Manliligaw
Suot ang isang kulay itim na gown at pinaresan ng high heel ay pumasok ako sa pagdadausan ng nasabing prom namin. Si Lola ang nagdesisyong ganitong kulay daw ang suotin ko para mas mangibabaw ang pagkaputi ko. Iyong buhok ko ay nakahalf-ponytail at ikinulot ang dulo. Pang-ilang beses akong tumangging huwag nalang akong lagyan ng make-up kaso wala akong nagawa kundi magpaubaya sa gusto ni lola.
"Babae ka, Aly! Itatak mo iyan sa kokote mo." Naririnig ko ang boses ni lola sa kabilang tenga ko. Kung hindi pa ako natisod ay hindi ako makakabalik sa sarili ko. Hindi rin naman kasi ako sanay sa ganito!
Pasimple akong tumikhim lalo na't napatingin na sa akin ang iilan. Tumayo ako ng tuwid at hinawakan ang magkabilang gown ko para mas makapaglakad ako ng maayos. Sumimangot ako nang may mahuli akong mga babaeng naghahagikhikan dahil siguro sa nasaksihan nilang pagkakatisod ko.
"Aly?" Napakurap ako sa boses na iyon. Nilingon ko ang boses na pinanggagalingan at nakita ang lalakeng nakatayo sa harapan ko. Suot ang isang tuxido, itim na slacks at ang ngiti sa labi ay hindi ko mapigilang ipagkasalubong ang kilay ko. Kilala ko siya. Hindi dahil isa ako sa mga babaeng may gusto sa kanya kundi dahil siya palagi ang pinag-uusapan ng mga kaklase ko. Sikat siya sa eskwelahan. At nakakapagtaka na kilala niya ako.
"Uh... ba't mo ako kilala?" Panimula ko. Tumawa ito, kumikislap ang mga mata nang pinasadahan niya ako ng tingin. Hindi ko rin tuloy napigilang tingnan ang aking sarili. Wala namang mali sa suot ko. Ito rin kasi ang theme ng prom. Gumastos ng malaki si lola para hindi daw ako ma out of place. Binilhan pa nga ako nito ng hikaw para lang may alahas kuno akong masuot. Mumurahin lang naman...
"Sikat ka sa eskwelahan." sabi niya na nagpakurap muli sa akin. Ako?
"Sikat ka. Bukod sa tinagurian kang White Lady... ay maganda ka rin. At ngayong naayusan kana..." Hinagod niya muli ako ng tingin mula ulo hanggang paa. "Maganda ka talaga." Wala sa sarili nitong sabi na para bang nahipnotismo siya ng isang demonyo.
Sikat ako dahil rin naman tinagurian akong White Lady. Wala nang ibang dahilan kundi iyon lang.
Hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako o ngingiti. Isang malaking biro ata na pinupuri ako ng lalakeng ni minsan ay hindi naman ako pinansin sa eskwelahan. Ni isa, wala akong kaclose!
Nag-amba akong humakbang na paalis nang hawakan niya ang braso ko. Natigil ako roon. Napatingin ako sa kamay niyang nakahawak na sa akin.
"Hatid na kita Aly." Ngumiti siya ng matamis sa akin.
"Hindi naman ako nakawheelchair. Kaya ko naman..." sagot ko na ikinagulat niya. Nabitiwan niya ang kamay ko kaya iyon ang kinuha kong pagkakataon para humakbang muli.
Bagot na bagot akong umupo sa bakanteng upuan. May kung anong juice akong iniinom na hindi ko alam kung anong tawag. Kulay red kasi. Strawberry flavor siguro.
Panay ang lingon ng iilang babae sa akin. Napansin ko ang mga matatalim nilang mga matang hindi ako nilulubayan.
"Kinausap lang ni Rence mukhang magfe-feeling maganda na iyan." Narinig kong sabi ng isa.
"May tinatagong landi rin pala ang multong iyan?"
Hindi ko pinansin ang pinag-uusapan nila. Nilagyan agad nila ng meaning iyong "usapan" na iyon. Kung landian ang tawag doon, ba't hindi man lang naglapat ang labi namin sa isa't isa?
Naalala ko kung paano hawakan ni Uno ang girlfriend niya. Kung paano siya makipaglandian sa babae sa harapan ko. Kung paano ko nakita ang pagsiksik ng mukha niya sa leeg nito at bulungan ito ng kung ano. 16 na ako at namulat na ako sa ganoong bagay. Sa tinatawag nilang landian. Iyon yung babae at lalake na masyadong intimate sa isa't isa. Ang sabi sakin ni lola, noong dalaga siya... ni paghawak sa kamay sa kanya ay hindi magawa ni lolo dahil magkasintahan palang sila. Kailangan pa raw mag-alay ng kalabaw, pagkain at lupa ni lolo sa mga magulang ni lola para mapapayag itong magpakasal silang dalawa. Doon lang daw dapat nangyayari ang ganoong "landian". Iyong hahawakan ka, hahalikan...
Iyon ang mga turo ni lola sa akin na baon baon ko. At gusto kong matulad ako sa kanya. Ang sabi niya rin kasi, hiniling niya sa langit na bigyan siya ng matinong lalake. Kaya si lolo ang ibinigay sa kanya. Nakita niya ito sa isang malakas na ulan. Nagkatitigan sila. Hanggang naramdaman nalang ni lola ang pagkalaglag ng puso niya sa isang estrangherong inilaan ng langit para sa kanya.
"A-Aly..."
Natigil ako sa kakaisip ng kung ano nang may lumapit sa akin. Hindi na iyong lalake kanina kundi iba naman. Nakahawak ito sa batok niya at namumula ang pisngi.
"Ano iyon?" tanong ko.
"P-Pwede ka bang maisayaw?" Inilahad niya sa akin ang kamay niya. Napatitig ako roon ng ilang sigundo. May malinis itong gupit ng buhok at katamtaman lang ang tindig hindi gaya ng naunang kumausap sa akin kanina na matangkad. Siguro hanggang leeg niya ako tapos nakaheel pa ako ngayon.
"Hindi ako marunong e,"
Namula ang kanyang pisngi. "Okay lang. Tuturuan kita. Madali lang naman..."
Napansin ko ang mas dumaraming mga matang naninitig na sa akin. Puro iyon mga babae at naiirita. Wala akong makitang mali kung isasayaw ko siya. Pero wala rin akong makitang mali kung tatanggihan ko siya. Mas komportable akong nakaupo ako rito.
"Sorry, iba nalang yayain mo. Mayamaya rin kasi aalis na agad ako. May trabaho pa ako." Paliwanag ko. Nadismaya ang mukha niya. Tumango siya at nahihiyang tumalikod. Isang buntong hininga ang muli kong pinakawalan. Ba't ang daming kumakausap sa akin ngayon? Dalawa. Sa araw araw na pagpasok ko, ni isa ay walang kumakausap sa akin. Kung meron man ay sisitsitan lang ako at kukutyain. Kung sino raw ang mumultuhin ko mamayang gabi. Kung pwede bang isali ko ito sa listahan. Ganoon palagi.
"Mana iyan sa pinsan niyang malandi. " Komento ng isang babae nang mapadaan ako sa mesa nila.
"Kung si Lhuella, bulgar ang kalandian. Itong si Alyssa naman palihim. Nasa loob ang kulo."
Wala akong sakit na naramdaman sa mga maaanghang na salitang binitiwan nila. Nilingon ko silang dalawa.
"Kinausap ako ng mga gusto niyo kaya tinatawag niyo akong malandi. Pag kayo ang kinausap, ano itatawag ko sa inyo? Friendly?" Sarkastiko kong tanong sa kanila na nagpagulat ng mga mukha nito. Hindi ko na hinintay ang magiging sagot nila at naglakad nalang papuntang Cr.
"Nagkaconfident agad ang multo purket kinausap lang ng gwapo!" Huling narinig ko sa isa sa kanila. Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon at tuluyang pumasok sa Cr. Nagulat ako nang makita ko ang aking sarili sa salamin. Hindi ko inaakalang ganito pala ang ayos ko. Ang soft feature ng mukha ko ay mas naging malinaw dahil sa make-up na inilagay. Ang maputla kong labi ay nabigyan rin ng kulay. Lalo na ang maiitim kong mga mata ay mas naging klaro dahil sa smokey-brown na eyeshadow. Ang aking kilay ay mas umitim. Nabibigyan nito ng pansin ang itim na itim ko ring buhok. Wala akong blush on pero mamula mula ang pisngi ko. Ang maliit kong mukha ay halos hindi ko makilala. Ang laki ng pinagbago ng aking hitsura dahil lang sa isang simpleng make-up.
Lumabas akong muli sa cr. Handa na akong umuwi nang matapat sa akin ang isang spotlight at sinalubong ako ng palakpakan. Natigilan ako. Nilapitan ako ng isang guro at sinuotan ng korona. Binigyan rin ako ng boquet ng lalakeng may suot na sash na may nakalagay na "King of the Night" at koronang gaya ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Lalo na nang suotan rin ako ng sash at may nakalagay na "Lady of the night". Isa na naman bang kutya ito? Dahil binansagan akong White Lady kaya ako ang napiling babae? Ganoon ba iyon?
Ngumiti ako sa gurong kinamayan ako kahit wala akong gaanong naiintindihan.
"Ang ganda mong bata, Aly. Pwede ka talagang ipanglaban sa ibang eskwelahan. Tiyak mananalo ka. May bayad pa naman iyon."
Kuminang agad ang mga mata ko. Bayad? "Anong klaseng patimpalak po ba iyan, Ma'am?" Natuon na ang buong atensyon ko sa sinabi nito.
"Huwag nating pag-usapan iyan ngayon. Sa susunod na pasukan na."
Sa unang beses, natunghayan ko kung paano ako pinalakpakan ng mga estudyante habang iginigiya ako ng lalake paakyat sa stage at makaupo roon sa upuang nararapat sa mala-prinsesang babae. Hindi ko alam kung nagkamali lang ba sila o sinadyang ako talaga ang piliin.
"Ba't ako ang nandito?" tanong ko nang makaupo kami sa gitna.
Tumawa ito. Para bang tuwang tuwa siya sa naging sagot ko.
"Maraming bomoto sayo para maging lady of the night ka." paliwanag niya na hindi nawawala ang ngisi sa labi. Kumunot ang noo ko roon. Marami?
"Imposible. May mga babaeng galit sa aki--"Binoto ka lahat ng mga lalakeng nandito." putol niya na ikinaawang ng bibig ko sa ere. Napasinghap ako. Lahat ng lalake?! I-Ibinoto ako?
"Ba't naman nila ako iboboto?" Pasimple kong iginala ang tingin sa ibaba kung saan nakaupo ang iilang mga lalake at nasa akin ang tingin. Napangiwi ako.
"Dahil ikaw ang pinakamagandang babae sa gabing ito."
Naghihintay ako ng idudugtong niya sa sinasabi niyang ako ang pinakamaganda. Na baka nagbibiro lamang siya. Pero ang tanging titig niya sa akin ang tumagal. Kung hindi ako nag-iwas ng tingin ay hindi iyon mapuputol.
Pagkatapos ng nangyari sa gabing iyon ay hindi ko na mapigilan ang sariling titigan ng matagal ang aking mukha sa salamin. Pinipilit kong hanapin doon ang hindi ko makita sa mga pinagsasabi nila. Maganda raw ako.
Nginitian ko ang sarili sa salamin. "Maganda ka raw..." Natawa ako sa sarili.
"Jusmiyo Alyssa Gwyneth! Gabing gabi na! Sino ba ang kausap mo diyan?" Nabigla ako sa pagdungaw sa akin ni lola. Mabilis akong humarap sa kanya at tinakpan ang salamin sa likuran ko.
"M-May naalala lang ako la. Sige po, good night!" Hinalikan ko ito sa pisngi bago ko tuluyang hinawi ang kurtina para matakpan na ang loob. Napabuntong ako ng hininga ag nailing. Hindi ko mabura ang ngiti sa aking labi. Maganda raw ako!
Simula nang araw na iyon ay may mga pumapansin na sa aking lalake sa eskwelahan. Sa tuwing pumapasok ako, may mga lalakeng bumabati sa akin at nginingitian ako. Mukhang may mga magiging kaibigan na ako kaya noong nagfourth year ako ay nagmakaawa ako sa office na payagan akong magtinda ng ulam sa loob.
"Aly, alam mong bawal iyan lalo na't estudyante ka pa." giit sa akin ng head.
Ipinagsalikop ko ang mga kamay ko. "Sige na po Ma'am, hindi ako makakaabala sa mga estudyante! Pagkatapos lang ng klase."
"At paano ang iyong pag-aaral? Mahahati ang atensyon mo."
"Sige na po Ma'am. Gusto ko lang talagang tustusan ang sarili ko sa pag-aaral. Matanda na po si Lola, ayokong siya ang nagtatrabaho para sa akin." Pagmamakaawa ko na ikinapungay ng mga mata nito. Siya iyong guro na nagsabit sa akin ng sash. Buti nalang at naalala ko iyon.
"Kapalit po nito ay payag ko akong ipanglaban ng eskwelahan Ma'am. Gagawin ko po ang lahat... pumayag lang po kayo."
Nakita ko kung paano naging interesado ang mukha niya sa alok ko. Umupo siya sa kanyang kinauupuan na para bang may nabuo na siyang desisyon.
"Bukas na bukas, ihabilin mo nalang sa cafeteria ang mga paninda mo. Ibibigay lang sa inyo ang kinita." Lumiwanag agad ang mukha ko. "Kapalit nito, ikaw ang magrerepresent ng eskwelahan natin sa darating na patimpalak. Malaking patimpalak ang mangyayari Aly. Lahat ng eskwelahan rito ay sasali. At may mga mahahalaga tayong judge." Napatango na agad ako kahit hindi ko naman alam kung anong klaseng contest ang sasalihan ko. Ang mahalaga ay naaprobahan na iyong gusto ko!
