UMAGA pa lang ay nabulabog na agad ang tulog ko nang makarinig ng sunod-sunod na katok sa pintuan ng kwarto ko. Nakaramdam ako ng inis sa taong sumira sa tulog ko dahilan para iritado kong binuksan ang pintuan.
“What? Alam mo ba kung anong oras pa lang, pero nangbubulabog ka na agad ng tulog?” bulyaw ko sa taong kaharap, pero natigilan ako nang makita kong si Ninang Rhea ‘yon. Namilog ang mga mata ko at biglang nawala ang antok ko sa nakikita ko.
"Ninang, sorry—”
“Mag-ayos ka na, pagkatapos ay bumaba ka na sa dining area. Mag-aalmusal na tayo,” sabi niya, hindi man lang ako pinatapos sa sasabihin ko.
Ngumuso ako at nagbaba ng tingin. “Sige, Ninang. At saka, sorry. Nabigla lang ako.”
Narinig ko ang pagbuntong hininga niya.
“Dapat ka nang masanay na ganito, dahil araw-araw kitang kakatukin sa kwarto mo para sumabay sa amin sa pagkain.”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. “Okay lang naman kahit wala akong makasabay sa pagkain, madalas kasi ay tanghali na ako magising, Ninang.”
Umiling siya. “Dito sa bahay ay iisang pamilya tayo, kaya sabay-sabay tayong kakain sa hapagkainan. Kaya simula ngayon ay sanayin mo na ang sariling magising ng maaga.”
Hindi ko na nagawang umangal pa sa sinabi ni Ninang Rhea nang talikuran na niya ako at naglakad na papaalis. Nakabusangot ang mukha kong pumasok sa kwarto ko at nagtungo sa banyo para maligo. Gustuhin ko mang matulog pa pero ayaw kong suwayin ang gusto ni Ninang Rhea. Dahil kahit papaano ay sinusubukan kong maging mabait para kay Ninang Rhea. Hindi siya ang magulang ko kaya ayaw kong pasakitin ang ulo niya sa akin.
Kung gagawa man ako ng kalokohan, gusto kong ang mga magulang ko ang mamoblema at manermon sa akin. Ayaw kong idamay ang ibang tao sa pagiging suwail kong anak dahil wala naman silang kasalanan kung bakit ako naging ganito. Kasalanan ito ng mga magulang ko.
Nang bumaba ako sa dining area ay kumpleto na kaming lahat dito. Nandito ang tatlong magkakapatid, si Ninang Rhea, at si Ninong Benedict na nakapang-alis na. At dahil mukhang ako na lang ang hinihintay nila ay nang maupo ako sa bangko ko ay sinimulan na namin ang breakfast.
Hindi rin nagtagal ay umalis na si Ninong Benedict nang matapos kaming mag-almusal. Inihatid naming lahat ito sa labas ng bahay.
Panay ang hikab ko habang pinagmamasdan ang paglaho ng kotse ni Ninong Benedict, tuluyan na itong nakakalayo mula sa bahay.
“Ninang, pwede na ba akong bumalik sa tulog ko?” Baling ko kay Ninang Rhea.
Ngumiti siya at umiling. “Hindi ka na matutulog ulit.”
Halos malaglag ang panga ko sa narinig. “Ano?”
“Sumunod ka sa akin,” utos ni Ninang Rhea at nauna nang maglakad papasok ng bahay.
Nagtatanong ang mga mata kong naglipat ng tingin sa tatlong magkakapatid na nakatayo sa gilid ko.
“Anong meron? Bakit ayaw akong pabalikin ni Ninang Rhea sa tulog ko? Tapos na naman tayo mag-agahan,” reklamo ko sa tatlo.
Nagkibit-balikat si Cillian. “Hindi mo ba alam?”
Nangunot ang noo ko. “Ano? Ano ang hindi ko alam?”
Naglakad palapit sa akin si Hraevne at ipinatong ang kamay niya sa balikat ko saka ako mahinang tinapik. “Pwes, pumasok ka na sa loob nang malaman mo ang sinasabi namin.”
Sinamaan ko siya ng tingin. “Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin kung ano ‘yon, para kung ikapapahamak ko ay makatakbo na ako palayo.”
Tumawa ang tatlo dahil sa sinabi ko na ikinasama ko ng tingin sa kanilang lahat. Tila pagkakampihan pa nila akong tatlo porket magkakapatid sila.
“Mukhang mabait lang ‘yan si Mom, pero istrikto siya,” usal ni Aeious.
Mas nangunot ang noo ko sa sinabi ni Aeious. Anong ibig sabihin niya? Anong gagawin sa akin ni Ninang Rhea sa loob ng bahay?
“Pumasok ka na lang kasi,” singit ni Hraevne at tinulak ako papasok sa loob ng bahay dahilan para makatanggap siya ng hampas sa akin.
“Gago, hindi mo ako kailangang itulak!”
Natawa ito sa sinabi ko. “Ang bagal mo kasi, e.”
Pasaring kong inalis ang kamay sa akin ni Hraevne at inirapan muna silang tatlo bago mabibigat at malalaki ang hakbang na pumasok ako sa loob ng bahay na agad ko naman piinagsisihan. Dahil nang makapasok ako sa bahay ay naging sunod-sunod ang utos sa akin ni Ninang Rhea, nagpapatulong sa paglilinis ng buong bahay at sa iba pang gawain dito sa bahay. Napipilitan akong gawin ‘yon kahit sa totoo lang ay ayaw ko talaga.
Nalaman ko rin kay Ninang Rhea nang magkuwento siya habang abala kami sa paglilinis na ang tatlong magkakapatid ang madalas niyang kasama sa paglilinis sa bahay. Pero dahil nandito ako, ako ang naisipan niyang utusan na tulungan siya. Kaya pala grabe na lang ang pagtulak sa akin ni Hraevne papasok kanina. Dahil sa akin ay makakatakas silang tatlong magkakapatid sa mga gawain nila.
Nang matapos sa paglilinis sa buong bahay ay pagod na pagod kong inupo ang sarili sa single sofa at pinukol ng masamang tingin ang tatlong magkakapatid na magkakatabi sa mahabang sofa at nanonood ng basketball game sa television. Mga masasarap ang buhay!
Ngayon ay unti-unti ko nang naiintindihan kung bakit ako naisipang dalhin dito ni Daddy. Bukod sa mailalayo na ako sa mga kaibigan ko, mapipilitan pa ako sa mga gawaing hindi ko naman ginagawa sa bahay.
Ni kailanman ay hindi ako naglinis ng bahay o kahit ng kwarto ko dahil may taga-linis kami na pumupunta sa bahay namin kada-linggo. Hindi rin ako gumigising ng umaga para sumabay sa pag-aalmusal sa mga magulang ko dahil kadalasan ay kanya-kanya kami kung kumain. Suwerte na kapag nagkasabay kami sa hapagkainan.
Ito yata ang gustong gawing parusa sa akin ni Daddy. Mas malala pa ito sa ginawa niyang pag-grounded sa akin noon sa loob ng isang buwan.
“Kayo dapat ang pagod sa paglilinis, hindi ako,” usal ko habang masama pa rin na nakatingin sa tatlong magkakapatid.
Pare-pareho lang silang nagkibit-balikat.
“Balita namin, matigas daw ang ulo mo sa inyo, tama ba? Kaya ka nga raw dinala rito nina Tito Rico at Tita Coleen,” biglang sabi ni Cillian.
Tumango ako. “Oo, at mas matindi pa sa pagiging grounded ang mararanasan ko dito.”
Tumango si Hraevne na tila sang-ayon sa sinabi ko. “Si Mom, akala mo ay mabait ‘yan. Pero sa pagpapalaki ng anak, istrikto siya. Kaya kita mo kaming tatlo, mababait kami.”
Puno ng sarkasmo akong natawa at itinuon ang tingin kay Aeious na ngayon ay nakatingin na rin sa akin dahilan para magtama ang tingin namin sa isa’t isa. Tahimik lang itong nakikinig sa usapan namin ng mga kapatid niya habang siya ay nanonood sa television kanina.
“Talaga ba, mababait kayo?” tanong ko kay Hraevne pero na kay Aeious ang tingin ko. Naaalala ko ang ginawa niya kahapon. Nagsigarilyo siya at sa akin niya pinaako ‘yon, na inako ko rin naman. Naisip ko kasing sa paraang ‘yon ay magkakaroon siya ng utang na loob sa akin, at magagamit ko ‘yon sa kanya lalo na sa mga plano ko.
“Oo, walang nag-iinom sa aming tatlo o kahit nagsisigarilyo man lang. Hindi rin kami madalas lumabas ng bahay.” Si Cillian ang sumagot sa tanong ko kay Hraevne.
Ngumisi ako at pinagtaasan ng kilay si Aeious na nakatitig pa rin sa akin. “Ang bait nyo naman.”
“Pwera na lang kay Kuya Aeious,” singit ni Hraevne. “Madalas siyang nahuhuli ni Mom na gumagawa ng kalokohan.”
“Manahimik ka nga riyan,” saway agad ni Aeious sa kapatid at tumayo sa kinauupuan niya. Iritado siyang umalis dito sa living room at umakyat sa second floor. Nagkatitigan na lang kami nina Cillian at Hraevne dahil sa ginawa ng kuya nila.
“Anong topak ng isang ‘yon?” naguguluhan kong tanong kina Hraevne at Cillian pero pareho lang silang nagkibit-balikat at ibinalik ang atensiyon sa pinapanood. Napailing na lang ako at umakyat na rin sa second floor para sa loob ng kwarto magkulong.
BUONG maghapon akong nagkulong sa kwarto ko. Lumabas lang ako nang katukin na naman ako ni Ninang Rhea para sumabay sa kanila sa lunch, pero matapos kumain ay bumalik na ako sa kwarto ko.
Sa totoo lang ay nakakabagot talaga ang buhay ko sa bahay na ito. Hindi ko magawa ang gusto ko. Gusto ko man lumabas at gumala, hindi ko naman magawa. Hindi ko alam ang pasikot-sikot sa lugar na ito at baka sa huli ay maligaw lang ako.
Hindi ko tuloy mapigilan ang sariling mag-isip ng paraan kung paano ako makakaalis dito at kung paano ako makakabalik agad sa bahay. Hindi puwedeng nandito lang ako. Nami-miss ko na ang pagkakarera at paggimik sa kung saan-saan. Pero kapag gumawa naman ako ng kalokohan dito, siguradong mas tatagal ako rito sa bahay nina Ninang Rhea at Ninong Benedict. Ang huling choice ko na lang ay ang magpakabait na sigurado akong mahihirapan akong gawin.
Natigil ako sa pagtitipa sa cellphone ko nang makarinig ng katok sa pintuan ng kwarto ko. Bumuntong hininga ako at tamad na bumangon sa kama para pagbuksan ng pinto ang taong kumakatok na sigurado akong si Ninang Rhea.
“Bakit, Ninang?” tamad ko pa rin na tanong.
“Bumaba ka, may pag-uusapan tayo,” sabi niya at sinenyasan akong sumunod na sa kanya. Napanguso na lang ako at walang nagawa kundi sundan siya sa living room.
Nangunot ang noo ko nang dito sa living room ay nakita ko ang tatlong magkakapatid, nakaupo sa mahabang sofa. At dahil okupado na nilang tatlo ang mahabang sofa ay sa dalawang single sofa kami naupo ni Ninang Rhea.
“May naisip na ba kayo kung saan tayo mag-outing this summer? Patapos na ang buwan,” tanong ni Ninang Rhea at tinapunan kaming apat ng tingin.
Nagkatingin kami nina Aeious, Cillian at Hraevne. Pare-pareho kaming walang maisagot.
Ito ang sinabi sa amin ni Ninang Rhea noong tawagin niya kami ni Aeious noong nasa loob kami ng kubo. Noong muntik na niyang mahuling nagsisigarilyo ang anak niya.
Sinabi niya sa amin ang pinaplano niyang outing kaya sinabi niyang mag-isip na kami ng lugar na mapupuntahan, pero dahil hindi ko naman hilig ang mag-outing ay hindi ako nag-isip. Ewan ko na lang sa tatlo kung ano ang dahilan nila kung bakit wala silang maisagot.
“Gusto kong espesyal ang pupuntahan natin, unang beses na sasama sa atin ni Laurent sa ganitong outing.” Dagdag ni Ninang Rhea.
“Sa dati na lang, Mom,” suhestiyon ni Hraevne.
Umiling si Ninang Rhea. “Masyadong malayo.”
“E’di sa Boracay na lang, Mom.” Si Cillian.
Tulad kanina ay umiling na naman si Ninang Rhea. “Nakakasawa na. Ilang beses na tayong nagpunta roon.”
Parehong bumuntong hininga sina Cillian at Hraevne dahil sa ginawang pangre-reject ng ina nila sa mga suhestiyon nila. Inilipat nila ang tingin kay Aeious.
Nagkasalubong ang kilay nito. “Why are you looking at me like that?”
“Magbigay ka rin ng suggestion kung san tayo mag-outing this summer.”
Mabilis na umiling si Aeious. “Mom, wala akong alam sa mga ganyan, si Laurent na lang tanungin nyo.”
Napanganga ako sa narinig na sinabi ni Aeious. Bakit ba ang hilig niyang ipasa sa akin ang lahat na dapat ay para sa kanya? Nakakadalawa na siya!
“Bakit ako? Wala akong alam sa mga ganito. Hindi naman kasi kami nagkakaroon ng family outing ng mga magulang ko kaya—” Natigil ako sa pagsasalita nang makita ko ang mga titig nila sa akin, tila mga hindi makapaniwala sa nasabi ko.
Napapahiya kong itinikom ang bibig ko nang ma-realize kung ano ang nasabi ko. Pero ‘yon naman kasi talaga ang totoo. Hindi ko na matandaan kung kailan pa ang huling family outing namin ng mga magulang ko.
“Sige, ako na mga lang ang mag-iisip kung saan tayo mag-outing,” sambit ni Ninang Rhea para maiba ang usapan. Kita ko sa mga mata niya ang pag-aalala at awa para sa akin.
Bigla kong naaalala ang sinabi sa akin ni Ninang Rhea. Sabi niya ay iisang pamilya raw kami rito. Ngayon ay napapaisip ako kung totoo ba talaga ‘yon. Kapag ba nalaman na niya kung gaano katigas ang ulo ko ay masasabi niya pa rin kaya ang salitang ‘yon? O tulad ng mga magulang ko ay magagalit siya sa akin at sasabihan akong walang kwenta na ang buhay at patapon na?
“Sana... Sana mag-enjoy ako sa family outing na ‘to dahil ngayon ko na lang ulit mararanasan ito,” mahina kong usal at mapait na ngumiti.