Kabanata 22

2115 Words
Pagkabalik ng bahay pinagtuunan ng pansin ng babae na nagngangalang Mara ang sugat sa kaniyang paa. Pinaupo sa siya sa silya kalapit ng bintana't iniwan siya nito nang mag-isa sa silid upang kuhanin ang panglinis sa kaniyang sugat. Narinig niya na lamang ang paglalakad nito paibaba ng hagdanan sa katahimikan ng buong bahay. Dumungaw siya sa bintana sa muling pagbagsak ng ulan. Umiihip ang banayad na malamig na hangin sa kaniyang mukha. Sa parang sa hindi kalayuan ay naroon ang ilang mga naiwang hayop na sumasabsab ng damo. Madilim ang kalangitan dahil nga sa naipong makakapal na ulap. Inalis niya ang kaniyang tingin sa labas nang marinig niya ang pagbalik ng babae. Pagkalingon niya rito ay siya ring pagpasok nito ng silid. Dala nito sa isang kamay ang kahon na lalagyan ng panglinis. Sa isa naman nitong kamay ang maiinom na tubig. Inabot nito ang tubig sa kaniya na magiliw niya rin namang tinanggap. Naupo ito sa lapag upang simulan ang paglilinis sa kaniyang paa habang binubuksan ang dala nitong kahon. Pinatong nito sa hita ang kanang paa niyang napurahan. Basang-basa ng dugo ang binalot niyang tela dito kaya maging iyon ay pulang-pula na rin. Ininom niya ang tubig na binigay sa kaniya ni Mara at nilapag ang wala nang lamang baso sa mesa. "Bumalik ka na lang sana rito nang hinabol ka ng mga lobo," ang nasabi sa kaniya ni Mara na hindi siya pinagmamasdan. Nakatutok lamang ang mga mata nito sa kaniyang paa. "Hindi ka sana nakagat nang ganito," dugtong nito. Napangiwi siya nang simulan nitong alisin ang nakabalot na tela sa kaniyang sugat. "Akala ko kasi ay hindi ako dapat manatili rito sa bahay mo," paglalahad niya sa babae. Naisip niyang kuhanin ang loob nito nang tumagal siya sa bahay na iyon. Mukha rin namang magaan ang loob nito sa kaniya kaya pihadong mangyayari ang kaniyang nais. Maaari na siyang tumira roon nang matagal hanggang sa umalis siya upanng maglakbay. "Huwag kang mag-isip nang ganoon," pagtama naman nito. "Ang lalim ng mga sugat mo. Hindi ako gaanong maalam sa pagpapagaling kaya maisasara ko lang ang mga sugat mo." "Maari mo rin bang ituro sa akin?" ang naitanong nito sa kaniya. "Magagawa mo lang iyon kung mayroon kang hibla ng salamangka sa iyong katawan." Naglagay ito ng gamot sa binilog nitong bulak upang malinisan ang mga sugat bago nito isara iyon. "Hindi ko alam kung mayroon dahil bata pa ako ay hindi naman ako natuto ng salamangka," pagbibigay alam niya rito. "Posible pa ring mayroon kang hibla kung ganoon. Kailangan mong masuri para malaman natin kung mayroong kang naiipong espirituwal na enerhiya. Kaso wala akong pulang kristal ngayon na magagamit natin. Kailangan ko pang bumili sa bayan. Matapos nito ay bibili na ako para makapagsimula ka sa pagsasanay kung sakaling mayroong ka ngang hibla nang mapalago mo ang espirituwal mong enerhiya." Pinigilan niya ang kaniyang paghinga nang idampi-dampi ng babae ang bulak sa kaniyang mga sugat sa paa. Nakagat niya ang kaniyang labi nang maramdaman niya ang gamot na pumapaso sa kaniyang laman. Matapos ng sinabi nito ay wala na rin itong ibang sinabi sa kaniya. "Ano ba talaga ang rason mo sa pagtulong mo sa akin? Hindi ako naniniwalang dahil sa kailangan ko ng tulong at gusto mo lang?" ang pag-usisa niya kay Mara na nagpatigil dito sa paglinis sa kaniyang sagot. Tinapos nito ang paglilinis at pinagmasdan siya na mayroong ngiti sa mga labi. "Nakikita ko kasi sa iyo ang sarili ko nang bata pa ako," sabi nito't nilagay nito sa itaas ang kaniyang sugat ang palad. Tumitig ito sa kawalan upang isarado gamit ang salamangka. "Katulad mo ay namatay din ang mga magulang ko nang bata pa ako. Kaya ginawa ko ang lahat para mabuhay. Kung anu-ano rin ang pinasok ko para lang magkaroon ng salapi na siyang magagamit ko sa araw-araw. Magiging matagumpay ka rin kung gugustuhin mo katulad ko. Pinili ko lang talagang maging simple ang aking buhay kaya narito ako malayo sa bayan." Napatango-tango siya sa narinig mula sa babae dahil naiintindihan niya ito. "Buhay pa ang ama ko. Mag-isa lang akong pinalaki ng naging ina ko," aniya sa babae. "Kung ganoon maari mo siyang puntahan," suhestiyon ng babae sa kaniya. Hindi nito inalis ang nakabukang kamay sa itaas ng kaniyang paa sa unti-unting paghilom ng kaniyang sugat. "Iyon nga ang problema. Hindi ko alam kung sino ang ama ko. Saka kung alam ko man, hindi rin naman ako pupunta sa kaniya. Dahil kung nais niya talaga akong maging anak, hindi niya sana iniwan nang mag-isa ang aking ina habang nagbubuntis." "Pero maganda pa rin na malaman kung sino ang iyong ama. Baka makatulong din siya sa iyo." Tinapos nito ang pagsara sa mga sugat. "Hindi ko ninanais na makilala siya. Sanay akong mag-isa." "Kung iyon ang gusto mo, wala na akong magagawa." Inalis nito ang paa niya na nakapatong na hita nito't binalik sa lagayan ang mga panglinis. Pinaikot-ikot niya ang kaniyang paa para malaman kung maigagalaw niya iyon na walang nararamdaman. Nagkamali siya na wala dahil tumusok ang kirot sa kaniyang kalamnan. Naisara nga lang talaga ng babae ang kaniyang sugat. Tumayo ang babae mula sa pagkaupo't lumapit sa tukador. Naglabas ito ng pares ng damit na siyang kaniyang pangpalit. Inabot nito ang mga iyon na malugod niyang tinanggap. Nakatayo lamang ang babae sa kaniyang harapan habang naghihintay. PInagmasdan niya ito. "Hindi ako makakapagbihis kung mayroong nakatingin sa akin," saad niya sa babae. "Nakita ko na rin naman ang lahat sa katawan mo," paalala nito sa kaniya kaya nakaramdam siya ng hiya. Naiyuko niya ang kaniyang ulo sa pamumula ng kaniyang mukha. "Mahiyain ka pala. Sige na't iiwan na kita para makapagbihis ka na. Ako naman ay pupunta na sa bayan." "Ipagpaliban mo na lang. Umuulan," sabi niya rito nang muli niyang iangat ang kaniyang ulo. "Maabala ka pa dahil sa akin." "Walang problemla sa akin ang ulan. Mayroon naman akong payong. Balak ko rin namang pumunta talaga. Magkikita kami ng kaibigan ko. Naghihintay iyon sa akin. Dito ka lang sa bahay. Huwag kang masyadong maglakad para gumaling nang tuluyan ang paa mo. Huwag mo ring alalahanin ang alaga kong ahas dahil nakausap ko na siya. Kapag nagutom ka naman, bumaba ka lang ng kusina." Kinuha nito ang lagayan ng panglinis sa lapag at dinala iyon sa isang kamay. Umalis ang babae ng silid na nakaguhit ang isang ngiti sa labi nito na isinasara ang pinto. Pagkaalis nga nito ay naghubad siya ng kaniyang maruming suot at pinatong sa upuan. Inuna niyang maisuot ang salwal na itim ang kulay. Nang ang asul na pang-itaas na ang kaniyang isusuot, natanaw niya si Mara mula sa bintana sa paglalakad nito palabas ng bakuran. Nababalot ang suot nitong bulaklaking blusa ng balabal na kayumanggi. Ang isa nitong kamay ay hawak ang malapad na payong na tuwid ang hawakan. Nakuha pa nitong lumingon sa kaniya't kumaway pa ito. Ginantihan niya ito nang isang tango bago ito nagpatuloy sa paglalakad. Hinatid niya ito ng tingin sa paglayo nito patungo sa kanluran sa ilalim ng patuloy na pagbuhos ng ulan. Nang hindi niya na matanaw ang babae, inilipat niya ang kaniyang tingin sa malagong puno. Pakiwari niya ay nakatingin sa kaniya ang ahas na itim mula rito. Umalis na lamang siya sa bintana dahil sa takot sa makamandag na hayop. Sinabi man ng babae na hindi siya nito gagalawin, ngunit hindi maalis sa kaniyang isipan na puntahan siya nito habang mag-isa lamang siya sa bahay na iyon. Naupo na lamang siya sa kama habang nag-iisip nang gagawin habang wala siyang kasama. Humiga na rin siya sa malambot na kama't napag-isipan niyang umikot sa bahay nang maging pamilyar siya sa bahay na iyon. Magkakaroon din siya ng ideya tungkol sa babae. Sinubukan niyang ihakbang ang kaniyang paa. Hindi siya gaanong nakaramdam ng kirot sa magaan niyang paghakbang. Lumabas siya ng silid na isinasara ang pinto. Naglakad siya sa pasilyo nang marahan hanggang mapunta siya sa harapan ng pinto kasunod ng silid na kaniyang pinanggalingan. Mayroong kadiliman sa palasyo sa kaunting liwanag na pumapasok rito dahil sa pagdilim ng kalangitan. Nag-alangan siyang pumasok ngunit sa huli ay tumuloy pa rin naman siya. Pagkabukas niya nga ay nalaman niyang nasa loob siya ng silid-aklatan sa bahay na iyon na kaniyang ikinatuwa. Nasabi niya tuloy na tadhana niya talagang mapunta sa poder ng babae para ito ang tumulong sa kaniya upang maging mahusay na manglalakbay. Hindi niya isinara ang pinto upang marinig niya ang pagbalik ng babae pagkagaling nito sa bayan. Balak niyang manatali nang matagal sa loob niyon habang tinitingnan ang nilalaman ng mga libro. Hindi malayong makakahanap siya ng librong makakatulong sa kaniya upang maintindihan niya ang mundo ng Kasarag. Lumapit siya sa kaagad sa unang estante ng libro sa kaniyang paghakbang papasok ng aklatan. Mahahalata ang alikabok sa mga libro dahil hindi nagagalaw. Pinagmasdan niya ang likuran ng pabalat nang mabasa ang mga nakasulat. Natigil siya sa librong lumang-luma na makikita sa kulay kayumangging itsura nito at manipis lamang iyon. Kinagat ng anay ang gilid ng pabalat bago mailagay sa estante na iyon. Inalis niya ang libro matapos niyang mahawakan. Nagsalubong ang kaniyang dalawang kilay nang bumungad sa kaniya ang nakataliklop na mapa. Binuklat niya iyon kaya nalaman niyang kabuuang mapa iyon ng mundo ng Kasarag. Lumapit siya sa mesa nang mailatag niya nang maayos ang mapa. Hinawi niya rin ang kurtina sa bintana sa kaniyang likuran nang lumiwanag kahit papaano sa loob ng silid aklatan. Pinag-aralan niya ang mapa kaya nalaman niyang mayroong tatlong malalaking lupain sa Kasarag. Ito ay ang Masan, Vista at Zulra. Sa loob ng tatlong malalaking lupain ay ang mga bansa't kaharian. Pito ang bilang ng kaharian na nabibilang sa Masan. Samantalang sa Vista ay tatlo lamang dahil sa ito ang pinakamliit na lupain sa tatlo. Apat na kaharin naman ang sa panghuling lupain kung saan nabibilang ang Kingon. Makikita sa pinakatimog ang Zulra kaya malapit lamang sa kontinenteng nagyeyelo. Ang Vista ang nasa pinakagitna kung saan naman matatagpuan ang kalaparan ng disyerto. Maging sa lupain ng Masan ay mayroong bahagi rin ng kontinente na nagyeyelo dahil sa pinakataas ito ng Kasarag. Marami pang lupain na katabi ng tatlong pangunahing lupain ngunit wala pang pangalan. Sa itsura ng pagkagawa sa mapa mukhang hindi pa natatapos iyon kaya malaki pa ang espasyo. Pakiwari niya ay napakalaki ng mundo ng Kasarag at wala iyong hangganan. Natigil siya sa pagtitig nang marinig niya ang pagsitsit. Nagsitayuan ang balahibo niya sa kaniyang katawan nang mapagtanto niyang pinuntahan siya ng ahas. Sa takot niya ay hinanap niya kaagad ito. Nanglaki ang mata niya nang makita niya ito sa itaas ng kalapit na estante. Pinagmasdan siya nito habang pinapalabas ang dila. Napahakbang siya patalikod hanggang sa bumangga ang kaniyang likod sa bintana. "Wala akong ginagawang masama. Gusto ko lang maintindihan ang Kasarag. Wala akong alam tungkol dito dahil hindi ako nakapag-aral sa pinanggalingan kong baryo," pagdadahilan niya habang pinapanalangin na maintindihan siya nito. Sumitsit sa kaniya ang ahas sa paggalaw ng buntot nito. Bumababa ang buntot nito hanggang sa pumulupot sa isang libro. Matapos niyon inilapit nito ang libro't inihulog sa itaas ng mapa sa mesa. Pinagmasdan niya ang luma na ring librong itim ang pabalat na mayroong pagtataka sa kaniyang mukha. Pinagmasdan niya ang ahas dahil naguguluhan siya kung kaya nga itinuro ng ahas ang libro gamit ang buntot nito. Nag-alangan siyang bumalik sa mesa't kinuha ang libro. Nanginging ang kaniyang kamay nang buklatin iyon. Napapitlag pa siya nang bawiin ng ahas ang buntot nito. Binasa niya ang unang pahina ng libro't binalot siya ng kagakalakan nang maintindihan niyang para sa pagpapalakas iyon ng espirituwal na kapangyarihan ng isang tao. Nadagdagan ang pagkalito niya dahil hindi siya sigurado kung magagamit iyon dahil hindi niya alam kung mayroong nga talaga siyang hibla. Naibalik niya na lamang ang tingin sa ahas. "Sa palagay ko ay hindi ko naman magagamit ito. Wala akong hibla. Ang kailangan ko ngayon ay paraan sa pakikipagdima," ang nasabi niya sa ahas. Nagulat na lamang siya nang bigla itong magsaita sa kaniyang isipan. "Magagamit mo iyan. Hindi kita kagagatin kung wala kang kakayahan. Natutulog lang ang kapangyarihan mo," sabi ng ahas sa kaniya sa malalim nitong tinig na mistulang hinugot sa kailaliman ng lupa. Hindi siya nakapagsalita dulot ng pagkagulat. "Sinubukan kong gisingin kaso bumalik na si Mara. Tutulungan ka na rin niya kaya hindi ko na kailangang ulitin pa. Huwag mong sabihin sa kaniya na nakausap mo ako. At itago mo rin iyang libro sa kaniya," dugtong pa nito sa huli bago ito gumapang palayo sa kaniya sa itaas ng estante. Tanging pagtango na lamang ng ulo ang kaniyang nagawa kahit naguguluhan kung bakit kailangan niyang itago sa babae ang libro't hindi sabihin dito na nakausap niya ang ahas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD