MAAGANG natapos ni Jesilyn ang kanyang trabaho para sa araw na iyon kaya habang hinihintay ang pagsundo ni Apolinario ay natagpuan niya ang sariling nagbabasa ng mga artikulo sa Internet. Natigilan siya nang may nabasang nakapukaw sa kanyang atensiyon.
Twelve Courageous Things Every Person Should Do Before Turning Thirty, iyon ang title ng artikulo.
Napaderetso ng upo si Jesilyn at binasa ang mga nakasulat doon. Nasa kalagitnaan pa lang siya ng pagbabasa ay parang may kumukutkot na sa dibdib niya. Nakaramdam siya ng inggit sa mga taong may tapang gawin ang mga nakalista roon. Gusto rin niyang magkaroon ng tapang na umalis sa kanyang comfort zone kahit isang beses lang sa buhay niya. After all, hindi niya alam kung hanggang kailan siya buhay. Walang permanente sa mundo. Maaaring matulog na lang siya isang gabi at hindi na magising.
Nang maisip iyon ay nag-init ang mga mata ni Jesilyn at parang may bumikig sa kanyang lalamunan. Kinailangan niyang alisin ang tingin sa artikulo para hamigin ang sarili at palisin ang mga negatibong isipin.
It was then that she suddenly thought of something. Inabot niya ang ball pen at scratch pad sa mesa. Pagkatapos ay nagsimula siyang gumawa ng sariling listahan. She wrote the courageous things she wanted to do if she were given a chance. Tatlo pa lang ang naisusulat niya nang biglang may kumatok sa pinto ng kanyang opisina. Napaderetso siya ng upo at agad na tinanggal mula sa scratch pad ang pahinang sinulatan niya.
Naitupi at nailagay na niya sa bulsa ng kanyang pantalon ang papel bago bumukas ang pinto. Sumungaw ang guwapong mukha ni Apolinario.
“I’m here,” bahagyang nakangiting bati ng nobyo.
Pilit na gumanti ng ngiti si Jesilyn at tumayo. Lumapit siya sa binata at hinalikan ito sa pisngi. Niyakap naman siya nito.
“Shall we go? Ang sabi ng mga magulang natin, sa restaurant na daw tayo magkita-kita.”
“Okay,” sagot na lamang niya. Pagkatapos maisukbit sa balikat ang kanyang bag ay magkaagapay na silang lumabas ng opisina. Naabutan nila sa store si Sheila na kausap ang staff nila. Agad siyang nagpaalam sa kaibigan at nagbilin bago tuluyang lumabas ng store kasama si Apolinario.
Habang nasa biyahe ay masayang nagkuwento ang nobyo tungkol sa araw nito. Natagpuan ni Jesilyn ang sariling nahawa na rito at masaya silang nag-usap. Isa iyon sa mga gusto niya kay Apolinario. Nakakapag-usap sila ng tungkol sa maraming bagay at komportable siya kapag kasama ito. Marahil dahil matagal na silang magkakilala at malapit na magkaibigan ang kanilang mga magulang kaya ganoon din sila kalapit sa isa’t isa. Kaya lang, ayaw mang aminin, minsan ay sumasagi sa kanyang isip na ang nararamdaman niya kapag kasama si Apolinario ay kapareho ng nararamdaman niya kapag si Sheila o Sylve ang kasama niya. Alam niya na hindi iyon magandang pangitain.
Mayamaya pa ay humimpil na sa parking lot ng isang restaurant ang kotse ni Apolinario. Inalis na ni Jesilyn ang kanyang seat belt at akmang bubuksan ang pinto sa tabi nang hawakan ng nobyo ang mga kamay niya upang pigilan.
“Wait. Let’s stay here for a while,” seryosong sabi nito.
Humarap siya kay Apolinario at tumahip ang dibdib niya nang makita ang magkahalong kaseryosuhan at pagkasabik sa ekspresyon nito. Pilit na itinago niya ang tensiyon nang iangat ni Apolinario ang kanyang mga kamay at ginawaran ng magaan na halik.
“We have been dating for a year already, right?”
“Oo,” mahinang sagot niya.
Sinalubong ng nobyo ang kanyang mga mata. Sa pagkakataong iyon ay halos hindi na siya humihinga.
“Let’s get married.”
Umawang ang mga labi ni Jesilyn at hindi nakasagot kahit pa alam niyang iyon ang sasabihin ni Apolinario. Dahil sa totoo lang ay ayaw pa niyang magpakasal. Marami pa siyang hindi nagagawa sa buhay niya at magiging imposible nang magawa pa niya ang gusto kapag nagkaroon na siya ng sariling pamilya. O kapag nangyari ang sandaling kinatatakutan niya sa buhay niya.
“Jesi?” masuyong untag ni Apolinario.
Nag-init ang mga mata ni Jesilyn at nagbaba ng tingin. “P-puwede bang pag-isipan ko muna?” mahinang tanong niya. Nakagat niya ang ibabang labi nang maramdamang natigilan ang nobyo. Halatang ikinabigla nito na hindi “oo” ang kanyang sagot.
“Why?” tanong ni Apolinario makalipas ang ilang sandali.
Huminga siya nang malalim dahil bahagyang nagsikip ang kanyang dibdib. Pagkatapos ay naglakas-loob siyang mag-angat uli ng mukha upang salubungin ang tingin nito. “Pol, why do you even want to marry me?” seryosong tanong niya.
Bumakas ang pagkagulat sa mukha nito. “Hindi ba obvious? Because I want us to start a family and live the rest of our lives together.”
Muli ay nakagat ni Jesilyn ang ibabang labi at lumunok upang pawiin ang bikig sa kanyang lalamunan. “Pag-isipan muna natin itong maigi. Mag-isip kang mabuti at ganoon din ang gagawin ko. Okay, Pol?” malumanay na sabi niya.
Ilang sandaling pinakatitigan lamang siya ng nobyo bago bumuntong-hininga. “Okay. I’ll give you time. Pero nakapag-isip na ako. Isang taon ko na itong pinag-iisipan at nakapagdesisyon na akong pakasalan ka.” Pinisil nitong muli ang mga kamay niya bago tuluyang bumitaw at bumaba ng sasakyan.
Pasimpleng nakahinga nang maluwag si Jesilyn na hindi na iginiit ni Apolinario ang paksang iyon kahit alam niyang gusto pa nitong malaman kung bakit ganoon ang naging sagot niya. Pinagbuksan pa siya nito ng pinto at inalalayan sa siko hanggang makapasok sila sa restaurant kung saan naghihintay na ang kanilang mga magulang.
“SO, MAGKAKASAMA na rin lang tayong lahat ngayong gabi, let’s set the date for the wedding.”
Muntik nang mabitawan ni Jesilyn ang kubyertos na hawak nang sabik na magsalita ang kanyang ina. Kumakain na sila at kanina lang ay nag-uusap ang kanyang ama at ang papa ni Apolinario tungkol sa mga pasyente ng mga ito. At habang tahimik lamang siyang kumakain ay ang mama naman niya ang kausap ng kanyang kasintahan. Ni hindi niya alam kung paanong doon napunta ang usapan.
Lalong namangha si Jesilyn nang gumuhit ang ngiti sa mga labi ng dalawang may-edad na lalaki at tumango-tango.
“Yes. Iyon naman talaga ang isa sa mga rason kung bakit tayo nagkasama-sama ngayon,” nakangiti pa ring sabi ni Basil Montes.
Namilog ang kanyang mga mata at napalingon sa katabing si Apolinario. “Alam na nila bago mo sinabi sa akin?” manghang bulong niya.
Bumuntong-hininga si Apolinario. “Kinausap ko sila kahapon. Hindi ba tama lang na hingin ko muna ang kamay mo sa mga magulang mo bago ang lahat? And of course, I have to tell my father about my plans for our future. Hindi ko naman kasi inaasahan na hindi ka papayag agad sa alok ko.”
Nakagat ni Jesilyn ang ibabang labi dahil may punto naman ang nobyo. Pero hindi naman kasi niya inaasahan na iyon pala ang pag-uusapan sa gabing iyon kaya nagyaya ang kanilang mga magulang na kumain sa labas. Pakiramdam niya ay bigla siyang nailagay sa hot seat. Hindi siya handa.
“What? Tinanggihan mo ang alok na kasal ni Apolinario? What were you thinking, Jesi?” manghang bulalas ng kanyang ama.
Napangiwi siya at bumaling sa mga magulang. “Hindi ako tumanggi. Humihingi lang ako ng panahon para mag-isip,” katwiran niya.
“Ano pa ang pag-iisipan mo? Bagay na bagay kayo sa isa’t isa,” sabi naman ng kanyang ina.
“At matutuwa kami ng mga magulang mo kung makakasal na kayo, Jesi. Sa tingin ko, sa edad mo ngayon ang tamang oras para magsimula kayo ng anak ko ng pamilya. Dahil maganda ang resulta ng monthly checkups mo nitong nakaraang taon, posible pa kayong magkaroon kahit isang anak,” malumanay at nakangiti namang sabi ng ama ni Apolinario.
Nakaramdam ng frustration si Jesilyn. Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi. Muntik na siyang may masabi na siguradong sisira sa mood ng lahat gaya ng: At ngayong taon? Ano ang resulta ng checkups ko na imbes na sa akin ninyo sabihin ay kina Papa at Mama n’yo sinasabi? O baka mas matindi pa roon ang gawin niya. She might blurt out the word, Liar.