Sandrynne's POV
Tristan Arena? No. Hindi p'wedeng mangyari 'to. Paano siya napadpad dito sa room namin? Tumingin ako kay Honey at tumingin din siya sa 'kin.
"Lagot na," bulong ko.
"Lagot na talaga," bulong rin niya pabalik kasabay nang paglingon niya sa likod at tiningnan si Harris. Nakaupo si Harris at diretso lang ang tingin kay Tristan, pero si Tristan naman ay sa 'kin pa rin nakatingin.
"Mr. Arena maupo ka na," sabi ni ma'am sa kaniya at sunod na ibinaling ang tingin sa 'kin. "Miss Delos Angeles?"
"Yes, ma'am?"
"May nakaupo ba d'yan sa tabi mo?"
My eyes widened. Wait. 'Wag naman sanang mangyari na dito pa siya sa tabi ko paupuin. "Mukhang wala naman," sagot ni ma'am sa sarili niyang tanong. "Sige na Mr. Arena, doon ka na maupo sa tabi ni Miss Delos Angeles." Anaknang tokwa!
Nakangiting lumakad si Tristan palapit sa 'kin kaya agad akong nag-iwas ng tingin at yumuko na lang.
"Nice to meet you," cold niyang sabi nang maupo na siya sa tabi ko. Sa kaliwa ko siya nakaupo, sa kanan ko naman si Honey. Daig ko pa ang itinali sa upuan ko dahil hindi ako makagalaw. Baka kasi bigla na lang akong saksakin nito dahil sa ipinost ko sa social media account niya.
Nagsimula ng magdiscuss si ma'am pero hindi ako makapag-focus dahil sa lalaking katabi ko. Naglabas siya ng notebook at ballpen. Hindi ko alam kung ano'ng ginagawa niya, pero sa tingin ko nagda-drawing siya at katulad ko rin na hindi nakikinig sa discussion.
Sumulyap ako sa kaniya at tumingin din siya sa 'kin kaya nag-iwas agad ako ng tingin. Narinig ko s'yang natawa nang mahina kaya kinuha ko 'yong ballpen na hawak niya pati 'yong notebook niya. Pinatong ko 'yon sa armchair ko at saka ako nagsulat.
"Bakit ka tumatawa? Baliw ka siguro, 'no?"
Iniabot ko sa kaniya 'yong notebook at ballpen. Nakatingin pa rin ako sa harap ng board pero alam kong binabasa niya 'yong sinulat ko.
Nagsulat din siya sa notebook at inilipat niya 'yon agad sa armchair ko. "You're the crazy one here. Sana lang hindi mo pa nakakalimutan ang kasalanan mo sa 'kin!" Napalunok ako sa nabasa ko. Oo, hindi ko nakakalimutan 'yon. Kaya nga mas lalo pa akong kinakabahan ngayong narito na siya.
Kinuha ko 'yong ballpen at nagsulat ulit sa notebook. "Ulyanin ba 'ko para kalimunan 'yon? Pero matutuwa ako kung sasabihin mo na kalimutan ko na nga lang 'yon."
Inabot ko ulit sa kaniya 'yong notebook at ballpen. Nagsulat ulit siya at inilagay 'yon sa armchair ko. "Sorry, but you need to pay for that!"
Kinabahan ako nang mabasa ko 'yong reply niya kaya hindi na lang ulit ako nagsulat at nakinig na lang sa teacher namin na busy sa pagdi-discuss.
***
Break time na kaya naglalakad ako papunta sa food court. Kasunod ko naman si Honey at Tristan. Nauna 'ko sa kanila dahil ayokong makasama si Tristan lalo na't binanggit niya ang kasalanan ko kanina. Hindi ko tuloy alam kung ano'ng balak niya sa 'kin. Pero kahit nauuna ako sa kanila sa paglalakad, naririnig ko pa rin ang usapan nila.
"Ngayon ko lang na-gets 'yong sinabi mo kanina na lagi na kitang makikita rito. Grabe, hindi ko talaga inexpect na magta-transfer ka. Ang lakas din ng loob mo, 'no?" sermon ni Honey sa kaniya. Sa tono niya, parang ayaw niyang mag-aral dito si Tristan.
Pero teka, magkakilala ba sila? Unang pasok pa lang ni Tristan pero magkausap na agad sila ngayon? At kung makapagsalita pa siya ay parang hindi siya natatakot dito.
"Wag kang mag-alala, as long as hindi niya 'ko pinapakialaman, hindi ko rin siya papakialaman," sagot ni Tristan kay Honey. Bigla akong naguluhan. Ako ba 'yong tinutukoy niya? Hindi ko naman talaga siya papakialaman. Never.
"Kahit na! Hindi ka pa rin dapat nag-transfer dito!" inis na sabi ni Honey. "Hindi natin alam ang p'wedeng mangyari sa pagitan niyo lalo na't lagpas hanggang langit ang galit niya sa'yo."
"Wala akong pakialam."
Base sa naririnig ko, mukhang hindi ako ang tinutukoy nila. Pero sino? Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad at hindi na lang sila inintindi. Dinukot ko ang cell phone ko sa bulsa at patuloy akong naglakad habang nakayuko at nag-i-scroll sa— "Ah!" bigla akong natalisod sa isang paa na sadyang pumatid sa 'kin kaya nadapa ako. Hinawakan ko 'yong tuhod ko na nagasgas. Tumingala agad ako para tingnan kung sino 'yong walang modo at bastos na pumatid sa 'kin. At hindi na 'ko nagulat nang makita ko siya. Si Harris.
"Ano ka ba naman Harris! Bakit mo siya tinisod?" Agad na lumapit sa 'kin si Honey para tulungan akong makatayo. "Get up, Sandrynne."
"Hindi ko nakita," seryosong sagot ni Harris habang nakatingin pa rin sa 'kin. Nakasandal siya sa pader at nakadukot ang dalawang kamay sa loob ng bulsa. Sa totoo lang kung lalaki lang ako baka kanina ko pa siya sinuntok sa ngala-ngala. Nakakainis siya!
"Inaano ba kita? Bakit mo 'ko tinisod?" I asked trying to hide my anger.
"Wala. Hindi ko lang talaga nakita na padaan ka pala." Tumalikod na siya at was ready to leave nang biglang magsalita si Tristan.
"Mag-sorry ka." Napahinto si Harris. Pati kami ni Honey ay napalingon sa kaniya dahil sa sinabi ni Tristan. Diretso at malamig ang tingin niya kay Harris kahit nakatalikod ito sa kaniya. Hindi kumibo si Harris at hindi rin siya lumingon. Nakatayo lang siya at nakatingin sa diretsong direksyon imbes na kay Tristan. "Ang sabi ko mag-sorry ka," cold ang boses ni Tristan at ma-awtoridad. Tipong nakakatakot kung hindi mo susundin. Ilang sandali pa ay umikot na si Harris para harapin siya. Parang may kuryenteng tumatagos sa mga mata nila habang nakatitig sa isa't-isa.
"What?" walang emosyong tanong ni Harris.
"Say sorry to her." Humakbang si Tristan palapit sa kaniya kaya biglang nataranta si Honey at pumagitan agad sa dalawa.
"Harris, alis na. Sige na, ako na ang magso-sorry kay Sandrynne," awat ni Honey at saka niya ipinagtulakan si Harris. Nang makalayo na ito kasama si Bry Villamor ay humarap siya kay Tristan. "Ito na nga ba ang sinasabi ko! Walang mangyayaring maganda sa paglipat mo dito." Kumunot naman ang noo ko. Ibig sabihin si Harris ang tinutukoy nila sa usapan nila kanina at hindi ako?
"Hay, nagugutom na 'ko," Tristan said trying to change the topic. Naglakad na siya at naghanap ng bakanteng table. Sumunod naman agad si Honey sa kaniya kaya sumunod din ako sa kanila. Magkatabi kaming naupo ni Honey, habang si Tristan ay nasa tapat ko.
"Sandrynne!" Pare-pareho kaming lumingon para hanapin 'yong tumawag sa 'kin. Nakita ko sa 'di kalayuan si Jolo. Kumakaway siya habang naglalakad palapit.
"Sino siya?" baling sa 'kin ni Honey.
"BBF ko," tipid kong sagot ko 'tsaka ako tumayo sa upuan para salubungin si Jolo. Agad itong yumakap sa 'kin paglapit niya. "Akala ko hindi mo tototohanin 'yong sinabi mo na dito ka rin papasok." Bumitaw ako at ngumiti sa kaniya.
"P'wede ba naman 'yon? Syempre nandito ka!" Natawa pa siya nang bahagya.
"Oh my gosh, how dare you!" Napalingon kami pareho sa babaeng nagsalita at papalapit sa 'min. Agad niyang hinila si Jolo palayo sa 'kin. "Nawala lang ako saglit nakikipaglandian ka na?!" sermon niya sa boyfriend niya 'tsaka siya bumaling sa 'kin at masama rin ang tingin. "And who are you, miss?" Tinaasan pa niya ako ng kilay.
Si Jolo naman ang sumagot. "Siya 'yung lagi kong kinukwento sa'yo. Si Sandrynne. GBF ko, remember?"
"Yeah. I'm his GBF and he's my BBF," pagsang-ayon ko kay Jolo sabay ngiti kay Jazzmine.
"GBF? BBF?" sabat naman ni Honey.
"Girl Best Friend and Boy Best Friend," baling ko sa kaniya. Napatango naman siya. Pero 'yong reaksyon ni Jazzmine hindi nagbago. Mas lalo pang sumama ang tingin niya sa 'kin.
"Hindi ba sinabi ko na sa'yo na palitan n'yo 'yong tawagan n'yo!" inis siyang bumaling kay Jolo. "Sino'ng maniniwala na magkaibigan lang kayo kung sobrang close n'yo sa isa't-isa?!" she turned to me, "At ikaw...I hate you. I really hate you!"
"I like you, too..." ganti ko naman sa kaniya habang nakangiti. Sa totoo lang kilala ko na siya dahil lagi siyang kinukwento ni Jolo. At alam ko rin na sobrang selosa niya. Napangiti naman si Jolo sa naging sagot ko kaya tinap niya 'yong ulo ko at medyo ginulo ang buhok ko na siya namang ikinainis lalo ng girlfriend niya.
"Oh my gosh. I really can't take this!" Inis siyang nagmartsa palayo.
"Good news, classmate tayo. BA rin ang kinuha ko. Same block," Jolo said, smiling. "Sige ah, sundan ko muna si Jazzmine. Baka mag-suicide 'yon, e." Ngumiti lang ako tapos umalis na rin siya para sundan ang girlfriend niyang ubod nang selosa.
"Sandrynne, 'yung totoo? Ano'ng relationship mayro'n kayo ng lalaking 'yon?" usisa ni Honey no'ng makaupo na ulit ako.
"Best friend. Simula elementary magkakilala na kami kaya gano'n kami kalapit sa isa't-isa." Tumango naman siya. "Order ka na ng pagkain natin. Nakakagutom."
"Inuutusan mo 'ko?" Nagsalubong ang kilay niya. Tumango naman ako bilang pagsang-ayon. "No. Tayong dalawa ang bibili. Let's go!" Tumayo na siya at patayo na rin sana 'ko nang balingan siya ni Tristan.
"Ikaw na lang ang umorder. Maiiwan si Sandrynne. Mag-uusap pa kami." Ilang beses akong kumurap habang nakatingin sa kaniya. Nagtataka man ay medyo natuwa rin ako dahil sa wakas ay hindi ako tatayo para bumili ng pagkain. Wala namang nagawa si Honey kun'di ang sumimangot 'tsaka na siya lumakad palayo. Kami na lang dalawa ni Tristan ang naiwang magkaharap sa table kaya naiilang ako. Nag cross arms siya at sumandal sa upuan. "So?" he started.
Tiningnan ko siya. "Bakit?"
"Bago kita pagbayarin sa kasalanan mo, tatanungin muna kita. Magkakilala ba kayo ni Lance Harris?"
"Hindi."
"Eh, ano 'yung nangyari kanina?"
"Tinisod n'ya 'ko."
"Alam ko. Ang tinatanong ko, ano'ng dahilan at tinisod ka n'ya? 'Wag kang pilosopo."
"Hindi ko rin alam. Pero may kutob ako na sintu-sinto s'ya kaya gano'n ang ugali," sagot ko. Hindi na ulit siya nagsalita. "Ako naman ang may tanong. Bakit ka lumipat dito sa school namin? Dahil ba sa 'kin?"
"Maybe."
"Why maybe?"
"Natatandaan mo 'yong pinost mo sa social media account ko?" Napapikit siya nang mariin sabay buntung-hininga, parang nagpipigil nang galit. "Nang dahil do'n hindi na 'ko makapasok sa school. Maraming mga bibig na sumusunod sa 'kin kapag naglalakad ako sa hallway pa lang." Napayuko ako dahil sa sinabi niya. "Pinagtatawanan nila 'ko."
