CHAPTER 9
Ken’s PoV
Nagmamaneho si Kuya Roland, iyon pala ang pangalan ng lalaking kumuha sa amin ni Marianette sa shelter. Tahimik kaming dalawa ni Marianette habang nagmamaneho si Kuya Roland. Napakagara ng kotse na kanyang minamaneho, sigurado akong mayaman ang may may-ari nito.
Patungo pa lang kami sa aming pupuntahan sa bahay ng hindi pa rin nagpapakilala, parang daanan ito ng lugar ng mga mayayaman. Hindi ko maiwasang mapaisip kung ano ba talaga ang buhay ng mga taong mayaman. Habang papalapit kami sa pinakadulong parte, nakita ko agad ang napakataas na gate na bakal. Ang mga baras nito ay makapal at kulay ginto, may maganda na design. May mga gold din na numero ng bahay. Gate pa lang ay magara na agad. Sa gilid ng gate, may maliit na bagay na parang camera yata ‘yon at umiikot-ikot, siguradong mataas ang seguridad ng lugar na ito.
Pagkatapos naming pumasok sa loob ng gate, bumungad sa akin ang isang napakalawak na garden. Ang damuhan ay sobrang luntian, halos parang karpet sa kinis at kaayusan. May mga nagtataasang puno ng narra at mahogany, na nagbibigay ng lilim sa ilang bahagi ng garden. Grabe, unahan pa lang ng bahay niya ay napakalawak na, pwede pamagpatayo ng maraming bahay. Nanliit ako dahil naalala ko kung gaano kasikip ang aming barong barong.
Ang mga bulaklak at disenyo ng garden na makikita sa paligid ay tv at mga libro ko lang nakikita. Meron ding fountain na nasa gitna ng garden, ang tubig ay tumutulo mula sa isang marmol na estatwa. Nakaka-mangha talaga.
Pinarada ni Kuya Roland ang kotse sa tabi ng isang napakalaking sementong hagdanan at may malaking pintuan at bumaba na kami. Habang naglalakad kami patungo sa mansyon, hindi ko mapigilang mapansin ang yayamaning disenyo ng bahay. May nakasabit sa napakataas na kisame na napakalaking ilaw na parang diyamante na kumikinang. Tila isang malaking palasyo at hari ang may-ari ng mansyon na ito. May tatlong palapag ito, gawa sa puting bato na makintab, makinis, na kumikislap kapag tinatamaan ng sikat ng araw. Ang mga bintana ay malalaki at gawa sa madilim na salamin, eleganteng elegante tignan.
Pagpasok namin sa loob, bumungad agad ang napakalawak na pasilyo. Mas malaki pa ito kaysa sa aming paaralan. Ang sahig ay gawa sa napakakintab din na bato na para bang kailanman ay hindi nabahiran ng alikabok. May mga display din na malalaking painting na nakasabit sa mga dingding, sigurado ay mamahalin ‘yon.
Sa bawat sulok ng mansyon, ramdam na ramdam ko ang yaman at kapangyarihan ng may-ari. Hindi ito basta-basta bahay lamang; ito ay isang palasyo na punong-puno karangyaan at kapangyarihan. Sa isip ko, hindi ko maiwasang humanga at sabay na magtanong kung ano kaya ang mga lihim na itinatago ng mga pader ng mansyong ito?
Manghang-mangha kami ni Marianette, naumid ang aming dila sa tila panaginip na lugar na ito. Bakit mi narito? Sino ba talaga ang nagpatawag sa amin dito? Dito ba kami titira o pansamantala lang? Ang dami kong katanungan at ilang sandali lang ay nasagot na.
Umakyat kami sa engrandeng hagdan at pag dating sa ikalawang palapag ay naglakad pa kami at dinaanan ang napakaraming pintuan hanggang sa marating namin ang pinakadulo ng pasilyo at huminto sa pinto na may nakasulat na “Ed” ginto rin ang design nito.
Pigil-hininga ako nang binuksan ni Kuya Roland ang pinto. Parang kakaiba ang naramdaman ko nang makita ko ang likod ng lalaki na naka-upo sa umiikot na upuan.
“Boss, nandito na sila,” imporma ni Kuya Roldan sa lalaking nakatalikod at nang narinig nito ang pagdating namin ay humarap ito sa amin at humihithit ng tabako.
Nabasa ko sa ibabaw ng kanyang mesa may nakalilok sa isang kahoy ang “Ed Bantug”. Napatayo ako ng tuwid nang maalala ko ang pangalang “Mr.Bantug”. Sa pagka intindi ko sa narinig ko kina Nanay at Tatay, si Mr. Bantug ang tatay ng totoo kong nanay, kung gano’n, siya ay aking lolo.
Tumitig siya sa akin. Hindi ko mawari ang mga mata niya, nangingilid ang kanyang mga luha pero matalim ang tingin niya parang galit siya sa akin.
“Kamukhang kamukha mo si Martina. Pero ang mga mata mo. . . Hijo de p*ta. Naalala ko tuloy ang traydor na ‘yon. Ingrato–” turan ni Mr. Bantug. Gigil niya itong winika at sa galit niya ay binali niya ang hawak niyang tabako. Huminga siya ng malalim.
“Nakaraan na ‘yon Boss. Patawarin mo na. Baka ka ma-stroke,” sabi ni Kuya Roland at mukhang nakalma na si Mr. Bantug, Sumunod niyang tinignan si Marianette na naka sukbit ang kamay sa aking bisig.
“Iyan ba ang anak ni Romeo at Nella? Ilang taon lang at magdadalaga na rin ‘yan at pwede na isabak sa misyon,” sabi ni Mr. Bantug.
Misyon? Ano ibig sabihin no’n? Parang may kakaibang plano ang matandang lalaki na ito kay Marianette. Hindi naman siguro namin ikapapahamak ang mga plano niya.
“Umupo kayo” utos ni Mr. Bantug sa amin ni Marianette at tinuro ang dalawang bakanteng upuan na nakaharap sa mesa niya. Sinunod naman namin siya dahil wala rin naman kaming magagawa kundi ang sumunod. Mahaba siguro ang sasabihin niya. Sana ipaliwanag niya sa amin ni Marianette ang mga katanungan na alam kong siya lang ang makakasagot.
Hinawakan ni Marianette ang kamay ko dahil kinakabahan pa rin siya. Alam kong wala siyang ideya kung sino ang taong nasa harap namin.
Batay sa t***k ng puso ko at itsura namin ni Mr. Bantug, siguro nga siya ang lolo ko. Dahil kung hindi, bakit naman niya kami pinahanap at dinala dito sa mala-mansyon niyang bahay.
“Mananatili kayo rito ng mga ilang linggo, or maybe months. Depende sa awa ko. At dahil ulilang lubos na kayo at ako ang sumagip sa inyo, kailangan niyong pagbayaran ang pag mamagandang loob ko,” aniya ng napakahaba. At nang marinig ko ang ‘pagbabayaran niyo’ nadismaya talaga ako. Paano namin babayaran ang agmamagandan-loob niya eh bata pa kami. Gagawin niya ba kaming alipin? Hindi pala taos sa puso ang pag magagandang-loob niya dahil may kapalit.
“Ibibigay ko lahat ng pangangailangan niyo. . . Pero kailangan niyong sundin ang lahat ng sabihin ko.”
Ano naman kaya ang gusto niyang gawin namin ni Marianette?
- - - - - - - - - - - - - - - - - -
TO BE CONTINUED . . .