Chapter 5

1439 Words
SABADO ng umaga at walang pasok sa eskuwelahan si Max kaya naman imbes na maglakawatsa ay nagpasya siyang tulungan ang kaniyang ina sa pamamasukan nito ngayon sa mga Del Rio. Tuwing sabado kasi ay naglalabada ang kaniyang ina, pandagdag sa kanilang gastusin. Naaawa siya rito at gusto niyang maghanap ng mapapasukang trabaho ngunit napakabata pa niya para matanggap siya sa trabaho. Sumubok siyang mag-apply noon pero hindi naman siya tinatanggao dahil menor de edad pa siya. "Sigurado ka bang sasamahan mo ako sa mansion ngayon anak?" paniniguradong tanong ng kaniyang Ina na nagtatali ng buhok habang nakaharap sa salamin. "Opo, wala rin naman akong gagawin dito sa bahay. Alam ko po kasing hindi lang pakikilabada ang gagawin ninyo sa mansion kun'di paglilinis na rin sa hardin. Alam ko po kasing gusto ninyong bumawi kay Don Hermain kaya naman kahit na hindi ninyo aminin sa akin, nay, alam ko." "Pasensiya ka na anak. Alam mo naman na malaki ang utang na loob natin kay Don Hermain. Ginagawa ko ito para makapagbalik-loob sa kabutihan niya sa atin," nakangiting sabi ni Inay. "Nay, ipinapangako ko na sisipagin ko sa pag-aaral ko at balang-araw magiging donya kayo rito sa El Palacio," nakangiting sabi ni Max sa kaniyang Ina sabay yakap dito. "Salamat anak. O, siya, halika na para maaga tayong matapos." Nilakad nila ang daan patungo sa El Palacio Subdivision kung saan nakatira si King. Makikita na naman niya ang kumag na iyon at wala siyang takas sa pambu-bully nito sa kaniya. Kailangan ng kaniyang ina ang tulong at hindi siya magpapaapekto sa kumag na si King. Pagdating nila sa tapat ng malaking gate ay kaagad silang pinagbuksan ng mga security guards na naroon. Kilala na sila ng kaniyang ina at malapad pa ang mga ngiti ng mga ito sa kanila. "Magandang umaga ho, Aling Nena," pagbati ng mga ito sa kaniyang ina. "Magandang umaga naman Daniel at Rico. Sige maiwan na namin kayo riyan at naghihintay ang mga labahin sa likod." "Nariyan pa sa loob si Don Hermain, Aling Nena. Nariyan din si Seniorito King, himala nga na hindi tumakas ngayon." Ang bully na iyon. Naku! Naririnig pa lamang niya ang pangalan nito kumukulo na ang dugo niya. "Mabuti naman kung ganoon para hindi na nag-aalala si Don Hermain sa anak niya," anang kaniyang ina na may pag-aalala ang tinig. Kung alam lamang ng kaniyang ina na si King ang taong kinaiinisan niya sa eskuwelahan ay tiyak na magbabago ang pagtingin nito sa lalaking iyon. Nagtungo sila sa likod bahay at naroon na nga ang mga basket-basket na labahin. Nakahiwalay na ang mga de-color at mga puti. Ang mga uniform ni King ay nasa iisang lagayan nakahiwalay din ang mga medas sa isang basket. Wala siyang nakitang under wears dahil nasabi na sa kaniya ng ina na hindi ipinalalaba nina Don Hermain ang mga iyon. Pinaandar ng kaniyang ina ang washing machine dahil pagkatapos isalang nito ang mga de-color doon na damit ay uulitin nitong kusutin. Ibinabad naman nito ang mga puti sa isang batya, mahusay maglaba ang kaniyang ina kaya nga ito nabansagan na dakilang labandera ng El Palacio. Nagtungo naman si Max sa garden at katulad ng dati ay inasikaso niya ang mga pananim doon. Matataas na rin ang mga damo at bermuda grass, kailangan na niyang i-trim. "Kumusta kayo mga rose, malalaki na kayo a. Pasensiya na ha kung ngayon lang ako nakapasyal dito sa bahay ninyo. Matagal na panahon din kasi akong hindi nakasama kay Nanay sa pagpunta rito sa bahay ninyo," malungkot sa sabi ni Max sa mga roses na nakahilera. "Mabuti naman kami," sagot ng isang tao sa kanilang likuran. Nagulat si Max nang makita si King na nakatayo sa kaniyang tabi. Magulo ang buhok nito at nakasuot pa lamang ng pantulog. Nakatsinelas ito at may hawak na huggable bear. "Ikaw na naman. Alam mo bang kapag nakikita kita nag-iinit ako." Napalunok ito sa kaniyang sinabi. Iba yata ang nasa isip ng kumag na ito. "Kumukulo ang dugo ko sa iyo!" naiinis na sabi ko sabay talikod dito. "Hep! Hep! Nandito ka sa pamamahay ko Maxienian kaya dapat lamang na igalang mo ako at irespeto." "Pasensiya ka na seniorito pero hindi ka karespe-respeto!" Inirapan niya ang binata at kinuha ang grass cutter na nasa wood basket. "Naks! Ibang klase na pala ang mga anak ng muchacha ngayon, matatapang." Umupo ito sa bench at nag-cross legs. "Kung sabihin ko kaya kay Daddy na bawiin ang iskolar mo." Hindi siya nakapagsalita biglang umurong ang tapang niya. Tumayo si King at hinawakan ang kaniyang baba. "Next time matuto kang gumalang," marahas nitong binitiwan ang hinawakan nitong baba niya. Ang sama talaga ng ugali nito. Kung hindi lang talaga malaki ang utang na loob nila sa ama ni King ay hindi siya magtitiis sa pakikisama dito. "Max," mahinang tawag sa kaniya ng isang matanda na sumulpot sa kung saan. Pinahid niya ang luhang nangilid sa kaniyang mga mata at tumingin dito. "Po?" Nakikilala niya ang matanda si Manang Hilda, ang Yaya ni King. "Pasensiya ka na sa inasal ng alaga ko, iha. Hindi naman ganoon si Seniorito King kaso mula noong iniwan siya ni Donya Veronica ay ganoon na siya. Hindi kasi pumapayag si Don Hermain na paalisin si King sa poder niya at pasunurin ito sa America," malungkot na pagkukuwento nito. "Mabait na bata si King, Max. Magalang, marespeto at malambing. Ngunit nagbago ang lahat ng iyon kaya pagpasensiyahan mo na kung magaspang ang ugali ng alaga ko," dagdag pa nito. Hindi niya alam ang buong kuwento pero hindi pa rin niya maiintindihan kung bakit napaka-bully nito. Hindi iyon sapat na rason dahil naranasan din naman niyang maiwan ng kaniyang ama noong bata pa siya. Siguro ay hindi lamang talaga ito naturuan ng magandang asal. "Naiintindihan ko po, huwag po kayong mag-alala manang. Hindi naman ako natatakot sa katulad niya. At hindi ko po nauunawaan sa ngayon ang pinagdadaanan niya. Wala po kayong dapat na ihingi ng pasensiya sa masamang ugali ng alaga ninyo. Itutuloy ko na po ang trabaho ko dahil tutulungan ko pa po si inay na maglaba." "Pero Max..." "Kung gusto po ninyong sabihin sa akin na huwag kong patulan si King ay hindi ko po maipapangako." Tumawa ang matanda sa kaniyang sinabi. "Siguro may nakatapat na si Seniorito King." Ngumiti ito sa kaniya. "Maiwan na kita at ipaghahanda kita ng masarap na merienda." Binalikan ni Max ang mga bulaklak at saka bumuga nang malalim. Hindi naman siya natatakot kay King. Natatakot lamang siyang mabigo niya ang kaniyang ina kaya naman susubukan niyang umiwas dito. Nakakahiya din kay Don Hermain. Habang maibgat na ginugupit ni Max ang mga bermuda grass sa paligid ng roses ay huminto ang isang kotse sa runway. Napahinto si Max at tumingin sa taong palapit sa kaniya. Bumuga siya nang malalim at kinabog ang puso niya nang makitang palapit si Don Hermain na nakasuot ng business suit. May dalawa itong alalay na bumaba rin mula sa sasakyan. Mabilis siyang tumayo para batiin ito. "Magandang umaga po, sir." "Magandang umaga naman, Maxienian. Natutuwa ako at nakita kita na nasa garden ko ngayon. At mukha ring masaya ang mga halaman dahil sa iyo," nakangiting sabi nito sa kaniya. "Kumusta ang pag-aaral mo sa Empress Highschool?" "Ma-Mabuti naman ho." "Maganda kung ganoon. Hindi ka ba binu-bully ni King?" Napapitlag siya sa sinabi nito. Kung isumbong kaya niya si King at sabihin dito ang totoo? "Ma... Maayos naman ho ang pag-aaral ko sa Empress. Mabuti po ang mga estudyante roon at wala naman hong problema. Maraming salamat po sa pagpili sa akin na maging iskolar sa paaralan ninyo, sir." Yumuko siya sa harapan nito. "Matalino kang bata at masipag, Max. Isa pa nakikita ko na malayo ang mararating mo balang araw. Salamat din sa pagpapaganda ng garden ko, ikaw lang talaga ang hinihintay ng mga bulaklak para maging masigla silang muli." Hinawakan nito ang kaniyang balikat. "Salamat po, sir." "Hindi na kita iistorbohin pa sa ginagawa mo. Marami akong mga meetings ngayong araw kaya naman maiiwan na kita rito. Feel at home, Max. Palaging bukas ang El Palacio para sa inyo ni Aling Nena," nakangiting sabi nito sa kaniya na abot hanggang mata. "Maraming salamat po talaga sir." "No need to say thank you, Max. You deserve it. Mag-aral kang mabuti at lalo mo pang galingan." Nagtaas ito ng kamay at tuluyang sumakay sa sasakyan nito kasabay din ng dalawang lalaking nakatayo sa tabi ng kotse kanina. Tiningala ni Max ang ikalawang palapag kung saan naroon ang kuwarto ni King. Nakasandal ang binata patalikod sa balcony habang nakatingala sa kalangitan. Hindi alam ni Max kung bakit siya nakadama ng lungkot habang lihim na nakamasid sa binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD