HINDI pa nila tuluyang nauubos ang barbecue sa bibig nila pero kumuha na silang tatlo ng panibagong stick ng barbecue dahilan para maging masama ang tingin ko sa kanila.
Sarap na sarap sila sa kinakain at panay ang kuha, dahilan para hindi ako makaipon ng niluluto kong barbecue. Ako ang naatasang gawin ito, at sila naman ang mga lokong kain lang nang kain.
“Ang kakapal,” parinig ko sa kanilang tatlo. Nakuha ko naman ang atensiyon nila dahil sa sinabi ko at pare-parehong naguluhan.
“Anong nangyari sa ‘yo? Bakit ang sama ng tingin mo sa amin?” tanong ni Hraevne. Naubos na nito ang kakakuha lang na stick ng barbecue. Akmang kukuha siya ng panibago nang hampasin ko ang kamay niya gamit ang pamaypay na hawak ko.
“Heh! Stop!” pagpigil ko sa kanya. “Alam nyo bang kanina pa ako luto nang luto at paypay nang paypay dito para maluto ang barbecue, pero kayo, inuubos nyo lang ang naluluto ko at hindi man lang ako inaalok!”
Nagkatinginan silang tatlong magkakapatid sa sinabi ko at sabay-sabay na nagkibit-balikat.
“Anong mali roon?” tanong ni Cillian.
Napapikit ako sa inis. Hindi ba nila ako naiintindihan? Sobrang init na nga ng panahon at mas lalo pang umiinit ang pakiramdam ko dahil nasa harapan ako ng lutuan. Nangangawit na rin ang kamay ko sa kakapaypay ng grini-grill kong barbecue at masakit na ang paa ko dahil kanina pa ako nakatayo. Tapos silang tatlo, walang ginawa kundi kainin ang niluluto ko.
Mga madadaya!
“Mga bwiset kayo, pagod na ako!” singhal ko at inabot ang pamaypay kay Aeious. Kahit naguguluhan siya ay kinuha niya pa rin ‘yon mula sa akin. “Kayo naman ang magluto, pagod na ako.”
Mabilis na ipinasa ni Aeious kay Cillian ang hawak na pamaypay dahil sa sinabi ko.
“Ikaw ang gumawa.”
“Bakit ako?” reklamo ni Cillian.
“Kuya mo ako, kaya sundin mo ako," sagot ni Aeious na ikinabusangot ng mukha ni Cillian.
Naglipat naman ng tingin si Cillian kay Hraevne at dito ipinasa ang hawak na pamaypay, pero ang lokong Hraevne ay umiwas lang sa inaabot sa kanyang pamaypay.
“Kuya Cillian naman, ikaw ang inuutusan ni Kuya Aeious!” reklamo ng bunso.
Sinamaan ng tingin ni Cillian si Hraevne. “Kuya mo ako, kaya sundin mo ako.” Panggaya nito sa sinabi ni Aeious.
Humaba ang nguso ni Hraevne dahil sa sinabi ni Cillian at napipilitang kunin ang pamaypay. Bumubulong-bulong pa ito nang lumapit ito sa lutuan, bahagya pa akong hinawi papaalis.
Napailing ako at naglipat ng tingin sa dalawang kuya na pinagkaisahan ang bunso. Pareho ko silang sinamaan ng tingin.
“Ma madadaya!” asik ko. “Isusumbong ko kayo kay Ninang Rhea, pinagtulungan nyo si Hraevne.”
“Wala akong ginagawa riyan," painosente ni Aeious.
“Ginaya ko lang ang ginawa ni Kuya Aeious," dahilan naman ni Cillian.
Napasinghal na lang ako sa mga gagong kaharap at mabibigat ang mga paang iniwan na sila roon. Babalik ako sa suite namin kung nasaan si Ninang Rhea para isumbong ang ginagawa nila. Pero habang naglalakad ay napatigil ako nang may mabunggo.
“s**t, ang tanga!” bulalas ko at sinamaan ng tingin ang lalaking nakabunggo sa akin.
“Sorry, hindi kita napansin,” usal agad nito.
Marahas na lang akong napabuntong hininga. “Sige, bahala ka na riyan.”
Maglalakad na sana ako palayo pero natigil ako nang maramdaman ko ang paghawak ng estrangherong lalaki sa pulsuhan ko. Naguguluhan kong hinarap ito at nakita ko ang nakangiti niyang mukha.
“Can I have your name, please?”
Mabilis akong umiling at sinubukang bawiin sa kanya ang pulsuhan ko pero hindi niya ‘yon binitiwan.
“Let me go,” mariin kong sabi.
Kahit halata na sa akin na hindi ako natutuwa sa ginagawa niya ay hindi niya pa rin ako binibitiwan at nakangiti pa rin sa harapan ko.
“Please, gusto ko lang malaman ang pangalan mo," pangungulit niya.
Umiling ako. “Let me go, habang kaya ko pang pagpasensyahan ka.”
Mas pinapainit niya ang ulo ko dahil sa ginagawa niya.
“Bibitiwan lang kita kapag sinabi mo na ang pangalan mo,” aniya.
Napapikit ako sa sobrang inis. Inis na nga ako sa tatlong magkakapatid ay dadagdagan pa niya. Mukhang sa kanya ko maibubuntong ang inis ko sa tatlong loko.
“Sabing bitiw!” asik ko at muling sinubukang bawiin sa kanya ang pulsuhan ko, pero katulad kanina ay hindi niya ako hinayaang makalaya. Humihigpit na ang hawak niya sa akin.
Handa na sana akong sipain sa maselang parte ng katawan niya ang lalaking kaharap nang mapansin kong may tatlong lalaki ang lumapit sa amin; sina Aeious, Cillian at Hraevne! May hawak pang plato ng barbecue si Hraevne.
“Anong problema rito?” tanong agad ni Aeious sa maangas na boses at tinapunan ako ng tingin at ang lalaking hindi ko naman kilala.
Ngumiti ng malawak ang lalaking may hawak sa akin. “Nothing, bro. Nagkaroon lang kami ng tampuhan ng girlfriend ko kaya siya ganito ngayon.”
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig at hindi makapaniwalang napatitig sa kanya. Ang lupet ng lalaking ‘to. Makuha lang ang pangalan ng babae ay handa siyang mangulit ng sobra at nagawa pang magsinungaling.
“Are you kidding me? Girlfriend ko ang hawak mo.”
Kung nagulat at nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ng estrangherong lalaki kay Aeious, mas nagulat at nanlaki ang mga mata ko sa narinig na sinabi ni Aeious.
Mukhang pati ang lalaking may hawak sa akin ay nagulat sa narinig. Bigla ako nitong nabitiwan. Simantala ni Aeious ang pagkabigla ng lalaki para magtungo sa gitna ko para itago ako sa likuran niya saka hinarap ang lalaking nangungulit sa akin. Sa magkabilaan naman ni Aeious ay sina Cillian at Hraevne na may masamang tingin sa lalaking nangungulit sa akin.
“Tigilan mo na siya, dahil ako ang makakalaban mo kapag kinulit mo pa ang girlfriend ko," banta ni Aeious.
“At kapag nakalaban mo si Kuya Aeious, asahan mong makakalaban mo rin kami," dagdag naman ni Hraevne.
Marahas na napabuntong hininga ang lalaki at basta na lang naglakad papalayo sa amin, mukhang natakot sa banta ng tatlo. Nang tuluyan na itong mawala sa paningin namin ay saka lang ako hinarap ng tatlo.
Bubuka pa lang sana ang bibig ni Aeious pero natigilan na siya nang sipain ko siya sa tuhod niya. Narinig ko agad ang pagdaing niya dahil sa ginawa ko.
“Anong girlfriend, huh?” pasigaw kong tanong.
Nakangiwi ang mukha niyang tumingin sa akin. “Sinabi ko lang ‘yon para tigilan ka niya.”
“Sana ‘di ka na tumulong, kaya ko naman ‘yong lalaking ‘yon.”
“Pero hindi namin puwedeng hayaan kang mapahamak sa lalaking ‘yon,” sabat ni Cillian.
Puno ng sarkasmo akong natawa. “Bakit? Kasi malalagot kayo kay Ninang Rhea kapag may nangyari sa akin?”
Mabilis na umiling si Cillian. “It’s not like that.”
“E’ di ano?”
“May paki kami sa ‘yo at mahalaga ka sa amin, kahit hindi sabihin ni Mom ay poprotektahin ka naming tatlo," sagot ni Aeious na ngayon ay nakatayo na ng tuwid.
Hindi agad ako nakasagot sa sinabi niya. Ang inaasahan kong isasagot nila ay ginawa nila ‘yon para hindi mapahamak kay Ninang Rhea.
“Pero—” Hindi ko naituloy ang sinasabi nang may sumalpak na barbecue sa bunganga ko.
“Kain ka na, alam kong gutom ka,” ani Hraevne na halatang pinapatahimik lang ako. Narinig ko agad na pagtawa nina Aeious at Cillian dahil sa ginawa ng bunso nila.
Napasinghal na lang ako at inagaw ang stick ng barbecue kay Hraevne at gaya ng sinabi niya ay kinain ko na lang ito. Malamig na ito at mukhang isa ito sa mga nauna kong niluto kanina.
Sinamaan ko pa muna sila ng tingin bago naunang maglakad sa kanila. Ramdam ko naman ang pagsunod nila sa akin.
Nang makarating kami sa suite namin ay kumain muna kami ng tanghalian kasama si Ninang Rhea. Hindi na rin namin binanggit na apat ang nangyaring gulo kanina. Huling araw na naman ito sa S.M.I.L.E Hotel and Resort at ayaw naming sirain ang nalalabi naming oras dito. Kapag kasi ikinuwento pa namin ‘yon kay Ninang Rhea ay baka magkaroon pa ng gulo.
DAHIL mga sawa nang magbabad ang tatlo sa pool, at ako naman ay hindi marunong lumangoy, si Ninang Rhea naman ay walang balak na magtungo ng pool, inabala na lang naming lima ang sarili sa ibang bagay at in-enjoy na lang ang tanawin sa paligid. Sinusubukan na lang din namin ang iba’t ibang pagkain dito.
Nang sumapit naman ang gabi ay sabay-sabay kaming naghapunan. At dahil maaga ang alis namin bukas ay nauna nang matulog si Ninang Rhea.
Dahl masyado pang maaga at hindi pa ako inaantok, tumambay na lang ako sa veranda ng kwarto ko para magpalamig. Ninanamnam ko ang ganda ng paligid noong sa ibaba ng veranda ko ay napansin ko ang tatlong magkakapatid at may dala-dalang jag si Cillian, si Hraevne naman ay mga plastic cups.
Nangunot ang noo ko habang pinapanood ko ang paglalakad nila palayo mula sa suite namin. Dahil sa kuryusidad ay mabilis akong lumabas ng kwarto ko at ng suite para sundan sila. At dahil sa kasusunod ko sa tatlo ay nakarating kami sa lugar kung saan may mga kubo at pumasok sa isa roon ang tatlong magkakapatid.
Napangisi ako sa pinapanood ko. May ideya na ako kung anong gagawin nila sa kubo dahil na rin sa dala nilang jag at plastic cup. Inilagay ko sa harapan ng dibdib ko ang mga braso at nagpunta na roon. Pinasok na sila sa kubo.
Kita ko ang gulat ng tatlong magkakapatid nang makita akong pumasok sa kubo. Naupo ako sa bakanteng upuan sa tabi ni Aeious at pinagtaasan ng kilay ang tatlong magkakapatid na gulat pa rin sa pagdating ko.
“Paano mo nalamang nandito kami?” tanong ni Aeious na unang nakabawi mula sa pagkabigla.
“Nakita ko kayong tumatakas sa suite mula sa veranda ng kwarto ko,” tugon ko at dumapo ang tingin sa jag at sa plastic cups na nakalapag sa lamesang nasa gitna naming apat. Napangisi ako nang tumama ang hula ko. Alak nga ang laman ng jag.
“Ang sabi nyo, hindi kayo nag-iinom,” nakangisi kong sabi sa kanilang tatlo, pero dumaan ang ilang segundo ay wala akong nakuhang tugon sa kanila dahilan para matawa ako. “Akala ko ay si Aeious lang ang sinungaling sa inyong tatlo, lahat pala kayo.”
“Huwag kang maingay kay Mom, hindi niya puwedeng malaman ‘to,” ani Cillian.
Tumango ako sa sinabi niya. “Okay, I’ll zip my mouth, pero kailangan nyo akong isali. Medyo matagal na rin noong huli akong nakainom.”
Nagkatingnan silang tatlo at pare-parehong bumuntong hininga.
“May choice pa ba kami?” si Aeious.
Umiling ako. “Wala, kaya magsimula na tayo.”
Dahil sakto lang ang dala nilang plastic cups, kinailangan pang kumuha ulit sa suite. At dahil walang may gustong kumuha sa kanila dala ng katamaran, dinaanan na naman nila ‘yon sa bato-bato pik at sa huli ay si Cillian ang natalo. Kaya siya ang bumalik sa suite para ikuha ako ng plastic cups.
Sa kubo kaming apat nagpalipas ng oras habang nag-iinom at nagkukuwentuhan. Sa totoo lang, kahit madalas akong naaasar o nawe-weirduhan sa tatlong ‘to ay mababait sila sa akin. Tulad na lang ng ginawa nila kaninang umaga noong may lalaking nangungulit sa akin. Hindi ko inaasahang dadating sila roon para proteksyunan ako mula sa lalaki.
Hindi rin maialis sa isipan ko ang sinabi ni Aeious sa akin. Talagang humaplos ‘yon sa puso ko. Siguro ay dahil bilang na beses ko lang nararamdaman na may taong nagpapahalaga at nagbibigay ng paki sa akin.
“Let’s play a game,” biglang sambit ni Hraevne na siyang kumuha ng atensiyon namin nina Aeious at Cillian.
“Anong game?” tanong ni Cillian.
“Truth or Date.”
“Pero wala tayong bote,” ani Aeious.
Ngumuso si Hraevne sa sinabi ng kuya at basta na lang ito umalis mula sa kinauupaun niya para lumabas ng kubo. Nagkatingnan na lang kami nina Aeious at Cillian sa ginawa ni Hraevne.
Ilang minuto ang lumipas ay bumalik na si Hraevne at may dala-dala ng bottled water. May laman pa ‘yon at halatang bagong bili pa dahil malamig pa.
“Game na?” sarkastikong tanong ni Hraevne sa aming tatlo.
Natawa kaming tatlo sa inakto ni Hraevne pero tumango pa rin. Si Hraevne naman ay bumalik sa puwesto niya at pinaikot na ang bote. Unang tumapat ‘yon kay Aeious.
“Kuya Aeious, walang kuya-kuya ngayon. Truth or Dare?” tanong ni Hraevne.
Walang pagdadalawang isip na sumagot si Aeious.
“Truth.”
Ngumisi si Hraevne. “Ikaw ‘yong umubos sa isang mamahaling vodka ni Dad sa cabinet niya, tama ba ako?”
Tumango si Aeious na parang wala lang. “Tama ka.”
“I knew it! Ikaw talaga ang may sala,” natatawang sabi ni Hraevne at inabot kay Aeious ang bote.
Pinaikot na ni Aeious ang bote at tumapat ‘yon kay Cillian. Hindi tulad ni Aeious ay pinili ni Cillian and dare kaya inutusan ito ni Aeious. At dahil dakilang gago si Aeious, inutusan niya ang kapatid na magdala ng bra o kahit na anong undergarments galing sa babaeng hahalikan ni Cillian.
Noong una ay ayaw gawin ni Cillian ang dare, pero nang sabihin ni Aeious na may parusa kapag hindi ginawa ang dare ay agad-agad na lumabas si Cillian ng kubo. Nasisiguro niya kasing mas mahirap na parusa ang ipapataw sa kanya ni Aeious.
Napuno ng tawanan ang buong kubo nang nasa twenty minutes ang lumipas ay bumalik na si Cillian at may dala-dalang bra. Pabato niyang inilapag ‘yon sa ibabaw ng lamesa.
“Ikakasira ko ng buhay ‘yan,” ani Cillian na halatang nahihiya sa ginawa.
Tatawa-tawa akong nagbaba ng tingin sa lamesa kung nasaan ang bra. Two piece ito kaya siguro ay madali niyang natanggal. At kung paano niya natanggal ‘to mula sa babae, hindi ko alam. Wala akong ideya.
“Ang lupet talaga ng isang Cillian Salcedo! Akala mo ay tahimik lang pero mapanganib,” panunukso ni Hraevne sa kuya.
Suminghal lang si Cillian at pinaikot na ang bote kahit na panay pa rin ang tawa at pang-aasar namin sa kanya. Natigil lang ako sa pagtawa ko nang mapansing sa akin tumapat ang bote.
“Truth,” mabilis kong sabi kahit na hindi pa nagtatanong si Cillian dahilan para umingos siya.
“Come on, mag-dare ka na lang. Nang makabawi naman ako," parang batang sabi niya.
Natatawang tumango ko. “Sige na nga, baka umiyak ka pa.”
Muling natawa sina Aeious at Hraevne sa sinabi ko. Humaba naman ang nguso ni Cillian.
“Maghanap ka ng lalaking gwapo o lalaking nakaka-attract para sa 'yo at halikan mo," ani Cillian na binabalewa ang tawa ng dalawa niyang kapatid.
Ngumisi si Hraevne. “Para namang sinabi mong ako ang dapat halikan ni Laurent.”
Natawa ako sa sinabi nito bago ibinalik ang tingin kay Cillian.
“Sure ka na riyan? Ang dali naman,” pang-aasar ko.
Tumango ito. “Go, do it. Susunod kami sa ‘yo para makita namin kung ginawa mo nga.”
Umiling ako. “Hindi na kailangan.”
Hindi ko na kailangang mag-isip o maghanap kung sino ang sa tingin ko ay gwapo o naa-attract ako dahil may tao na agad ang pumasok sa isipan ko na talagang kumuha ng interes ko noong unang araw ko pa lang sa bahay nina Ninang Rhea at Ninong Benedict.
Bumakas ang pagkagulo sa mukha nilang lahat dahil sa sinabi ko, pero hindi na nila nagawang magtanong pa nang ibaling ko ang tingin kay Aeious na siyang katabi ko.
Nangunot ang noo niya. “Why are you looking at me like that?”
Sa halip na sagutin siya, inilapit ko ang sarili sa kanya at walang sabing hinigit ang batok niya palapit sa akin at sinalubong ng labi ko ang labi niya.
Narinig ko ang pagsinghap nina Cillian at Hraevne.
Hindi ko pinansin ang dalawang mukhang nabigla sa ginawa ko. Ipinikit ko ang mga mata ko at sinimulan nang igalaw ang labi ko sa labi ni Aeious.
Sa una ay marahan lang ang paggalaw ng labi ko. Magaan lang at parang nanunuyo. Pero nang mapansing hindi tumutugon si Aeious sa halik ko ay mariin kong kinagat ang labi niya saka inilayo ang mukha ko sa kanya.
“Kiss me back,” utos ko habang namumungay na ang mga mata. Hindi ko alam kung dala lang ba ito ng alak na nainom namin, pero hindi sapat sa akin ang isang halik na ‘yon. Ni wala nga akong pakialam sa dalawa niyang kapatid na nanonood sa aming dalawa ni Aeious.
Hindi ko na hinintay na makapagsalita pa si Aeious. Muli kong inatake ng halik ang labi niya. Napangisi ako nang naramdaman kong tumugon na rin ito sa halik ko.