“THIS will be fun,” masayang ani Hraeven nang makababa kami mula sa loob ng van. Siya ang katabi ko kanina sa loob ng sasakyan.
Nag-unat-unat ako ng pangangatawan bago tumango sa sinabi niya. Masakit pa ang likod ko dahil sa byahe.
“I hope so,” sambit ko at naglipat ng tingin sa harapan kung nasaan ang resort.
“S.M.I.L.E Hotel and Resort,” pagbabasa ni Cillian sa pangalan ng resort. Mula rito sa kinatatayuan namin ay tanaw na agad ang pangalan ng resort – S.M.I.L.E Hotel and Resort. Ayon kay Ninang Rhea namg sabihin niyang dito kami mag-a-outing, maganda at sikat ang resort na ito rito sa Antipolo.
Dahil kami-kami lang nina Ninang Rhea, Aeious, Cillian at Hraevne ay napagpasyahan ni Ninang Rhea na sa malapit lang kami mag-outing para hindi maging malayo ang byahe. Kaya sa huli ay dito pa rin kami napadpad sa Antipolo.
“Alam nyo ba ang ibig sabihin niyan?” tanong ni Ninang Rhea na sabay-sabay naming inilingan nina Aeious, Cillian, at Hraevne.
“Ang ibig sabihin ng S.M.I.L.E ay See Miracle In Life Everyday. Ang ganda, ‘di ba?” paliwanag ni Ninang Rhea habang may nakapaskil na ngiti sa labi. “Boys, kunin nyo na ang mga gamit natin. Kami naman ni Laurent ay mauuna na sa loob,” ani Ninang Rhea at sinenyasan akong sumunod sa kanya na agad ko namang ginawa.
Kumuha ng suite si Ninang Rhea na may limang kwarto, tig-iisa kaming lahat. At dahil mga pagod kami sa byahe kahit hindi naman ito masyadong malayo, nagpahatid na lang kami ng pagkain sa suite namin nang sumapit ang tanghalian.
Nagpababa muna kami ng kinain bago napagpasyahang lumabas ng suite para makapagswimming na sa pool. Naka-summer dress lang si Ninang Rhea na mukhang walang balak na sumuong sa tubig. Ang tatlo namang magkakapatid ay naka-short beach at manipis na sando habang ako ay naka-fitted at maikling short, ang pang-itaas ko naman ay maluwag na sando.
Sama-sama naming ginala ang paligid ng resort, at masasabi kong tama nga si Ninang Rhea. Talagang maganda ang resort na ito.
Bukod sa suites, maraming cottages sa paligid, mga benches na pwedeng upuan, kubo, at may nakita pa akong lugar kanina kung saan may mga swing. Maganda rin ang disenyo ng paligid na nag-uumapaw sa pagiging simple pero elegante. At higit sa lahat, dahil nasa upper Antipolo kami ay tanaw mula rito ang magandang tanawin sa ibaba na nagbibigay ng kalmadong awra sa paligid.
Matapos libutin ang resort ay nagpasya sina Aeious, Cillian at Hraevne na maligo na sa swimming pool na may lalim na 7ft. Si Ninang Rhea naman ay nagpaalam na magpupunta ng restroom kaya ako ang naiwang mag-isa sa gilid ng pool habang nasa hita ko ang tatlong sando ng tatlong magkakapatid. Inabot nila sa akin ito bago sumuong sa tubig.
Dahil wala pa ako sa mood na sumuong sa tubig ay naupo na lang ako sa gilid ng pool habang ang mga paa ko ay nakababad sa tubig. Bumuntong hininga ako at pinagmasdan ang paligid.
Hindi ko na alam kung kailan pa ang huling punta ko sa isang resort, basta ang natatandaan ko lang ay batang-bata pa ako noon. Hindi kami madalas na lumabas o gumala ng mga magulang ko dahil may kanya-kanya silang buhay ni Daddy. Si Mommy ay palaging kasama ang mga kumare niya o 'di kaya ay ang lalaki niya, si Daddy naman ay palaging busy sa trabaho. Ako ang madalas na maiwang mag-isa sa bahay. At para may magbantay sa akin noong bata pa lang ako ay kumuha sila ng yaya. Pero nang tumuntong na ako ng fifteen at sa tingin ko ay kaya ko na ang sarili ko, pinaalis ko na ang yaya ko.
