1

2506 Words
Hacienda Dala ang isang napulot na kahoy, binaybay ko ang pamilyar na daan patungo sa hacienda ng mga Buenaventura. Malaki ang kanilang lupain doon kaya naiinganyo rin akong puntahan. Nakakapaso ang init ng araw. Tumutulo narin ang pawis sa noo ko dala ng paglalakad ko. Pinahiran ko lamang iyon saka muling naglakad.  Malayo ang hacienda sa bahay ni lola. Medyo malayo rin ito sa gulayan. Aabutin ka ata ng kalahating oras sa paglalakad. Sa bata kong edad, hindi naman ako nakakaramdam ng pagod. Medyo hinihingal nga lang ako dahil tumatakbo ako para mas mabilis akong makarating.  Pagdating doon ay namangha ako sa malawak nilang lupain. May mga puno ng mangga akong natatanaw. Iyong lupain nila ay wala masyadong pananim. Ganoon ata siguro kabusy iyong nakatira kaya hindi na naaasikaso pa.  Pumasok ako roon. May alambreng nakapaligid bilang harang ng kabuuan pero dahil maliit ako ay ipinagkasya ko nalang ang sarili papasok nang hindi nasusugatan. Dala dala ko parin ang kahoy. Isinasayad ko ito sa lupa at parang may ginagawang linya para alam ko ang dadaanan ko. Baka kasi maligaw ako.  Walang katao tao sa paligid. Sobrang tahimik rin ng bahay. Ang sabi ni lola may mga caretaker naman daw. Pero ba't walang tao? Nagpalakad lakad ako sa kanilang malawak na lupain. Sayang naman ang pataba ng lupa kung wala silang itatanim rito. Lalo na iyong mga mangga nila. Hindi ba nila iyan ipagbibili? Wala ba silang balak pagkakitaan itong pananim nila?  "Hija." Halos mapatalon ako sa gulat dahil sa matandang lalake na biglang nagsalita.  "P-Po. Nandito lang po ako para mamasyal." sabi ko agad. Baka kasi magalit ito sa akin dahil napadpad ako sa lupain ng mga Buenaventura. Ngumiti ito sa akin. "Okay lang iyon. Anong ginagawa mo rito? Gusto mo ba ng mangga? May panungkit rito. Pwede kang kumuha..." sabi nito. Lumapit ako sa kanya. Matanda na ito. Siguro kung hindi namatay ng maaga si lolo ay magkasing-edad lamang sila.  "Lo, anong hitsura ng loob ng hacienda? Ikaw ba ang caretaker?" Pag-iiba ko ng topic sa halip na iyong mangga ang pagtuunan ng atensyon ko. Nilingon sandali ni Lolo ang malaking gate saka ibinalik ang tingin sa akin. "Abay oo hija! Ako ang caretaker ng hacienda ni Don Israel. Tuwing summer lang sila pumupunta rito e." paliwanag nito na ikinatango ko. Sinilip ko iyong malaking gate. Natatanaw ko ang loob. Gawa ata sa marmol ang bahay. May mga estatwa rin ako akong naaaninag. Iyong babaeng may nakalagay na malaking jar sa balikat niya tapos may tubig na umaagos.  "Nasa labas po ang cr nila, lo? Ba't po iyong tubig umaagos?" Itinuro ko ang nakita ko na nagpahalakhak sa kanya. Hindi ba iyon cr? "Nako, hindi iyan cr. Fish pond iyan. Gusto mo bang pumasok?"  Lumiwanag agad ang mukha ko sa paanyaya nito. Sinisilip ko palang kasi ang loob nito ay mukhang maganda na. Paano pa kaya sa malapitan? Sumunod ako kay Lolo. Ipinasok niya iyong susi sa nakalock na gate saka ito binuksan. Nalaglag agad ang panga ko sa hitsura nito. Ang ganda ng mga bulaklak na nakapaligid. Nasa gilid iyon ng malaking bahay. Napatakbo agad ako sa fishpond at dinungaw ang naroon. May mga iba't ibang isda akong nakita na ngayon ko lang natunghayan buong buhay ko. "Hala, starfish ba iyon lolo?!" Itinuro ko ang hugis star na naroon. "Oo hija." Natatawa nitong sabi sa akin. Mas lalo akong namangha. Ang ganda ng fishpond nila. May mga iba't ibang kulay ng kumikinang na batong cristal pa sa ilalim. Iyong mga isda naman ay parang may kanya kanyang mga bahay.  Habang tumatagal ay mas lalong lumalaki ang kyuryusidad ko sa loob mismo ng bahay. Meron kasi silang malaking bakuran na ang sabi ni lolo ay veranda raw ang tawag. Sa bawat gilid naman nito ay may mga estatwa ng malalaking aso na gawa sa isang marmol. Para silang mga gwardya.  "Lo, bawal po ba akong pumasok sa loob? Gusto ko lang sanang masilip." sabi ko sa kanya. "Naku hija, gustuhin ko man pero bawal akong magpapasok ng kahit sino sa loob. Ako ang mapapagalitan ni Don Israel. Tuwing summer, pwede ka namang pumunta rito. Makipagkaibigan ka kina Sir, Uno, Dos at Tres. Baka sakaling isa sa tatlo ang pumayag. Anak sila ng may-ari ng haciendang ito."  Naging malungkot ako. Uno, Dos at Tres. Tunog palang ng mga pangalan mukhang mga masasamang ugali ng lalake na ang naiimagine ko. Parang kagalang-galang pero mukhang imposible namang makakaibigan ko ang mga ganyang klaseng tao. Tapos anak pa ng may-ari ng hacienda, ng may pinakamalaking lupain dito. Iyon ang naging libangan ko araw araw. Pumupunta ako sa hacienda ng mga Buenaventura para makipagkwentuhan kay Lolo. Minsan ay ako narin ang nagdidilig ng magagandang bulaklak nila. Minsan naman ay ako ang nagpapakain ng mga isda. Para ko narin itong sariling bahay dahil sa dalas ng pagpunta ko. Nangunguha si lolo ng manggang hilaw at isinasawsaw namin iyon sa sukang at asin. Iyon madalas ang kainin namin. Gustuhin ko mang sumilip sa loob ay hindi talaga pwede kaya hanggang bakuran lamang ako. "Alam mo lolo, pag ako ang anak ng may-ari rito, tataniman ko talaga ng mga prutas ang lupa! Para naman may mapakinabangan." sabi ko habang sumusubo ako ng isang slice ng mangga. Nakaupo ako sa veranda.  "Nag-aaral pa kasi iyong mga anak ni Don Israel hija kaya wala rin siyang maasahan sa tatlo para alagaan itong lupain nila dito. Kami muna ang nagbabantay."  "Talaga po? Ako sa susunod na pasukan ang sabi ni lola ipapasok niya na daw ako sa Grade 2. Nag-iipon pa kasi siya e. At mukhang may kinikita na ang gulayan kaya pwede na raw akong mag-aral. Nahinto kasi ako noong namatay si Mama..."  Katulad ng pamumuhay ni lola, ganoon lang rin naman ang pamumuhay namin sa kabilang nayon. Iyon nga lang, ramdam ko ang pag-aaruga ng isang ina. Ni hindi niya hinahayaang pagpawisan ako. Ganoon rin naman si lola sa akin, pero iba parin talaga si Mama. Si Papa kaya? Nakapagtrabaho kaya siya sa syudad? Ba't kaya hindi na ako nito binalikan? Kinaumagahan, nagising nalang ako na may tao na sa pamamahay ni lola. May mag-asawa siyang kausap. Hindi ko sila kilala.  Napatingin sila sa akin. Pati iyong lalake na kaedad lang ata ni Papa ay napangiti na.  "Iyan ba ang anak ni Teresa, ma?" Nahimigan ko ang pagkamangha sa tinig nito. Tumango si Lola.  "Halika hija, lumapit ka sa akin. Kapatid ko ang mama mo." Napakurap ako roon. Kapatid ni Mama?  Sa halip na lumapit ay tumakbo ako sa labas ng bahay. Narinig ko naman sila sa loob na nagtatawanan. Hinahabol ko pa ang hininga ko nang matagpuan ko ang isang babae na nakayuko sa halamanan at may kung anong sinisilip roon.  "Hoy. Ikaw." tawag ko rito kaya nagulat ito at mabilis na napatingin sa akin. Kahit ako ay nagulat narin. Ba't ang dumi ng mukha niya? "Ano yang mga maliliit na bilog sa mukha mo? Hindi ka ba naliligo?" Napangiwi ako. Napakurap siya at hinawakan ang mukha niya. Hindi iyon natatanggal.  "Ah ito ba, mga tigyawat ito. Ang dumi kasi sa syudad." paliwanag niya.  Marumi ang syudad kaya siya nagkatigyawat? Ibig sabihin ay mga marurumi ang mukha ng mga tagasyudad? Pinagmasdan ko ang suot niya. Nakasuot siya ng isang simpleng bistida at isang flats na may ribbon. Meron rin akong ganyan, regalo sa akin ni mama pero hindi ko sinusuot. Itinago ko para hindi masira.  "Uhm, ikaw ba iyong si Alyssa? Sabi sakin ni lola pinsan daw kita." Ngumiti siya sa akin. Napakurap ako. Pinsan? Akala ko si Lhuella lang ang pinsan ko. Iyong maarteng babae na nakatira sa magandang bahay. Pero meron pa pala? Siguro siya iyong tinutukoy ni lola na tagasyudad.  Lumapit siya sa akin. Kinuha niya ang kamay ko at nakipagshake-hands sa akin.  "Ako nga pala si Chanelle." Mahinahon niyang sabi. Ngumiti narin ako pabalik. "Alyssa." sagot ko. Tuwing summer lang rin napapadpad ang pinsan ko rito sa amin. Busy kasi siya sa pag-aaral. Gustuhin niya mang tumira rito kasama ko pero hindi raw pwede.  "Anong maganda sa syudad?" tanong ko sa kanya nang bumalik silang muli rito para magbakasyon. Naglalakad kami papuntang maisan.  "Maganda yung paligid? Uhm, mga tao?" "Mga tao? Akala ko ba marurumi ang mga mukha niyo roon?" Natawa siya sa sinabi ko. "Hindi naman lahat. May mga crush nga akong pitong lalake. Sobrang gwapo nila. Sobrang kinis! Sana nga paglaki ko, isa sa kanila ang maging asawa ko..." Napatingala siya sa langit na para bang nadadala ito sa imahinasyon niya. Para siyang nagdadasal na nakabukas ang mga mata. Tumingala narin ako sa langit. Puro ulap lang naman ang nakikita ko roon.  "Crush?" "Oo crush. Iyong mga lalakeng gwapo. Iyong mapapanganga ka kasi sobrang gwapo. Ganon." Ngumisi siya sa akin. Mas matanda si Channy sa akin ng tatlong taon. Kung ako ay magg-grade 3 na, siya naman ay Grade 6 na.  Pagdating namin sa maisan ay dahan dahan kaming sumulong roon. "Kumuha ka ng maraming mais sa abot ng makakaya mo. Pag sinabi kong takbo, huwag kanang lumingon pa at tumakbo ka nalang." Bulong ko sa kanya. Kahit hindi niya alam kung bakit ay tumango na lamang siya. Mabilis ang bawat kilos namin, nangunguha kami ng mais at isinisilid iyon sa dala naming tig iisang basket. Masarap kasi itong pakuluan ng tubig. Nasa di kalayuan ay natanaw ko si Mang Rudy, paparating na ito at may dala pang itak. Nanlalaki na ang mga mata ko nang magtagpo ang mga mata namin. Natataranta kong tinapik si Channy na kampante pang inaabot iyong isang mais.  "T-Takbo!" Sigaw ko kay Channy. Pati siya ay nataranta narin. Sabay kaming sumiksik sa mga maisan lalo na't naririnig na namin ang sigaw ni Mang Rudy. Halatang galit na galit ito.  Nahulog ang ibang mais na ipinasok ko sa basket dahil sa mabilis kong pagtakbo. Si Channy naman ay nagagawa pa talagang balikan ang mga nahuhulog para pulutin saka ulit siya tatakbo. Tawang tawa kaming dalawa nang mapansin naming naiwala na namin ito. "Grabe!" sabi nya habang yakap yakap ang tiyan niya. Kapwa kami tumatawa. Habol habol ko pa ang hininga ko dahil sa pagtakbo. "Pero Aly, tanong ko lang... ba't tayo tumakbo?" Humagalpak kaming dalawa ng tawa. "Kasi naroon na ang may-ari ng maisan!" Sagot ko na ikinahagalpak muli ng tawa namin. "Talaga?!" "Oo!" Nag-apir kaming dalawa at hindi na magkamayaw sa pagtawa. Kaso pag-uwi namin, tingin palang ni lola ay alam kong nakarating na sa kanya ang ginawa namin. Sigurado akong nagsumbong si Mang Rudy.  "Aly. Ba't ninakaw niyo iyong maisan ni Rudy?" panimula ni lola na ikinayuko ko. "La. Hindi naman namin iyon ninakaw. Nasa may daanan lang po kaya ang pananim." Palusot ko na ikinatawa ni Tito Rolando.  "Hayaan mo na, ma. Nabayaran ko narin naman. Mukhang gusto lang kumain ng mais ng mga bata." si Tito Rolando. Lumiwanag agad ang mukha naming dalawa. Pero si Channy nakurot sa tagiliran ng mama niya. Ba't daw kasi nangunguha ng hindi sa kanya. Lumabas nalang kami ng bahay at naglaro sa bakuran habang hinihintay iyong maluto.  "Pero alam mo Channy, may pinupuntahan akong magandang bahay sa dulo. Sayang at mukhang hindi na tayo papayagang pumunta ng malayo dahil sa ginawa natin. Ipapakilala sana kita kay lolo." Sumimangot ako habang nagdidilig ng halaman. Iyon rin ang ginagawa ni Channy sa kabila. "Sayang nga at bukas uuwi na kami." Malungkot nitong sabi na ikinalungkot ko narin.  Masyado talagang mabilis ang panahon. Sa bawat lumilipas na summer ay nadadagdagan rin ang edad ko. Grade 5 na ako. Okay naman iyong pag-aaral ko. Matataas ang kuha kong marka. Iyon nga lang ay wala talaga akong kaibigan. White lady daw kasi ako. Baka daw multuhin ko sila. Iyong mga kaklase ko ang aarte rin.  Pauwi na ako ng bahay galing sa gulayan ni lola nang matanaw ko ang hacienda. Ilang araw narin akong hindi nakakadalaw. Magsasummer na kaya sigurado akong busy na naman si lolo sa paghahanda dahil darating na naman iyong mga may-ari.  Namalayan ko nalang ang sarili kong tinatahak ang daan patungo sa hacienda. Pumasok ako alambre kung saan ang malawak na lupain. Hinawi ko pa ang buhok ko nang tumabon ito sa mukha ko dahil sa hagalpak ng hangin. Suot ang isang puting bestida, isang tsinelas ay naglakad ako patungo roon. Naaninag ko agad si lolo sa veranda. "Lolo!" Sigaw ko. Lumingon ito sa akin kaya kinawayan ko agad ito. May kung ano siyang sinesenyas sa akin pero hindi ko marinig kaya ang ginawa ko ay tumakbo ako papalapit sa kanya. Itinulak ko iyong malaking gate katulad ng ginagawa ko tuwing pumupunta ako rito saka ako pumasok. Natampal ni lolo ang kanyang noo. Nakakailang hakbang pa lamang ako ay natigilan rin ako nang mapansin ko ang isang magarang kotse. Umiilaw iyong harap nito.  