“ANG BONGGA talaga ng kasal ng mayayaman. Ang sarap ng maraming datung.”
Napalingon si Jesilyn at ang kausap na si Sylve kay Sheila na nakatutok ang tingin sa katamtamang laking telebisyon sa loob ng staff room ng main branch at headquarters ng Happy Mart Convenience Stores. Pagkatapos ay napatingin siya sa TV screen upang tingnan kung ano ang pinapanood ng babae.
Ipinapalabas ang isang magarbong kasal na ginanap diumano kahapon. Base sa sinasabi ng reporter ay kasal iyon ng anak ng may-ari ng television station at ng foreigner na manager ng sikat na bandang Wildflowers. Their wedding looked like every woman’s dream wedding. At least, iyong mga babaeng pangarap maging isang bride. Iyong kasal na hindi lamang ang mismong okasyon ang perpekto kundi maging ang groom.
Sa kasamaang-palad, kung pagbabasehan ang reaksiyon ni Sheila ay hindi pa kasama sa pangarap nito ang magpakasal. At sa totoo lang ay malayo pa rin iyon sa gustong mangyari ni Jesilyn. May iba pa siyang gustong gawin. Kahit pa hindi niya magawa ang mga iyon sa kasalukuyan niyang kalagayan.
“Mas naiinggit ka na marami silang pera kaysa sa bonggang kasal?” amused na tanong niya.
Inalis ni Sheila ang tingin sa telebisyon at bumaling sa kanila. “Oo. Mas masarap magkapera. Pero ako lang iyon. I’m sure hindi mo naiisip iyon kasi mayaman ka naman eh,” nakangising sagot nito.
Napalabi si Jesilyn kahit alam niyang tinutudyo lamang siya ni Shiela. “Hindi ako ang mayaman kundi sina Papa at Mama. Hamak na tauhan lang ako ni Mama.” Doktor ang kanyang ama habang ang kanyang ina ay businesswoman at may-ari ng Happy Mart chain of convenience stores na may limampung branches na sa buong Pilipinas.
Aminado naman siya na lumaking may gintong kutsara sa bibig. Mula noon hanggang ngayon ay ibinibigay ng mga magulang niya ang lahat ng sa tingin ng mga ito ay makapagpapaligaya sa kanya. Palibhasa ay nag-iisa siyang anak.
Subalit kahit spoiler pagdating sa materyal na bagay ay mahigpit sa lahat ng bagay ang kanyang mga magulang. Mula noong bata pa siya hanggang ngayong beinte-siyete na ay mahigpit pa rin sa kanya ang parents niya. Hindi siya pinapayagan na magpunta sa kung saan-saan. Kaunti lang tuloy ang mga kaibigan niya dahil hindi siya nagkakaroon ng pagkakataong makakilala ng ibang tao.
Noong nag-aaral pa, hindi siya pinapayagang magpunta sa field trip, birthday party, at overnight outing. Dahil doon ay palagi tuloy siyang out of place kapag nag-uusap ang kanyang mga kaklase. Nang makapagtapos ng Business Management noong kolehiyo, kahit gusto niya na sumubok humanap ng trabaho sa ibang kompanya ay hindi rin pumayag ang kanyang parents. Bagkus, ginawa siyang operations manager ng kanyang ina sa Happy Mart. Hindi naman siya makahanap ng kakampi sa kanyang papa dahil maging ito ay mas gustong magtrabaho na lamang siya sa ilalim ng kanyang ina. Siya rin naman daw ang magmamana ng Happy Mart kaya doon na lamang daw siya mag-focus sa halip na magtrabaho sa iba.
All her life, Jesilyn was sheltered by her parents that she never got a chance to spread her wings. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong lumabas sa kanyang comfort zone. At madalas ay nakakaramdam siya ng frustration. Pakiramdam niya minsan ay nakakulong siya at gusto niyang makawala. Hindi naman niya magawang magrebelde o magalit sa kanyang mga magulang sa kabila ng labis na paghihigpit ng mga ito. Alam niya na mahal lang siya ng mga ito at takot na may mangyaring masama sa kanya. Her parents were just too afraid to lose her.
“Sabagay, may punto ka naman. Isa pa, imbes na pera, mas masarap ang maging mayaman sa karanasan,” sabi pa ni Sheila sa himig na may halong simpatya habang nakatingin sa kanya.
Malungkot na ngumiti si Jesilyn at napabuntong-hininga. Alam niya na kaya ganoon ang reaksiyon ni Sheila ay dahil ito ang higit na nakakaalam kung gaano niya kagustong lumabas at magpunta sa kung saan-saan at sumubok ng mga bagay na hindi pa niya nararanasan. After all, pitong taon nang nagtatrabaho sa Happy Mart si Sheila.
Nagsimula ang babae bilang staff ng main branch nila at ngayon ay retail manager na. At sa loob ng mga taong iyon ay naging malapit silang magkaibigan. Palagi kasi silang magkasama dahil hindi pumapayag ang kanyang mama na umalis siyang mag-isa kaya si Sheila ang palagi niyang kasama kapag hindi puwede ang kanyang ina.
“Korek ka diyan,” biglang sabi ni Sylve dahilan kaya napatingin uli si Jesilyn sa babae na kasama niyang nakaupo sa maliit na mesa sa staff room. “Teka nga, ano na ba’ng order mo, Jesi? May appointment pa kasi ako pagkatapos nito.”
“Ah, oo nga pala,” napakurap na sagot niya at muling tiningnan ang mga beauty product na nakahilera sa mesa.
Isa sa mga negosyo ni Sylve ay manufacturing ng mga organic beauty product at mineral makeups. Katunayan dahil sa Fiona Collections—ang pangalan ng mga produkto—kaya sila nagkakilala. Dahil hindi nakakalabas palagi si Jesilyn ay nahilig siya sa Internet browsing. Lahat ng mga lugar na hindi niya magawang makita sa personal, lahat ng mga produkto na sa bazaars lang mayroon, sa Internet niya tinitingnan. Isang beses ay um-order siya kay Sylve ng produkto nito. Dahil malapit lang pala ito sa main branch ng Happy Mart ay nagdesisyon silang magkita na lamang. Nagkasundo sila kaagad at ngayon ay magkaibigan na rin.
“Lahat na lang `tong mga bagong labas. Saka pahingi ako ng brochure. Ipapakita ko kay Mama kasi gusto kong i-suggest sa kanyang maglagay kami ng mga poster ng Fiona Collections sa lahat ng branches ng Happy Mart,” sagot ni Jesilyn.
Ngumiti si Sylve. “Sige. Malaki ang maitutulong sa akin kapag pumayag ang mama mo. Kailangan kong kumita ng malaki para matupad ang pangarap kong makapagtayo ng store sa mall.”
Saglit pa silang nag-usap bago nagpaalam si Sylve upang umalis. Babalik na rin sana sila ni Sheila sa trabaho nang tumunog ang cell phone ni Jesilyn.
Napangiti siya nang makita ang pangalang nakarehistro sa screen. Agad niya iyong sinagot. “Hello!” masiglang bati niya.
“Hi, Jesi. How are you today?”
“Okay naman. Ikaw, kumusta ang trabaho?”
“Same as always. I just finished all my appointments for today.”
Napalingon sa kanya si Sheila at tumingin sa wall clock bago umangat ang mga kilay at muling tumingin sa kanya. “Oras na nga pala ng tawag ni Apolinario. Grabe, hindi ka pasyente sa ospital na kailangang palaging i-check sa kaparehong oras araw-araw. Girlfriend ka niya,” napapailing na sabi ng kaibigan.
“I can hear that woman talking again. Ilang beses bang kailangang sabihin sa kanya na hindi ako doktor? I’m a nutritionist. But when I talk to you, I’m a boyfriend,” sabi ni Apolinario sa kabilang linya.
Natawa si Jesilyn. Hindi niya alam kung bakit pero noon pa man ay hindi na magkasundo ang kanyang kasintahan at ang kaibigan. Marahil dahil katulad ng mga magulang niya ay overprotective sa kanya si Apolinario habang si Sheila naman ay gustong suportahan ang kagustuhan niyang mas maging malaya.
Ang totoo ay magkababata sila ni Apolinario dahil magkaibigan ang kanilang mga ama. Pero isang taon pa lang mula nang maging magkasintahan sila. Alam ni Jesilyn, niligawan siya ng lalaki dahil sa udyok na rin ng mga magulang nila. At alam niya kung bakit, kahit itinatago iyon sa kanya ng mga matatanda. Hindi naman siya manhid at lalong hindi siya estupida. Alam niya at nararamdaman niya iyon.
Makalipas ang ilang linggong panliligaw ni Apolinario ay siya naman ang inudyukan ng kanyang mga magulang na sagutin ang binata. Natatandaan pa niya ang naging pag-uusap nila ng kanyang papa at mama…
“Mabait na bata si Apolinario. Pasasayahin at aalagaan ka niya, Jesi,” sabi ng kanyang ama.
“Pero hindi po sapat iyon para sagutin ko siya. Hindi ganoon ang pakikipagrelasyon, hindi po ba?” alanganing sagot niya dahil sa totoo lang ay wala naman talaga siyang alam sa ganoong bagay. Si Apolinario kasi ang unang lalaking napalapit sa kanya at nagpakita ng intensiyong maging kasintahan siya. Bukod sa ito lang talaga ang hinayaan ng mga magulang niya na mapalapit sa kanya.
Ginagap ng ina ang kanyang mga kamay at ngumiti. “Masaya ka naman kapag kasama mo siya, hindi ba?” Tumango siya. “Masarap naman siya kausap at maalaga.” Muli ay tumango siya. “Nai-imagine mo ba ang sarili mo na may pamilya na siya ang kasama?”
Napaisip si Jesilyn. Hindi mahirap imagine-in si Apolinario bilang isang perpektong asawa. Nakikinita niya na magiging tahimik at masagana ang kanyang buhay kapag nagkatuluyan sila ng binata.
Napahugot siya ng malalim na hininga at bantulot na tumango.
“Higit sa lahat ay gusto mo siya, hindi ba?” tanong naman ng kanyang ama.
“I do,” sagot niya. Dahil kung papipiliin siya kung gusto niya o hindi si Apolinario ay gusto naman talaga niya ito. “But I don’t know if this is love,” dugtong niya.
Nagkatinginan ang kanyang mga magulang bago muling tumingin sa kanya at kapwa ngumiti.
“Huwag kang mag-alala, hija. You will love him eventually because you already like him now. Hindi tulad sa mga pelikula at libro, there is a type of love that slowly grows through time. Iyon ang mayroon kayo ni Apolinario. Maniwala ka sa amin dahil ganoon din ang nangyari sa amin ng papa mo,” sabi ng kanyang ina.
At dahil wala pang sinabi ang kanyang mga magulang na hindi totoo ay naniwala si Jesilyn. Kaya isang linggo pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay pormal silang naging magkasintahan ni Apolinario…
Tumagal sila ng isang taon kaya naisip niya na baka tama nga talaga ang mga magulang niya. That the type of love they had was the type that slowly grow through time. Ngayon ay higit na gusto na niya si Apolinario kaysa dati at alam naman niya na gusto rin siya nito. Pero minsan, pakiramdam niya ay may kulang sa relasyon nila. Si Apolinario ay mukhang kontento naman sa kung ano ang mayroon sila. Pakiramdam niya, ang relasyon nila ay masyadong normal at… unexciting. Hindi niya alam kung ganoon ba talaga ang pagmamahal. Kung ganoon talaga kakalmado ang pakikipagrelasyon.
“Oo nga pala. Susunduin kita mamaya. Gusto ni Papa at ng parents mo na mag-dinner tayong lahat mamaya,” sabi ni Apolinario na naging dahilan kaya nabalik dito ang kanyang atensiyon.
“Okay. Hihintayin kita, Pol,” sagot niya.
“And I want to talk to you about something,” sabi pa ng binata.
Hindi alam ni Jesilyn kung bakit pero bigla siyang kinabahan sa tono ng kanyang kasintahan. Nakagat niya ang ibabang labi at nakaramdam ng panic. Pasimple siyang huminga nang malalim at pilit na ngumiti kahit hindi naman siya nito nakikita. “Okay. See you later.” Nang matapos ang tawag ay ilang sandaling napatitig lamang siya sa kawalan.
“Huy, Jesilyn. Bakit ganyan ang hitsura mo?” untag ni Sheila.
Napalingon siya sa kaibigan at pilit na ngumiti. “Wala lang. Susunduin niya ako mamaya. Magdi-dinner kami kasama ang parents ko at ang papa niya.”
“Wow. Mamamanhikan na si Apolinario?” biro ni Sheila.
Subalit nanlamig si Jesilyn sa isiping iyon. Parang may lumamukos sa kanyang puso at napahigit siya ng hangin. Bagay na mukhang napansin ng kaibigan dahil nawala ang ngiti nito at mabilis na lumapit sa kanya.
Hinawakan nito ang kamay niya. “Huy, bakit namutla ka?”
Napailing siya at pilit na kinalma ang paghinga. “May sasabihin daw siya sa akin. Pero sa tingin ko, hindi pa ako handa sa kung ano man ang sasabihin niya,” mahinang usal niya.
Pinisil ni Sheila ang kanyang mga kamay. “Kung ano man ang gusto niyang sabihin sa iyo, puwede mo namang sabihing hindi ka pa handa. Relax ka lang.”
Huminga siya nang malalim at bahagya nang ngumiti. “Tama ka. Mabait si Pol. Sigurado akong maiintindihan niya ako,” usal niya.
“Dapat lang, `no. Dahil kung hindi ka niya maiintindihan, ibig sabihin ay hindi ka talaga niya kilala,” sabi pa ni Sheila.
Muli ay ngiti ang naging sagot ni Jesilyn. Labis talaga ang pasasalamat niya na mayroon siyang kaibigan na tulad ni Sheila. Dahil higit pa sa kanyang mga magulang at sa kasintahan ay mas kilala siya ng kaibigan. Sheila knew she was very free-spirited. Her friend also knew how frustrated and sad she was that her free spirit was trapped inside a weak body.