NAPASUNOD na lamang ng tingin si Ryan sa papalayong pigura ng babaeng nakita niya sa airport at ngayon ay mukhang katabi pa ng hotel room. Hindi niya inaasahan na makikita pa ang babae. Oo at alam niyang hindi naman kalakihan ang Singapore subalit nakabibigla pa ring isipin na nasa iisang hotel pala sila.
At mukhang mag-isa lang din siyang nagpunta rito. Napakunot ang noo niya sa isiping iyon. Mukhang bata pa ang babae. Ligtas ba na manatili ito sa banyagang bansa nang mag-isa?
Ipinilig ni Ryan ang ulo dahil walang dahilan para pakialaman niya ang babae. Namulsa na lamang siya at akmang maglalakad na dahil balak niyang lumabas at humanap ng makakainan nang may makapa siya sa bulsa. Bigla niyang naalala ang maliit na papel na napulot niya kanina at wala sa loob na isinuksok doon. Nang maisip na baka pagmamay-ari iyon ng babae ay binuklat niya ang nakatuping papel.
Umangat ang mga kilay niya nang makita ang nakasulat sa papel. Courageous Things To Do… At ang nakasulat sa unang linya ay travel alone. Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa sa mga nakalista at habang tumatagal ay kumukunot na ang kanyang noo.
“Damn, kung ang babaeng iyon nga ang may-ari nito at balak niyang gawin ang lahat ng nakasulat dito habang nasa Singapore siya ay siguradong mapapahamak siya,” naiusal niya.
Sandaling nag-isip si Ryan bago sa huli ay napabuntong-hininga, pagkatapos ay mabilis na kumilos upang sundan ang babae.
IT’S GONE! Nakaramdam ng panic si Jesilyn nang mapagtanto na nawawala ang kanyang listahan. Nakaipit lamang iyon sa notebook niya pero nang kukunin na sana ay hindi na niya makita. “Nasaan na?” tarantang naiusal niya habang ipinapagpag ang notebook sa pagbabaka-sakaling mahulog ang itinuping papel. Subalit wala talaga.
Bigla niyang naalala ang nangyari kanina sa airport—nang mabitawan niya ang notebook at tumama sa ulo ng guwapong estranghero bago bumagsak sa sahig. Napangiwi siya nang maisip na baka nahulog ang piraso ng papel at hindi niya napansin.
Nalaglag ang mga balikat ni Jesilyn. Natatandaan naman niya ang mga isinulat pero importante sa kanya ang papel na iyon. Iyon ang unang beses na isinulat niya ang mga bagay na gustong gawin. Kaya itinuturing niyang treasure at good luck charm ang listahan.
“But now it’s gone,” garalgal na naibulalas niya.
“Ano’ng hinahanap mo?” biglang tanong ng boses ng isang lalaki sa kanyang likuran.
Napaderetso ng tayo si Jesilyn dahil bukod sa pamilyar ang boses ay isang tao lang naman ang nakilala niya sa bansang iyon na katulad niya ay Pilipino. Agad na lumingon siya. Ilang hakbang ay nakatayo ang lalaki at nakapamulsa habang nakatingin sa kanya. Nasa tapat lamang sila ng hotel na tinutuluyan nila kaya maraming tao sa paligid. At halos lahat ay napapalingon sa lalaki. Subalit katulad noong nasa loob ng eroplano ay tila bale-wala rito na pinagtitinginan ito. O marahil masyado na itong sanay na nagiging sentro ng atensiyon kahit saan magpunta kaya hindi na nababahala.
Nawala sa isip ni Jesilyn ang lahat ng iyon nang magtama ang tingin nila ng lalaki. Muli ay hindi niya naiwasang maisip na ubod talaga ito ng guwapo. Maganda ang mga mata na pinarisan ng makakapal na kilay at pilik, matangos ang ilong, at makurba ang mga labi na parang ngingiti ano mang oras. Ang mukha nito ay iyong sa mga billboard, magazine, at telebisyon lamang normal na nakikita. Kahit tuloy siya na hindi na dapat humahanga sa ibang lalaki ay hindi maiwasang mapatitig sa mukha ng kaharap. Kinumbinsi na lamang niya ang sarili na kapareho lamang iyon ng paghanga sa isang celebrity at walang ibang kahulugan.
Napakurap si Jesilyn nang sa ilang hakbang ay nakalapit na ang lalaki at itinaas ang kamay na may hawak na nakatuping papel sa harap mismo ng mukha niya.
“Ito ba ang hinahanap mo?”
Umawang ang kanyang mga labi nang makilala ang listahang hinahanap. Kumilos ang kamay niya upang hablutin ang papel, pero maagap na naitaas ng lalaki ang kamay kaya hindi niya naabot. Gulat na napatingin siyang muli sa mukha nito.
“Ano’ng ginagawa mo? Akin na `yan,” bulalas niya.
“Not yet,” sagot ng lalaki na titig na titig sa kanyang mukha na para bang may binubuong desisyon sa isip. “Balak mo bang gawin ang mga nakasulat dito habang nandito ka? Nang mag-isa?” tanong nito pagkalipas ng ilang sandali.
Namilog ang mga mata ni Jesilyn. “B-binasa mo?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Umangat ang mga kilay ng lalaki. “Paano ko malalaman kung importante o basura ang napulot kong papel kung hindi ko bubuklatin?”
Nag-init ang kanyang mukha sa isiping nakita nito ang mga isinulat niya. Subalit hinamig din niya agad ang sarili at itinaas ang noo. “Fine. May punto ka. Patatawarin kita na binasa mo `yan. Sige na, ibalik mo na sa akin iyan.” Inilahad niya ang kamay.
“Hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko,” sagot ng lalaki sa halip na ibalik ang papel.
Napabuntong-hininga si Jesilyn at muling nagsalita. “Oo, balak kong gawin ang lahat habang nandito ako. At oo, mag-isa lang ako.”
“That’s crazy and dangerous!” salubong ang mga kilay na bulalas nito.
Sa kabila ng panenermon ng isang estranghero ay hindi napigilan ni Jesilyn ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi. “Kaya nga courageous things, hindi ba?” pilyang sabi niya. Dahil kung hindi kabaliwan at risky ang iba sa mga isinulat ay bakit pa niya iyon inilagay sa courageous things list niya?
“You’re really crazy, you know that?” mangha pa ring bulalas ng lalaki.
Natawa na siya. “Fine. Then I’m crazy.”
Ilang sandaling napatitig lamang ito sa kanya na para bang noon lang nakakita ng isang tao na katulad niya. Well, patas lang sila dahil noon lang din siya nakakita ng isang katulad ng lalaki.
Mayamaya ay nakita niya nang bumakas ang determinasyon sa mukha nito na para bang may napagdesisyunan.
“Then befriend me,” biglang sabi nito.
Napakurap si Jesilyn. “Ano?” nalilitong tanong niya.
Inilagay ng lalaki ang nakatuping papel sa palad niyang nakalahad pa rin. “May isinulat ka diyan, hindi ba? Befriend a stranger. Imbes na kung sinong estranghero ang kaibiganin mo at maging dahilan pa para mapahamak ka, ako na lang ang kaibiganin mo. Dahil kung hindi ay baka human trafficker pa ang makausap mo at kung ano ang gawin sa iyo,” pasermon pa ring sabi nito.
Subalit sa pagkakataong iyon ay wala nang pakialam si Jesilyn kahit pa ganoon ang tono ng lalaki. Ibinulsa niya ang papel pero hindi pa rin inaalis ang tingin sa mukha nito. Bigla kasi niyang napagtanto na nag-aalala ang lalaki para sa kanya kaya ganoon ang reaksiyon nito. At kahit kung tutuusin ay puwede naman siya nitong huwag na lang intindihin dahil hindi naman sila magkakilala ay hindi pa rin ito nakatiis. Patunay na mabuting tao ang lalaki.
Pero okay lang ba talaga na maging kaibigan niya ito? Buong buhay niya ay wala siyang kaibigang lalaki. Well, maliban kay Apolinario bago sila naging magkasintahan. Hindi naman siguro pagtataksil kung makikipagkaibigan siya, hindi ba? Kahit naman si Apolinario ay maraming kaibigang babae. Ang iba pa nga roon ay nakilala na niya.
Wala namang masamang makipagkaibigan. Napangiti na si Jesilyn sa naisip at saka inilahad ang kamay. “Fine. I’m Jesilyn,” pakilala niya.
Kumislap ang mga mata ng lalaki at bahagyang umangat ang mga labi na para bang natuwa na sinunod niya ang gusto nito. Pagkatapos ay tinanggap nito ang pakikipagkamay niya. He held her hand carefully but firmly. “I’m Ryan,” pakilala rin nito.
Sandaling nagkatitigan lamang sila bago hindi nakatiis si Jesilyn at ngumisi. “Pero hindi ibig sabihin na alam na natin ang pangalan ng isa’t isa ay magkaibigan na tayo. Friends should spend time together and get to know each other, right?”
Bahagyang lumuwang ang ngiti ni Ryan at pinisil ang kamay niyang hawak pa rin nito bago marahang pinakawalan. “I know. Saan mo ba balak pumunta? Hindi ako busy kaya puwede kitang samahan.”
Natawa siya. “Gusto mo lang yatang mag-sightseeing na kasama ako, eh,” biro niya.
Napailing ito. “Ayoko lang na may gawin kang kung ano sa bansang ito na wala kang kakilala. Mag-aalala ang pamilya mo. Besides, mag-isa ka lang nagpunta rito. Hindi ba parang masyado ka pang bata para mangibang bansa na mag-isa?”
Ilang segundo bago rumehistro sa isip ni Jesilyn ang pinupunto ng mga sinabi ng lalaki. “Ilang taon ba ako sa tingin mo?” manghang tanong niya.
“A college student.”
Umawang ang kanyang mga labi at hindi alam kung matatawa o maiinsulto sa sinabi nito. Namaywang siya at itinaas ang noo. “I’m twenty-seven. Nasa hustong gulang na ako para gawin ang mga gusto ko.”