Chapter 1
MASAYANG nagba-bike si Max sa plaza dahil bukas ay matutupad na ang pangarap ng kaniyang ina ang makapag-aral siya sa Empress Highschool kung saan nag-aaral ang mga sikat at mayayaman sa kanilang probinsya.
"Tabi!" malakas na sigaw mula sa malayo ang kaniyang naririnig na nagpagising sa kaniyang ulirat.
Isang lalaki ang patakbo ngayon sa kaniyang harapan.
Wala siyang lilikuan sa tagiliran niya dahil may mga plant box.
Nanlaki na lamang ang kaniyang mga mata nang tuloy-tuloy pa rin sa pagtakbo ang lalaki patungo sa kaniya kasunod ng dalawang security guard na matulin din ang pagtakbo.
Nilundagan nito ang kaniyang bike ngunit nawalan pa rin siya ng balanse at natumba ang bike niya kasabay niyon ang malakas niyang pagbagsak.
"Aray!" naiinis na aniya habang sapo ang balakang.
"Sinabi ko naman kasi sa iyo miss na tumabi ka. Humarang ka sa tatalunan ko kaya kasalanan mo!" malakas na sabi ng lalaki na nakaupo din katulad niya.
"Wala kang---"
Mabilis nitong tinakpan ang kaniyang bibig. Narinig na lamang nila ang pagtatanong ng mga security guard.
"May nakita ba kayong lalaki na nakasuot ng hoodie jacket at sweat shorts?" humihingal na tanong ng isang lalaki.
"Nan---"
Masama siyang tinignan ng lalaki. "Be quiet," bulong nito sa kaniya.
Narinig niya ang paglakad palayo ng dalawang lalaki. Inalis niya ang kamay nito sa kaniyang bibig.
"Siguro magnanakaw ka kaya ka hinahabol no! Kalalaki mong tao nagnanakaw ka."
"Excuse me, miss. Hindi mo ako kilala." Tumayo ito at hindi man lamang siya tinulungan na tumayo.
"Bakit ka tumatakbo kung ganoon? Alam mo kawawa ang mga magulang mo na naghihirap magtrabaho para sa iyo. Mukha ka pa namang maayos."
Nginisihan lamang siya nito. "I don't care." Tinalikuran siya nito.
"Hoy, hindi ka man lang ba magso-sorry!" nanggagalaiting aniya rito.
Nilingon naman siya nito habang pinagpag niya ang likuran ng kaniyang maong short.
"Wala akong dapat na ihingi ng sorry dahil ikaw itong paharang-harang. Kasalanan mo kung bakit ka natumba at dahil sa iyo nagaagas ang kamay ko." Ipinakita pa nito ang maliit nitong sugat.
"Hindi mo iyan ikakamatay, pero ako muntik na akong mabalian!" giit pa niya sa lalaki.
"Damn!" malakas na mura nito habang nakatingin sa kaniya.
Aba, siya pa ang minura ng lalaking ito. Naku! Kung hindi lang ito guwapo baka nakatikim na ito ng upper cut. Tsk, excepted ba siya?
"Ang sama mo! Sana madapa ka!" naiinis na sigaw niya rito. Dahil sa lalaking iyon nasira tuloy ang magandang araw niya.
"Miss!" tawag sa kaniya ng janitor sa plaza.
"Manong, hindi ko iyan kasa---"
"Nakalagay na sa mga signage dito na bawal ipasok ang bisekleta sa loob ng plaza. Hindi mo ba nabasa? Kaya tuloy nasira itong mga tanim dito sa plantbox dahil ginawa mong exhibition area!" sermon pa sa kaniya nito.
"Manong, hindi ko po kasalanan. Kasalanan no'ng lalaking hindi tumitingin sa dinaraanan niya."
Tumingin sa paligid ang janitor. "O, nasaan ang lalaking tinutukoy mo? Wala ka namang kasama. Wala nang mga dahilan, linisin mo ang mga dahon na nasira dahil sa pag-i-exibition mo rito. At magmumulta ka ng isang daang piso dahil sa mga violation mo."
"Manong, baon ko na bukas ang pera ko e." Nagkamot siya sa ulo. Ang lalaking iyon, kasalanan niya ang lahat ng ito.
"Sige na, Wala nang pero-pero. Kayong mga estudyante hindi kayo marunong sumunod sa mga babala," anang janitor sa kaniya habang inilabas ang notebook at ballpen sa dalang sling bag nito.
Wala siyang nagawa kun'di ibigay ang isang daang piso na baon niya bukas. One week pa naman niyang allowance iyon.
Nang matapos niya ang ipinapagawa ng janitor sa kaniya ay umalis na siya sakay ang bisekleta niya. Sa labas ng plaza ay nakita niya ulit ang lalaki. Lalapitan sana niya ito nang lapitan ito ng dalawang security guard na humahabol kanina rito.
"Seniorito King, kanina pa kayo hinahanap ni Don Hermain."
Seniorito? Tinawag na seniorito ang lalaking hambog na iyon. Ah, kaya pala mayabang dahil mayaman.. Tsk!
Sumakay ang mga ito sa kotseng itim. Sinundan ng tingin ni Max ang papalayong sasakyan. 'Tska siya nagdesisyon na umuwi na ng kanilang bahay.
Hindi niya alam ngayon ang kaniyang idadahilan sa kaniyang ina. Kung paano niya ipagtatapat dito ang gasgas niya sa binti at ang pagbabayad niya ng multa sa plaza.
Nakakainis! Hindi niya mapapatawad ang mayabang na iyon.
KINABUKASAN maagang pumasok ng eskuwelahan si Max para tignan ang kaniyang schedule. Isa siya sa mga napiling scholar ng Del Rio Foundation. At ito ang unang araw niya bilang fourth year student ng Empress High School, isang private high school. Ang mga estudyante ay pawang mga anak ng negosyante sa kanilang lugar. May mga apo din ng mga politician. Isang esklusibong paaralan na para talaga sa mga mayayaman.
Katabi lang nito ang Empress University. Malaki at malawak ang school vicinity. Halos de kotse ang mga karamihan sa mga nag-aaral dito. May iba na gumagamit ng branded motorcycle para pumasok.
Isang malaking gymnasium ang nakapagitna sa pagitan ng Empress University at Empress Highschool. Ang uniporme ng mga kababaihan ay long sleeve na white polo at black skirt. Mahaba ang medyas na hanggang hita at ang lahat ay nakasuot ng black shoes. Ang mga kalalakihan naman ay white t-shirt sa loob at black suit ang ibabaw. Black din ang slacks at nangingintab ang suot na sapatos.
Karamihan sa mga nakakasalubong ni Max habang naglalakad sa pathway ay mga kababaihan. May mga make ups ang mga ito at tinodo ang kolorete sa mukha. Ang mga back packs nila ay maliit lang, nakakatiyak siya na ang laman niyon ay make up kits ng mga ito.
Hindi pinansin ni Max ang tingin ng mga ito sa kaniya mula ulo hanggang paa. Ang gusto lamang niya ay makapag-aral siya sa esklusibong paaralan para sa kaniyang Mama. Nakikita ni Max ang sakripisyo ng kaniyang ina kaya gagawin niya ang lahat para masuklian ang mga ginawa nito para sa kaniya.
Apat na palapag ang bawat building ng school. May mga building para sa sports, academics, music at ballet. Sa academics siya nakabilang dahil wala naman siyang alam na ibang talent.
Pumasok siya sa designated room niya ang Diamond Section. Pagpasok ni Max sa classroom nila ay pinagtitinginan siya ng mga kaklase niya. Magulo ang pagkakaayos ng mga upuan na para bang dinaanan ng bagyo. Busy ang iba sa pagmi-make up at pakikipagtsismisan sa mga lalaking kaklase. Pinili niyang maupo sa dulong bahagi ng class room nila.
"May bago pala tayong kaklase!" malakas na sabi ng isang babae na kulot at mapulang-mapula ang mga labi.
Nilapitan naman siya ng isa pang babae. "Oo nga? Mukhang wala pa siyang uniform, Kate. Bakit hindi mo ibigay ang mga luma mong uniform sa kaniya. Bagay sa kaniya ang mga basahan." Hinawi ng babae ang kaniyang buhok.
"Oo nga naman, Kate. Alam mo mas bagay iyon sa kaniya," dagdag pa ng babae na tumawag sa pangalan na Kate.
Tumawa si Kate at saka siya tinalikuran. "Mas bagay sa kaniya ang suot niyang basahan ngayon, Goldie."
Ikinuyom ni Max ang kaniyang palad. Nagtitimpi lamang siya at pagbibigyan niya ang mga ito sa pang-aapi sa kaniya. Hindi niya gustong maging dahilan iyon para matanggal siya bilang scholar. Mahirap ang pinagdaanang proseso ng kaniyang ina para lamang maging scholar siya. Madaling araw pa lamang ay pumila na ang kaniyang ina sa Del Rio Foundation para lamang maibigay ang mga requirements niya. At kahit na tirik na tirik na ang araw ay tiniis ng kaniyang ina. Iyon ang iisipin ni Max palagi kaysa pumatol sa pambu-bully nito.
Inayos ni Max ang suot na white t-shirt na plinantsa ng kaniyang ina bago pumasok sa trabaho bilang serbidora sa maliit na karinderya sa bayan.
Nagpatuloy ang bulungan at tawanan ng mga ito habang nakatingin sa kaniya. Hanggang sa may isang lumapit sa kaniyang lalaki na nagpatigil sa tawanan ng mga ito.
Hinila ng lalaking iyon ang upuan sa kaniyang tabi at saka ito umupo.
Laking gulat ni Max nang makita ang lalaking bumangga sa kaniya kahapon. Maging ito ay nagulat at napatayo sa kaniyang harapan.
"Ikaw! Anong ginagawa mo rito! Alam mo bang dahil sa iyo nawala ang allowance ko! At dahil sa iyo nakalimutan kong kunin ang uniform ko!" nanggigigil na sabi niya rito.
"Hey, miss, kalma. Magkano ba ang allowance mo?" Inilabas nito ang makapal nitong wallet sa kaniyang harapan. Naglalaman iyon ng mga credit cards at pera na limang daan pisong papel at tag-iisang libo.
Napalunok si Max sabay tingin sa kaniyang paligid. Nagkumpulan ang mga estudyante paikot sa kanilang dalawa ng lalaki.
"Magkano?" pag-uulit ng lalaki na nakangisi sa kaniya.
"One hundred pesos," mahinang aniya rito na nagyuko ng ulo. Grabe, napahiya siya. Nakalimutan niyang anak mayaman nga pala ito at isang seniorito.
"Here. One thousand iyan, siguro naman bayad na ang one hundred pesos mo miss." Pilit nitong isiniksik sa kaniyang kamay ang pera.
Nakakahiyang tawanan at bulungan ang kaniyang narinig.
"Ang lakas ng loob na singilin si King!" masungit na sabi ng babae na sinipa pa ang upuan na inupuan ni King kanina.
"True! Hindi siya nababagay rito sa Empress Highschool. Bakit ba kasi sila tumanggap ng estudyante na mababa ang IQ level," sabi pa ng isa na tumabig sa kaniya.
Nanginginig ang kaniyang katawan. Gustong-gusto niyang patulan ang mga matatabil na dila ng mga ito ngunit kapag ginawa niya iyon magkakaroon siya ng redmark sa behavior niya.
Hinabol ng dalawang babae si King at nagsilayuan sa kaniya isa-isa ang mga estudyanteng nasa paligid niya kanina.
Mahigpit ang hawak niya sa isang libong ibinigay ni King. Nagtungo siya sa canteen para ipabarya ang pera nito. Hindi siya papayag na apakan ng hambog na iyon ang kaniyang pagkatao.
Aba, lumaki siya sa kamote kaya matapang siya.
***
BREAK TIME nila King at naisip niya na ayain ang kaniyang mga kaibigan na magtungo sa canteen ng Empress Highschool, para magpasikat sa mga first year students at para na rin alaskahin ang kanilang kaibigan na si Vincent. Isa pa gusto rin niyang makita ang bagong babae na flavor of the month niya ngayon.
Habang naglalakad patungo sa canteen ay naiisip niya kung paano ito maasar sa kaniya dahil sa ginawa niya kanina. Sinadya niyang sundan ang designated room nito dahil nalaman niya kagabi na kasama ito sa listahan ng mga bagong iskolar ng kaniyang ama.
Kinabog ni Karl nang mahina ang kaniyang likod. "Hey, King. Naalala mo ba iyong girl na ikinukuwento mo sa amin kagabi? Iyong babaeng binangga mo sa plaza?"
Sumeryoso siya ng mukha. "Of course not!" matigas niyang pagtanggi.
Umupo si King sa bakanteng upuan sa canteen. At nagsiupuan naman ang kaniyang mga kaibigan habang nakatingin sa kaniya.
"Maganda ba siya... sexy o charming?" pang-aasar pa ni Justine.
"Wala pa ba si Vincent," pag-iiba niya sa usapan. Nilinga niya ang paligid at nakita niya ang babae. Napangiti siya at saka siya tumayo para puntahan ang kinaroroonan ng babae na busy sa pagme-merienda. Umupo siya sa lamesang kinapapatungan ng baon nitong nilagang saging.
"Iyan lamang ba ang kakainin mo, miss? If you don't mind. Gusto ko sanang ilibre ka ng foods."
Tiningala siya ng babae habang kagat ang nabalatang nilagang saging. Nginuya iyon ng babae at saka ito bumunot sa bulsa. Iniabot nito sa kaniya ang isang limang daan at apat na tag-iisang daan.
"Max ang pangalan ko Seniorito King, at heto ang sukli mo kanina sa isang libo."
"Hindi ko na iyan kailangan dahil marami akong pera."
"Alam ko!" mabilis nitong sagot at ibinalik ang atensiyon sa kinakain. "Ikaw si King Del Rio, ang sikat na varsity player ng Empress at nag-iisang tagapagmana ng Del Rio Corporation. Eh ano naman ngayon kung marami kang pera?" tanong nito na pinangalumbabahan pa siya.
Nanlaki ang mga mata ni King sa sinabi ng babae. "What!"
"Ayusin mo ang buhay mo, Mister King Del Rio. Igalang mo ang mga magulang mo, at ang maganda nilang imahe. Tsk! Nakakahiya." Tumayo ang babae at iniligpit ang pinagkainan. "Maiwan na kita kung ganoon, Mister Del Rio. Tinitignan tayo ng mga fans mo. Batiin mo sila isa-isa. Hindi iyong iniistorbo mo ako." Nginitian siya ng babae bago talikuran.
Inis na inis si King sa ginawa ni Max sa kaniya. Napahiya siya sa mga babaeng nakatingin sa kanilang dalawa. Mukhang gumaganti ito sa kaniya dahil sa pagkakapahiya niya rito. Nilapitan siya ng kaniyang mga kaibigan na bakas sa mukha ang pang-aasar.
"Paano ba iyan! Wala ka pa lang binatbat kay Maxienian Santos," ani Karl na tinapik ang kaniyang balikat. Masama niya itong tinignan at muling ibinalik at tingin dito.
"Karl, siya iyong babae na kasama ni King kahapon kaya siya tumawag sa atin kagabi," pang-aasar naman ni Justine.
Ibinigay niya kay Justine ang perang ibinalik ni Max sa kaniya. "Ibili mo ng pagkain natin iyan at pagkasyahin mo," naiinis na sabi niya sa kaibigan.
"Ano?" Nagkamot ito sa ulo na sinundan ni Karl. Naiwan siyang mag-isa at lihim na napangiti.
Hindi na magiging boring ang college life niya dahil sa pagdating ni Max.