Trouble
Sumilip ako ng kaonti sa labas at nakita ang imahe niyang kausap na ang kanyang kapatid na babae. Nakasimangot iyon at parang may sinasabi kay Israel na ikinaangat ng makapal at maitim niyang kilay. Para iyong hindi sang-ayon sa sinasabi ng kanyang kapatid sa kanya.
Inakbayan niya iyon saka niya iginiya sa paglalakad na mas lalong nagpasimangot kay Ate Rici. Napabuntong ako ng hininga at medyo nabunutan ng tinik dahil sa kanyang pag-alis. Oh 'di ba Trace? Umalis rin... Baka naman nakalimutan niya na iyong kahapon? Pero nagsorry naman ako ah? Wasn't it enough for him?
Lumabas akong muli at saktong nakita si Kuya Bram na lumilingon lingon na. Napangiti agad ako at kinawayan ito.
"Kuya!" Nagmamadali akong lumabas.
Lumingon siya sa akin pero lumingon muli sa ibang dako. May hinahanap pa ba siya bukod sa akin? At iba na ang hairstyle ng kanyang buhok ngayon. Nakasuklay iyon paatras at bakit parang sobrang presentable niyang tingnan? Hindi kaya ay dahil iyon kay Ate Rici?
"Kuya," tawag ko nang tuluyang makalapit. "Ginagawa mo lang atang alibi ang pagsundo sa akin pero ang totoo ay may ibang sadya ka talaga..."
Natigil siya sa kakalingon at mabilis na nalaglag ang tingin sa akin. Ngumuso ako. Ang tapang na naman ng pabango niya!
"Minsan rin talaga iba iyang pananalita mo." Kinurot niya ang aking pisngi.
"Si Ate Rici ba? Sinundo na siya noong kapatid niyang lalake..." paliwanag ko at hindi pinansin iyong sinabi niya.
Nakita ko ang pagkadismaya sa kanyang mukha. May iilan pang estudyante rito na napapalingon kay Kuya.
Base sa mga narinig ko kanina sa mga kaibigan ni Ate Rici, halatang hindi rin nila gusto ang estado ng aming buhay. Dahil lamang roon ay natuturn-off sila kay Kuya. Hindi ko naman narinig ang komento ni Ate Rici pero posible bang ganoon rin ang iniisip niya? Alam ko namang mabait si Ate Rici pero hindi ko parin masasabing iba ang tingin niya kay Kuya... sa estado namin.
Medyo naging matamlay si Kuya. Tahimik lamang siyang naglalakad at medyo mabagal rin ang paghakbang. Halatang wala ito sa sariling pag-iisip at parang nasa malayo ang iniisip. Noong tinanong ko siya kung gusto niya si Ate Rici ay hindi naman siya tumanggi. Ano nga namang laban ni Kuya sa nararamdaman niya? Kailan mo ba mapipigilan ang magkagusto sa isang tao kahit alam mong masasaktan ka lang pag ipinilit mo? Para iyong sakit na walang lunas at imposibleng gumaling. Lumalala lamang iyon at kumakalat sa buo mong sistema na pag hindi mo naagapan ay lulunurin kana sa sarili mong nararamdaman.
Hinatid ako ni Kuya sa bayan. Umalis rin naman ito at nagpaalam na pupunta siya roon sa kanyang part time job.
"May part time job si Kuya, Ma?" tanong ko nang alisin ko rin ang aking mga mata sa likod ni Kuyang lumalayo na.
Tumango si Mama habang inaayos iyong mga naiwang bulaklak sa bangketa.
"Oo may part time job siya. Mukhang madami nang gastusin sa eskwelahan kaya nagsisikap rin na magkapera ang kuya mo... Mamayang hatinggabi pa ang uwi noon," sabi ni Mama habang ang tingin ay nasa maliit niyang bag at binibilang na ang kinifa roon.
Hinubad ko ang maliit kong bag at umupo narin. Kinuha ko iyong iilang bulaklak na hindi pa natatalian ni Mama. Hindi kaya nagtatrabaho si Kuya dahil may pinag-iipunan siyang ibang bagay? Napapansin ba siya ni Ate Rici? Sa dami rin ng manliligaw noon at mga may kaya pa... malabo atang mapansin niya ang aking kapatid.
"Ikaw muna magbantay rito ha. Mamamalengke ako ng mauulam natin. Ito ang panukli mo. H'wag na h'wag kang magkakamali kundi babawasan ko talaga ang baon mo," pagbabanta niya sa akin habang tumatayo na.
Tumango ako kay Mama. Madali lang naman ang manukli. Ano pang silbi ng pagiging Top 1 ko sa klase kung pati sa ganito ay hindi ako marunong. Scholar ako at kailangan kong pagbutihan sa pag-aaral kaya sinisikap ko talagang manguna.
Pinasadahan ko ng tingin ang mga bulaklak na nakagapos at napakagandang tingnan. Kinuha ko iyong tulips at inayos ang pagkakatali noon. Mahilig ako sa bulaklak dahil narin ito ang bumubuhay sa amin. Sa likod ng aming bahay ay may mga tinanim kaming bulaklak roon para mapagkakitaan namin at maibenta sa bayan. Minsan mabagal ang kita pero minsan ay malaki rin naman, sapat lamang para makaraos kami isang araw at makabili ng pagkain.
May tumunog na yapak ng kabayo na ikinakuha ng aking atensyon. Ganoon nalang ang panglalaki ng aking mga mata nang makita ko kung sino ang may sakay roon. Nakasuot parin ito ng denim na jacket pero itim na tshirt na ang pangloob, ripped jeans at itim na boots sa ibaba. Ang iilang hibla ng buhok niyang tumatakas sa pagkakatali sa likod ay sumasabay sa bawat pagtalbog ng kanyang katawan dahil sa pagtakbo ng kabayo. Hawak noon ang tali at may nakaipit na sigarilyo sa bibig, ang mga mata ay madilim na naman at tila may galit kahit mukhang kalmado lamang.
Mabilis akong yumuko at itinago ang aking mukha. Kinuha ko pa ang aking maliit na bag para itakip sa mukha ko. Gusto kong tumayo at umalis agad sa pwesto pero malalagot rin ako kay mama pag iniwan ko ang aming paninda! Hindi niya naman siguro ako mapapansin, 'di ba? Oo Tracy hindi ka mapapansin—
Ganoon nalang ang kalabog ng aking dibdib nang makarinig ako ng kalabog ng mga paa sa sahig. Na kahit iyong yapak ng kabayo ay mukhang huminto na. Lumunok ako ng laway at mas yumuko pa.
"Hi Israel!" Narinig ko ang iilang babaeng bumati at nasundan ng bungisngis.
Hindi ko narinig ang kanyang boses. Ilang sigundo kong pinakiramdaman ang paligid at mukhang wala na ito kaya ibinaba ko na ang maliit kong bag. Pero ganoon nalang ang panglalaki ng aking mga mata nang makita ang mukha siya sa aking harapan. Sobrang lapit na noon dahil sa kanyang pagkakayuko, ang iilang hibla ng buhok ay nalaglag at nakabulsa ang mga kamay, ang sigarilyo ay nakaipit parin.
Umatras agad ako, halos mahilo sa sobrang lapit ng kanyang mukha. Umangat ang kanyang kilay saka ito tumayo ng tuwid. Umihip siya sa sigarilyo at dahan dahan iyong ibinuga.
"Kung nandito ka dahil sa ginawa ko sa'yo kahapon nabigla lang talaga ako at hindi ko iyon sinasadya. Patawarin mo sana ako..." mahina kong sabi dala narin ng takot sa kanyang imahe.
"You almost break my..." he trailed off and eyed his thing. Namula naman ang aking pisngi at sinikap na hindi mapatingin roon.
"Pasensya na talaga..." malungkot kong daing na sana ay palampasin niya nalang iyon.
Ilang sandali siyang natahimik at iginagala ang tingin sa ibang direksyon. Iginala ko narin ang aking tingin at napansin ang iilang babaeng naghahagikhikan sa t'wing tumatama ang kanilang mga mata rito.
"Hi Israel!" Bati ng kung sino sa kanya na tianguan niya lang pero hindi na nagawang nginitian ito.
Ngumuso ako. Ibinalik niya ang tingin sa akin kaya pasimple kong inilaglag ang tingin sa mga bulaklak.
"B-Bibili ka ng bulaklak?" Marahan kong alok, nagbabakasakaling pagtakpan ang atraso ko sa kanya.
Umiling siya saka sinuklay paatras ang iilang hiblang tumakas.
"Anong gagawin ko sa bulaklak?" matabang niyang tanong, ang mga mata ay malalim na ang tingin sa akin.
Lumunok ako at nalaglag ang tingin sa kanyang suot na itim na panloob. Nabasa ko roon ang nakasulat na "nofucksgiven".
"Ah... Baka may pagbibigyan ka? Uhm... Girlfriend?" Sinikap kong magtunog kalmado.
"I don't like buying flowers for a girl," sagot niya agad ng diretso.
Ngumuso ako at yumuko. Aanhin niya nga naman ang bulaklak Trace? Baka nachecheapan siya sa mga ganitong bulaklak?
Buong akala ko ay umalis na ito pero ganoon nalang ang pagkamangha ko nang umupo siya sa aking harapan, ang pwet ay hindi sumasayad sa lupa habang ang kanyang mga mata ay kalebel na ng akin. Nakabukaka ito at umihip muli sa kanyang sigarilyo.
"Magkano?" Kinuha niya iyong kumpol ng tulips na ikinaliwanag agad ng aking mukha.
"Uhm... 250 iyan. Ito naman 300." Itinuro ko iyong katabi nitong bulaklak.
Nalipat ang tingin niya roon pero hindo ko makita ang pagiging interesado niya sa mga bulaklak. Ang kanyang mga mata ay tila nababagot at walang makitang liwanag roon. Umihip siyang muli sa kanyang sigarilyo. Ang mamula mula niyang labi ang kumuha ng aking pansin na kahit ang piercing niya ay hindi ko na maiwasang tingnan.
"Your brother... What's his work?" biglaan niyang tanong na ikinakurap ko.
Kilala niya ang aking kapatid?
"Si Kuya Bram?"
Tumango siya at ibinalik sa pwesto iyong kinuhang bulaklak.
"Yeah, Abraham Quiamco," sambit niya sa buong pangalan ni Kuya. Ba't niya iyon alam?
"May part time job siya at..." hindi ko agad iyon nadugtungan lalo na't umangat na ang isa niyang kilay. May kinalaman ba ito kay Ate Rici? Nalaman niya bang may gusto ang kuya ko sa kapatid niya?
"At mabait si Kuya," dugtong ko agad.
"Being nice won't feed your stomach. Hindi iyan nakakabusog," sagot niya sa baritonong boses na ikinadismaya ko. Mukhang may ibang kahulugan na ang kanyang sinasabi at hindi ko iyon magugustuhan.
"Pero hindi rin naman nakakabusog ang pagiging hambog," diretsahan ko ng sabi na ipinagsalubong ng kanyang kilay.
Nagulat ako sa aking nabitiwang salita at napayuko. Kontrolin mo ang bibig mo Trace...
"Hambog? Sino? Ako?" he chuckled but without any humor on it. Sobrang tabang noon na kahit ang kanyang ekspresyon ay mukhang hindi naman masaya.
"H-Hindi sa ganoon... Pero sa sinasabi mo parang hindi mahalaga ang ugali ng isang tao basta ang importante ay may pera," sabi ko nang ibinalik ko ang tingin sa kanya.
Kinuha niya iyong karton sa gilid na hindi na nagagamit at inilagay sa may pwetan nito. Umupo siya roon habang ang mga braso ay nakapatong na sa bawat tuhod niya. Hindi niya parin binibitiwan iyong sigarilyong nangangalahati na.
"Money is everything. Ikaw... Kaya kayo nandito sa bayan at nagbebenta ng mga bulaklak dahil sa pera 'di ba?"
Tumango ako, hindi napupunto ang tunay niyang ipinaglalaban.
"Pero hindi naman kami nagtatrabaho para yumaman kundi para tustusan lamang ang aming pangangailangan."
His head tilted. Nalaglag agad ang iilang kumpol ng kanyang buhok dahil sa galaw na iyon.
"I don't understand your logic. Dahil parin naman ito sa pera," saka niya sinuklay paatras iyong ibang kumpol para bumalik sa likod.
"Hindi mo talaga maiintindihan dahil hindi mo naman nararanasan ang ganito. Iba parin iyong pagsisikap naming magkapera kaysa sa inyong mayayaman na hindi na kailangang magtrabaho."
Binasa niya ang pang-ibabang labi. Ang aking mga mata naman ay hindi mapirmi sa kanya at gumagala talaga iyon sa kahit saan. Hindi ako mapakali lalo na't nakabalandra rin ang guwapo niyang mukha sa aking harapan.
Naglabas siya ng pera sa kanyang pitaka at kumuha roon ng isang libo. Kinuha niya iyong tulips at inilahad sa akin ang papel na pera.
"I'll buy this..."
Tahimik ko iyong tinanggap at kinalkal ang iniwang pera ni Mama para suklian ito. Tumayo naman siya.
"Just keep the change."
Mabilis ko siyang tiningala. "H-Huh?"
"Keep it."
"Pero may panukli naman ako..."
Nagkibit siya ng balikat at inihulog ang kanyang sigarilyo. Inapakan niya iyon.
"Seems like you badly need the money. Hatian mo narin ang kapatid mo total mukha naman iyong pera," sabi niya sa baritonong boses.
Hindi ko maiwasang ipagsalubong ang aking kilay. Di ko alam kung naaawa ba siya sa estado namin o iniinsulto kami. It's the latter I guess... Hindi naman ganoon ang kapatid ko. Nagtatrabaho pa nga iyon tapos sasabihan niya lang na mukhang pera?
Dinukot ko ang sukli at inilahad sa kanya iyon.
"Hindi naman kami mga pulubi na nanglilimos ng pera. At mukhang mas kailangan mo ito. Bumili ka ng salamin dahil mukhang malabo ang iyong mga mata."
I've seen how his eyes darkened even more. Walang gumuhit ng kung anong ekspresyon sa kanyang mukha pero tumitig na siya roon sa sukli. Oo gusto kita pero hindi ko rin ata kayang insultuhin mo ang kapatid ko. Ibang usapan na iyon at labas na roon ang nararamdaman ko para sa'yo. Mas matimbang parin ang pamilya ko...
Kinuha niya iyon at ibinulsa. Nagawa niya pang ihagis ang bulaklak pabalik sa bangketa saka ito tumalikod. Mabilis na nagloosen ang aking balikat at pumakawala ng mahabang hininga. Hindi ko tuloy maalala kung ba't ako nagkagusto sa kanya.
Hindi ko na siya nakita pa sa mga sumunod na araw. Ang sumusundo sa kanyang kapatid na babae ay iyong driver na nila. Kahit sa bayan ay hindi narin siya nagagawi. Baka busy sa ibang bagay.
Sabado. Ang imahe ng tatlo ay lumitaw nga sa harap ng aming bahay dala dala ang mga inosenteng mukha.
"Hi Kuya Bram! Susunduin po namin si Tracy!" Bati ni Rinka at ngumingiti pa..
Napatingin si Kuya sa akin. Nakadungaw silang tatlo sa bintana habang kaming dalawa ni Kuya ay nakaupo rito sa harap ng lamesa at naglalunch.
"May lakad kayo?" tanong ni Kuya sa akin.
"May kakabisaduhin kaming report kuya!" si Cecille na ang dumugtong at pasimple pang sumenyas sa akin na magtatagumpay ang balak nila.
"Report?" tanong ni Kuya sa akin sanhi para bumagal ang aking pagsubo.
"Opo Kuya!" Matamis namang ngumiti si Rose.
"Anong klaseng report ba iyan?" tanong ni Kuya sa tatlo na napakurap at nagkatinginan.
"Ah... Florante at Laura, Kuya..." si Rinka.
"Florante at Laura o baka naman gagala lang talaga?" Umangat ang kilay ni Kuya.
"Gagala? Hindi 'no! Mababait kaming estudyante Kuya! 'Di ba?" Nilingon ni Rose ang dalawa sa bawat gilid niya na tumango naman agad.
"Trace... Uwi agad ha para matulungan mo pa si Mama mamaya sa bayan," paalala sa akin ni Kuya na ikinatango ko.
Nagsikuhan pa iyong tatlo at iba na ang mga ngisi. Nailing naman si Kuya.
"Kumain na kayong tatlo?" alok niya habang tumatayo ako at nililigpit ang aking pinagkainan.
"Hindi pa... Nabusog ako sa kagwapuhan mo kuya..." medyo malanding sabi ni Rinka at nagawa pang isabit ang ilang hibla ng buhok sa gilid ng kanyang tenga.
Nakisali ako sa tawa ng dalawa. Si Kuya Bram naman ay ngumisi narin at nailing.
Pumasok ako sa kwarto at kinuha iyong maliit kong bag. Nalagyan ko na iyon ng pamalit kong damit.
"Sige Kuya... Alis na kami..." Hinalikan ko ang kanyang pisngi.
"Uwi agad, Trace..." paalala niya na ikinatango ko at lumabas narin.
"Kuya alis narin kami... Teka may pahalik rin ako." Akmang papasok si Rose sa bahay pero hinila na ni Cecille ang kanyang buhok sanhi para mapaatras ito.
Nagtawanan kami lalo na't nasira na ang ekspresyon ni Rose. Iwinagayway ko ang aking kamay kay Kuya na tumango rin naman saka ako excited na kinaladkad ng tatlo paalis. Halos tumakbo narin ako mapantayan lamang ang kanilang pagmamadali.
"Nagdala ka ng extra, Trace?" tanong pa ni Cecille sa akin.
"Oo nasa loob ng bag ko..."
"Bilisan natin!" sigaw ni Rinka kaya mas bumilis ang aming pagtakbo.
Tirik ang araw at hindi kagaya ng nagdaang araw ay maganda ang sikat ng araw ngayon. Mukhang tumigil na sa pagluluksa ang kalangitan at lumiliwanag na ang paligid. Sana naman magtuloy tuloy...
Pagdating namin sa batis ay isa isa agad nilang hinubad ang kanilang mga pang-itaas na saplot at mabilis na lumusong sa malinaw na tubig. Lumusong narin ako, walang balak hubarin ang aking suot na tshirt.
"Doon tayo sa dulo dali!" Hinila ako ni Rose na kahit sila Rinka at Cecille ay nauuna naring magtungo roon.
Liblib ang batis kaya hindi malabong kami lamang ang naroon. Masyadong tahimik at ang tanging maririnig ay ang huni ng mga ibon at ang agos ng tubig sa kung saan. Naexcite narin ako lalo na't hindi rin ako madalas na nakakaligo rito. Maganda ang paligid at masyadong malinaw ang tubig. Malamig pa iyon at sobrang presko rin ng hangin dahil narin sa mga punong nakapaligid.
"Teka... May kabayo oh!" Itinuro ni Rinka ang namamahingang kabayo sa hindi kalayuan.
Kumunot ang aking noo. Ang kabayo ay pamilyar sa akin...
"Bumalik nalang kaya tayo? Mukhang may tao ata dito..." sabi ko at akmang tatalikod na kaso hinawakan rin ako ni Rose para pumirmi ako sa aking kinatatayuan.
Ngising aso na ang tatlo at nagkakaintindihan na sa kanilang makahulugang tingin. Mukhang may kahalayan na naman atang naisip...
"Silipin natin baka lalake at naliligo tapos nakahubad." Humagikhik pa si Rinka.
"Tara! Baka makakita na tayo ng totoong panungkit sa mangga!" excited namang umabante si Cecille.
"Mukhang sinadya talaga ng tadhana na papuntahin tayo rito dahil may maganda tayong makikita! May maganda na ata tayong kinabukasan sa paninilip!" Tumatawa rin akong hinila ni Rose para umabante na kaming dalawa.
Naghahagikhikan silang tatlo habang ako itong hindi mahitsura ang mukha. Kinakabahan ako na ewan lalo na't noong huling may ginawa kaming kalokohan ay ako iyong nahuli.
"Sshh... May tao nga..." Mahinang bulong ni Rinka nang mapadpad na kami sa dulo.
Mabilis silang nagtago ni Cecille sa may mayabong na mga d**o at sinenyasan pa kami ni Rose na pumunta rin doon.
Dahan dahan kaming nagtungo roon at nakitago narin. Sa harapan noon ay iyong malalaking bato at sa ibaba noon ay ang malinaw na tubig na galing sa itaas. Para iyong jacuzzi sa gitna ng kagubatan.
"Dalawa ata sila..." sabi ni Rinka nang sumisilip siya.
"Teka... Mukhang may ginagawa," mahinang sabi ni Cecille.
Sumiksik narin si Rose at nakiusyoso roon. Ako naman itong nagmamasid sa aming likod dahil baka mahuli kami at ako na naman itong mahuli.
"Umabante tayo para makita natin ng maayos," sabi ni Rinka at mabilis agad na lumipat sa unahan.
Sumunod naman ang dalawa kaya kahit ako ay sumunod narin at ginaya ang mga kilos nilang sobrang tahimik at marahan.
Tumigil kami at sumilip muli. Ganoon nalang ang panglalaki ng aking mga mata nang makita ko kung sino iyon at kung ano ang ginagawa. Ang ayos palang ng buhok at ang denim jacket na nasa gilid ay alam ko na agad kung sino iyon.
"Hmm... Rael..." ungol ng babae at hindi na makompustura ang pananalita na ikinalaki ng aming mga mata at nagkatinginan pa.
"Tara na..." bulong ko sa tatlo at pinaghihila ang kanilang mga damit dala narin ng puso kong para ng lalabas sa sobrang bilis ng pintig nito. Nagwawala na iyon at balak na atang sirain ang aking ribcage!
"Teka lang, Trace... Dito muna tayo. Naglalaplapan sila! Panoorin natin!" mahinang bulong ni Cecille sa akin at hindi inaalis ang tingin roon.
Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Hindi ko kayang manood lalo na't nakita ko kung paano niya minasahe ang dibdib nito. Ang babae ay nakasandal sa malaking bato habang tumitingala at mariin ng nakapikit na akala mo ay nagdadasal ng kung ano.
"Grabe itong si Israel... Hindi lang pala sa panunungkit magaling kundi pati narin sa paglilinis. Para ng vinavacuum iyong leeg ng babae kung makasipsip!" komento ni Rinka.
"Kainis naman... Gusto ko rin ng ganyan Israel. Biktimahin mo rin ako!" daing naman ni Cecille.
"Iyong tipong hindi mo na kailangang maligo para mabasa dahil si Israel palang ay maliligo kana sa pawis!" si Rose.
Mas umungol iyong babae nang idiniin ni Israel ang kanyang katawan at marahan ng gumagalaw kahit may damit pa naman ang dalawa. Pulang pula na ang aking pisngi at napaatras dahil sa eksenang iyon nang may maapakan akong sanga na gumawa ng malakas na ingay dahil sa pagkakabali noon.
Mabilis na napalingon ang tatlo sa akin at nanglalaki pa ang mga mata.
"Pahamak ka, Trace!" sigaw ni Cecille lalo na't napalingon narin sa aming dako sila Israel.
"Oh my gosh, may naninilip Israel!" tili ng babae na ikinataranta agad namin.
"Takbo!" sigaw ni Rose na kahit silang tatlo ay nagsikaripas na ng takbo.
Nakitakbo narin ako sa kanila. Masyadong mabilis ang tatlo at nahuhuli pa ako. Idagdag pa iyong dinadaanan naming tubig at mabato pa!
"Bilis Trace!" sigaw ni Rose sa akin.
Ganoon nalang ang kabang lumutang sa aking puso nang makarinig kami ng yabag ng kabayong nagmamadali.
Sa aking takot ay hindi ko na natingnan ng maayos ang aking dinadaanan at malalaki na ang aking hakbang hanggang sa biglaan nalang akong sumobsob sa mababaw na tubig na dinadaanan namin dahil sa pagkakasabit ng aking paa sa ugat ng punong hindi ko napansin.
Nakarating sa aking dako ang kabayo. Bago pa man ako makatayo para tumakbo muli ay humarang na ang kabayo sa aking daanan. Napalunok agad ako ng laway at dahan dahang tiningala ang lalakeng may seryosong ekspresyon habang ang madilim na mga mata ay nakadirekta na sa akin, nanghuhusga na iyon.
Dumaloy ang tubig sa aking mukha pababa sa aking leeg dahil sa pagkakasubsob ko na kahit ang takot ay dumaloy narin sa buo kong katawan. His cruel eyes were telling me that I'm in trouble... Again.