Kabanata 12

2076 Words
SA HINDI kalayuan ay sumisikat na ang araw na para bang walang nangyaring hindi maganda sa baryong iyon. Hindi natulog ang isa man sa mga manglalakbay na hinintay ang pagsapit ng umaga. Maging siya ay nanatiling gising dahil sanay din naman siyang hindi natutulog sa gabi. Naghanda kaagad ang mga manglalakbay sa pag-alis ng mga ito kahit na maaga pa. Inilabas ng mga ito na kani-kanilang kabayong sinasakyan. Naunang sumakay ang babae sa kayumanggi nitong kabayo. Samantalang ang dalawang lalaking manglalakbay nahuli nang kaunti. “Wala na ba kayong gagawin para dito sa baryo?” ang naitanong niya sa mga ito sa pagsakay ng lalaking manipis ang buhok sa kabayo nito. Hindi niya rin alam kung ano ang pangalan ng mga ito. Wala rin naman siyang balak magtanong dahil hindi naman niya kailangang malaman pa. Sa itsura ng mga ito pihadong hindi niya makikita ang mga ito kapag nahiwalay na siya sa mga itoi. Nilingon siya ng lider nang bitiwan nito ang tali ang lubid ng itim na kabayo nitong sasakyan. “Katulad ng?” balik na tanong nito sa kaniya imbis sagutin ang kaniyang naging tanong. “Hindi niyo ba ipagbibigay alam ang tungkol sa nangyari rito?” ang sumunod niyang sabi. Nagtinginan ang mga manglalakbay bago pinagpatuloy ng lider ang pakikipag-usap nito sa kaniya. Ibinalik ng lider ang tingin nito sa kaniya na kaniya rin namang sinalubong ng walang ano mang nararamamdamang kaba. “Magagawa lang namin ang sinasabi mo pagdating sa kalapit na bayan,” pagbibigay alam nito sa kaniya na kaniyang ikinatango nang marahan. Inilahad nito ang kamay nito sa kaniya kaya napatitig siya rito. “Sa akin ka sasakay,” dugtong nito nang mahulaan nito kung bakit nakatayo lamang siya. Nag-aalangan siyang humawak sa kamay nito dahil ni minsan ay hindi siya nakikipaghawak sa kanino man. Madikitan nga lang siya ay nakararamdam na siya ng tensiyon sa kaniyang sarili. Ngunit nang sandaling iyon ay iba na nga rin naman ang buhay niya. Nagtagpo nga ang palad niya sa manglalakbay. Nakaramdam man ng pagkaasiwa nawala rin naman iyon kaagad. Hinila siya ng manglalakbay na walang sinasabi’t hinawakan siya sa kaniyang beywang. Sa gaan ng limang taong gulang niyang katawan madali siyang nabuhat. Naiangat siya nito sa lupa pasakay sa likuran ng kabayo. Iniupo siya nito’t napahawak na lamang siya sa siyahan nang hindi siya mahulog. Nanatili siyang hindi gumagalaw dahil kinakabahan siyang sumakay ng kabayo. Iyon nga rin namang ang unang pagkakataon na sumakay siya ng mabilis na hayop. Kahit nang sa pinanggalingan pa siyang mundo, hindi niya nagawang sumakay sa kabayo ni minsan dahil nga sa takot. Hindi rin naman nagtagal ang manglalakbay sa pagtayo nito. Sumakay na rin naman nito. Itinapak nito ang kaliwang paa sa ibaba ng siyahan at bumuwelo nang talon paakyat. Nag-ingay na lamang ang suot nitong balute sa pagkiskis ng malapad nitong espada sa likod. Naupo ito sa kaniyang likuran na hinawakan ang lubid ng kabayo. Tumatama ang mga braso nito sa kaniyang mga balikat. Sa pagpitik nito sa lubid ay siya ring mabilis na pagtakbo ng kabayo. Sumunod kaagad ang dalawa nitong kasamahan na mabilis ding pinatakbo ang mga sinasakyan ng mga ito. Napapakapit na lamang siya sa siyahan nang mahigpit. Walang nag-uusap sa mga ito sa pagtakbo ng mga kabayo. Dinaanan lang nila ang mga kabahayan hanggang sa makalabas sila ng baryo. Pagkarating nila sa daan paaalis ng baryo’y napabuntong-hininga siya nang malalim sapagkat hindi niya akalain nang mga sandaling iyon na talaga siya makakaalis ng baryo. Hindi niya mahulaan kung ano ang mangyayari sa kaniya. Ang tanging alam niya ay iiwan nga siya ng mga ito sa bahay-ampunan sa karatig bayan. Doon niya na lamang iisipin ang mga susunod na gagawin pagkarating niya roon dahil wala siyang ideya kung paano sosyodad sa isang bayan doon. Iyon ang unang pagkakataon na mapadako siya sa daan na iyon kaya hindi maiwasang mapatitig sa mga nadadaang mga punong kahoy. Hindi nagbabago ang kulay luntian ng mga dahoon sa kahabaan ng daan. Matapos niyon ay umakyat ang daan sa isang burol na kinatutubuan ng mga talahib. Pagkarating sa itaas ng burol ay panibagong malawak na kagubatan ang nakikita niya na siya nilang daraaan. Kaya nga hindi siya nagpapangahas na magtungo roon dahil alam niya kung gaano kadelikado ang mga ganoong lugar. Kahit sa pagbaba nila ng burol ay mabilis pa rin ang pagtakbo ng mga kabayo. Ninamnam niya na lamang ang malamig na samyo ng hangin na tumatama sa kaniyang mukha. Hindi tumigil sa pagtakbo ang mga kabayo kahit nang makapasok sila sa panibagong kagubatan. Higit na malalaki at mataas ang mga puno roon na mistulang inaabot ang kalangitan sa kaniyang pagtingal rito. Nag-iingay ang mga ibong nakadapo sa mga na para bang gumagawa ng musika ang kalikasan lamang ang nakakaalm. Lumingon siya sa kaliwa nang makita niya ang tatlong usa sa likuran ng mga puno. Sumasanga-sanga ang mga sungay ng mga ito. Tumatakbo ang mga ito sa parehong direksiyong kanilang pinupuntahan para bang sumasabay ang mga ito sa kanila. Huminto lamang sa pagtakbo ang mga usa nang makarating sila sa batis. Pinabagal ng manglalakbay ang pagpapatakbo sa mga kabayo na mayroong kasamang panghalinghing. Nakatawid din naman ang mga kabayo na hindi nahihirapan dahil hindi naman ganoong kalakas ang agos ng batis. Napapatitig siya sa ibaba sa linaw ng tubig. Sapagkat nakakita pa siya ng mga isang lumalangoy paitaas. Sa paglalakad nga ng kabayo sa tubig ay natatalsikan ang kaniyang mga paa. Kamuntikan pa siyang mahulog dahil nasobrahan siya sa pagtingin paibaba. Sinundan ng mga mata niya ang mga makukulay na isda. Hinawakan siya ng manglalakbay sa kaniyang balikat nang hindi siya pumaibaba. Umayos na lamang siya nang upo na siya ring pagbitiw ng manglalakbay sa kaniyang balikat. Hindi rin nagtagal nakaalis ang mga kabayo sa batis. Naglakad nang kaunti ang mga kabayo sa mabatong gilid at nang makarating sa lupa’y mabilis na namang tumakbo. Iniyuko niya pa ang kaniyang ulo nang makita niya sa harapan ang mababang sanga na sasalubong sa kanila ng manglalakbay. Yumuko din naman ang manglalakbay kaya dumaan lamang sa kanilang likuran ang sanga pagkadaaan nila rito. Pagkalampas nga nila sa sanga’y tumuwid na sila nang upo. SA TAGAL ng pagtakbo ng mga kabayo kasabay ng pag-alog na tila siya ay hinihili bumigat ang talukap ng kaniyang mga mata. Naipikit niya na lamang ang kaniyang mga mata’t hinayaan ang sarili na makatulog. Napasandig na lamang siya sa matigas na dibdib ng manglalakbay na nababalot ng balute. Hinayaan lang din naman siya nito sa kanilang pagpapatuloy. Hindi rin naman siya nakatagal sa pagkatulog dahil bigla na lamang siyang nagising sa biglang pagtigil ng kabayo. Kinusot niya ang kaniyang mga mata habang tinitingnan kung nasaan na sila nang mga sandaling iyon. Huminto sila sa harapan ng nasirang templo. Mataas ang nawasak na pader na giinagapangan ng berdeng halaman. Ang pasukan nito’y naharangan ng tumumba nitong malaking poste. “Magpahinga muna tayo rito,” saad ng lider sa kasamahan nitong manglalakbay. Sumunod ang dalawa sa sinabi nito’y initabi ang mga kinasasakyang kabayo. Nauna pang bumababa ang mga ito’t hinayaan ang mga kabayo na hindi itinatali ang lubid. Lumapit ang babae sa kasamahan nitong lalaking manipis ang tabas ng buhok. Kapagkuwan ay lumingon ito sa lider. “Kukuha kami ng panggatong,” saad ng babae’t lumakad na ito kasabay ng lalaking manglalakbay. Sa pag-alis nga ng dalawa’y bumaba na rin ang lider ng kinasasakya nitong kabayo. Nagpatihulog lamang ito’t nakatayo sa dalawang paa ng mga ito nang lumapag. Inilahad nito ang kamay nito sa kaniya para matulugan siya sa pagbaba. Ngunit sa pagkakataong iyon hindi niya tinanggap. Bumababa na lamang siya mag-isa. Itinapak niya ang kaniyang paa sa ibaba ng siyahan at nagpadulas sa katawan ng kabayo. Pagkalapag niya sa lupa’y nawalan siya nang balanse. Tinulak siya ng manglalakbay sa kaniyang likuran nang makatayo siya nang tuwid. “Magiging maayos ka roon sa ampunan. Matutoto ka roon. Sa edad mo dapat kang mag-aral,” pagbibigay alam ng manglalakbay sa kaniya nang itabi nito ang kabayo. “Sapat na ang natutunan ko,” ang nasabi niya sa manglalakbay nang sundan niya ito ng tingin. “Ang kailangan kong malaman ay iba pang bagay tungkol sa mundong ito.” Lumingon ito dahil sa kaniyang sinabi at pinakatitigan siya nito nang mariin. Bumuntonghininga ito ka pagkuwan nang balikan siya nito. “Iba ka talaga kung magsalita.” Ginulo nito ang kaniyang berdeng buhok kaya inalis niya ang kamay nito. Natawa na lamang ito nang bahagya sa naging reaksiyon niya. “Sabihin mo na lang sa akin ang tungkol sa mundong ito. Gusto kong malaman ang lahat.” “Kaunti lang din ang alam ko. Sa laki ng Kasarag, hindi ko pa naiikot. Kahit na bata pa lang ay naglalakbay ako wala pa kalahati ang nararating ko,” paliwanag sa kaniya ng manglalakbay. “Iyong alam mo lang ang sabihin mo sa akin,” pagbibigay niya ng diin. “Masyadong mahaba kung sasabihin ko pa sa iyo. Malalaman mo rin ang gusto mong malaman pagtira mo sa ampunan.” “Mas mainam na manggaling mismo sa katulad mong manglalakbay. Hindi mo puwedeng paniwalaan ang bibig ng iba at ang mga nakasulat sa libro. Dahil hindi ka sigurado kung totoo ang lahat ng mga iyon. Isama niyo na nga lang ako.” Mataman na naman siya nitong pinagmasdan. “Hindi nga puwede. Kamatayan lamang ang kakahuntangan mo kapag sumama ka sa amin sa ganiyang edad mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon mayroong magbabantay sa iyo.” “Hindi ako bata. Kaya kong pangalagaan ang sairli ko,” ang pinili niyang sabihin sa manglalakbay. “Bata ka pa,” paalala nito sa kaniya. “Kapag nasa hustong gulang ka na at kaya mong humawak ng sandata. Puwede ka naming isama. Pero sa ngayon, mag-aral ka muna.” Pinitik nito ang kaniyang noo’t pinagmasdan niya ito nang masama sa paghakbang nito. Nagtayo ito ng siga na paglulutuan nila gamit ang mga maliliit na batong nagkalat sa harapan ng nasirang templo. Sumunod siya sa manglalakbay. “Kahit ganito ang itsura ko marami akong maitutulong. Liban lang talaga sa pakikipaglaban,” pamimilit niya rito. “Natutunan rin naman iyon. Puwede mo akong turuan.” “Wala akong panahon para turuan ka,” pagbibigay diin ng manglalakbay. “Hindi ako magiging pabigat,” aniya dahil wala pa rin siyang balak sumuko. Hindi siya sigurado kung magiging maayos siya sa ampunan. Hindi man niya kilala nang lubos ang mga ito ngunit nagkakaroon siya ideya kung ano ang mangyayari sa kaniya sa pagsama sa mga ito. Nakakatakot nga rin naman ang mga bagay na wala kang kasiguraduhan. “Gaano ka naman nakakasigurado diyan?” tanong ng manglalakbay nang ibalik nito ang atensiyon sa kaniya. “Nakita mo rin naman. Kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. Hindi ako umaasa sa ibang tao,” pangungumbinsi niya rito. “Kahit ano ang sasabihin mo, hindi magbabago ang isip ko,” pinaleng saad ng manglalakbay. Pinagmasdan niya nang maigi ang mukha ng manglalakbay. “Sige. Maghahanap na lang ako ng ibang puwedeng sabihin kapag nadala niyo na ako sa bayan,” aniya sa manglalakbay. Iniwan niya ito sa tabi ng inipon nitong mga bato na gagawing siga. Lumapit na lamang siya sa bato sa gilid at naupo roon. Napapasunod na lamang ng tingin sa kaniya ang manglalakbay. Walang ano mang emosyong nakaguhit sa mukha niya nang mga sandaling na napansin ng dalawang manglalakbay na kababalik lamang dala ang panggatong na kinuh ang mga ito. Napatitig ang mga ito sa kaniya sa paglapit ng mga ito sa mga bato. “Ano ang problema niya?” ang naitanong ng babaeng manglalakbay sa lider. Inihanda naman ng lalaking manglalakbay ang siga. Nagtayo ito ng dalawang kahoy na pagsasabitan ng lutuan. Pinuwesto na rin nito ang mga panggatong at sinuksukan ng tuyong damo sa ilalim. Hinarap ng lide ang kasamahan nitong babae. “Pinipilit na sumama sa atin. Hindi nga puwede,” pagbibigay alam ng lider. Napatango-tango na lamang ang babae sa narinig. “Hayaan mo na siya. Maiitindihan niya rin naman. Hindi siya katulad ng ibang bata.” “Iyon na nga ang problema. Hindi nga siya katulad ng ibang bata kaya pinipilit niyang sumama. Alam mo naman na delikado para sa edad niya ang manglakbay.” Hindi na nakasagot ang babae sa lider ng mga ito dahil sa ingay na paparating sa kanilang kinalalagyan. Napalingon na rin siya sa dulo ng daan para alamin kung ano ang gumagawa ng ingay. Mayamaya nga’y lumitaw ang karwahe hila ng puting kabayo na mabagal ang paglalakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD