CHAPTER 3

2376 Words
NAKATAAS pa rin ang isang kilay ko habang pinagmamasdan silang tatlong magkakapatid sa harapan ko. Ganoon din sila sa akin. Mga mukhang hindi naman sila nagulat na makita ako sa bahay nila. Mukhang may alam na sila sa pagdating ko rito. “Oh, nandyan na pala kayo.” Nawala sa isa’t isa ang atensiyon namin nang marinig namin ang pamilyar na boses ni Ninang Rhea na mukhang kagagaling lang sa kusina dahil may dala-dala itong tray na naglalaman ng juice at mga baso. “Sakto nagtimpla ako ng juice,” dagdag ni Ninang Rhea. Agad na lumapit ang bunso na si Hraevne at tinulungan ang ina sa bitbit nito at inilapag ang mga ‘yon sa center table sa gitna ng sofa set. “Ano ba ang mga itsura nyo? Hindi ba kayo nahihiya sa bisita natin? Basang-basa kayo ng pawis,” komento ni Ninang Rhea nang makita ang itsura ng mga anak at lumapit sa panganay niya. “Ikaw, nakahubad ka pa. Magdamit ka nga. May ibang babae kang kaharap.” Hindi tinugon ni Aeious ang ina pero sinunod pa rin nito ang pinag-uutos ni Ninang Rhea. Kinuha niya ang damit na nakasabit sa balikat niya at isinuot ‘yon. Habang ang dalawa naman niyang kapatid ay kasalukuyan nang umiinom ng juice na dinala ng ina nila. “Laurent, halika na rito. Uminom ka rin ng juice,” anyaya sa akin ni Ninang Rhea. Doon ko lang naalala ulit ang dahilan kung bakit ako lumabas ng kwarto ko. Naglakad ako palapit sa kanila at naupo sa mahabang sofa. Kumuha ako ng babasaging baso at nagsalin ng juice. “Nasabi ko na sa inyong dito muna si Laurent, ‘di ba? Kaya sana ay pakitunguhan nyo siya ng maayos, wala pa naman siyang ibang kakilala rito.” Pagkausap ni Ninang Rhea sa tatlong anak niya. Bumaling sa akin ang tingin nina Cillian at Hraevne. Napansin ko naman ang pag-upo ni Aeious sa single sofa na nasa gilid ko at kumuha na rin ng juice niya bago dumako ang tingin sa akin. “Ang laki na ng pinagbago mo,” ani Cillian. Ngumiti ako. “Kayo rin.” Pansin ko ang malaking pagbabago sa kanilang tatlo simula noong huli ko silang makita, nasa limang taon na rin siguro ang nakakalipas. Mas nagmukhang matured na sila kaysa noon. Ang dating papayat-payat na si Hraevne ay nagsisimula nang maging maganda ang hubog ng katawan. Pansin ko ‘yon sa nakikita kong muscle sa braso niya. Ganoon din si Cillian na may muscle rin, pero mas malaki ang katawan niya kaysa kay Hraevne. At si Aeious, hindi ko na kailangang ipagkumpara ang muscle niya sa dalawa niyang kapatid dahil masasabi ko na agad na mas maganda at matipuno ang katawan niya. Patunay na ang abs niyang nakita ko kanina noong wala siyang damit pang-itaas. “Pagtapos nyong uminom, maligo na kayo at mayamaya lang ay kakain na tayo.” Tumango ang tatlong magkakapatid sa utos ni Ninang Rhea. At gaya ng sinabi ni Ninang Rhea, nang matapos silang uminom ng juice ay umakyat na sila sa second floor para maligo. Naisipan kong doon na lang magpalipas ng oras sa living room dahil sabi ni Ninang Rhea ay kakain kami ng tanghalian nang sabay-sabay. Nanood na lang ako ng television habang hinihintay na lumipas ang oras. “Kumusta ka na, Laurent? Ang pag-aaral mo?” tanong ni Ninang Rhea na nakaupo rin sa tabi ko. Sinamahan niya ako rito habang hinihintay ang mga anak niya. “Ayos lang, Ninang. Grumaduate na ako ng senior high this year,” matipid kong tugon. “College ka na pala this school year.” Kahit hindi ako nakatingin ay ramdam ko sa boses niya na nakangiti siya. “Anong plano mo sa college? May naisip ka na bang course?” Natigilan ako sa tanong ni Ninang Rhea at napatingin sa kanya. Ngumuso ako at isinandal ang sarili sa sofa habang iniisip kung ano ang isasagot sa kanya. Sa totoo lang ay hindi ko pa napag-isipan ang tungkol sa bagay na ito. Noong grumaduate ako nitong nakaraang buwan lang ay parang wala lang ‘yon sa akin. Ni parang wala nga akong planong mag-college dahil hindi ko alam kung ano ang kukunin kong course. Hindi ko pa napag-iisipan kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko. Mas lalo pa akong nawalan ng plano dahil sa biglaang pagpunta ko rito sa Antipo. Wala akong balak na magtagal dito kaya hindi ko babalaking dito mag-aral. Tuluyan na akong hindi nakasagot sa tanong ni Ninang Rhea nang mapansin namin ang sunod-sunod na pagbaba ng tatlo, mga bagong ligo na. At dahil nandito na ang tatlong anak ni Ninang Rhea ay nag-aya na siyang magtungo sa dining area. “Nga pala, aalis na ako bukas dahil sisimulan na namin ang trabaho sa site.” Pagbubukas ng usapan ni Ninong Benedict nang malapit na kami matapos sa pagkain. “Kaya kayong tatlo, huwag kayong pasaway sa Mom nyo. Tumulong kayo rito sa bahay, naiintindihan nyo ba?” “Yes, Dad.” Sabay-sabay na tugon ng tatlo. Bahagya naman akong natigilan nang mapansin kong tumuon sa akin ang tingin ni Ninong Benedict. Awtomatikong tumaas ang isa kong kilay. “Bakit, ninong?” “Mag-enjoy ka sana sa bakasyon mo rito, at kung nababagot ka, sumama ka sa tatlong ‘yan.” Tukoy niya sa tatlong anak. Marahan akong tumango. “Sige. Noted, Ninong.” “Naaalala mo pa ba ang pasikot-sikot dito sa bahay?” tanong naman ni Ninang Rhea. “Hindi na po,” pagsisinungaling ko. Kahit kasi kailan ay hindi ko naman tinandaan ang pasikot-sikot sa bahay nila kaya wala akong makakalimutan. Sa tuwing dadalaw kasi kami dati rito kasama ang mga magulang ko ay wala akong paki. Palagi lang akong napipilitang sumama. “Kung ganoon, papasamahan kitang igala rito sa bahay kina Aeious, Cillian at Hraevne. Wala naman silang pasok ngayong araw, kaya sila na lang. May gagawin kasi ako, iimpake ko ang mga gamit ni Benedict," nakangiting sabi ni Ninang Rhea. Dahil sa sinabi ni Ninang Rhea ay nagkatinginan agad ang tatlong magkakapatid, pero hindi naman nagsalita o ano pa man. “Sige, Ninang,” sabi ko na lang at ipinagpatuloy na ang pagkain. Matapos naming kumain ay nagtungo ako kasama ang tatlong magkakapatid sa living room. Sina Ninang Rhea at Ninong Benedict naman ay umakyat sa second floor dahil magsisimula na silang maghanda para sa pag-alis ni Ninong Benedict bukas. Isa itong engineer at sa hula ko ay malayo ang project nito ngayon kaya kailangan niyang umalis. “Sinong sasama sa kanya sa paglilibot sa bahay?” tanong ni Cillian sa mga kapatid. Nakaupo sina Hraevne at Aeious sa dalawang single sofa, habang si Cillian naman ay nakatayo malapit sa gilid ni Aeious. “Syempre hindi ako,” ani Aeious. “May gagawin ako,” dahilan naman ni Hraevne. “At mas lalong hindi rin ako,” dagdag ni Cillian. Napailing ako sa kanilang tatlo. Mukhang magtuturuan pa yata sila kung sino ang maglilibot sa akin dito sa bahay. Kung tutuusin ay hindi na kailangang gawin ‘yon dahil sigurado akong hindi naman ako maliligaw sa loob ng bahay nila, pero nasisiyahan akong manood sa pagtuturuan ng tatlong magkakapatid. “Kung ganoon, e’di idaan na lang natin sa laban. Ang matalo, siya ang sasama kay Laurent. Ano sa tingin nyo, Kuya?” suhestiyon ng bunso na sinang-ayunan naman ng dalawa niyang kuya. Bumakas ang pagtataka sa mukha ko nang tumayo mula sa kinauupuan sina Aeious at Hraevne saka seryosong nilapitan si Cillian. Bigla tuloy akong napaisip kung anong laban ang gagawin nila. Suntukan? Punong-braso? Sa mga hula ko ay ni isa roon ay walang tumama. Dahil ang ginawang laban ng tatlong magkakapatid ay bato-bato pik. Unang nanalo ay si Hraevne nang parehong magbato sina Aeious at Cillian habang si Hraevne ay nagpapel, nginisian pa nito ang dalawang kuya. Kaya ang huli na lang maglalaban ay si Cillian at Aeious. “Seriously? Gagawin nyo talaga ‘yan?” hindi ko makapaniwalang tanong. Gusto kong pagtawanan ang ginagawa nilang kagaguhan. “Ganito ang gawain namin para fair,” simpleng tugon ni Cillian. “Kung tutuusin, ikaw ang may kasalanan kung bakit naglalaban kaming tatlo. Hindi naman sobrang laki ng bahay namin, bakit hindi mo natatandaan?” supladong sabi naman ni Aeious. Nakaramdam ako ng inis sa sinabi niya. Nag-init ang ulo ko sa ginagawa niyang pagsusungit. Maayos akong nagtatanong ay sasagutin niya ako ng ganoon. “Eh, sa nakalimutan ko. Anong gagawin ko?” Napailing si Aeious sa sinagot ko sa kanya at ibinalik na lang ang tingin kay Cillian. “Let’s do this,” aniya. Napaling na lang ako nang makita kong ipinagpatuloy pa rin nila ang laban nila. At sa huli ay ang nanalo ay si Cillian. Nag-gunting kasi si Aeious habang si Cillian ay nagbato. “Malinaw na kung sino ang sasama kay Laurent,” tumatawang sabi ni Cillian at nakipag-fist bomb pa kay Hraeven. Inis na nagbaling sa akin ng tingin si Aeious at mahinang suminghal, mukhang asar dahil natalo siya ng dalawang kapatid. Ngumisi ako para asarin pa siya lalo. “Let’s go?” Ngisi kong yaya. Bumuntong hininga siya. “Fine.” Binatukan muna ni Aeious ang dalawang nakakabatang kapatid bago naglakad palayo. Tinawanan ko muna ang dalawa bago sinundan si Aeious. Ang una naming nilibot ay ang unang palapag ng bahay. Pinapakita sa akin ni Aeious ang laman ng bawat kwartong nandito. Matapos sa first floor ay isinunod na namin ang second floor. Sunod ay sa garahe niya ako dinala. Nakita ko agad dito ang dalawang kotseng nakaparada, van, at isang motor. “Kanina ‘to?” tanong ko kay Aeious at idinuro ang nakaparadang motor. “Sa akin.” Tumatangong nag-alis ako sa kanya ng tingin at ibinalik ito sa nakaparadang motor. “Maganda, ha. Ang angas ng dating,” usal ko. Malaki at kulay itim ang motor. Bukod doon ay halatang naka-setup na ito. Mukhang alagang-alaga. Nakakunot na tinapunan ako ng tingin ni Aeious bago ipinagpatuloy ang paglilibot sa akin sa buong bahay. Isinunod namin ang garden kung saan may kubong matatambayan. “Mahilig kayo sa bulaklak, ah,” komento ko nang makita ang iba’t ibang tanim nila ng bulaklak. Nang magbalik ako ng tingin kay Aeious ay nangunot ang noo ko nang makitang wala na ito sa tabi ko. Nasa loob na siya ng kubo. Nakakunot pa rin ang noo kong naglakad palapit sa kanya at pumasok sa loob ng kubo. Naupo ako sa mahabang bangko sa tabi niya. “What are you doing here? Bakit ka pumasok dito?” tanong ko. Pero sa halip na sagutin ako ay may kinuha siyang kung ano sa bulsa. Naningkit ang mga mata ko nang makita kong lighter at sigarilyo ang inilabas niya. So, he’s smoking now, huh? “Puwede bang lumabas tayo? Gusto ko rin libutin ang lugar.” Pagbubukas ko ng usapan. “Ayaw ko,” mabilis niyang sagot at sinindihan na ang hawak niyang sigarilyo. Humithit siya roon at nagbuga ng usok dahilan para kumalat sa paligid ang usok at amoy ng sigarilyo niya. “Pero ikaw ang natalo sa laban nyo, kaya wala kang magagawa kundi ang samahan ako,” giit ko. “Ang usapan lang ay dito sa loob ng bahay, hindi kasali sa labas. At alam mo ba, dapat ay natutulog na ako ngayon kung hindi lang kita nilibot dito sa bahay.” “So, nagrereklamo ka?” Pinagtaasan ko siya ng kilay. “Kasalanan mo naman kung bakit ikaw ang kasama ko. Naturingang kuya ka, ikaw pa ang natalo sa dalawa mong kapatid.” “Nang-aasar ka ba?” tanong ni Aeious at bumakas sa mukha niya ang inis. Ngumisi ako. Nawala sa isa’t isa ang atensiyon namin nang makarinig kami ng tumatawag sa pangalan namin. “Aeious! Laurent!” Natanaw ko agad sa ‘di kalayuan si Ninang Rhea na naglakakad palapit sa amin, pero dahil nasa loob kami ng kubo ay hindi agad kami makikita ni Aeious. “s**t!” Bumaling ang mga mata ko kay Aeious nang marinig ko ang malutong niyang mura. “Problema mo?” naguguluhan kong tanong. “Hindi puwedeng makita ni Mom na nagyoyosi ako,” kinakabahan niyang sabi habang hindi na alam kung saan niya ilalagay ang hawak niyang sigarilyo na may baga pa. Akmang itatapon na lang niya sana ‘yon kung saan nang makarinig kami ng boses, pero mas malapit na sa amin kaysa kanina. “Aeious...” Nanlalaki ang mga matang naglipat ng tingin si Aeious kay Ninang Rhea. Masama ang tingin nito sa hawak-hawak ni Aeious. “Hindi sa akin ‘to,” depensa agad ni Aeious kahit wala pa naman sinasabi si Ninang Rhea na kahit ano. Nanlaki ang mga mata ko nang ituro niya ako. “Kay Laurent ‘to.” Umawang ang bibig ko sa sinabi ni Aeious. “Pero bakit ikaw ang may hawak-hawak, huh? Pinagloloko mo ba ako, Aeious?” mataray na tanong ni Ninang Rhea. “Inagaw ko kasi sa kanya noong magsindi siya, Mom. Maniwala ka sa akin, hindi akin ‘to. Alam kong ayaw mo sa sigarilyo kaya bakit naman ako magsisigarilyo?” Dahil sa sinabi ni Aeious ay nalipat sa akin ang tingin ni Ninang Rhea. Masyadong istrikto ang itsura niya ngayon kumpara kanina na mukhang mabait. “Laurent, sa ‘yo ba ang sigarilyong ‘yan?” Magsasalita na sana ako para itanggi ang binibintang sa akin ni Aeious nang maramdaman ko ang paghawak nito sa braso ko at bahagyang pagpisil sa akin, tila sinesenyasan akong huwag magsabi ng totoo. “Sa kanya talaga ‘to, Mom,” ani Aeious. “Manahimik ka, Aeious. Hindi ikaw ang kinakausap ko,” bulyaw ni Ninang Rhea at pinanlakihan ng mga mata ang anak. Napapahiyang tinanggal ni Aeious ang kamay sa balikat ko at tumahimik na. “Sagutin mo ako, Laurent. Kaninong sigarilyo ang hawak ni Aeious? Sa ‘yo ba o sa kanya?” seryosong tanong ni Ninang Rhea. “Ang totoo po niyan ay...” Binitin ko ang sinasabi at tinapunan ng tingin si Aeious. Nakita ko itong parang napapangiwi na sa kaba. Ngumisi ako at inalis na ang tingin sa sa kanya. Ibinalik ko ito kay Ninang Rhea. “Oo, Ninang. Akin ang sigarilyong hawak ni Aeious.” Napabuntong hininga si Ninang Rhea sa sinabi ko at umiling. “Please, Laurent. Pakitapon na ang sigarilyo mo. Bawal ‘yan dito sa bahay.” Ngumuso ako. “Sige, Ninang. Sorry, hindi ko alam.” Muli na naman siyang nagbuntong hininga bago tinapunan ng tingin ang anak niyang nasa tabi ko. “Mamaya ay pumasok na kayo, may sasabihin akong emportante,” ani Ninang Rhea at naglakad na papalayo. Nang mawala na sa paningin namin ni Aeious si Ninang Rhea ay matunog na nagbunga ng hininga si Aeious, tila nakahinga na nang maluwag. “Muntik na ako roon,” aniya sa sarili. Humalukipkip ako habang pinagmamasdan siya. “Hindi ko alam na sinungaling ka pala.” Ngumisi siya. “Pero mas sinungaling ka.” Napangisi rin ako sa narinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD