Sugat
Naglapag ng masasarap ng pagkain iyong katulong. Nanlalaki ang mga mata ko dahil sa tatlong magkaibang klase ng isang slice ng cake na inihain para sa akin.
"Sinong may birthday?" Hindi ko na napigilang itanong pa iyon kay lolo. Napahalakhak ito dahil sa naging reaksyon ko. "Wala Aly. Ganyan talaga rito. Normal lang ang may iserve na cake sa bisita."
Normal lang sa kanila ang may cake sa lamesa? Ganoon ba talaga karami ang pera nila? Tapos iba't ibang klase pa ng cake! Ako nga hanggang tinapay lang ako!
Sinalinan ako ng pineapple juice ng katulong saka ako nito iniwan. Naging komportable ang pagkain ko. Si lolo naman ay nagpaalam muna na lalabas lang siya dahil baka may ipapagawa si Don Israel. Inabala ko naman ang sarili ko sa pagkain. Hindi ko inubos iyong dalawa para madalhan ko rin si Lola. Pero pwede ba iyon?
Tinawag ko iyong katulong na nilapitan naman ako.
"Marami pa bang cake sa loob ng ref nila?" tanong ko na ikinatango nito.
"Uhm, pwede bang humingi pa ng tatlong slice? Dadalhan ko kasi si lola." Napaismid sa akin ang katulong. Mukhang hindi nagustuhan ang sinabi ko. Bawal ba?
"Marunong kang mahiya, bata. Wala nang cake." Umirap ito at tinalikuran ako. Kakasabi niya lang na marami pa ah?
Hindi ko nalang inubos iyong dalawa. Kahit natatakam pa ako ay tiniis ko nalang. Sigurado rin kasi akong matutuwa si lola nito. Minsan lang iyon kumain ng matatamis.
Tumayo ako sa upuan ko. Sinilip ko ang labas. Naroon ang ibang katulong pero wala iyong si Don Israel. Pati ang anak niya ay wala rin.
May mga katulong na papasok sa kusina kaya mabilis akong bumalik sa pwesto ko at nagpanggap na kumain.
"Iyon na ba si Sir Uno?" Kinikilig na bulong ng isa sa kasama niya. Tumango iyong isa at para na silang mga kiti kiting patalon talon. Sabay pa silang humagikhik.
"Ang gwapo! Highschool palang pero ganoon na kagwapo! Iyong katawan! Nako! Ang gwapo!" Pabulong na sabi ng isa pero nagagawa paring tumili.
Aligaga ang dalawa sa harapan ko. Ubos na iyong pineapple juice ko kaya tinawag ko ang isa sa kanila. Mukhang nadisturbo ko ang hagikhikan nila kaya naiirita nila akong binalingan.
"Ano 'yon bata."
"Gusto ko po sanang manghingi pa ng pineapple juice." sabi ko na ikinabusangot ng pagmumukha nila.
"Ikaw na nga ang pinatuloy ikaw pa ang abusado. May kahihiyan ka ba?" Nanggigigil na sabi ng isa sa akin. Ba't ganon ang mga katulong rito? Sumimangot ako lalo na't inirapan na ako ng dalawa. Ang mga nasirang ekspresyon ng mukha nila ay bumalik rin sa dati nang mapag-usapan nila iyong nagngangalang Uno. Nag-uunahan pa ang dalawa kung sino ang magdadala ng meryenda para dito.
Dala ang baso ay lumabas ako ng kusina. Doon ako dumaan sa isang pinto na kumukonekta sa labas nila kung nasaan ang malawak na garden. May parang upuan roon pero kailangan mo pang pumasok sa loob. Para itong kalabasa na sinakyan ni Cinderella noong tumakas siya para pumunta sa isang inggrandeng party. Iyon nga lang, mukha itong swing dahil gumagalaw.
Nagtungo ako roon at pumasok. Iginala ko ang tingin sa paligid. Nasaan kaya si Lolo? Sa kanya nalang siguro ako manghihingi ng pineapple juice.
"Do you like the place son?" Narinig ko ang boses sa likod ng sinasakyan ko. Mukhang si Don Israel iyon kasama ang anak niya.
"Who wouldn't Dad. Ang presko rito." sagot ng isang lalake. Ang lamig ng boses nito na pakiramdam ko kaya ako gumagalaw dahil narin sa panghehele ng boses niya.
"Hmm..."
"Oh please Dad. Huwag nalang ako. Gusto kong ihandle ang kompanya. Besides, iyon rin naman ang gusto mo diba?" Medyo natawa ito.
"Oo naman. Pero maaasahan ko ba si Tres sa lupain dito kung sakali? Lalo na si Dos. You know your brother. Mas matigas pa sa bato ang ulo."
"Nag-aaral palang naman sila. Siguro pag nasa tamang edad na ay marerealize rin nila ang mga bagay na mas importante Dad. Be patient."
"Ikaw lang ata ang maaasahan ko kaysa sa dalawang iyon." Natawa iyong si Uno.
"Aly! Nandito ka lang pala." Sa sobrang gulat ko sa boses ni Lolo ay halos mapatalon ako sa upuan ko. Gumalaw iyon kaya natataranta akong umupo pabalik. Mabilis namang sumaklolo si lolo para sana hawakan iyong sinakyan ko pero hindi palang ito nakakalapit ay natigilan rin ito at napatingin sa gilid. Kasabay nito ang paghinto ng inuupuan ko. Parang may pwersang pumigil non kaya hindi na ito gumalaw pa.
Nakahinga ako ng maluwag. Hawak hawak ko pa iyong baso habang ang isa kong kamay ay nasa dibdib ko. Ilang sandali lamang ay may mukhang dumungaw na sa harapan ko na nagpatigil sa akin. Napasinghap ako dahil sa kabuuan ng mukha nito. Kaya ba ganoon nalang ang reaksyon ng mga katulong sa kanya? Oo inaamin ko, may kung ano sa mukha niya ang nakakapagpatigil sa paghinga mo at gusto mo nalang itong titigan hanggang magsawa ka. May mga kaklase naman akong lalake pero ni minsan ay hindi ako nakakita ng lalakeng kagaya niya. Iyong makukwestyon mo talaga ang reyalidad sa panaginip. Para itong anghel na nagkasala sa langit kaya inihulog nalang dito sa lupa at namuhay bilang isang normal na tao. Nakita ko na ang ama niya at masasabi kong nakuha niya ang matangos niyang ilong, ang labi niya...
"You okay?" tanong nito sa akin na ikinakurap ko. Ang tanging nagawa ko ay tumango. Ngumiti ito sa akin na mas lalong ikinadagdag ng kagwapuhan niya. "Give me your hand." Wala sa sarili kong inilahad ang kamay ko. Sa sobrang lambot ng pagkakahawak niya sa akin ay hindi ko na maiwasang mapatingin doon habang inaalalayan niya akong lumabas.
Nahihiya akong yumuko lalo na't nakatingin narin pala iyong ama niya sa akin.
"She got scared..." sabi nitong si Uno na ikinahalakhak ni Don Israel.
"Pasensya na po kung nadisturbo kayo ni Aly." Si lolo na mismo ang humingi ng despensa.
"It's okay. Mukhang nag-eenjoy naman siya..." sabi ni Don Israel. Hindi ko parin magawang mag-angat ng tingin. Iyong nagngangalang Uno naman ay nagpaalam muna na may sasagutin lang daw na tawag kaya lumayo ito sa amin at nagtungo roon sa lupain para ata maghanap ng signal. May kung anong tinik na nabunot sa loob ko. Siguro dala narin ng kaba at kahihiyan. Pero hindi ko lang talaga mapunto kung ba't ako nahihiya.
"Why are you holding an empty glass?" tanong ni Don Israel sa akin.
"Hinahanap ko po kasi si Lolo, manghihingi sana ako ng pineapple juice. Busy kasi iyong mga katulong niyo e." Paliwanag ko.
"Ganoon ba. Mang Dancio, pakisabi sa ibang katulong na dalhan kami ng meryenda rito." Tumango naman agad si Lolo at nawala rin sa paningin namin.
"Let's have a sit, hija." Nahihiya akong tumango at nagtungo roon sa likod ng sinasakyan ko. May mauupuan pala roon at isang mesa.
Naupo ako sa harap niya. Nililingon ko naman minsan sa lupain nila iyong anak niyang si Uno na nakapameywang pa at sumasayaw ang buhok sa ere dahil sa hampas ng hangin.
"Ang sabi ni Mang Dancio ay madalas ka raw rito. You're watering our flowers and feeding our fishes. Tama ba?" Tumango ako. Namangha ang mukha nito. Hindi ko aakalaing mahinahon pala siyang tao sa kabila ng nakakasindak niyang imahe.
"Hmm... anong gustong sweldo ba ang gusto mo?"
"Sweldo? Hindi naman po ako nagtatrabaho sa inyo. Ginawa ko lang po talaga 'yon dahil naaawa ako sa bahay. Wala kasing nakatira." paliwanag ko. "Pero sapat na po ang tatlong slice ng cake para iuwi ko kay lola. Yun nalang po ang sweldo niyo sa akin." Ngumisi na ako na ikinahalakhak nito. Tawang tawa siya sa sweldong gusto ko. Masyado bang marami? "Uhm, isang slice?" Pagbabawi ko dahil baka ay masyadong marami ang tatlo.
"No hija. Kahit nga tatlong buong cake ang ibigay ko sayo ay okay lang." sabi nito na ikinaliwanag ng mukha ko. Tatlong buong cake?! Parang nagbirthday narin ako ng tatlong beses dahil doon!
Dumating iyong katulong na tinarayan ako kanina. Nagulat pa siya nang makita ako. Napayuko rin naman agad ito para ilapag ang dalang tray na may lamang iba't ibang klase ng cake.
"Marami pa palang cake?" wala sa sarili kong tanong.
"Of course hija. Marami sa loob ng ref." sagot ni Don Israel.
"Ang sabi niya po kasi kanina noong nanghingi ako ng tatlong slice ng cake para sana sa lola ko ay wala na raw." Namula iyong babae sa sinabi ko. Totoo naman kasi. Iyon ang sinabi niya.
Napatingin si Don Israel sa katulong, magkasalubong ang kilay nito.
"P-Pasensya na po D-Don..." Magalang nitong paghingi ng tawad.
Sinenyasan niya itong umalis na kaya tumalikod rin ito at naglakad. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang paglingon niya sa akin at ang matalim niyang tingin.
Napatitig ako sandali sa mga cakes. Ibang klase naman ngayon ang isinerve nila. Mga apat ata iyon ng iba't ibang klase ng cake. Nang dahil sa kyuryusidad ay hindi ko na napigilan ang bibig ko.
"Ba't po ang rami niyong pera? Paano niyo iyon ginagawa?"
"Hmm... paano ba? Dahil lang naman sa pagpupursigi ko hija. Ako ang namahala ng lupain rito. Galing pa ito sa lolo ko. Pinalago ko ito noon. Dito ko kinuha ang perang ginamit kong puhunan para makapagpatayo ako ng sariling kompanya sa syudad."
Namangha ako sa pakikinig. Ibig sabihin ay kailangan lang magpursigi tapos magkakapera kana ng marami?
"Pag nagpursigi ba ako ibig sabihin magkakaroon rin ako ng maraming pera? Makakapagpatayo rin ako ng magandang bahay? Makakabili ng maraming cake?" Natatawa itong tumango sa akin. Napapalakpak ako. Iyon lang naman pala ang paraan para magkaroon ka ng maraming pera!
"Sige po. Simula sa araw na ito ay gagaya na ako sa inyo. Hindi ako magwawaldas ng pera. Magpupursigi ako! Palalaguin ko iyong maliit na gulayan ni lola!"
"That's good to hear hija."
Umuwi ako ng bahay baon baon ang magandang pangaral ni Don Israel. May tatlong buong cake rin akong naibaon. Nagtataka pa nga si lola kung saan ko raw iyon kinuha. Ang sabi ko lang ay bigay ni Don Israel. Ang sabi niya naman ay mabait raw talaga iyon.
Tumatak sa utak ko ang sinabi ni Don. Kaya nang Sabado ay bumalik ulit ako sa bahay nila. Dalawang araw kasi akong hindi nakabalik dahil nagpursigi akong tulungan si Lola sa pagtatanim ng panibagong gulay.
"Nako Aly nakaalis na ang mag-ama. Mukhang binisita lang ang lupain. Pero ang sabi ni Don, kung gusto mo raw ng cake ay pwede raw kitang bigyan. Iyong anak niya kasing si Uno nagyaya agad umuwi dahil sa girlfriend nito sa syudad."
Paliwanag ni lolo nang pumasok ako sa malawak na bakuran ng hacienda. Parang nahulog sa sahig ang excitement na naramdaman ko. Sayang naman at hindi ko naabutan si Don Israel. Manghihingi pa sana ako ng tips para magkapera ako ng marami kagaya niya. Pero sapat naman iyong mga sinabi niya sa akin.
Kaya nang makagraduate ako sa Elementary ay namulat na ang utak ko sa pagtatrabaho at kumita ng pera. Gusto kong mag-ipon para makapagpatayo ako ng magandang bahay para kay lola.
"La, wala na bang balak bumisita si Channy dito?" tanong ko kay lola habang kapwa kami nagtatanim ng gulay sa lupa. Tirik na tirik ang araw at naliligo kami ng pawis. Buti nalang talaga at may suot kaming mga sombrero. Iyong balat ko naman ay namumula lang.
"Mukhang busy na iyon sa pag-aaral niya, Aly. Highschool na iyon. Malapit na siyang magcollege." paliwanag ni Lola. Pinanood ko siyang magbungkal ng lupa at inihulog roon ang isang kapiraso ng buto.
Baka hindi na iyon babalik dito dahil sa ginawa ni Lhuella sa amin. Paano ba naman, pumunta kami roon sa bahay nila pero hindi man lang kami pinatuloy. Baka raw marumihan ang sahig.
"Sige Lhuella, iyang mukha mo nalang ang aapakan namin total mas makintab pa iyang sahig niyo kaysa sa mukha mo." Nanggigigil kong sagot sa pinsan kong nakapameywang sa may pinto. Naramdaman ko agad ang kamay ni Channy sa braso ko para awatin ako.
Nasira ang ekspresyon ni Lhuella. Kulang nalang ay ihagis niya sa akin iyong hawak niyang manika niya na ipinagmamayabang niyang galing pa raw sa ibang bansa.
"You know what Aly, ang dungis mo. Mas malinis pa nga ang katulong namin eh. Ba't hindi ka mag-apply?" Mataray niyang sabi
"Alam mo Lhue para kang buto. Ang sarap mo ring ibaon sa lupa." sagot ko na ikinasira lalo ng mukha niya. Sa sobrang galit nito ay itinapon niya sa akin ang manika niya. Bumaba siya sa veranda nila at hinila ang buhok ko. Gumanti narin ako sa kanya. Inaawat kami ni Channy pero tinulak niya lang ito. Hinugot ko ang buong lakas ko at itinulak narin ito. Napaupo siya sa sahig kasabay ng paglabas ng Mommy niya para tingnan ang kaguluhan.
"What's happening here?! Oh my God Lhue!" Tili ni Tita nang makita si Lhuella na nakaupo na sa sahig at nadumihan na ang suot na magarang dress.
"Mommy! Si Aly tinulak ako!" Sumbong niya. Sinaklolohan ko naman si Channy para patayuin ito. Ngayon, ang talim na ng tingin ni tita sa amin habang pinapagpagan ang suot ng anak niya.
"Mommy nagkasugat ang siko ko!" Pinagpapadyak ni Lhue ang kanyang isang paa habang ipinapakita kay Tita ang maliit na gasgas sa siko niya.
"Aly! Ikaw talaga! Kahit kailan wala kang nagagawang matino! Walang silbing bata!" Nanggagalaiting sigaw ni Tita Felicita kaya kapwa na kami napayuko ni Channy.
Isa lang naman iyon sa mga away namin ng pinsan ko. Hindi kami nagkakasundo sa maraming bagay. Ayoko sa ugali niya dahil pinagmamalaki niya sa akin ang mga meron siya na wala ako. Na kahit si Channy ay ganoon rin ang pinapakita niya. Tahimik lang si Channy at ako lang talaga itong hindi nakakatiis. Nauuwi kami palagi sa pagsasabunutan.
"Ikaw kasi... walang parents na mayaman. Kawawa naman iyong mama mong namatay nang hindi man lang yumayaman. Pati papa mo kailangan ka pang iwan kay lola dahil hindi kana kayang buhayin. Magsasaka ka lang talaga Aly. Hanggang diyan ka lang sa posisyon mo. Magkaiba tayo." pagmamalaki na naman ni Lhuella nang mapadpad ako rito sa lupain nila. Gusto ko sanang manghiram ng pera kay Tita para ipangbaon sa eskwelahan dahil wala kaming naharvest na gulay ni lola. Kaso itong babae namang ito ang sumalubong sa akin at pinapamukha na naman iyang estado niya.
Nanubig ang mga mata ko dahil sa sinabi niya pero kinimkim ko iyon. Ayokong ipakita sa kanyang mahina ako.
"Akala mo naman gusto kong mapunta sa posisyon mo. Oo nga mayaman ka, pero aanhin mo ang maraming pera kung hindi mo naman magawang ipaayos ang pangit mong mukha! Akala mo ba maganda ka? Mayaman ka lang Lhuella! Wala kang ganda!" Inis na inis ko nang sabi sa kanya para lang masagad ko ang pasensya niya dahil nasagad niya na iyong akin. Katulad ng pagbabangayan naming dalawa ay nauwi ulit iyon sa pagsasabunutan. Siya ulit ang napaupo sa sahig. Dala ng sinabi niyang wala akong magulang ay sinakyan ko siya sa tiyan niya at pinahiran ng putik ang buo niyang mukha. Nagtitili siya kaya sinupalpal ko agad ang bibig niya. Mukhang nakakain na ito ng putik pero wala akong pakialam sa bagay na iyon, sinabunutan ko siya lalo. Sagad na sagad ako dahil nagawa niya pa talagang isali ang mga magulang ko.
"Aly!" Boses iyon ni lola kaya natigilan na ako. Nag-angat ako ng tingin at nakita ulit ang paglabas ng pamamahay ni Tita Filicita. Mabilis siyang napasugod sa kinaroroonan namin. Si Lhuella ay nagsimula nang humikbi. Marahas akong hinila ni Tita paalis sa tiyan ni Lhue at pinatayo ang anak niya. Si Lola naman ay nasa gilid ko na. Mukhang sinundan niya ako dahil narin siguro alam niyang mapapaaway na naman ako sa pinsan ko.
"Iuwi niyo na nga iyang si Aly sa bahay kubo niyo, ma! Nakakainis ang batang iyan!" Galit na galit si Tita Felicita. Mariin akong napapikit. Nanghahapdi ang balikat ko dahil sa pagkakabaon ng kuko ni Tita roon. Alam kong dumudugo ito pero hindi ko nalang iyon pinansin. Mas masakit parin ang sugat na natamo ko sa loob.