RAMDAM ko ang nakakailang na atmospera sa loob ng van. Aware kaming apat nina Aeious, Cillian, at Hraevne tungkol doon, tanging si Ninang Rhea na walang alam ang hindi nakakapasin sa ilangan namin ng mga anak niya. Tahimik lang itong nagmamaneho pabalik ng Cogeo.
Ang tatlong magkakapatid ay hindi sa akin makatingin ng maayos, ganoon din ako sa kanila. Laking pasasalamat ko rin na si Hraevne ang katabi ko dahil baka mas lalo akong mailang kung nagkataong nagkatabi kami ni Aeious.
Ngayon ko nararamdaman ang hiya sa ginawa ko. Nakipaghalikan ako kay Aeious sa harapan ng mga kapatid niya. Hindi lang ‘yon, inutusan ko pa itong tugunin ang halik ko. Nakakahiya talaga!
Kinagat ko ang ibabang labi ko at naglipat ng tingin sa harapan, kay Aeious na abala sa pagkalikot sa kanyang cellphone. Si Cillian ang katabi nito.
Bumuntong hininga ako at isinandal ang sarili sa upuan ko habang pinakatitigan ang likuran ng ulo ni Aeious. Nawala lang kay Aeious ang tingin ko nang maramdaman kong may kumalabit sa akin.
“What?” tanong ko kay Hraevne na siyang kumalabit sa akin. Agad niya akong sinenyasang tumahimik na ikinakunot ng noo ko.
“Hinaan mo lang ang boses mo,” mahina niyang sambit.
Nakakunot pa rin ang noo ko nang ilapit ni Hraevne ang mukha sa akin at tumapat sa tainga ko.
“May gusto ka ba kay Kuya Aeious?”
Nanlaki ang mga mata ko sa ibinulong ni Hraevne dahilan para malakas ko siyang hampasin sa dibdib niya na ikinadaing niya. Napaubo pa siya sa sobrang lakas ng hampas ko.
Dahil sa ginawang pagdaing ni Hraevne ay nakuha namin ang atensiyon ng ibang taong nandito. Pangiwi akong ngumiti.
“Inuubo siya,” dahilan ko at ipinatong sa balikat ni Hraevne ang kamay ko saka siya pasimpleng pinisil. “Hindi ba, inuubo ka lang?”
Napipilitang tumango si Hraevne. “Oo. Ubo lang ‘to.”
Dahil abala si Ninang Rhea sa pagmamaneho ay inalis na agad nito ang tingin sa amin ni Hraevne, sa rear mirror niya kami pinagmasdan. Parehong nakakunot naman ang noong nag-alis ng tingin sa amin sina Aeious at Cillian.
Muli akong napabuntong hininga at pinukol ng masamang tingin si Hraevne. Paano niya nagawang isipin na gusto ko si Aeious? Porket ba hinalikan ko ito? But it was just a dare! At nasaktuhang si Aeious ang sa tingin kong gwapo na nakaka-attract sa akin kaya siya ang hinalikan ko. Hindi ko aakalaing bibigyan nila ng malalim na kahulugan ang simpleng halik na ‘yon.
Kung tutuusin, para sa akin ay wala lang ang halik na ‘yon. Hindi naman ‘yon ang unang beses kong nahalikan dahil dati na akong nahalikan ng mga naging boyfriend ko.
“Manahimik ka na, kung hindi sasamain ka sa akin!” banta ko kay Hraevne habang pinapaningkitan pa siya ng mga mata.
Nakangisi siyang tumango. “Sige, tatahimik na.”
Kahit na ganoon ang itugon sa akin ni Hraevne ay naniningkit pa rin ang mga mata ko habang pinagmamasdan siya. Ang loko kasi, halatang hindi seryoso sa sinabi niya.
Para matapos ang asaran ay nag-iwas na ako ng tingin kay Hraevne at kinuha na lang ang cellppone ko sa bulsa ko, at dito itinuon ang tingin sa buong oras ng byahe.
Nang makarating sa bahay ay inutusan ni Ninang Rhea ang tatlo na ilabas ang mga gamit namin sa van. At dahil si Ninang Rhea ang nagmaneho sa buong byahe, nauna na siyang umakyat sa kwarto niya.
Nag-unat-unat ako ng pangangatawan nang makababa ng van. Ang isang bag ko naman ay nakasukbit sa balikat ko.
“Hey.”
Natigil ako sa ginagawa kong pag-uunat at pinagtaasan ng kilay si Cillian na lumapit sa tabi ko.
“What?”
Nabigla ako nang bigla na lang niyang kunin ang bag kong nakasukbit sa balikat ko.
“Let me help you with this,” aniya at nauna nang maglakad.
Naguguluhan at hindi ako makapaniwalang pinagmasdan ang papalayong bulto ni Cillian. Halata namang kaya kong buhatin nang mag-isa ang bag ko, pero bakit niya pa ako tinulungan?
Sinundan ko na lang si Cillian sa loob ng bahay. Nauuna siya sa paglalakad sa amin habang ako ay nananatiling nasa likuran niya at nakasunod sa kanya. Huminto lang kami sa paglalakad nang nasa tapat na kami ng pintuan ng kwarto ko.
“Akin na ang bag ko, salamat," sabi ko at inilahad ang kamay sa harapan niya.
“Do you like Kuya Aeious?” seryosong tanong ni Cillian sa halip na ibigay sa akin ang bag ko.
Bahagya akong napapikit sa inis. Kanina ay si Hraevne, ngayon naman ay si Cillian. Ganoon ba ka-big deal sa kanila ang halik na ‘yon?
“Ang kulit din ng lahi nyo, ‘no? Kanina si Hraevne, ngayon ay ikaw naman,” may bakas ng inis na sabi ko.
Nagkibit-balikat siya. “Sagutin mo na lang kasi ‘yong tanong ko.”
“Wala akong gusto sa kuya nyo, okay na ba? Mananahimik na kayo?”
“Then, why did you kiss him?” tanong na naman niya.
Puno ng sarkamo akong natawa. “Hindi ba, nag-dare ka.”
“Pero bakit si Kuya Aeious ang hinalikan mo?”
Suminghal ako sa sobrang inis sa mga tanungan ni Cillian.
“Anong gagawin ko? Si Aeious ang gwapo sa mata ko, sa kanya rin ako naa-attract. Kasalanan ko ba ‘yon? Sisihin mo ang kuya mo, masyado niyang kinukuha ang atensiyon ko. At isa pa, bakit ako nang ako ang tinatanong nyo kung bakit hinalikan ko si Aeious? Eh, hinalikan din naman ako ni Aeious!” sunod-sunod kong sabi habang masama ang tingin kay Cillian. Pero natigilan ako nang may marinig akong tumikhim sa likuran ko.
“Excuse me, nakaharang ka sa pintuan ng kwarto ko.”
Boses ni Aeious ‘yon! Nakalimutan kong sa kanya pala ang kwartong kaharap ng kwarto ko.
Umawang ang bibig ko at dahan-dahan na pumihit patalikod para harapin si Aeious.
“s**t,” mahinang usal ko. Sa oras na ito ay gusto ko na lang magpakain sa lupa dahil sa sobran kahihiyan.
Marahan akong itinulak ni Aeious paalis sa pintuan ng kwarto niya para buksan ‘yon. At bago siya tuluyan pumasok sa loob ay may sinabi pa siya.
“I kissed you back because you told me to do it,” aniya at isinara na ang pintuan ng kwarto niya.
Napanganga na lang ako habang nakatingin sa pintuan ng kwarto ni Aeious na ngayon ay nakasara na. Ang kapal ng mukha ng isang ‘yon, pinapalabas niya bang napilitan lang siyang halikan din ako? Binabawi ko na ang sinabi ko kagabi na mababait ang tatlong magkakapatid na ito, dahil mga gago sila.
“Kung gusto mo si Kuya, mas magandang itigil mo na, Laurent. Hindi siya tulad ng inaasahan mo," babala ni Cillian na ikinalingon ko sa kanya. Basta na lang niyang inabot sa akin ang bag ko at naglakad na papalayo. Wala akong nagawa kundi pagmasdan ang papalayo niyang bulto.
Napailing na lang ako at pumasok na sa kwarto ko. Basta ko na lang hinagis sa sahig ang dala kong bag at pagod na ibinagsak ang sarili sa kama.
Mas lalo akong naguluhan sa babala ni Cillian. Paanong hindi tulad ng inaasahan ko si Aeious? May kakaiba ba sa kuya nila para sabihin sa akin ‘to ni Cillian?
Umayos ako ng higa at inabot ang unan ko para yakapin ito habang naglalaro pa rin sa isipan ko ang sinabi ni Cillian at nangyaring halik kagabi.
