CHAPTER 5: Picture

1900 Words
Lorna Inihatid ako ni Darell sa tapat ng apartment ko. "Okay na 'ko dito, Darell. Baka ma-late ka pa sa school. Pasensiya na naabala pa kita kanina." "It's fine. I still have ten minutes left." Sandali siyang tumitig sa pambisig niyang relo bago niya binuksan ang pinto sa tabi niya at lumabas. Mabilis ko namang inalis ang seatbelt ko. Bago ko mabuksan ang pinto sa tabi ko ay naunahan na niya ako. Napangiti ako dahil sa pagiging gentleman niya kahit saang lugar pa kami naroroon at kahit anong oras pa. Lumabas ako bitbit ang bag ko. "Mag-iingat ka." Gumilid na ako at kumaway na lamang sa kanya. "Anong gagawin mo today?" Isinara naman niya ang pinto ng kotse niya. "Ahm..." Nilingon ko ang apartment kong napakatahimik. "Mag-aayos muna ako ng mga gamit ko sa apartment. Titingin din ako kung anong mga kulang pa." "Kung mamimili ka sabihan mo lang ako para masamahan kita." Napangiti ako sa sinabi niya. "Sige. Baka ma-late ka na." "Yeah. I'm leaving." Lumapit siya sa akin at humalik sa pisngi ko. "Ingat ka." Muli akong kumaway sa kanya. Umikot naman siya patungo sa kabilang bahagi ng kotse niya at pumasok sa loob ng driver's seat. Muli na niya itong pinaandar. Kumaway na lamang akong muli sa kanya habang unti-unti na siyang umaalis. Tatalikod na sana ako patungo sa pinto ng apartment ko nang may mapansin akong isang itim na kotseng nakahinto sa 'di kalayuan. Umiilaw ang headlights nito. Napatitig ako sa plate number nito. DAH 8953. Napakunot ang noo ko habang nakatitig doon. Hindi ko alam pero parang palagi kong nakikita ang kotse na 'yan at ang plate number na 'yan sa kahit saang lugar ako napupunta. Oh, baka naman imagination ko lang 'yon. Wala naman siguro akong stalker. Ang creepy. Maaari din namang ibang tao ang sinusundan niya at hindi ako. Nag-o-overthink lang siguro ako. Tuluyan na akong tumalikod at lumapit sa pinto ng apartment ko. Kinuha ko ang susi sa loob ng bag ko at binuksan ito. Matapos ay itinulak ko ang pinto papasok sa loob. "Meow!" "HAAH!!" Ngunit gano'n na lamang ang hiyaw ko nang may isang itim na pusang bigla na lamang tumalon sa harapan ko mula sa taas at kaagad na dumaan sa gilid ng mga paa ko palabas ng pinto. Napasapo akong bigla sa dibdib kong napakalakas ng kabog. Hinabol ko ng tingin ang pusang patungo na sa kalsada. "Lintek kang pusa ka! Kung kanino ka man, huwag na huwag ka nang babalik dito! God! Aatakehin ako sa nerbiyos nang dahil sa iyo!" Hinaplos ko ang dibdib kong bahagyang nanikip. "Paano ba nakapasok ang pusa na 'yon dito?" Muli akong bumaling sa loob ng apartment ko at hinanap ang mga butas na maaari niyang pinasukan kanina. Natanaw ko namang nakaawang ng bahagya ang bintana sa may kusina ko. Doon yata siya pumasok. Wala naman siyang mahahanap na pagkain d'yan. Wala akong tira-tirang pagkain sa mesa. Muli kong nilingon ang pusa ngunit hindi ko na ito nakita pa. Napansin ko rin ang pagdaan na ng kotseng itim sa harapan ng apartment ko at tuluyan na itong umalis. Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim bago tuluyang pumasok sa loob. Ibinaba ko ang bag ko sa ibabaw ng mesa sa kusina. Bagong lipat lang ako sa apartment na 'to at wala pa akong gaanong gamit. Dito na ako titira habang naghahanap ng trabaho dito sa Manila. Hindi na ako babalik pa sa Dubai lalo't ikakasal na rin naman kami ni Darell. Naalala ko ang naging usapan namin kahapon ng pamilya niya at ng daddy nila. Nagsinungaling kami ni Darell sa kanila. Ang totoo ay nakarating na si Darell sa bahay namin sa Bicol noong nakaraang linggo lang at nakaharap na niya ang mga magulang ko. Dapat sana ay bibisita lang siya doon at kikilalanin ang mga magulang ko, pero nauwi sa planong pagpapakasal namin ang lahat. Bigla na lamang nagmarahipit si Tatay na magpakasal kami ni Darell sa lalong madaling panahon. Wala pa naman iyon sa plano namin ni Darell lalo't nagpapagaling pa siya. Wala pa siyang naaalala sa mga nakaraan niya, kahit hinihiling ko na sana ay hindi na dumating pa ang araw na 'yon. Dahil siguradong kapag bumalik na ang lahat ng alaala niya, tapos na ang lahat. Siguradong iiwan na niya ako. Ang totoo ay hindi ako masaya sa kasal na 'yan. Puno ako ng takot at pangamba. Kung minsan nga ay hindi na ako nakakatulog. Unti-unti na akong inuusig ng kunsensiya ko. Nasaan na nga kaya ngayon si Sheila? Binuksan ko ang bag ko at inilabas mula doon ang wallet ko. Binuksan ko naman ang wallet ko at inilabas mula doon ang larawan niya. Larawan niyang nakuha ko sa wallet ni Darell habang nasa hospital siya sa Dubai at comatose. Napakaganda niya dito kahit ang simple-simple lang niya. Baby face din siya. Kumusta na kaya siya ngayon? Hinahanap pa kaya niya si Darell? Naghihintay pa rin kaya siya hanggang ngayon sa pagbabalik ng nobyo niya? Hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling magkaharap kami. Nahihiya ako sa ginawa ko. Ibinalik ko na itong muli sa wallet ko at minabuti kong magluto ng almusal. Maglalaga na lang siguro ako ng itlog. *** MATAPOS kong mag-almusal ay sinimulan ko na ang paglilinis ng buong apartment. Hindi naman ito kalakihan pero kahit papaano ay may kuwarto. Wala akong kama at ang manipis kong foam ay nasa sahig lang. May dalawang piraso naman itong unan at isang kumot. Dalawang silya sa mesa lang ang mayroon ako. Wala akong tv at mga sofa. Dalawang plato lang ang mayroon ako, dalawang baso, dalawang tasa at ilang pirasong kubyertos. Mayroon akong induction cooker at rice cooker. 'Yon lang. Para lang akong nagbabahay-bahayan. Nahihiya naman akong makitira sa unit ni Darell kahit pa ba ikakasal na kami. Ramdam ko rin naman na hindi siya masaya. Wala sa loob niya ang pagpapakasal na ito at 'yon ang masakit sa loob ko. Alam kong kahit wala siyang naaalala, hindi ko pa rin makuha ang puso niya. Pag-aari pa rin ito ng iba kahit ano pa ang gawin kong pag-aalaga sa kanya. Tsk. Natawa na lamang ako ng mapakla. Matapos kong maglinis ng unit ay sinimulan ko namang labhan ang mga damit ko sa banyo. Mayroon ako ditong isang maliit na planggana at timba. Tamang-tama lang para sa mga damit ko. Nasa kalagitnaan ako nang pagkukusot ng blouse ko nang makarinig ako nang hugong ng sasakyan na parang nagmumula sa tapat ng apartment ko. Narinig ko rin ang tila pabagsak na pagsasara ng pinto. Hindi nagtagal ay nakarinig ako ng sunod-sunod na katok sa pinto. Nangunot bigla ang noo ko. "Sino 'yan?" Wala pang ibang nakakaalam nitong apartment ko kundi si Darell pa lang. Hindi ko pa ito nababanggit kay Lindsay na pinsan ko dahil siguradong susugod kaagad siya dito. Hindi kaya bumalik si Darell? "Darell, ikaw ba 'yan?" Tuluyan na akong tumayo at iniwan ang labahin ko sa banyo. Hindi naman sumagot ang taong nasa labas nito ngunit patuloy pa rin siya sa pagkatok. Minabuti kong silipin muna siya sa bintana ng kusina ko ngunit braso niya lang ang nakikita ko doon. Mukhang lalaki. "Sino 'yan?" Tuluyan na akong lumapit sa pinto at binuksan ito. Ngunit natulala ako sa taong bumungad sa labas na may napakagandang pagkakangiti habang nakatitig sa akin. "Hi. I just missed you so I followed you here." "D-Denver... a-anong ginagawa mo dito?" Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ko. Paano kung biglang bumalik dito si Darell at makita siya? Anong iisipin ng kapatid niya? Nakasuot pa siya ng school uniform niya at may nginunguyang chewing gum sa bibig. "Didn't you hear me?" Bigla niyang itinulak ang pinto at pumasok siya dito sa loob. "Gusto ko lang malaman kung anong pinagkakaabalahan ngayon ng isang babaeng tulad mo? Ng isang babaeng--" "Umalis ka na, Denver. Bago pa ako tumawag ng pulis." "Whoa! Police?" Kaagad niya akong hinarap at binigyan ng sarkastikong ngiti. Mas lalo pa siyang lumapit sa akin at yumukod hanggang sa magpantay na ang aming mga mukha. "Isusuplong mo na ba ang sarili mo? I've been waiting for that for a long time." Nilabanan ko ang mga titig niya. "Nasaan ang mga ebidensiya mo na ako ang babaeng tinutukoy mo?" "Hinahamon mo ba ako? I have those and you will definitely regret it. And if you go to jail, your dream wedding ... will never come true." Mas lalo pang nangunot ang noo ko sa sinabi niya. "But ... I don't want your fellow criminals to just feast on you in jail. I'll give you a choice, so you're still lucky." Mas lalo pang lumapit ang mukha niya sa akin kaya naman ngayon ay nalalanghap ko na ang mainit at amoy chewing gum niyang bibig. Patuloy pa rin siya sa pagnguya niyon. Napaatras naman ako ngunit pinanatili ko ang pagsalubong ko sa kanyang mga mata. Humakbang din siya palapit sa akin hanggang sa mapasandal na ako sa hamba ng pinto. Kaagad naman niyang hinila ang pinto at isinara ito. Napansin ko rin ang pagkandado niya dito kaya kinabahan na ako. "D-Denver, umalis ka na. Nakikiusap na ako sa iyo. Hindi ko alam ang mga sinasabi mo. Hindi ko kilala ang mga kapatid mo!" "Gusto mo ba talagang makita?" Dumukot siya sa bulsa niya at may inilabas na tila larawan. "Here. Look at this family you f*****g destroyed!" "Ah!" Bigla niyang hinawakan ng mahigpit ang batok ko at iniharap niya sa akin ang larawan na hawak niya. Napatitig din naman ako sa tila isang buong pamilyang naroroon. Inisa-isa ko ang mga mukha nito hanggang sa mapahinto ako sa mukha ng isang babaeg kamukhang-kamukha ko. Gano'n na lamang ang pagnganga ako sa gulat. Parang ako talaga ang nasa larawan na 'yon. Akong-ako talaga. Hindi... "Do you see them? The two men next to you are my older brothers. Nasa gitna ka pa talaga nila, hindi ba? Masarap ba? Ako naman 'yang binatilyo sa unahan niyo. I was only twelve years old at that time, so maybe you don't remember me." "H-Hindi ako 'yan." "Oh, come on!" "Denver! Heehh..." Hinawakan niya ng mahigpit ang pisngi ko at idiniin ang ulo ko sa pader. "P-Parang awa mo na. Wala talaga akong maalala. Hindi ko kayo kilala." Isa-isa nang tumulo ang mga luha ko sa aking pisngi. Hindi naman siya sumagot ngunit pansin ko ang pinipigilan niyang galit sa anyo niya habang nakatitig sa akin ng matalim. May narinig kaming pagtunog ng phone. Bumunot siya sa bulsa niya gamit ang isa niyang kamay na may hawak sa larawan. Tumitig siya sa screen ng phone niya ng ilang sandali. Muli din niya itong ibinalik sa bulsa niya bago muling bumaling sa akin. "Don't you ever try to run away from me. Because you'll surely regret the consequences. Do you understand?" Hindi ako nakasagot sa tanong niya. "Do you understand?!" "O-Oo! Oo... Oo, Denver." Tuluyan na akong napahagulgol sa harapan niya. "Keep my word, Lorna. I'm watching over you." Hinalikan niya muna ang mga labi ko bago niya ako binitawan at binuksan ang pinto. Kaagad siyang lumabas at sumakay sa kotse niya. Ako naman ay parang mauupos na kandila sa kinatatayuan ko. Nasa isipan ko pa rin ang mukha ng babaeng nasa larawan. Iisa lang ang mukha naming dalawa, pero hindi ko kilala ang mga lalaking nasa tabi ko doon. Sino sila? Sino ang babaeng 'yon? Hindi kaya nagka-amnesia rin ako? Katulad ni Darell? Pero wala akong matandaan na naaksidente ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD