CHAPTER 6

1107 Words
Kumunot ang noo ni Ryan at napapailing na binawi ang tingin. Luka-luka. Mabuti’t pinayagan siyang sumakay ng eroplano. Tumalikod na siya at nakakailang hakbang na nang biglang may tumama sa kanyang ulo. “Aw!” naibulalas niya at napahawak sa ulo. Napatingin siya sa bumagsak na notebook sa kanyang paanan bago inis na lumingon dahil kung tama siya ng pagkakatanda ay nasa kamay lamang kanina ng babaeng may saltik ang notebook na iyon. “I’m sorry…” nanlalaki ang mga matang bulalas ng babae na naitakip pa ang mga kamay sa bibig. Mukhang sa kasasayaw nitong mag-isa ay dumulas ang notebook mula sa kamay. Napailing si Ryan at pinulot ang notebook. Ang babae naman ay tumakbo palapit sa kanya at nakangiwing tumingala. “Sorry. My hand slipped.” Kunot-noong ibinalik niya ang notebook dito. “Try not to cause other people trouble,” sita niya. Nakagat ng babae ang ibabang labi bago alanganing ngumiti. Noon napagtanto ni Ryan na nagmumukhang pilyang bata ang babae kapag nakaangat nang ganoon ang mga labi. She looked angelic but with a suppressed wickedness in her eyes. “I’ll keep that in mind. I was just too excited. Sorry again.” Iyon lang at tumalikod na ito at naglakad palayo. Ilang sandaling napasunod lang ng tingin si Ryan sa babae bago napailing at tumalikod. Ngunit natigilan siya nang may maapakan. Napayuko siya at iniatras ang paa. Isang nakatuping papel iyon na mukhang nahulog mula sa notebook ng babae. Pinulot niya ang papel at muling lumingon para ihabol sana sa may-ari subalit wala na ang babae. Ilang sandaling napatitig lamang siya sa nakatuping papel pero hindi na nag-abalang buksan at ibinulsa na lamang. Pagkatapos ay naglakad siya patungo sa kabilang direksiyon, palayo sa direksiyong tinahak ng estranghera. Dahil maliwanag pa naman ay maglilibot muna siya sa bahaging iyon ng Singapore bago sasakay ng train patungo naman sa hotel kung saan siya naka-check in.   NAKALAYO na si Jesilyn nang mapangiwi at mag-init ang mukha. “Medyo nakakahiya `yon,” naiusal niya nang maalala ang insidente sa pagitan nila ng lalaking naging sentro ng atensiyon sa eroplano. Habang nasa ere sila at hanggang makababa ng eroplano ay nawala na sa isip niya ang lalaki. Kaya nabigla siya nang magkita sila sa labas ng airport at nasaktan pa ito dahil sa kanya. Isa iyong pagkakamali sa parte niya. Speaking of pagkakamali… Napahinto si Jesilyn sa paglalakad at sandaling iginala ang tingin. Pagkatapos ay kinapa niya sa hawak na notebook ang mapa na nakuha niya kanina sa loob ng airport upang tingnan kung saan matatagpuan ang hotel na kanyang tutuluyan. Sa pagkakaalam niya ay malapit iyon sa Orchard Road kung saan matatagpuan ang malalaking malls sa Singapore. Pagkalipas ng ilang sandaling pagtingin sa mapa ay napangiwi siya at frustrated na napaungol. Mali siya ng direksiyong tinahak. Nasa kabilang direksiyon ang hotel na tutuluyan niya! At kailangan pala niyang sumakay ng train na puwede naman niyang mapuntahan kahit hindi siya lumabas ng airport. Napailing siya at mabilis na naglakad pabalik sa pinanggalingan.   HINIHINGAL na sa pagod si Jesilyn nang sa wakas ay makarating sa hotel na tutuluyan. Pagkababa kasi niya sa istasyon ng train ay naglakad pa siya nang malayo. Pero ayos lang naman iyon dahil naging abala siya sa pagtingala sa mga nagtataasang gusali at malls sa Orchard Road. Napangiti siya nang makapasok sa silid na ookupahin niya sa mga darating na araw. Maliit lamang iyon pero malinis at maganda. Mayroon pang sariling freezer at built-in cabinet na may mga nakahanda nang hanger. Kahit ang banyo ay maganda at may mga hair dryer pa. Humiga muna si Jesilyn sa single bed upang magpahinga at tumitig sa kisame. Hindi niya alam kung bakit pero bigla na lamang bumalik sa kanyang isip ang lalaki na natamaan niya kanina ng lumipad na notebook. Sandali lang silang nagpalitan ng mga salita at may iritasyon pa nga sa tinig nito pero napukaw ang kanyang interes. Hindi niya maiwasang isipin kung ano kaya ang pangalan ng lalaki, kung ano ang trabaho at ano ang dahilan kung bakit ito nasa Singapore. Pero bigla rin siyang natigilan at marahas na napailing. Bakit ba niya iniisip ang lalaking iyon? Bukod sa hindi naman na sila magkikita ay wala na siyang karapatan. May naiwan siyang kasintahan sa Pilipinas. It was not right to think about someone else. Kahit ang lalaki ay isa lamang estranghero. “Hay, naku. Makalabas na nga lang uli!” naibulalas ni Jesilyn at tumayo na. Inayos lang niya sandali ang kanyang gamit at nagsukbit ng mas maliit na bag na naglalaman ng mga importanteng bagay na ibinilin ni Sylve ay dapat palagi niyang dala habang nasa ibang bansa siya, at ang kanyang notebook kung saan nakaipit ang mapa at ang kanyang “courageous things to-do list.” Pagkatapos ay lumabas na siya ng kanyang silid.  Pagbukas niya ng pinto ay napaigtad pa siya sa pagkagulat dahil tiyempo namang may nagbukas din ng pinto sa katabing silid. Napatingin siya roon at hindi niya naitago ang pagkabigla nang makita na naman ang lalaking kanina lamang ay nasa isip niya. Napatingin din ito sa kanya at bumakas ang rekognisyon at pagkabigla sa mukha. “Ikaw… you’re staying here, too?” mangha pa ring bulalas ni Jesilyn. Subalit hindi tulad niya ay mukhang nakabawi na sa pagkagulat ang lalaki dahil naging kaswal na uli ang ekspresyon sa mukha nito at tuluyang lumabas ng silid. “Yes,” tipid na sagot ng lalaki, parang paiwas pa nga. Para bang wala itong interes na makipag-usap sa kanya. She did not want to feel it but she was hurt a little. Marahil dahil hindi siya sanay na pakitunguhan nang ganoon. Buong buhay niya, sa kanyang maliit na mundo ay palagi siyang sentro ng atensiyon at pagmamahal ng mga tao sa kanyang paligid. At bilang ganti ay natural na sa kanya ang palaging nagbibigay ng ngiti at nauunang bumati sa mga tao. Ngayon napagtanto ni Jesilyn na iba na ang kaso kapag nasa presensiya na siya ng isang estranghero. And she was too spoiled by the people she loved that she ended up getting slightly hurt by a stranger’s casual rejection. Naiinis siya sa sarili na balat-sibuyas pala siya. Kailangan kong baguhin iyon, paalala niya sa sarili. Hindi na nagsalita si Jesilyn at tuluyang lumabas ng silid. Inalis na niya ang tingin sa lalaki at isinara na lamang ang pinto habang pasimpleng humihinga nang malalim. Saka lamang uli niya tinapunan ng tingin ang lalaking nakatayo pa rin sa tapat ng silid nito at ngumiti. “Well, mauna na ako sa iyo,” paalam niya at mabilis itong nilampasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD