Maxine's PoV
Ipinagtawag ako ni Manang Hilda sa kusina at ipinakuha pa ako ng eco bag. Nagtataka ako habang inilalabas ni Manang Hilda ang mga ibang pagkain sa double door na refrigerator.
"Sinabi sa akin ni Seniorito King na ibigay sa iyo ang ibang mga pagkain. Mamalengke naman ako bukas para sa groceries at sayang ang mga ito kung ipapamigay lang sa ibang tao," sabi ni Manang Hilda habang abala sa paghahalungkat ng maibibigay nitong karne sa akin.
"Madalang kasing magpaluto ang mga amo ko kaya naman masasayang ang mga ito. Nagsasawa na rin kami sa mga karne kaya mas mabuting sa inyo na lamang ni Nena. Malaki ang matitipid ninyo sa ulam pang-araw-araw dahil dito. Nabalitaan ko na nag-aaral ka ngayon sa Empress Highschool malaki ang gastusin sa paaralan na iyon kahit pa scholar ka ni Don Hermain."
Tumingin ako kay Manang Hilda.
"Oo nga po. Maraming salamat po sa mga pagkain na ito, manang."
"Huwag ka sa akin magpasalamat kun'di kay Seniorito King." Ngumiti sa akin si Manang Hilda.
"Opo manang."
Nagtataka na lamang ako kung bakit ito ginawa ni King sa akin ngayong alam ko naman na matindi ang galit sa akin ng unggoy na iyon.
Kung hindi lang talaga kay Don Hermain at sa Nanay ko, hindi ko pakikitaan ng mabuti ang asungot na iyon. Dahil sa King na iyon naging katuwa-tuwa ako palagi sa eskuwelahan.
Inilagay ni Manang Hilda ang mga karne, process meats, chocolates at ilang mga gulay at prutas sa eco bag at saka ibinigay sa akin.
Tinulungan pa niya akong bitbitin ang mga iyon patungo sa likod bahay kung saan naroon ang aking Nanay na kakatapos lamang magsampay.
Nagulat ito nang makita ako kasama ni Manang Hilda.
"Manang Hilda, nag-abala pa ho kayo," nahihiyang sabi ni Nanay.
"Ibinilin iyan sa akin ni Seniorito King, Nena. Sige na kunin na ninyo dahil sayang din ang mga ito."
"Maraming salamat, Manang Hilda. Mukhang mabubuksan ko ang maliit naming refrigerator sa bahay dahil dito."
"Ay iyon bang ibinigay din sa iyo ni Don Hermain noon? Aba'y kasing tanda iyon ni Seniorito King."
Ngumiti si Nanay sa sinabi ni Manang Hilda.
"Iniingatan ko talaga iyon, manang. Maraming salamat sa pagiging mabuti mo sa amin mula noon," naluluhang sabi pa ni Nanay.
Hanggang sa makalabas kami ng malaking gate ay hindi pa rin ito tumitigil na magpasalamat si Nanay kay Manang Hilda at kay Manang Lina. Hindi ko alam kung ginagawa ba iyon ni King para sa akin o para ipakitang kahit na gaano kasama ang ugali nito ay may mabuti pa rin itong puso.
NANG makauwi kami ni Nanay sa bahay ay tinulungan ko siya na ayusin sa tupperwares ang mga karne. Binuksan naman ni Nanay ang maliit naming refrigerator para lumamig ito bago namin ipasok ang mga pagkain na ibinigay sa amin.
"Max, napansin ko nga pala kanina na para kayong nag-aaway ni Seniorito King," sabi ni Nanay na hindi naman nakatingin sa akin.
"Hindi naman po kami nag-aaway, 'nay." Kinagat ko ang ibaba kong labi.
"Anak, kung kaya mong pagpasensiyahan ang ugali ni Seniorito King, gawin mo. Malaki ang utang na loob natin sa pamilya niya kaya tayo ang mas dapat na magpakumbaba, naiintindihan mo ba ako, anak?"
"Opo," malungkot kong sagot. Kahit na hindi ako sang-ayon ay kailangan kong sundin ang aking Nanay.
"Sige na ako na rito at ayusin mo na ang lamesa. Iinitin ko lang itong binalot na ulam ni Manang Linda sa atin at isasangag ko na lang itong kanin."
"Opo."
Sinunod ko si Nanay at habang inaayos ko ang lamesa ay hindi mawala sa isip ko si King. Ang asungot na iyon. Nakakaramdam ako ng awa para sa kaniya.
Kahit na mayaman ang unggoy na iyon mas masaya pa rin ang buhay ko. Tinignan ko si Nanay na nasa kusina. Dalawa na lang kami ngayon ni Nanay at ginagawa niya ang lahat para mapunan ang lahat ng mga pagkukulang na iniwan ni Papa.
KINABUKASAN katulad ng dati ay maaga akong nagising para pumasok sa eskuwelahan. Masarap ang baon ko ngayon kaya naman maganda ang aking umaga.
Sa kanto ay nakasalubong ko si Guia na mabilis na tumakbo sa gawi ko. Itinukod ko ang aking paa para ibalanse ang bisekleta ko.
"Max! Ano, naibigay mo na ba?" pasimpleng tanong nito sa akin.
"Oo, naibigay ko na sa kaniya. Huwag mo na lang asahan na mag-thank you siya sa iyo o tanggapin niya ang pag-ibig mo. Ayokong masaktan ka lang dahil walang puso, kaluluwa at masamang tao ang minahal mo."
Nagtaas si Guia ng kanang kilay.
"Grabe ka naman, Max. Okay lang sa akin na mapansin ako ni King," kinikilig pang sabi nito.
"Ewan ko sa iyo, Guia. Sige papasok pa ako. Goodluck na lang sa pag-ibig mo sa mokong na iyon. Kita na lang tayo mamaya!" malakas na sabi ko bago pinadyakan ang bisekleta ko.
Napailing ako nang makalayo sa aking kaibigan. Bumuga din ako ng malalim dahil alam kong masasaktan lang si Guia sa King na iyon pagdating ng araw.
Pinanatili ko ang pagbibisekleta sa gilid ng daan dahil maraming mga kotse ang pumapasok sa loob ng Empress Highschool. Halos mapuno nga ang parking lot dahil puro de kotse ang mga estudyante.
Sa may guard house ko inilagay ang aking bisekleta.
"Magandang umaga ho, Kuya Jimbo," nakangiting sabi ko sa matandang ka-close ko na.
"Magandang umaga naman, Max. Naka-jogging pants ka na naman." Tumingin ito sa suot ko.
Nagkamot ako ng ulo. "Didiretso naman po ako sa CR pagkatapos kong ilagay itong bike ko rito sa likod ng guard house, manong." Inilagay ko ang bag ko sa harapan ko at binuksan ang zipper niyon. "Heto nga po pala, tuna sandwich."
"Naku, salamat Max." Nakangiting tinanggap iyon ng matanda.
"Mauna na po ako, manong," magalang na sabi ko at saka tinungo na ang CR.
Pagpasok ko ng comfort room ay naroon si Kate na naglalagay ng lipstick sa mapula na nitong mga labi. Tumingin siya sa akin mula ulo hanggang paa.
"Bakit ka nakatingin sa akin ha, Rug Princess?" mataray nitong tanong sa akin.
Siya nga itong nakatingin sa akin pagkapasok ko. Malakas din ang tama ng babaeng ito.
Hindi ko na lang siya pinansin. Inalis ko ang jogging pants na suot ko sa harapan nito mismo.
Nanlaki pa ang mga mata nito dahil sa ginawa ko.
"What the!" Bulalas ni Kate.
"Ay, nariyan ka pala, Kate. Sorry ha hindi ko napansin akala ko kasi manequien ang nasa harapan ko." Nginisihan ko si Kate at lalo lang itong naasar sa akin.
Umalis din ako kaagad ng CR dahil alam kong tatawagin ni Kate ang mga kaibigan nito para pagkaisahan na naman ako.
Sa may pathway patungo sa room building ko ay nakasalubong ko si Vincent. Para itong wala sa sarili at muntik pa akong mabangga.
Huminto ito sa harapan ko at nang mamukhaan ako ay ngumiti siya sa akin.
"Max," mahinang aniya sa akin.
Umuwang ang mga labi nang bigla na lamang niya akong yakapin. Ang bilis ng kabog ng puso ko para akong hinahabol ng maraming kabayo sa bilis.
Napalunok pa ako habang nakatingin sa mga kapwa ko estudyante na nakamasid aa aming dalawa ni Vincent. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung itutulak ko ba siya I hahayaan kong yakapin niya ako nang mahigpit.