What does he mean by that? May gusto bang iparating si Cillian sa akin? Halata naman kasing nagbibigay siya sa akin ng babala.
GAYA ng madalas kong gawin, maghapon akong nagkulong sa kwarto ko. Lumalabas lang ako ng kwarto ko kapag kakatukin ako ni Ninang Rhea para sumabay sa kanila sa pagkain, pero matapos noon ay babalik din agad ako sa kwarto ko.
Sa totoo lang ay bagot na bagot na ako sa bahay na ‘to. Hindi pa rin ako pamilyar sa lugar kahit na higit dalawang linggo na akong nakikitira dito. Wala rin akong ibang kakilala rito bukod sa pamilya ni Ninang Rhea. Ni hindi ko nga alam kung saan ang gimikan, dahilan para hindi ako makatakas sa tuwing gabi.
Hindi ako sanay sa ganitong buhay. Hinahanap-hanap ko ang kabang nararamdaman ko sa tuwing nakikipagkarera ako dahil sa tiyansang baka mahuli ako, ang inis at galit ko sa tuwing may nakakaaway ako, at ang saya ko sa tuwing gumigimik.
Bumangon ako sa kama at naupo sa ibabaw nito. Hindi puwedeng ganito ako. Baka mabaliw ako sa sobrang pagkabagot.
“Kailangan kong makahanap ng mapapaglibangan,” usal ko sa sarili.
Tuluyan na akong umalis sa kama ko at nagtungo sa cabinet para magpalit ng damit. Nang matapos ay tahimik akong lumabas ng kwarto ko. Bawat lakad na ginagawa ko ay nag-iingat para hindi makagawa ng ingay. Nakapagpasya na ako. Tatakas ako ngayong gabi, at kung saan man ang punta ko ay bahala na.
Sucessful akong nakalabas ng bahay nang walang nagagawang ingay. Pangisi-ngisi tuloy akong naglakad patungong gate. Akala ko ay naluluma na ang skills ko sa pagtakas, hindi pa pala.
“Where are you going?”
Natigilan ako at pakiramdam ko ay tinakasan ng dugo ang buong mukha ko nang may marinig akong pamilyar na boses galing sa kung saan. Namimilog ang mga mata kong hinanap ang pinaggalingan ng boses na ‘yon at natagpuan ko ‘yon sa lalaking nakaupo sa bench, malapit lang mismong gate.
“Aeious...” gulat kong usal sa pangalan niya at pinasadahan siya ng tingin. Nakapantulog pa rin si Aeious habang nakaupo sa bench at may hawak na sigarilyo, umuusok pa nga ito. Malamang ay lumabas lang ito ng bahay para magsigarilyo.
“Gabi na, bakit nandito ka? Anong balak mo?” tanong niya na tila nag-iimbestiga.
Mabilis akong umiling. “Wala, naisipan ko lang magpahangin.”
Tumaas ang isang kilay ni Aeious sa sinabi ko at pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa dahilan para mapatingin din ako sa sarili ko. Mahina akong napamura nang makita ko ang sarili; nakapantalon at hoodie jacket. Hindi ito ang damit na suot ng taong gustong magpahangin lang.
“Tatakas ka,” ani Aeious. Hindi ‘yon patanong, sinabi niya ‘yo nang siguradong-sigurado siya.
Marahas akong nagbuntong hininga. “Oo na, dapat ay tatakas talaga ako.”
Pumalantik ang dila niya sa pag-amin ko.
“Saan mo naman balak na magpunta?”
Napaisip ako sa sinabi niya. Sa totoo lang ay wala akong balak kung saan ba ang punta ko. Basta ang guto ko lang ay makatakas muna kahit saglit sa bahay na ‘to.
Ngumuso ako nang ilang segundo na ang lumilipas ay wala pa rin akong maisagot sa kanya. Mahina siyang natawa dahil doon.
“Sa susunod na tatakas ka, isipin mo muna kung saan ka pupunta,” aniya na halatang nang-aasar.
Humalukipkip ako at inirapan siya. “Kasalanan mo ‘to.”
Bumakas ang pagkagulo sa mukha niya dahil sa sinabi ko.
“Bakit kasalanan ko? Anong ginawa ko?”
Pinukol ko siya ng masamang tingin. “Kung iginala mo ako sa paligid noong sinabi ko sa ‘yo, e’di sana pamilyar na ako sa lugar na ‘to. Kaya bwiset ka, ikaw ang may kasalanan nito.”
Napangiti na lang siya sa sinabi ko na ikinasalubong ng dalawa kong kilay. Bwiset na lalaking ‘to!
“Epal ka! Epak ka talaga!” asar kong sambit. Naiirita ako sa ngiti niya. Imbes kasi na maasar ako sa kanya dahil mabubulyaso ang pagtakas ko dahil siguradong hindi naman niya ako hahayaang makalabas, ay kabaliktaran noon ang nararamdaman ko. Nagagwapuhan pa ako sa ngiting nasa labi niya.
Nasisiraan na yata ako ng ulo.
“Tara, dalawa tayong tumakas ngayong gabi."
Natigilan ako at umawang ang bibig ko sa gulat sa sinabi ni Aeious. Hindi ko alam kung tama ba ang pagkakarinig ko sa sinabi niya.
“A-ano?” hindi ko makapaniwalang tanong.
Tumayo si Aeious sa kinauupuan niya at itinapon ang sigarilyong hawak niya sa malaking trash bin na malapit lang sa kinauupuan niyang bench saka naglakad papalapit sa akin.
“Tara, tumakas tayo ngayong gabi," pag-uulit ni Aeious sa sinabi niya dahilan para matanga ako.
Hindi ko na nagawang makapagsalita pa nang hawakan ako ni Aeious sa palapulsuhan ko at hinila patungong garahe. Saglit niya akong iniwan dito para bumalik sa bahay at nang makabalik siya ay nakabihis na siya ng maayos at may dala-dala na siyang susi.
Nakatanga pa rin ako nang tanggalin ni Aeious mula sa pagkaka-lock ang motor niya at sinimulan itong itulak palabas ng garahe. Ako naman ay inutusan niyang buksan ang gate na wala sa sarili kong ginawa.
Tulak-tulak ni Aeious ang motor niya habang naglalakad kami palabas ng bahay. At nang sa tingin niya ay nakalayo na kami, sumakay na siya ng motor at binuhay ang makina nito saka siya nakangiting naglipat ng tingin sa akin.
“Sakay na,” utos niya.
Napailing na lang ako nang makabawi na ako sa pagkabigla sa nangyari.
Ngumisi ako at sumakay na sa motor, sa likuran ni Aeious.
“Saan ang punta natin?” tanong ko.
May ngisi pa rin sa labi ni Aeious nang alisin sa akin ang tingin at itinuon ito sa daan.
“Kahit saan.”
Pinihit ni Aeious ang hand grip ng motor dahilan para umingay sa paligid ang maangas na tunog ng motor niya. Mahigpit na lang akong napakayakap sa tiyan ni Aeious nang biglang mabilis na umandar ang motor na tila lumilipad kami sa sobrang bilis.
Napangiti ako nang maramdaman ko ang malamig na hangin na tumatama sa balat ko at nagpapasayaw ng buhok ko sa ere.
Ito ang isang pakiramdam na hinahanap-hanap ko. Ang malamig na hangin sa madilim na gabi.
Nakangiti kong sinilip ang mukha ni Aeious habang nasa likuran niya ako. Nakita ko ang ngiti sa labi niya habang nagmamaneho. Bahagya rin nililipad ang buhok niya dahilan para magulo ito. Pero sa halip na magmukhang tanga, kabaliktaran noon ang nakikita ko ngayon.
Ang isang nakangiting Aeious Salcedo habang nililipad ng hangin ang buhok niya. Isa na yata ito sa pinakamagandang tanawin na nakita ko rito sa Antipolo.
Unting-unti naglaho ang ngiti sa labi ko nang may maisip. Maloko ang tatlong magkakapatid, pero si Aeious ang nabubukod tangi sa kanila. May kakaiba kay Aeious na hindi ko maipaliwanag. Sa tuwing nakikita ko rin silang tatlo na magkakasama, palaging si Aeious ang unang napapansin ko. Bukod doon, naaalala ko ang babala ni Cillian sa akin. Gusto kong alamin kung ano ang ibig sabihin ni Cillian sa babala niya sa akin.
Sa tingin ko mula ngayong gabi ay hindi na ako mababagot. May bago na akong paglilibangan—si Aeious, at siya ang gagamitin ko para ipakita ko sa mga magulang ko na kahit saan nila ako dalhin ay hindi na nila ako mapapagbago.