Prologue
Nasa kalangitan ang tingin ko. Kanina ko pa ito tinititigan sa bintana. Gusto kong makita ang senyales na ibibigay nito kung pwede ba akong sumama kay lola ngayon sa gulayan o mananatili nalang ako rito sa loob ng bahay.
"Aly, tama na iyan." Narinig kong sabi ni lola.
"Hindi po la, baka mamamaya maya titigil rin ang ulan." sabi ko habang hindi inaalis ang tingin sa kalangitang madilim dahil sa binabagsak nitong mga maliliit na tubig.
"Dito ka nalang." dagdag nito.
Napabuntong ako ng hininga. Mukhang ang senyales na gusto ko ay hindi lalabas. Malungkot kong binalingan si lola, bumaba ako sa kinatatayuan kong upuan at nilapitan siya.
"Sige po lola. Dito nalang po ako." Napabuntong ulit ako ng hininga. Ngumiti si lola. Tiningnan nito ang bintanang kanina ko pa tinititigan saka ulit ako nilingon.
"Mukhang titila na ang ulan." Napakurap ako roon. Nilingon kong muli ang labas at tama nga si lola, humihina na ang ulan at baka tuluyan na itong tumigil.
Nagtatalon ako sa saya. Ibig sabihin, senyales iyon na pwede akong sumama sa gulayan!
Ang sabi kasi ni lola, kung may hihilingin ka sa Langit ay humingi ka lang ng senyales. Doon mo makukuha ang isang sagot kung mapapasayo ba ang isang bagay, o hindi ito para sayo. Lahat ng desisyon ko ay inaasa ko sa senyales. Siguro ay nasanay narin akong humingi ng senyales. Kung titila ang ulan, ibig sabihin ay pwede akong sumama sa gulayan. Pero kung hindi ay mananatili nalang ako sa loob ng bahay. Ganoon ang mga desisyon ko. Humihingi ako ng gabay sa kalangitan para makasigurado akong hindi ako mapapasama. Kasi sabi ni lola, lahat daw ay may rason.
Suot ang isang bestida at tsinelas, nakangiti akong lumabas ng bahay kasama si lola. May suot rin akong sombrero kagaya niya. Ito iyong madalas suotin ng mga magsasaka rito.
"Lumabas si White Lady! Hoy umaga pa! Sa gabi kana magparamdam!" tukso ng batang lalake sa akin. Nasundan agad iyon ng malulutong na tawanan. Si lola naman ay tiningnan ako ng makahulugan kaya nginitian ko nalang.
Naiiba ang kulay ko sa mga tagarito. Lahat sila ay natural na kayumanggi ang balat maliban sa akin na singputi ata ng isang makinis na papel. Lumilitaw ang balat ko rito kaya natutukso ako ng lahat at binansagan akong white lady. Ang sabi sakin ni lola ay may dugong kastila raw ako kaya ganito nalang ang kulay ng balat ko pero may mga tao naman talaga na mapuputi sabi niya pa. Sadyang nahalo lang daw ako sa mga kayumanggi kaya ako itong naiiba.
Nadaanan ko ang malawak na maisan. May isang lalake roon na busy sa pagtatanim ng bagong mais. Gusto ko sanang humingi kaso ang sabi ni lola ay ipinagbibili raw iyan sa bayan.
"Magandang umaga, lola." Bati ng babaeng nakasalubong namin. Sa tansya ko, kaidad lang nito si Mama.
"Magandang umaga." bati naman ni lola sa kanya.
Nalipat ang tingin ng babae sa akin kaya pasimple akong yumuko.
"Ito ba ang anak ni Teresa?"
"Oo siya nga, si Alyssa." sagot ni lola
"Aba'y kay gandang bata! Parang tagaibang bansa ang kutis oh! Nako lola, sigurado akong pagkakaguluhan iyan dito pag lumaki iyan."
Napakurap ako roon at nag-angat ng tingin sa babae. Hindi naman bago sa pandinig ko ang pinupuri ako ng ganoon. Pero nakakamangha na may nagagandahan sa akin rito kahit na kakaiba ako sa kanila. Doon kasi sa amin sa kabilang nayon ay madalas rin akong pinupuri na maganda raw ako, na mana raw ako kay mama. Pero simula nang mamatay siya ay hindi ko na narinig ang papuring iyon lalo na't umalis narin kami ni papa roon dahil ang sabi niya sa akin ay makikipagsapalaran daw siya sa syudad. Inihatid ako ni papa rito at iniwan kay lola. Magdadalawang taon na akong nandito pero hanggang ngayon ay hindi na ako nito binalikan pa.
Mas namangha ang mukha ng babae nang makita ang buong mukha ko. "Ang ganda ganda mong bata ka." sabi niya ulit. Nahihiya akong ngumiti sa kanya. Hindi ko magawang magsalita dahil narin nalunod ako ng papuri.
Nagpatuloy ang paglalakad namin ni lola. Ngayon ay mas tumamis na ang ngiti ko. Iyon kasi ang unang beses na hindi panglalait ang natanggap ko. Kadalasan kasi sa mga nanglalait sa akin dito ay mga kaedad ko lang. Naiiba daw ako sa kanila. Minsan may tumatawag pa sa aking alien daw ako. Pero mas marami talagang white lady. Hindi naman ako nasasaktan dahil maputi naman talaga ako. Mas masasaktan ata ako kung tatawagin nila akong maitim.
Napatingin ako sa malaking bahay na tanaw na tanaw lang sa nilalakaran namin ni lola. Malaki kasi iyon kaya nakakaagaw talaga ng pansin. Para iyong bahay na nakikita ko sa isang story book kung saan ang mga nakatira ay nakasuot ng magagarang kasuotan. Iyong mga babae naman ay palaging nakagown. Palaging representable.
"Napapansin ko, sa tuwing naglalakad tayo ay tinititigan mo ang bahay na iyan. Maganda ba apo?" tanong ni lola sa akin.
Tumango ako. "Opo lola. Ang laki po ng bahay. Siguro ang raming pera ng nakatira diyan." sambit ko na ikinatawa nito.
"Oo apo. Hacienda iyan ng mga Buenaventura. Sila ang may pinakamawalak na lupain rito. Pumapangalawa naman iyong magulang ni Lhuella. Sa pinsan mo."
"Talaga po, la? Mababait ba ang nakatira diyan? Pwede ba akong pumunta?"
"Nako apo, walang tao riyan. Puro mga caretaker lang. Nasa syudad si Don Israel at ang mga anak niya. Minsan lang sa isang taon ata kung dumalaw sila riyan."
Nakaramdam ako ng awa sa bahay. Bakit nagpapatayo pa sila ng bahay kung iiwan lang pala nila diba? Ganoon ba karami ang pera nila at nag-aaksaya silang magpatayo ng ganyan kalaking bahay pero hindi naman pala nila titirhan?
"Pwede ka namang pumunta diyan. Pero wag ka lang pumasok sa hacienda. Doon ka lang sa may lupain nila." dagdag ni lola na ikinaliwanag ng mukha ko. Pag umulan bukas, hindi ako pupunta. Pero pag mainit, pupunta ako. Sisilipin ko rin ang loob ng bahay.