ANG BUONG akala niyang hahantong siya sa kamatayan ay isang malaking pagkakamali. Sapagkat nangyari ang isang bagay sa kaniya na hindi niya inasahan. Nang ilang dangkal na lamang ang layo ng ulo niya nakangangang nilalang, bigla na lamang nag-apoy ang kaniyang buong katawan. Binalot man siya ng apoy na asul ang kulay, hindi niya nararamdaman ang init niyon. Sa gulat ng nilalang sa nangyayari’y naisara nito ang bibig. Binitiwan lamang siya nito nang tumakbo ang apoy sa mga kamay nito mula sa kaniya. Bumagsak siya sa lupa sa kaniyang dalawang tuhod na umuubo-ubo habang patuloy ang paglabas ng apoy sa kaniyang buong katawan. Nasusunog niyon ang kaniyang buong kasuotan.
“Ano ka bang klase kang tao?” ang naitanong sa kaniya ng nilalang. Pinagpag nito ang apoy sa isang kamay nito nang mamatay iyon. Ngunit kahit anong alis niya ay hindi pa rin iyon naglalaho.
Nadamay na rin ang mga talahib na nakapaikot sa kanila hanggan sa lahat ng dulo niyon.
Hindi niya rin naman masagot ang naging tanong nito sa kaniya. Sapagkat sa pagkaalam niya ay hindi rin siya nagtataglay ng kung anong kapangyarihan. Ipinanganak nga rin naman siya sa baryo na iyon kung saan ang mga nakatira’y hindi naglalabas ng mahikang enerhiya. Nabibilang siya sa pangkat ng mga sero. Ang pinakamababang uri ng tao sa mundo ng Kasarag.
Sa pagtitig niya sa nilalang ay mabilis na kumalat ang apoy sa kamay nito kahit wala naman siyang sinasabi. Sa hindi pagtigil ng apoy, tuluyang nabalot ang buong katawan ng nilalang. Hindi na humilom ang katawan nito sa tindi ng init ng asul na apoy. Tanging pagpalalahaw na lamang ang nagawa nito. Bumagsak ito sa sahig na wala nang buhay. Kasunod niyon ang pagkawala ng asul na apoy. Naiwan na lamang ang natupok na katawan ng nilalang na naglaho kawangis sa nasusunog na papel sa pag-ihip ng hangin.
Nang sandaling iyon pinagmasdan niya ang kaniyang sarili na nahihiwagaan. Unti-unti na ring nawala ang asul na apoy na bumalot sa kaniyang buong katawan. Naitanong niya na lamang sa kaniyang sarili kung paano ng aba nangyari iyon. Isang sagot lang naman ang pumasok sa isipan niya. Iyon ay binigay sa kaniya ng babae upang manatiling buhay sa mundong iyon nap uno ng mga makapangyarihang nilalang.
Kumilos siya sa kaniyang kinauupuan nang marinig niya ang pagtakbo ng mga manglalakbay. Tumayo siya nang tuwid. Hindi na siya nakapagtago para hindi makita ng mga ito ang kaniyang kahubdan. Lumabas ang mga ito sa kakahuyan na mabilis ang mga pagtakbo. Inikot ng lider ang tingin nito sa lupang nakalbo ng apoy. Samantalang ang dalawang kasamahan nito’y pinagmasdan ang kaniyang kalagayan.
“Ibigay mo sa kaniya iyang balabal mo,” utos ng babae sa lalaking manipis ang tabas ng buhok. Lumapit ito kapagkuwan sa lider ng mga ito na patuloy pa rin sa pagsuri sa lupa.
Atubiling sumunod ang lalaki na hindi nagrereklamo sa kasamahan nito. Tinanggal nga nito ang maputi nitong balabal na binalot nito sa kaniyang katawan. Sa laki ng balabal sumayad iyon sa lupa.
“Mabuti naman at hindi ka napano,” komento ng lalaking manipis ang tabas ng buhok. “Ano ang nangyari? Nasaan na ang nilalang?”
Pinagmasdan siya nang tuwid ng lalaking manipis ang tabas ng buhok. Sinalubong niya ang mga mat anito. Napagdesisyunan niyang huwag sabihin dito na hindi siya isang sero dahil hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ng mga ito.
“Naglaho na,” panimula niya. “Bigla na lamang siya binalot ng apoy.”
Hindi na nasundan ang sinabi ng lalaking manipis ang tabas ng buhok sa paglapit ng lider ng mga ito sa kaniya kasabaya ang kasamahan nitong babae.
“Sino ang tumulong sa iyo?” ang naitanong ng lider sa kaniya sa pagsukbit nito ng malapad na espada sa likuran nito.
Iniangat niya ang kaniyang tingin. “Hindi ko alam,” pagsisinungaling niya rito sa walang buhay niyang boses.
“Sigurado ka ba?” paniniguro nito sa kaniya.
“Kung hindi ka naniniwala, tingnan mo nga ako. Paano ko magagawang patayin ang nilalang?” aniya sa lider. “Dinala niya ako rito. Pagkatapos binalak niya akong lamunin. Pero dahil sa paglitaw ng apoy na hindi ko alam kung saan galing, nakaligtas ako sa kamatayan,” pag-ulit niya sa nangyari.
Pinagmasdan siya nang mariin ng lider. Binaluktot nito ang dalawang tuhod para magawa nito sa malapitan. Napahakbang na lamang siya palayo rito sa pagkabog ng kaniyang dibdib. Natigil lamang ang lider sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya nang tapikin ng babae ang balikat nito.
“Huwag mo nga siyang takutin,” saad ng babae.
Nilingon ng lider ang kasamahan nito nang tumayo na ito nang tuwid.
“Nagsisinungaling siya,” komento ng lider na ikinalunok niya ng laway.
“Sige, sabihin na nating nagsisinungaling siya,” wika ng babae nang humarap ito sa lider. “Paano niya magagawang puksain ang nilalang? Samantalang tayo nga ay nahirapan. Tingnan mo na siya, isa lamang siyang batang ordinaryo.”
“Kaya nga inaalam kung ano ba talaga ang tunay na nangyari. Sinabi mo nan gang hindi lang simpleng nilalang ang nakaharap natin. Paanong naglaho na lamang siya?”
“Mayroong ngang tumulong sa kaniya,” pagbibigay diin ng babae.
“Sino naman? Tayo lang ang narito. Wala nang ibang tao rito. At kung hindi man tao ang tumulong sa kaniya. Nalaman sana natin.”
Nailing na lamang ng ulo ang lalaking manipis ang tabas ng buhok para sa dalawa nitong kasamahan. Ibinaling nito ang atensiyon sa kaniya’t hinawakan siya sa kaniyang balikat. Nagtinginan nang masama ang dalawang manglalakbay. Umalis na lamang ang babae’t sinuri pa ang kalaparan ng lupa.
“Hayaan mo na iyan sila. Mauna na tayo sa bahay niyon umuwi,” pagyaya ng lalaking manipis ang tabas ng buhok.
Pinagmasdan niya ang nakatayong manglalakbay bago siya humakbang kasabay ang lalaking manipis ang tabas ng buhok. Sa kanilang paglalakad pinag-isipan niya kung tama nga bang nagsinungaling siya sa mga ito. Marami pa siyang hindi alam sa mundong iyon at sa kaniyang panibagong buhay kaya mabuting hindi na lang niya sabihin na sa kaniya nanggaling ang apoy. Hindi niya rin naman maipapaliwanag sa mga ito kung sakaling malaman ng mga ito. Hindi niya masasabi sa mga ito na nagmula siya sa ibang mundo’t dinala lamang siya roon ng isang babae.
BIINALOT ng katahimikan ang buoong baryo sa pagkamatay ng lahat ng mga taong taga-roon maiban sa kaniya. Pinagmasdan niya lamang ang mga manglalakbay mula sa pintuan ng kanilang bahay. Inipon ng mga ito ang katawan ng mga namatay sa lupa malapit sa kanilang bakuran. Hindi na rin naman nahirapan ang mga ito sa pag-iipon dahil sa kaunti na lamang ang bilang. Kahit iyong mga batang gumugulo sa kaniya ay kasamang namatay. Ililibing ng mga ito ang mga bangkay matapos alayan ng dasal ng lalakng manipis ang tabas ng buhok. Samantalang ang kaniyang ina sa mundong iyon ay hindi niya malilibang sapagkat wala nga naman ang katawan nito matapos lamunin ng buo ng oso.
Sa pagtitig niya sa mga katawan, isang bagay lamang ang napagtanto niya nang mga sandaling iyon. Madaling mapunta sa isang kamatayan ang isang tao sa mundong iyon lalo na kung hindi ka nagtataglay ng kung ano mang makapangyarihan. Kaya marahil biniyayaan siya ng babae na nagdala sa kaniya roon nang mayroon siyang magamit sa tuwing malagay siya sa kapahamahakan. Iyon nga lang hindi niya alam kung paano niya mapapalabas ang apoy.
Sa katapusan ng pag-iipon ng mga bangkay, lumuhod ang lalaking manipis ang tabas ng buhok habang nanatiling nakatayo ang dalawang kasama nito. Umusal ito ng panalingin nang pabulong. Mayamaya’y nagsilabasan sa iba’t ibang direksiyon ang mga nagliliwanag na alitaptap. Mistulang naging talaga ang mga alitaptap sa lupa. Nagsilaparan ang mga ito sa paligid paikot sa kinalalagyan ng mga namatay.
Napahakbang na lamang siya palabas ng pintuan dala ang balabal na pinahiram sa kaniya ng lalaki. Nagagandahan siya sa pagliparan ng mga alitatap. Itinaas niya pa ang kaniyang kamay upang saluhin ang alitaptap na malapit sa kaniya. Dumapo rin naman ang alitatap sakaniyang palad na kaniyang ikinatigil sa paghakbang ilang dipa ang layo sa mga manglalakbay. Nahiwagaan pa siya nang hindi lang basta isang alitaptap ang dumapo sa kaniyang palad. Sumunod ang iba pang mga alitaptap hanggang sa umikot na sa kaniya ang mga ito. Napapatitig na lamang siya sa mga alitapt na dumapo sa kaniyang ulo’t balikat. Kahit na ang mga manglalakbay ay napatitig sa kaniya matapos na mag-usal ng dasal ng lalaking manipis ang tabas na buhok.
Humakbang palapit sa kaniya ang tatlo. “Alam ko na ngayon kung sino ang tumulong sa iyo,” ang nasabi ng babaeng manglalakbay na nauna sa paglalakad.
Nagsilaparan ang mga alitaptap palayo sa tuluyang paglapit ng mga ito sa kaniyang kinatatayuan.
Sinalubong niya ang tingin ng babae na nagtatanong ang kaniyang mga mata.
“Sino naman?” pag-usisa niya rito.
“Ang kalikasan ang tumulong sa iyo,” pagbibigay alam ng babae sa kaniya. Sumilay ang manipis na ngiti sa labi nito.
Posible rin naman ang narinig niya mula rito. Ibig sabihin niyon nagkamali lang siya ng akala ng mayroon siyang kapangyarihan na ibinigay sa kaniya ng babaeng nagdala sa kaniya roon. Napabuntonghininga na lamang siya nang malalim dahil higit na kapanipaniwala ang nasabi ng babaeng manglalakbay sa kaniya kaysa sa biniyayaan siya.
“Paano mo naman nasabi?” tanong niya na lamang dito.
Tinuro nito ang mga nagliliparang alitaptap. “Tingnan mo nga mga alitatap. Binabantayan ka,” sabi nito sa kaniya.
Napatitig na lamang siya ulit sa mga alitaptap kasabay ng babaeng manglalakbay. Naalis niya lamang ang tingin sa mga ito sa pagsasalita ng lider.
“Isasama ka namin sa pag-alis namin dito sa baryo,” pagbibigay alam ng lider sa kaniya.
“Ibig mong sabihin kasama na rin ako sa paglalakbay niyo?” wika niya rito.
“Hindi,” pagtanggi nito. “Aalisin ka lang namin dito sa baryo. At iiwanan ka naming sa bahay ampunan sa kalapit na bayan. Hindi ka nababagay na sumama sa amin. Magiging pabigat ka lamang.”
Tinalikuran siya ng lider sa pagbalik nito sa mga nakatambak na katawan. Kinuha nito ang tulos na nakatayo’t sinindihan ang tuyong talahib nang mag-apoy ang mga kahoy na siyang susunog sa mga katawan. Sumunod dito ang dalawa pang manglalakbay. Lumapit din naman siya sa mga katawan at pinagmasdan ang pagkasunog ng mga ito. Kumalat ang manilaw-nilaw na apoy mula sa tuyong talahib paikot ng mga kumpol.
Nang mapagtantong hindi pa niya naibabalik ang balabal, lumapit siya sa lalaking manipis ang tabas ng buhok. Hinila niya nang bahagya ang manggas ng suot nito para pukawin ang atensiyon nito. Napalingon din kaagad ang lalaki sa kaniya. Hindi niya hinintay na mayroon itong masabi sa kaniya. Inabot niya kaagad dito ang hawak na balabal. Niyuko niya ang ulo rito na ginantihan nito ng isang tango. Muli rin nitong isinuot ang balabal matapos mahawakan.
Walang sino man ang nagsasaita sa kanila habang sinusunog ang mga katawan ng mga namatay na taga-baryo. Sa pagtitig niya sa apoy hindi niya naiwasang balikat sa kaniyang isipan ang mga naging buhay niya sa mundong pinanggalingan hanggang sa nahantong siya sa pagkakamatay. Malinaw pa rin sa kaniya kung paano niya silaban ang kaniyang sarili kahit na limang taon na ang nakakalipas. Ngayong binabalikan niya ang tagpong iyon, napagtanto niyang sa loob ng mga nakalipas na taon niya sa Kasarag walang gaanong nangyayari sa kaniyang buhay. Hindi umuunlad ang kaniyang pagkatao. Nanatili pa rin siyang duwag. Ang malaking pangyayari lang ay ang pagsira nga ng nilalang sa baryo na ikinamatay ng mga taga-roon. Marahil hudyat na nga iyon na panahon na para umalis siya roon. Kung bakit kasi basta na lamang siyang dinala ng babae roon na walang ano mang paliwanag sa possible at maaari niyang gawin.
Naging makapal ang usok na pagkatupok ng mga bangkay. Mataas ang inabot niyon na para bang inaabot ang kalangitan na napalamutian ng mga tala. Naitanong niya sa kaniyang sarili kung kaya nga niya nga bang manatiling buhay sa mundong iyon gayong puno ang Kasarag ng hiwaga. Naputol ang pagtakbo ng kaniyang isipan nang tapikin siya ng babae sa kaniyang balikat.
“Ano ang iniisip mo?” tanong nito sa kaniya.
“Inisip ko lang kung ano ang gagawin ko ngayon,” ang makatotohanan niyang sabi sa babae.
“Huwag kang mag-aalala. Magiging maayos ka sa bahay ampuna. Sa paglaki mo’y maaari kang magtrabaho. Puwede ka ring maglakbay kung gusto mo kahit na oridinaryo ka lang,” ang saad nito sa kaniya. “Makakaya mo ang lahat, Grayson. Maging matapong ka lang.”
Pinili niya pa lang ang pangalan na iyon pero pakiramdam niya’y matagal niya na iyong ginagamit.
“Sandali,” pagsingit ng lalaking manipis ang tabas ng buhok. “Iyon ang pangalan niya?”
“Oo. Hindi niya lang sinasabi sa atin,” tipid na sagot ng babae.
“Kapangalan niya iyon hinahangaan mo,” puna pa ng lalaki.
Ngumiti na lamang ang babae sa kasamahan nito. “Kaya nga natutuwa ako sa kaniya,” ang nasabi pa nito’t ginulo nito ang kaniyang berdeng buhok.