Naputol ang pag-iisip ko at nanlaki ang mga mata ko nang biglang may magsaboy sa akin ng tubig dahilan para kumalat sa balat ko ang basa at lamig. Nang makita ko kung sino ang may kagagawan niyon, ang nakangising mukha ni Hraevne ang sumalubong sa akin.
Sa tatlong magkakapatid ay palaging si Hraevne ang nakakasalamuha ko dahil may pasok pa sa school sina Aeious at Hraevne na mga college student na.
“Hraevne!” asik ko. “Baliw ka talaga!”
Tumatawa siyang lumangoy palayo sa akin para hindi ko siya maabot.
“Ano ba kasi ang ginagawa mo riyan? Nandito tayo para magsaya, hindi para tumulala lang sa isang tabi,” anito.
“Ano bang paki mo? Gusto ko rito, e,” inis ko pa ring sabi.
“Hraevne, hayaan mo na lang siya,” singit ni Cillian na lumangoy papalapit sa kinaroonan ni Hraevne. Kasunod nito ay si Aeious.
“Mukha kasi siyang tangang nakatulala kanina.” Kibit-balikat ni Hraevne.
“Baka hindi marunong lumangoy kaya nandiyan lang sa gilid ng pool,” ani Aeious na nakisali sa usapan.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at inis siyang dinuro. “Manahimik ka nga! Anong hindi marunong lumangoy? For your information, marunong akong lumangoy!”
Sa tatlong magkakapatid ay si Aeious ang pinaka-epal. Siya ang palaging nagpapainit ng ulo ko. Si Hraevne naman ay parang isip bata, palabiro at maloko. Si Cillian naman, madalas ay siya ang sumasaway sa mga kapatid niya.
Natatawang nagkibit-balikat si Aeious sa sinabi ko. “Really?”
“Yes!”
Natigilan ako nang senyasan ni Aeious ang dalawang kapatid, sabay pa na ngumisi sina Hraevne at Cillian. Naguluhan ako nang biglang umahon sa pool sina Hraevne at Cillian, pero nasagot ang pagkagulo ko nang lumapit sa akin ang dalawa. Sa takot ay tumayo ako para takasan sila pero huli na dahil bigla na lang nila akong itinulak patungo sa pool.
Kinain agad ng kaba at takot ang dibdib ko nang bumagsak ako sa tubig. Hindi ko maibuka nang maayos ang mga mata ko dahil hindi ako sanay na dumilat sa ilalim ng tubig. Sinubukan kong ipadyak ang mga paa ko para makaahon, sinusubukan ko rin maghanap ng makakapitan pero wala akong mahanap.
Shit!
Nauubos na ang hangin sa katawan ko at nakakainom na ako ng kaunting tubig nang maramdaman kong may humawak sa bewang ko at inahon ako sa tubig.
Nang tuluyang maka-ahon sa tubig ay naging sunod-sunod ang paghugot ko ng malalim na hininga habang nanginginig sa takot. Mahigpit kong niyakap si Aeious – na siyang nag-ahon sa akin sa ilalim ng tubig – dala ng matinding takot ko na bago lumubog na naman.
“Hindi ka marunong lumangoy,” ani Aeious na hawak-hawak pa rin ako sa bewang ko.
Sunod-sunod akong tumango at nanubig ang mga mata. “Gago ka! Akala ko, mamamatay na ako.”
Hindi ko man gustong ipahalata, pero bumakas sa boses ko ang lahat ng takot na naramdaman ko kanina.
“I’m sorry... Ang sabi mo kasi, marunong kang lumangoy.” Ngayon ay bakas na sa boses ni Aeious ang pagka-guilt. Hindi ko naman alam kung nasaan ang dalawa niyang kapatid dahil hindi pa ako makalagaw, nandito pa rin kasi kami sa tubig.
“I lied, okay? I lied!” sigaw ko kasabay ng panlalaki ng mga mata ko nang maramdaman kong gumalaw siya sa tubig. Mas hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kanya sa takot. “Stop moving!”
“s**t, huwag mo akong yakapin ng sobrang higpit.”
“No, baka bitiwan mo ako! Ayaw kong malunod!” natatakot kong sabi at ibinaon sa gilid ng leeg niya ang pagmumukha ko. Ayaw kong makita ang tubig dahil nadadagdagan lang ang takot kong baka malunod ako.
“Hindi kita bibitiwan, lalangoy lang ako para maialis na kita rito sa pool,” paliwanag ni Aeious.
Sunod-sunod akong umiling. “Ayaw ko... Hindi ako naniniwala sa ‘yo.”
Narinig ko ang marahas na pagbuntong hininga ni Aeious. Tumigil na rin ang paglangoy niya patungo kung saan. Naging mahinahon na ulit ang paggalaw niya sa ilalim ng tubig, sapat na para hindi kami lumubog sa ilalim.
“Calm down, Laurent. Sa ginagawa mo, mas lalo kang malulunod niyan. Madadamay mo pa ako,” mahinahon niyang sabi.
Bahagya kong niluwagan ang pagkakayakap ko kay Aeious dahil sa sinabi niya. Dahan-dahan ko rin inalis ang ulo ko mula sa pagkakasubsob sa gilid ng leeg niya at hinarap siya.
Sumalubong sa akin ang mukha niyang nag-aalala. Bakas rin ang pagsisisi sa ginawa niya.
“Dapat sinabi mo na lang ang totoong hindi ka marunong lumangoy para sana hindi nangyari ‘to. Pero sorry pa rin. Kasalanan ko ‘to,” aniya habang titig na titig sa akin.
Napalunok ako habang pinagmamasdan ang mukha niya. Mula pagkabata ko ay kilala ko na si Aeious dahil malapit ang mga magulang namin sa isa’t isa at madalas kaming magkita ng mga kapatid niya sa tuwing nagkikita ang mga magulang namin. Nalayo lang sila sa amin nang lumipat sila Ninang Rhea at Ninong Benedict dito sa Antipolo.
Maraming taon na kaming magkakilala, pero ito ang unang beses na napagmasdan ko ang mukha ni Aeious nang malapitan.
Ang mga mata niya ay mapungay, lalo na sa tuwing ngingiti siya. Mas lalo pang nagiging maganda pagmasdan ang mga mata niya dahil sa kilay niyang medyo makapal. Ang ilong niya ay matangos at ang panga naman ay perpektong-pero ang hulma.
Napalunok muna ako bago dumako ang tingin sa labi ni Aeious. Manipis iyon na bahagyang mapula. Hindi halata sa labi niya na nagsisigarilyo siya.
“Ayos ka lang?” tanong ni Aeious na nagpabalik sa akin sa sarili ko. Mabilis akong tumango.
“O-oo!”
Nangunot ang noo niya na tila hindi nakumbinsi sa sinabi ko, pero hindi na niya nagawang isantinig iyon nang marinig namin ang boses ng mga kapatid niya.
“Kuya, ayos lang ba si Laurent?” nag-aalalang tanong ni Hraevne.
“Kuya, dalhin mo na siya rito!” Si Cillian naman.
Tanging tipid na tango lang ang itinugon ni Aeious sa dalawa bago muling itinuon ang tingin sa akin.
“Kumapit ka lang sa akin, pero huwag sobra dahil mahihirapan ako sa paglangoy,” bilin niya.
Sunod-sunod akong tumango. “Sige.”
Ramdam ko ang paghapit ni Aeious sa bewang ko palapit sa kanya at nagsimula nang dahan-dahan na lumangoy para mapunta kami sa gilid ng pool. At dahil hindi naman kami nasa gitna ay mabilis kaming nakarating doon.
Inabot ako ni Aeious sa nakaabang niyang dalawang kapatid para tulungan akong makaalis sa pool. Nang makaupo na ako sa gilid ng pool ay saka lang umahon si Aeious na hawak-hawak na ang mga sando nila na nabitiwan ko kanina nang malaglag ako sa pool.
“Sorry talaga, Laurent. Hindi namin alam na ganito ang mangyayari,” sunod-sunod na sabi ni Hraevne.
“We’re really sorry, Laurent. Gusto lang naman sana namin ikaw asarin,” sabi naman ni Cillian na nasa kanan ko. Nasa magkabilaan ko sila ni Hraevne habang nakaupo ako sa gilid ng pool.
Pilit akong ngumiti. “Ayos lang, kasalanan ko rin naman. Nagsinungaling akong marunong lumangoy, kaya inakala nyo ay ayos lang na itulak ako sa tubig.”
Napabuntong hininga silang dalawa. Mga mukha silang nakonsensiya dahil sa ginawa nilang biro na muntik ko nang ikapahamank. Pero kung tutuusin, wala naman talaga silang kasalanan. Kung noong una pa lang ay sinabi kong hindi ako marunong lumangoy kaya nasa gilid lang ako ng pool, hindi sana nila gagawin ‘yon. Hindi sana ako mahuhulog sa pool.
Nanghihina akong tumayo mula sa pagkakaupo sa gilid ng pool. Naglakad ako palapit kay Aeious na tahimik na pinapanood ang naging pag-uusap namin ng dalawang kapatid niya.
“Ayos ka na?” tanong niya sa akin nang tuluyan na akong makalapit sa kanya.
Tumango ako.
“Sana hindi na ‘to makarating pa kay Mom dahil siguradong magagalit siya sa ginawa namin,” pakiusap niya.
Humalukipkip ako at pinagtaasan siya ng kilay.
“Pero kung galit ka sa nangyari at may balak na magsumbong kay Mom, sa akin mo na lang isisi ang lahat. Huwag mo na idamay sina Hraevne at Cillian, tutal ako naman ang nagpasimuno nito," agap ni Aeious nang makita ang ekspresiyon ko.
Mahina akong suminghal. Sa totoo lang ay dapat akong magalit sa kanya at sa dalawa niya pang kapatid, pero sa tuwing iniisip ko kung bakit nila ginawa ‘yon ay hindi ko magawang magalit sa kanila. Alam ko kasing kasalanan ko at tanggap ko ‘yon. Nagsinungaling ako sa kanila kaya nangyari ito sa akin. Bukod doon, hindi naman nila intensyon na lunurin ako.
“Hindi ako magsusumbong,” sabi ko na bahagyang ikinatigil niya. Mukhang nagulat siya sa sinabi ko.
“Seryoso?” paninigurado niya, halatang hindi naniniwala sa sinabi ko.
Tumango ako. “Oo, hindi ako magsusumbong, pero...” Binitin ko ang sinasabi at mas lumapit sa kanya para sipain siya sa tuhod niya. “Inis pa rin ako sa ‘yo!”
Dumaing at napangiwi ang mukha ni Aeious dahil sa ginawa kong pagsipa sa tuhod niya, na ngayon ay hawak-hawak na niya. Suminghal ako at pasaring na inalis ang tingin sa kanya para ibaling sa dalawa niya pang kapatid. Pero ang mga loko, basta na lang silang tumalon sa pool para makatakas sa akin.
Mga mauutak! Porket hindi ako marunong lumangoy, sa pool sila nagpunta.
“Bumalik kayo rito!” sigaw ko. “Hindi porket hindi ako galit sa ginawa nyo, hindi ibig sabihin ay hindi ako naiinis sa inyo! Gaganti pa rin ako sa inyo!”
Tinawanan lang ako ng dalawa habang lumalangoy na patungo sa gitna ng pool.
Napapadyak na lang ako sa inis.
Mga madadaya!