"Sorry. Hindi ko alam na gano'n pala ang mangyayari sa'yo," I apologized sincerely, pero hindi na siya sumagot. Halatang nainis na naman siya. Maya-maya dumating na si Honey, may kasunod siyang isang crew sa food court. Ang dami niya kasing inorder kaya hindi niya kayang dalhin mag-isa.
"Bakit sobrang dami n'yan?" tanong ko. Nalulula kasi ako sa mga pagkain.
"Nag-text si Harris, nagpa-order na rin siya. Papunta na siya rito, together with her little sis."
Mukhang nagulat si Tristan sa sinabi niya lalo na sa part na with her little sis. "May kapatid s'ya?" Tristan asked and that made Honey came back from reality.
"Omg! Nakalimutan kita! Hala! paano 'yan?" Nagsimula na siyang mataranta. "Papunta rito si Harris. What should I do?" she said as she turned to me.
"Ano ba kasi ang problema? Ano ngayon kung papunta siya rito?" naguguluhan kong tanong. Nang hindi sumagot si Honey ay si Tristan naman ang binalingan ko. "Magkakilala ba kayo ni Harris?" Pero imbes na sagutin ako, tumayo siya sa upuan niya at biglang umalis.
***
Nakaupo ako katabi si Honey. Katapat ko naman si Harris at katabi naman niya ang kapatid niya. Kumakain na si Honey at Harris pero ako hindi makakain. Nakatingin lang ako kay Pitchie dahil nakatingin din siya sa 'kin at nakataas pa ang isang kilay. Naka-crossed arms siya kaya nag-crossed arms din ako. Naglalabanan kami nang tingin.
"Bakit 'di ka pa kumakain, Pitchie?" baling ni Honey sa kaniya.
"Kanina nagugutom ako, pero bigla akong nawalan ng gana," she said looking at me, annoyed.
Sa akin naman sunod na tumingin si Honey. "Don't tell me wala ka rin gana?" she raised an eyebrow. Hindi ako sumagot. Ang totoo n'yan kanina pa 'ko gutom. Ang problema lang hindi ko maintindihan kung ano ang nasa isip ni Pitchie. Kung titingnan mo siya, mukha siyang inosente, mabait, magalang at makulit. Pero gaya nga nang sabi ko...mukha lang. Dahil kung makatingin siya sa akin ay para siyang mangangain nang buhay. "Ano ba'ng problema n'yong dalawa?" Palipat-lipat ang tingin niya sa'min ni Pitchie. Si Harris naman ay nag-angat din ng tingin sa 'min.
"Minsan talaga mafe-feel mo na lang na parang inis ka sa isang tao kahit wala naman s'yang ginagawa sayo," napapailing na sagot ni Pitchie habang diretso ang tingin sa 'kin.
"Insecure?" Natawa si Honey nang mahina.
"Of course not!" protesta niya agad.
"Then, what?" Honey asked.
"Basta!" Tumingin ulit siya sa 'kin. "I really don't know why I hate you." Tinaasan na naman niya ako ng kilay.
"I really don't know why I like you," ganti ko naman sa kaniya sabay ngiti.
"Omg! Stop liking me. Hinding-hindi kita kakaibiganin kahit kailan! NEVER!" Inirapan niya 'ko at saka na siya nagsimulang kumain. Nakakailang subo pa lang siya nang bigla siyang tumigil at tumingin sa relo niya. "I have to go. Magkikita pa kami ni mommy." Tumayo na siya at sinuot ang backpack niya. Bumaling siya kay Honey at sa kuya niya para magpaalam, pero sa 'kin ay irap lang ang ginawa niya.
Itinuloy ko na lang ulit ang pagkain ko, pero napansin kong sumusulyap sa 'kin si Harris. Nakakatakot siyang kausapin kaya hindi ako kumikibo. Magkapatid nga talaga sila ni Pitchie. Hirap tantyahin ang ugali.
"Bakit?" baling ni Honey sa kaniya nang bigla siyang tumayo. "Tapos ka na rin kumain?" Imbes na sumagot ay dinukot niya ang bulsa at inilabas ang cell phone niya.
Bigla niya 'yon inabot sa 'kin. "I got the feeling that I might need to contact you, so I wanted to know your number in advance."