4th year na ako at ito na ang huling beses ko sa high school. Malapit na akong makagraduate at alam kong malaki laki narin ang naipon ko para makapagcollege ako sa syudad. Nagsimula akong mag-ipon noong Grade 6 ako at ni minsan ay hindi ako gumastos. Ni pagbili ng magagandang damit ay hindi ko ginawa. Wala naman akong pakialam sa suot ko, sa magiging imahe ko, sa magiging tingin ng iba sa akin. Ang importante ay ang gusto kong makamit sa buhay.
"Heto Aly, ito ang mga pag-aaralan mo. Matalino ka naman..." Anang maestra ko at binigyan ako ng isang folder. Binuklat ko iyon. Iilang pahina rin ang tiningnan ko at mukhang makakaya ko naman itong kabisaduhin.
Pagkatapos ng klase, tumutulong muna ako sa gulayan pagkatapos ay doon na ako nag-aaral. Tuwing Sabado naman ay pumupunta ako sa guro ko dahil tuturuan ako nito kung paano dalhin ang sarili ko sa stage.
"Pag nanalo ka rito Aly, malaking premyo ang maiuuwi mo. Sa paaralan ang tropeyo, sayo ang pera." Sabi ng guro ko habang tinuturuan ako ng tamang pustura.
Iyon ang itinatak ko sa utak ko. May malaking premyong naghihintay sa akin at madadagdag iyon sa ipon ko.
Sa tuwing nadadaanan ko ang hacienda ay tinititigan ko na lamang iyon ng ilang sigundo saka rin ako umaalis. Wala na akong oras para pumunta roon. Ilang buwan na naman akong hindi nakadalaw. Kumusta na kaya si Lolo Dancio. Si Don Israel. Si...
"Aly tulungan na kita!" Salubong ng isang estrangherong estudyanteng lalake sa akin kinaumagahan. Marami kasi akong bitbit, iyong mga ibebenta kong ulam sa cafeteria at ihahatid ko roon. Tuwing hapon naman ay kinukuha ko ang nagiging kita ng ulam ko.
"Ay hindi na, kaya ko na. Salamat." Bahagya kong inilayo sa kanya ang malaking tupperware na kukunin niya sana sa akin.
Namula ang kanyang pisngi nang nginitian ko siya.
"Pwede bang sumabay nalang sayo?" sabi nito na ikinagulat ko. Hindi ko naman siya kaklase. At hindi ko rin siya kilala. Base sa kulay ng suot niyang ID ay Senior narin ito.
"Nako huwag na... pupunta pa kasi ako sa cafeteria."
Nakamot niya ang kanyang batok at nahihiyang ngumiti sa akin. "Okay lang... gusto ko lang sumabay sayo. M-May magagalit ba?"
"Oo e," prangka kong sagot na ikinaputla niya. "Ang sabi kasi ni Lola, huwag daw akong nagdidikit sa mga lalake. Marunong daw dapat akong ilugar ang sarili ko dahil babae ako." Mabilis na napalitan ng panibagong emosyon ang mukha niya dahil sa pagbanggit ko kay Lola.
"Ay ganoon ba. Kung gusto mo, hihingi ako ng permiso sa lola mo."
Nagsimula akong maglakad ganoon rin siya. Minsan sa daan ang tingin pero mas matagal itong namamalagi sa akin.
"Mapapagalitan ka lang ni Lola." Tumawa ako.
"Hmm... sige. K-Kung yan ang gusto mo. P-Pero Aly... Payag ka bang ligawan kita?"
Natigil ako sa paglalakad roon. Masking siya ay natigil rin.
"Alam mo, isa ako sa bumibili ng ulam mo sa cafeteria! Pag naging tayo, hindi lang isa ang bibilhin ko. Magiging dalawa na! Tutulungan rin kita sa m-mga ginagawa mo... S-Saka roon sa gulayan ng lola mo..." Ngumiti siya ng pilit sa kabila ng mukha niyang namumutla na naman.
Nang mapansin niyang hindi ko alam ang isasagot ay umawang muli ang kanyang labi.
"O-Okay lang kung hindi mo pa masasagot. H-Hindi naman kita minamadali. Pwedeng mamayang hapon na..."
"Kung uulan..." natigil ako sandali lalo na't napatitig na siya sa akin. Sabik sa sasabihin ko. "Kung uulan ay pumapayag akong ligawan ka. Pero kung hindi... alam mo na ang sagot ko."
Nagulat siya roon. "I-Imposibleng umulan. Kakatapos lang ng summer. J-July palang."
"Iyon ang senyales na hinihingi ko sa Langit. Kung ikaw talaga ang para sa akin, ibibigay iyon ng Panginoon."