Mabilis ang hakbang ni lolo at agad na lumapit sa akin. "Aly--" May kung ano pa sana itong idudugtong nang matutop rin ang kanyang labi dahil sa pagbukas ng pinto ng kotse at lumabas roon ang isang matipunong lalake. Gusto ko nang mapaatras dahil sa takot sa hitsura nito. May suot itong eyeglass at ang gara ng suot na damit. Idagdag pa ang sapatos. Kaedad siya ni papa pero sa imahe nito ay mas kasindak sindak siya. Para siyang isang importanteng tao na tinitingala ng kararamihan. Natigil sa paghakbang si lolo papalapit sa kinaroroonan ko at napayuko para magbigay galang.  "Don Israel..." sambit ni lolo. Napakurap ako sa kakatitig sa lalake. Siya si Don Israel? Ang may-ari ng lupain? Tumango lang ito saka bumaling sa akin. Napalunok agad ako ng laway dahil sa matalim niyang mga mata pero kalmado lang naman ang ekspresyon. Nakakatakot ang makapal na itim niyang kilay. Pati ang matangos nitong ilong ay nakakakuha rin ng pansin. Ang labi niyang perpekto ang pagkakahulma. "Who's this little girl?" tanong nito na ikinatingin ko narin kay lolo. "Ah, si Aly po iyan Don Israel. Tagarito siya. Apo siya ng ina ni Felicita." Magalang na sagot ni lolo. Si Tita Felicita ay ang ina ni Lhuella.  Tumango ito. Tiningnan akong muli. "Papasukin mo sa bahay nang makapagmeryenda ang batang iyan."  Tumango si lolo. Sinenyasan niya akong lumapit sa kanya. Naglakad ako papunta sa direksyon niya at humawak sa kamay niyang inilahad niya sa akin. Ramdam ko ang pagtalbog ng puso ko dahil sa nerbyos pero dahil narin sa excitement. Makakapasok na ako sa bahay na ilang buwan ko naring iniimagine ang loob! Pagkabukas ng pinto, sumalubong agad ang sala nilang makalaglag panga. Marami silang mga babasaging gamit na nakadesinyo sa loob. Sa gilid naman ay isang mataas na hagdan na kumukonekta sa ikalawang palapag ng bahay. Kulay pula ang carpet na naroroon at may floral prints pa. Sa gitna ay nakasabit ang malaking chandelier. Marami silang mga malalaking frames at puro halaman ang naroroon. May mahaba silang kurtina at malalapad na sofa. Ngayon lang ako nakapasok sa ganito kainggrandeng bahay! Mas maganda pa ito sa bahay nila Lhuella! Lamang na lamang ito! Gumagala ang tingin ko sa loob habang ginigiya ako papasok ni lolo sa kusina. Ipinaupo niya ako sa upuang gawa sa narra tree pero makintab ito at mukhang mamahalin. Base narin sa desinyo ng likod.  May mga maid na nagkalat sa bawat paligid. May kung ano ano itong pinaggagawa. Si lolo naman ay may sinabi roon sa isang maid na naabutan namin sa loob ng kusina. Tumango lang ito at may pinagkaabalahan na. "Ba't po napaaga ang dating nila rito sa bahay nila, lo?" tanong ko sa kanya. "Hindi ko nga alam e."  "Uhm, mag-isa lang po siya?"  Umiling si lolo. "Kasama niya ang panganay niyang anak. Si Sir Uno."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD