Napakurap siya nang gagapin ni Apolinario ang isa niyang kamay at pisilin. Nilingon niya ang kasintahan at nakitang nakatingin ito sa kanilang mga magulang.
“Papa, Tito, Tita, don’t pressure her. Pumayag akong bigyan siya ng panahon para mag-isip. Kaya kong maghintay.” Pagkatapos ay nilingon siya nito at masuyong ngumiti. “Huwag kang mag-alala. You can think as long as you need to. I will always wait for you.”
Nag-init ang mga mata ni Jesilyn dahil nabagbag ang damdamin niya sa sinabi ng nobyo. Kinutkot din siya ng guilt na binibigyan niya ng ganoong alalahanin ang isang katulad ni Apolinario na kung tutuusin ay maituturing na perpektong lalaki para mapangasawa. Alam niya na hindi karapat-dapat para sa binata ang isang tulad niya; magulo na nga ang utak at parang palaging nangangati ang talampakan na gustong kumawala sa sariling hawla, may time bomb pa sa loob ng katawan na walang nakakaalam kung kailan made-detonate—which happened to be her weak heart.
Iyon ang dahilan kung bakit overprotective ang kanyang mga magulang. Ipinanganak siya na may congenital heart disease. Namana raw niya iyon sa side ng kanyang ina. Ang kuwento ng mga magulang niya ay ilang beses daw siyang sumailalim sa surgery noon para maisaayos ang mga blood vessel sa kanyang puso. Nagkabaligtad ang development ng large artery connections kaya naghahalo ang dugo mula sa kaliwa at kanang bahagi ng kanyang puso na kung hindi naagapan ay maaaring mag-leak sa kanyang baga at maging dahilan ng kanyang pagkamatay. Noong sanggol pa lamang siya ay marami raw ang nagsabing hindi siya magsu-survive.
Subalit hindi sinukuan si Jesilyn ng kanyang mga magulang. Naging matagumpay ang mga operasyon at nagawa niyang mabuhay nang normal; kung normal mang matatawag ang regular na checkup sa kanyang cardiologist at mga gamot at vitamins. Kahit kasi naayos ang major problem sa kanyang puso, hindi raw ibig sabihin niyon ay tuluyan na siyang magaling. Her heart defect will forever be a part of her life. Na kapag hindi nabantayang mabuti ay maaari pa ring kumitil sa kanyang buhay.
Katulad na lamang noong nasa elementarya siya. Kahit sinabihan na siyang huwag magpapagod ay hindi siya nakinig. Ang nangyari ay naging abnormal ang bilis ng t***k ng kanyang puso at kinailangan siyang itakbo sa ospital upang mapawi iyon. Mula noon ay naging doble ang paghihigpit sa kanya ng mga magulang.
Kaya nga siguro nabagbag ang damdamin niya nang ligawan ni Apolinario isang taon na ang nakararaan kahit pa siguradong nakumbinsi lamang ito ng kanilang mga magulang. Ang ama ni Apolinario ang cardiologist niya mula pa noon kaya alam ng binata ang kalagayan niya. He knew the risk of being with her. Ngunit kahit ganoon ay nagdesisyon pa rin si Apolinario na makipagrelasyon sa kanya.
Subalit ibang kaso na ang pagpapakasal. Once they got married, there was no turning back. Ayaw niyang itali sa ganoong relasyon ang binata. Lalo na at sa mga nakaraang buwan ay may nararamdaman siyang kakaiba sa katawan niya. Pakiramdam niya, ang time bomb na inakala nilang lahat na matagal nang tumigil ay nagsimulang gumana uli. Nagkukunwari lamang siya na hindi iyon napapansin at umaaktong masayahin dahil alam niyang iyon ang makakapagpanatag sa mga tao sa kanyang paligid.
Huminga nang malalim si Jesilyn at pinisil din ang kamay ng kasintahan. Masuyo niya itong nginitian. “Salamat.”
“Pero Jesi, hija, huwag mong tagalang mag-isip, ha? Gusto ka na naming makitang nakasuot ng wedding gown,” sabi ng kanyang ina.
Pilit na lamang siyang ngumiti. “Opo.”
Natuon na sa ibang paksa ang usapan. Nang matapos ang hapunan, kahit sa iisang bahay lang naman sila uuwi ay iginiit ng mga magulang ni Jesilyn na magpahatid siya kay Apolinario sa halip na sumabay sa kotse ng kanyang papa. Sa buong biyahe nila ay wala nang binanggit ang binata tungkol sa kasal. At nang makarating sa bahay nila ay magaan pa siyang hinalikan ni Apolinario sa mga labi. Hanggang doon lang naman kasi ang intimacy sa pagitan nila sa loob ng isang taong relasyon.
“Goodnight,” usal ni Apolinario.
Bahagyang ngumiti si Jesilyn at tumango. “Goodnight. Ingat ka sa biyahe.” Pinagmasdan niya ang binata na bumalik sa driver’s seat hanggang sa paandarin na nito ang kotse palayo. Pagkatapos ay tahimik siyang pumasok sa kanilang bahay. Bago pa makarating sa kanyang silid ay bumukas na ang master bedroom at sumungaw ang kanyang mama.
“Jesi—”
“`Ma,” pabuntong-hiningang pigil niya sa sasabihin nito. Sigurado kasi siya na tungkol na naman sa kasal ang sasabihin ng ina. “Matulog na po tayo, okay?”
Napabuntong-hininga rin tuloy ang kanyang ina at napailing. “Sige na nga. Bukas na lang tayo mag-usap. Pero tandaan mo lang, Jesi, wala ka nang makikilala na katulad ni Apolinario. Siguradong aalagaan ka niya habambuhay.”
“Alam ko po,” usal ni Jesilyn dahil iyon naman talaga ang totoo. Hindi ang kasintahan niya ang may problema kundi siya. Naghahangad siya ng mga bagay na imposible. “Goodnight, Mama.” Tuluyan na siyang pumasok sa kanyang silid.
Katulad ng nakasanayan na ay binuksan niya ang iPod touch na nakakabit sa speaker. Ilang sandali pa ay pumailanlang na ang awitin na itinuturing niyang lullaby. Mas nakakatulog at nakakalma siya sa gabi kapag naririnig ang kantang “Over The Rainbow.”
Somewhere over the rainbow, way up high. There’s a land that I heard of, once in a lullaby… Somewhere over the rainbow, skies are blue. And the dreams that you dare to dream, really do come true.
Sumabay sa awitin si Jesilyn habang nagpapalit ng pantulog. Huhubarin na sana niya ang pantalon nang wala sa loob na kinapa ang mga bulsa niyon. Napatingin siya sa nakatuping papel na nahugot mula sa isang bulsa. Noon lang niya muling naalala ang tungkol doon. Binuklat niya ang papel at napatitig sa unang nakasulat sa listahan ng mga gusto niyang gawin.
Travel alone.
Pagkatapos ay parang may ibinubulong sa kanya ang tadhana na ang linya sa kanta na pumapailanlang ay, Somewhere over the rainbow, bluebirds fly. Birds fly over the rainbow, why, then, oh, why can’t I?
Minsan kapag nakikinig sa isang awitin, nare-realize mo na bagay na bagay pala iyon sa sitwasyon. And it either rubbed salt on a painful wound or gave you courage and determination to change your situation. Sa pagkakataong iyon ay ang huli ang nangyari kay Jesilyn.
“I want to fly,” naiusal niya. Kung sakali man na hindi niya mabago ang isip ni Apolinario sa kasal na gusto nito at matagpuan ang sariling pumapayag na rin ay malabo na niyang magagawa ang mga nakalista at ililista pa lamang sa papel na iyon. Kapag nagsasama na sila ay palagi siyang magkakaroon ng pagsisisi na hindi niya nagawa ang mga iyon noong dalaga pa. Bukod doon, siguradong maliligalig siya at hindi makokontento. Magiging unfair siya sa binata.
Kaya kahit sandali lang ay gusto niyang maging malaya. Kahit ilang araw lang ay gusto niyang gawin ang mga bagay na sa normal na pagkakataon ay hindi siya magkakaroon ng lakas ng loob na gawin. Hindi niya alam kung magagawa pa niya ang mga iyon balang-araw. Paano kung kapusin siya sa oras at pagtaksilan ng kanyang puso at tumigil iyon sa pagtibok?
Habang tumatagal ay tumitindi ang pagkasabik at determinasyon ni Jesilyn na isakatuparan ang kanyang desisyon. Lalo na at bigla niyang naalala na may travel agency rin si Sylve. Sigurado na matutulungan siya nito. Sa naisip ay agad niyang tinawagan babae kahit malalim na ang gabi.
“Jesilyn? Napatawag ka?” sagot agad ni Sylve mula sa kabilang linya.
“Sylve, I want to travel alone for a few days. Saan ako puwedeng pumunta? Iyong walang masyadong kailangang asikasuhin at puwede akong umalis agad. Tulungan mo naman ako.”
Sandaling hindi nakasagot ang babae, marahil ay nabigla. “Magkano ba ang budget mo?” tanong nito nang tila makabawi.
Agad na sinabi niya ang laman ng kanyang savings account.
“Hmm, how about Singapore? May tour package ako na may kasama nang accommodation. Hindi ka rin mahihirapan dahil marunong mag-English ang mga tao roon. Hindi mo rin kailangan ng visa. May mga papeles ka lang na kailangang ipakita dahil first-time traveler ka pero madali mo lang maaayos iyon,” suhestiyon ni Sylve.
“Okay. Doon na lang. Salamat,” sagot ni Jesilyn. Walang problema sa kanya kahit saan basta makaalis siya.
“Pero okay lang ba na umalis kang mag-isa?” nag-aalalang tanong ni Sylve.
Huminga siya nang malalim. “Oo. Isang beses ko lang ito gagawin. I will be fine. Pangako.”
Pagkatapos makipag-usap sa kaibigan ay lalong nasabik si Jesilyn. Hindi tuloy siya agad nakatulog. Inabala niya ang sarili sa pagdagdag sa listahan ng mga bagay na gusto niyang gawin. Writing all she wanted to do on paper felt very liberating.