NANIGAS ang kaniyang katawan sa labis na takot na siyang naging dahilan ng kaniyang pagkahulog mula sa duyan. Ang pagbagsak niya sa lupa ay siya ring naging dahilan kaya hindi siya kaagad natuklaw ng makamandang na hayop kundi hangin lamang. Ang isipan niya ay nagsasabing dapat na siyang kumilos ngunit hindi sumasangayon ang kaniyang mga paa. Sa balak na pagtuklaw ng ahas sa kaniya sa ikalawang pagkakataon naiharang na lamang niya ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang harapan na para bang makatutulong iyon sa kaniya nang makaiwas siya sa pagsugod nito. Nang ilang dangkal na lamang ang layo sa kaniya ng ahas, umalingawngaw sa paligid ang matinis na pagsipol na siyang nagpatigil sa maitim na ahas. Pinagmasdan siya nang ahas sa pagkabitin nito habang sumisitsit ito sa kaniya. Kapagkuwan ay bumalik ito sa ibabaw at nagtago sa likuran ng mga dahon.
Pagkaalis nga ng ahas ay nilingon niya ang pinanggalingan ng matinis na sipol. Tumama ang mata niya sa babaeng tumulong sa kaniya sa gawing kaliwa. Sa balikat nito'y nakapatong ang palakok nitong dala.
"Ayos ka lang ba?" ang nag-aalalang tanong sa kaniya ng babae na hindi niya rin naman nasagot. Pinagpatuloy nito ang pagsasalita sa paglapit nito. "Pagpasensiyahan mo na ang alaga ko."
Nanglaki nang bahagya ang kaniyang mga mata sa narinig mula sa babae. "Ano? Alaga mo iyon?" gulat niyang tanong. Itinayo niya ang kaniyang sarili't tumingala sa puno. Hindi niya na marinig ang paggapang at pagsagitsit ng ahas. "Bakit mo naman nilagay dito?"
"Para sa pagbabantay. Madalas namang pinapaalam niya muna sa akin kung mayroon siyang dapat atakehin. Ngayon lang siya hindi nakinig sa akin. Nangyayari lang ang ganito kapag mayroon siyang naramdamang masama sa iyo. Mayroon ba akong dapat malaman? Puwede mo nang sabihin sa akin. Hindi ko maipagpapatuloy ang pagtulong sa iyo kung itatago mo."
Napatitig siya sa mukha ng babae dahil sa sinabi nito.
"Wala akong itinatago," pagpapanggap niya dahil hindi niya rin naman maaring sabihin dito na nanggaling siya sa ibang mundo. Marahil iyon ang nakita sa kaniya ng makamandag na ahas.
Huminga nang malalim ang babae sa kaniya. "Walang saysay kung patuloy kang magsisinungaling sa akin," paalala nito.
"Huwag mo nang ipilit ang gusto mo dahil wala talaga. Baka ikaw nga ang mayroong itinatago sa akin kaya mo ako tinulungan. Kung titigil ka na dahil sa hindi ka naniniwala, mabuti pang umalis na lang ako rito," sabi niya sa babae't sinimulan ang paghakbang na nakasunod lang ito ng tingin sa kaniya. Nang makalayo-layo siya rito'y lumingon siya pabalik dito. "Maraming salamat na lang sa pagligtas mo sa akin. Hayaan mo't darating din ang araw na ibabalik ko sa iyo," dugtong niya't tuluyan nang naglakad.
Hindi pa rin kumilos ang babae sa paglabas niya sa tarangkahan. Lumingon siya sa kaliwa't kanan para malaman kung saang direksiyon siya pupunta. Dahil wala rin naman siyang kaalam-alam sa lugar na iyon dumiretso na lamang siya sa parang. Kahit saan naman siya dumaan mahahantong pa rin siya sa kakahuyan na nakapaligid sa lugar na iyon. Sa paglalakad niya sa parang ay umihip ang hangin na siyang sumasayaw sa mga damo.
Nadaanan niya ang mga kalabaw na tahimik na kumakain ng damo. Hindi siya tumigil sa paglalakad kahit na mayroong takot na nararamdaman. Napagtanto niyang walang mangyayari sa kaniya kung mananatili siyang takot. Hindi niya inalis sa kaniyang sarili ang posibilidad na kung malalagay na talaga ang buhay niya sa kamatayan baka lumitaw na ang babaeng nagdala sa kaniya sa mundong iyon. Kahit na napapagod na ang kaniyang mga paa hindi pa rin siya tumigil. Nang makita niya ang daan patungo sa kakahuyan lumapit siya rito't doon na naglakad. Pinabayaan na nga talaga siya ng babaeng nagligtas sa kaniya dahil hindi pa rin ito sumunod sa kaniya.
Nakarating siya sa simula ng kakahuyan na naghahabol ng hininga. Nagpahinga siya nang kaunti habang pinagmamasdan ang malaking puno. Ang mga sanga't dahon ay tila nagsasabi sa kaniya ng mga babala. Hindi niya binigyang-pansin ang masamang takbo ng kaniyang isipan. Ang kailangan niya lamang ay magpatuloy. Pinagpalagay niyang dadalhin siya sa baryo o bayan ng daang sinusundan niya. Sa katapusan ng kaniyang pag-iisip, tuluyan na nga siyang pumasok sa kakahuyan na tinatahak ang daan sa pagitan ng mga malalaking puno. Halatang-halata naman ang nagawang daan kaya hindi siya maliligaw. Ang magiging problema niya na lamang ay kung biglang mayroong humarang sa kaniya na tao man, mabangis na hayop o halimaw. Gayunman hindi siya huminto dahil walang halagang mag-isip siya nang masama lalo na't hindi pa naman nangyayari. Iiwas na lamang siya't tatakbo kung mangyari nga. Nakalimutan niyang mabilis din naman siyang tumakbo resulta ng mga taong pinagdidiskitahan siya. Hindi niya lang ginawa nang tumanda na siya nang maintindihan niyang wala rin namang nababago kahit tumakbo pa siya, lalo lamang siya nabubugbog.
Sa kaniyang paglalakad sa loob ng kakahuyan, kumabog ang kaniyang dibdib. Nagsitayuan pa ang balahibo sa kaniyang buong katawan sa biglang paghuni ng ibon sa kalapit na puno. Tumingala siya sa pinanggalingan ng huni sa kaniyang paglalakad. Naroon nga ang kulay asul na ibon na humuhuni, tinatawag nito ang kapares nito. Ilang sandali lang ay lumipad nga patungo dito ang isa pang asul na ibon na mahaba ang buntot. Dumapo ang ikalawang asul na ibon sa sanga na kinalalagayan ng unang asul na ibon, bago lumipad nang magkasabay ang mga ito na animo'y sumasayaw.
Naalis lamang ang kaniyang tingin sa mga ito nang kamuntikan na siyang madapa. Napatid siya ng nakausling bato. Tumuwid na lamang siyang maglakad nang hindi na maulit iyon. Hindi gaanong mainit sa loob ng kakahuyan dahil nahaharangan ng makakapal na mga dahon ang liwanag ng araw. Sa pagpapatuloy niya sa paglalakad mistulang naririnig niya ang lahat ng kaluskos sa kaniyang paligid. Kahit ang kaniyang paghinga ay malinaw na pumapasok sa kaniyang tainga. Tumaas ang takot ng kaniyang nararamdaman. Pakiwari niya'y ano mang oras mayroong tatalon sa kaniya upang siya ay lapain. Isa nga namang pagkakamali na maglakad siyang mag-isa roon. Sa kalaparan ng kakahuyan, hindi iyon nagtatapos sa kaniyang paningin.
Binilisan niya ang kaniyang paghakbang na siya ring pagkabog ng kaniyang dibdib. Lumingon siya sa kaniyang pinanggalingan para pag-isipan na bumalik. Ngunit nang mapagtanto niyang nakalayo na siya sa parang, hindi na lamang niya itinuloy. Dahil dito ay lakad at takbo na ang kaniyang ginawa para lamang makaalis kaagad sa kakahuyan na iyon. Sa kaniyang pagtakbo ay natigil na lamang siya nang makarinig siya ng malakas na mga ungol. Nanglaki na lamang ang kaniyang mata nang malaman kung ano ang gumagawa ng ungol. Papalapit nang papalapit sa kaniya ang ingay kaya madalian siyang nagtago sa likuran ng malaking puno sa gilid ng daan. Lumingon siya sa kaliwa't kanan para abangan ang mga lobong patungo sa kaniyang kinalalagyan.
Mayamaya nga'y dumating ang mga lobo. Hinahabol ng mga ito ang maliit na usa. Isiniksik niya ang kaniyang sarili sa pagitan ng dalawang ugat ng puno. Sa paglipas ng mga sandali ay nakalapit na nga ang mga ito sa kaniyang pinagtataguan. Napigilan niya ang paghinga nang biglang dumaan sa kaniyang harapan ang usang nagdurugo ang paa sa likuran. Kasunod nito ang tatlong abuhing lobong humahabol dito. Hinintay niyang makalayo ang mga ito bago siya kumilos. Narinig niya na lamang ang pag-iyak ng usa nang tuluyang maabot ito ng mga lobo sa gitna ng daan.
Sumilip siya sa ugat upang pagmasdan ang mga lobo na mahigit limang puno ang layo sa kaniya. Pinag-aagawan ng mga ito ang maliit na usa. Sa pananatili niya sa ganoong posisyon, hindi niya namalayan ang paglapit ng lobong kasing puti ng niyebe ang kulay sa kaniyang likuran. Lumingon na lamang siya rito nang marinig niya ang malalim nitong pag-ungol. Pagtama ng kaniyang mga mata sa puting lobo'y sinakluban siya ng hindi masukat na takot. Mabuti na lamang nagawa niya pa ring tumakbo nang sinugod siya nito.
Hindi niya malaman kung ano ang gagawin nang mga sandaling iyon. Kumaripas lamang siya ng takbo na walang direksiyon. Sa likuran niya ay naroon ang puting lobo na kaunting dipa na lang ay maabutan na siya. Nang papalampas na siya sa punong nabubulok, tuluyan na nga siya nitong naabot. Kinagat siya nito't mabuti na lamang ang nakagat nito'y ang suot niya lang na salwal. Sa nangyari ay nadapa siya't nagmadali siyang abutin ang kahoy na kalapit niya. Kinuha niya iyon na siyang hinampas niya sa ulo ng puting lobo. Nagawa naman niyang mapigilan ang lobo sa pagkagat ng kaniyang salwal. Iniling ng lobo ang ulo nito habang umaatras. Ngunit dahil sa nabubulok na ang kahoy na nakuha niya walang gaanong naging epekto iyon sa mabangis na hayop.
Nakabawi ito kaagad at balak naman siyang sakmalin. Sa ikalawang pagkakataon, inihampas niya ang kahoy sa lobo nang tumalon ito patungo sa kaniya. Tinamaan niya ito sa paa't nabali na nga ang kaniyang hawak. Bumagsak sa lupa ang lobo na lalong nagalit sa kaniya. Umungol ito nang umungol habang tumutulo ang laway. Hindi siya nag-aksaya ng sandali lalo nang makita niyang papalapit na ang tatlong abuhing lobo. Itinapon niya ang naiwang kahoy sa puting lobo na nagpaungoy dito't bumalik siya sa pagtakbo.
Tumakbo siya nang tumakbo para makalayo sa lobo. Sa bilis ng isang abuhing lobo'y tinalon siya nito mula sa kaliwa. Kaya ang ginawa niya ay yumuko siya't gumulong para umilag. Hindi niya na tiningnan ang sumugod sa kaniyang lobo na dumulas ang mga paa sa mga mga tuyong dahon. Sa kaniyang pagtakbo ay nakarating siya bangin. Sa taas ng bangin, sigurado siyang hindi siya bubuhayin kung mahulog siya roon. Sa layo ng kabilang ibayo ng bangin, hindi niya alam kung magagawa niya bang talunin iyon.
Wala rin naman siyang ibang mapagpipilian kundi ang subukan. Lalo na't nariyan lang sa likuran niya ang mga lobo. Tumakbo siya pabalik nang kumuha ng buwelo. Sa pagbalik nga niya ay naging ilang hakbang na lang ang layo niya sa apat na lobo. Bago pa siya malapa ng mga ito tumakbo na siya patungo sa bangin na kabuntot ang mga lobo. Tumalon nga siya rito para makatawid. Naglaro sa hangin ang kaniyang mga suot habang iginagalaw ang mga paa't kamay. Kahit ang tatlong abuhing lobo ay tumalon din na pilit inaabot siya ng mga pangil.
Nagawa niya rin namang marating ang kabila ng bangin ngunit kalahating katawan niya lang. Napaungol siya nang tumama ang kaniyang dibdib sa matigas na lupa. Hindi sana siya madudulas paibaba kaya lamang nakagat ng isa sa mga lobo ang kaniyang kanang paa sa pagkahulog ng mga ito sa malalim na bangin. Napasigaw na lamang siya sa labis na sakit niyon. Sinubukan niyang sipain ang lobo. Sa kasamaang-palad lalo lamang idiniin ng lobo ang mga pangil nito. Kumawag-kawag pa ito kaya tuluyan na nga dumulas ang kalahati ng kaniyang katawan. Hindi na niya nagawang ikapit ang kaniyang mga kamay dahil wala rin naman siya mahahawakan.
Nahulog nga siya sa bangin kasabay ang abuhing lobo na nakakagat pa rin sa kaniyang paa. Pinagmasdan pa siya ng puting lobo mula sa itaas. Sa pagkahulog niya ay napatingala na lamang siya sa kalangitan. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata na umaasang tutulungan siya ng babaeng nagdala sa kaniya sa mundong iyon. Ang hindi niya alam nagkakamali siyang tutungo sa kaniya ang babae. Wala siyang maasahan dito matapos siyang isilang. Tanging sarili niya lang ang makakatulong sa kaniya.
Sa pagkahulog niya'y bumagsak sila lang lobo sa malapad na bato na nakausli sa bangin. Umungoy ang lobo't natanggal ang pagkakagat nito sa kaniya paa. Hindi siya kaagad nakakilos sa sakit na dulot ng kaniyang pagkabagsak. Nabunggo ang kaniyang ulo na nagdulot sa kaniyang pagkahilo't pagdurugo ng kaniyang noo. Nanglalabo ang kaniyang paningin nang pagmasdan niya ang abuhing lobo na pilit na bumabangon. Iniling ng lobo ang ulo nito. Nang tingnan siya nito'y pinilit niyang sipain ito ng isa niyang paa na nagawa niya rin naman. Nahulog na lamang ang abuhing lobo na umaatungal. Sa lalim ng bangin matagal pa ito bago bumagsak sa mabutong lupa sa ibaba.
Kahit papaano'y nakahinga siya nang maluwag dahil wala nang hahabol sa kaniya na lobo sa kinalalagyan niya. Imbis na isipin kung paano siya makakaalis sa malapad na bato na iyon, pinikit niya na lamang ang kaniyang mga mata. Wala siyang lakas para kumilos sa pagkalasog ng kaniyang katawan at pagdurugo ng kaniyang ulo. Mula nang mapunta siya sa mundong iyon, madalas na lang nasasaktan ang kaniyang katawan kaya parang walang pinagkaiba sa dati niyang buhay.