Sana nga'y hindi ka nagpapanggap."
"Huwag kang mag-alaala, wala akong gagawin sa iyong masama. Mabuting tao rin namana ko kung titingnan mo nang maigi ang buhay ko," anang babae sa pagtayo nito. "Ano na ang gagawin mo ngayon? Sa narinig ko mula sa iyo'y mukhang mag-isa ka na lang talaga sa buhay."
"Gusto ko ngang maglakbay," tugon niya rito.
Nilinis ng babae ang pinagkainan niya. "Bakit gusto mong gawin ang bagay na iyon? Alam mo bang hindi madali ang pagiging manglalakbay?" pag-usisa ng babae sa kaniya.
"Alam ko. Pero gusto ko pa rin gawin. Baka sa paglalakbay maging matapang na ako. Nais ko ring malaman ang lahat tungkol sa mundo ng Kasarag nang magkaroon naman ng halaga ang buhay ko. Baka sa paglalakbay ko rin mahanap ko ang rason para maging masaya."
"Ang lalim mong magsalita bata." Inilagay nito sa lababo ang mga pinagkainan at iniwan doon. "Pero kung gusto mo talagang maging manglalakbay, puwede kitang tulungan. Sa ngayon magpahinga ka na lang muna. Bumalik ka sa taas at ako naman ay tatapusin ang pagsisibak para sa paparating na taglamig."
Hinatid niya ng tingin ang babae sa paglalakad nito patungo sa pintuan. Pagkaalis nga ng may-ari ng bahay bumalik ang katahimikan sa loob. Nanatili siyang nakaupo sa loob ng ilang mga sandali. Sa nakikita niya sa babae ay walang nakakaalam sa tunay nitong ginagawa. Sa mga laro, kuwento't palabas na alam niya ay mayroong mga ganoong tauhan. Payak ang pamumuhay ngunit sa likuran niyon ay isang mamamatay-tao. Ilan din sa mga iyon ay naging ganoon lamang dahil sa tawag ng tungkulin at hindi dahil sa masamang tao ang mga ito. Nabuo sa isipan niya ang isang katanungan kung ano ang nagtulak dito para tahakin ang ganoong buhay.
Sa katapusan ng kaniyang pag-iisip tumayo na siya mula sa kinauupuan. Inayos niya ang upuan at idinikit sa mesa bago lumakad palabas ng kusina. Imbis na magtungo sa itaas upang magpahinga katulad ng bilin sa kaniya ng babae lumabas siya sa harapan ng bahay. Pagkalabas niya nang pintuan hindi niya nadatnan ang babae. Wala ang palakol sa sibakan kaya lumingon siya sa kanan para hanapin ito ngunit kamalig lamang ang naroon. Pinagpalagay niyang nagtungo ang babae sa kakahuyan sa likuran niyon para kumuha ng masisibak ng punong kahoy.
Napagdesisyunan niyang maglakad-lakad na lang muna paikot ng bahay. Humakbang siya patungo sa kabilang direksiyon kasalungat ng kamalig. Mabagal lamang ang kaniyang paglalakad dahil nanakit pa rin ang kaniyang katawan nang kaunti. Namumula pa rin ang kaniyang balat kahit na papagaling na iyon. Napapaikutan ang kabubuan ng bahay ng pinagpatong-patong na bato bilang bakod. Nakarating siya sa gilid ng bahay na hindi niya pa rin nakikita ang babae. Naroon ang malaking puno na nagbibigay ng lilim. Sa ilalim niyon ang isang duyan kaya lumapit siya rito't naupo habang nag-iisip nang tamang gagawin.
Pinag-isipan niya kung paano siya matutulungan ng babae para maging manglalakbay gayong wala naman siyang alam sa pagiging salamangkero. Hindi rin siya marunong makipaglaban. Kung tanging pakikipaglaban lang gamit ang katawan niya ang mayroon lang siya mahihirapan siyang maglakbay nang mag-isa. Kailangan niyang matutunan kung paano ang salamangka. Para mangyari iyon kailangan niya ng paraan, sigurado siyang magagawa niya iyon dahil sa palagay niya ay walang imposible sa mundo ng Kasarag.
Naputol ang pagtakbo ng kaniyang isipan sa pagkaluskos ng mga dahon sa kaniyang uluhan. Dahil dito ay napatingala siya't nanglaki na lamang ang kaniyang mata dahil sa nakalambitin na malaking itim na ahas na balak siyang tuklawin.