Chapter 3
Marianette’s PoV
“Pasensiya na talaga Manang Lolit, Manong Peter kung biglaan ang pagdating naming pamilya, last minute ang abiso ko.”
“Maliit na bagay Don Romeo. Kami ay maaasahan mo palagi.”
“Salamat Manong. At siya nga pala, inaalagaan niyo bang mabuti si Ken? Ay ka-payat na bata mukhang hindi kumakain. Kung nahihirapan kayong alagaan ay pwede niyo namang ipatira dito sa bahay at si misis na ang mag-alaga.”
“Ay huwag na Don Romeo, hayaan niyo ang batang ‘yon. Kung gusto niya magpunta punta dito ay hindi naman namin pipigilan.”
“Sige. Dapat ay mahalin niyo ang anak niyo ah. Kahapon ay akala kong hindi ko na makikita ang mag-ina ko. Muntikan na kami matodas kagabi ng tauhan ni—”
Napa-igtad ako nang marinig ko ang boses ni Mama. “Marianette!” Mahina lamang ‘yon ngunit nakakagulat talaga dahil nahuli niya akong nakikinig ng usapan ng mga matatanda. Hindi ko tuloy natapos ang sasabihin ni Papa kung sino ang gustong magpa . . . ano daw? Todas? Ano ba talaga ibig sabihin no’n?
“Ay naku ka bata ka, ‘di ba't sabi ko ay huwag makikinig sa usapan ng matatanda? Hala, bumaba ka na roon at samahan mo si Ken manood kayo ng tv.”
Wala na akong magawa kundi ang sumunod kay Mama. Gusto ko pa sana maki-chismis ngunit kukurutin na ang aking singit. At mukhang mahalaga ang pinag-uusapan nila. Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw sa akin kung bakit biglaan kaming umalis ng Maynila at iwan ang lahat ng ari-arian namin doon at manirahan sa maliit na bayan ng Buhay na Bato.
Hindi ko rin lubos maisip na may taong galit sa mga magulang ko dahil sila ay mababait na tao. Si Papa ay isang mapagkawang-gawang businessman habang ang aking Mama ay dating Taekwondo Master at simula nang pinanganak ako ay tumigil na siya sa pagtuturo ng Taekwondo at ngayon ay isang pre-school teacher. Kaya paano na kaya ang mga batang tinuturuan niya na bigla niyang iniwanan?
Bawat araw ay parami nang parami ang katanungan sa aking isipan na hindi ko alam kung paano sasagutin liban na lamang kung itatanong ko mismo kina Mama at Papa ngunit wala naman akong lakas ng loob dahil kung gusto nilang malaman ko ang mga sagot di sana’y ipinaliwanag na nila sa akin.
Imbis na magulo ang utak ko sa mga katanungan ay bumaba na lang ako at nakita ko si Ken sa sala, naka-upo ng sa sofa doon sa pinaka gilid. Tahimik lang siya na nakatingin sa tv.
Umupo na rin ako sa sofa matapos kunin ang remote at binuksan ang tv at nilipat ang channel sa paborito kong cartoons. Nakatutok ang tingin ni Ken sa tv na tila ito ang unang pagkakataon niya na makapanood ng tv.
“Di ba bahay niyo ‘to dati? Bakit parang hindi ka pa nakakapanood ng tv?” tanong ko kay Ken.
“Hindi kasi pwedeng buksan sabi ni Nanay at Tatay. Wala raw akong bubuksan na kahit anong appliances dito dahil hindi ito amin.”
Ah ok Nakakalungkot naman ‘yon. May tv nga na nasa harap mo, pero hindi mo naman mapanooran. “So, hindi mo pa napapanood ‘tong Dragon Ball?”
Umiling-iling lang siya. Sobrang sikat nito sa Maynila. Ito ang pinag-uusapan ng mga kalaro kong lalaki kaya pati ako ay nahumaling na rin manood. Hays, bigla kong namiss ang mga kalaro ko sa Maynila. Hindi man lang ako nakapagpa-alam sa kanila.
Natapos na rin namin ang pinapanood namin pero hindi pa rin tapos ang mga magulang namin sa pag-uusap sa itaas. Ano pa kayang mga pinag-kwentuhan nila? Nagugutom na ako dahil gabi na.
Kaya pumunta ako ng kusina at naghanap ng makakain Naka takip sa mesa ang mga natira naming inihaw kanina. Nagsimula na akong kumain at napatingin ako sa sala kinaroroonan ni Ken, napatingin din siya sa akin ngunit agad na iniwas ang tingin. Siguro ay nagugutom na rin siya gaya ko. Nakaka-awa naman kaya niyaya ko siyang kumain. Parang napaka masunurin niyang bata at mabait na kahit anong i-utos sa kanya ay wala niyang imik na sinusunod.
Kapwa kami napatingin sa hagdan nang narinig namin ang mga yabag ng mga paa. Pababa na sila at mukhang uuwi na sila Ken. Ngayon ko lang nakita ang mga magulang niya. Bakit gano’n? Mukhang mas matanda pa sila ng doble kina Mama at Papa. Para na silang mga lolo at lola ni Ken. At bakit gano’n parehong maitim sila Manong Peter at Manang Lolit. Malayo ang itsura nila. Buti pa kami ni Mama ay magkahawig talaga.
“Hoy, lika na,” tawag ni Manong Peter kay Ken at agad namang sumunod si Ken.
“ Manong Peter, baka pwedeng dito muna matulog si Ken para may kasama si Nette sa kwarto niya at hindi na matakot,” paki-usap ni Mama.
Nagkatinginan kami ni Ken parang pareho kaming nagulat. Ayokong matulog sa ibang kwarto, gusto ko katabi sina Mama at Papa.
“Bahala po kayo, Donya Nella.”
Tuwang-tuwa si Mama nang pumayag si Manong Peter. Nakaramdam ako ng lungkot. Alam ko namang lalaki talaga ang gustong maging anak nila Mama at Papa. Nasabi na noon ni Mama na akala niya ay lalaki ako kaya puro panlalaking gamit daw ang gamit ko noong baby pa ako.
- - - - - - - - - - -
Pagka-alis ng mga magulang ni Ken, kumain na kami ng hapunan at pagkatapos noon ay sinabi ni Mama na doon kami sa isang kwarto matutulog. Nagdala si Papa ng isang makapal na kutsyon at kumot para doon matulog si Ken.
“Tulog na ng maaga ha, mag-eenroll na kayo bukas,” sabi ni Mama matapos akong balutin ng kumot at halikan sa noo paramag ‘god night’.
“Talaga po, Tita Nella? Mag-aaral na ako?” masayang tanong ni Ken. Ngayon ko lang siya nakita na ganyan ka excited.
Tumango-tango si Mama habang naka-ngiti. Pagkatapos no’n ay lumabas na sila ni Papa ng kwarto.at pinatay ang fluorescent light att binuksan ang dim light.
Napatingin ako sa ibaba ng kama ko dahil doon naka pwesto si Ken, Nakabalot din ang katawan niya ng kumot tanging ulo lang ang nakalitaw kaya kitang kita ko sa mukha niya ang saya kahit pa siya ay nakapikit ay nakangiti siya na tila ba nasa alapaap.
Kinabukasan, gaya ng sinabi ni Mama, mag-eenroll daw kami. Malayong lakaran ang ginawa namin para makarating sa paaralan. Sanay na sanay si Ken sa lakaan habang ako ay panay reklamo kay Mama. Napilitan tuloy siyang tumawag ng tricycle pag-uwi namin. Kuripot ni Mama, pwede naman pala kami magtricycle ay pinahirapan muna niya akong maglakad. Ang sabikasi niya, gusto niya akong sanayin na maglakad ng mahaba.
Sa susunod na linggo na ang pasukan kaya abala na rin kami sa pagbili ng mga gamit pang eskwela. Pati si Ken ay kasama namin sa pamimili at pati siya ay kasama sa budget ni Mama. Parang wala naman kasing paki-alam ang mga magulang ni Ken sa kanya. Kaya kahit parang sa bahay na rin siya nakatira ay hindi man lang siya sinisilipo kinukumusta nila Manong Peter o ni Manang Lolit.
- - - - - - - - -
Ang araw ay nagsimula na parang isang tipikal na umaga sa aming tahanan. Gising na si Mama, abala sa kusina habang tinutulungan si Ken na mag-ayos ng kanyang gamit para sa eskuwela. Napansin ko na si Ken na naman ang iniintindi niya, siya ang mas nauuna kaysa sa akin. "Bakit palagi na lang si Ken?" tanong ko sa aking sarili, ramdam ko ang mabigat na selos na bumabalot sa akin.
Habang pinapanood ko sila, nagiging malinaw sa akin na iba ang atensyon na ibinibigay ni Mama kay Ken. Hindi ko maiwasang mag-isip na baka mas mahal niya si Ken kaysa sa akin, ang tunay niyang anak. Ganun din si Papa.
Isang araw, habang papauwi ako galing eskuwela, napansin kong wala si Ken sa bahay. Nagtanong ako kay Mama, pero ang sabi niya ay baka kasama lang ito nina Manang Lolit at Manong Peter. Kaya't nagpasya akong puntahan si Ken sa kanilang maliit na barong-barong mga ilang metro lang ang layo sa amin. Pagdating ko doon, narinig ko ang mahinang paghikbi mula sa loob ng bahay. Doon ko na siya nakita, nakaupo sa sahig.
"Ken?" bulong ko habang dahan-dahang lumapit. Tumingin siya sa akin, may mga luha sa kanyang mga mata.
"Ano ang nangyari?" tanong ko, bagamat dama ko na may iniinda siyang sakit ng kalooban.
“Ampon lang ako,” tipid niyang sabi.
Nabigla ako. Paano nangyari iyon? Hindi ko alam ang sasabihin ko. Pakiramdam ko, ang lahat ng selos na nararamdaman ko ay biglang nawala, pinalitan ng awa at pag-unawa.
Naiintindihan ko na ngayon kung bakit ganoon na lamang ang atensyon ni Mama kay Ken. Hindi dahil mas mahal niya ito, kundi dahil alam niyang kailangan ni Ken ng kalinga at pagmamahal. Binabawi ko na ang lihim na inis ko kay Ken.
Mula sa araw na iyon, nagbago ang pagtingin ko kay Ken. Hindi na siya ang batang kinaiinggitan ko, kundi isang kaibigang kailangan ng suporta. Dalawa na nga lang kaming magkaibigan ay kaiinisan ko pa.
Muli akong napa-isip, kung hindi sina Manong Peter at Manang Lolit ang mga magulang niya, sino? Bakit siya pina-ampon? Kilala kaya nila Mama at Papa ang mga tunay na magulang ni Ken?
- - - - - - - - - - - - - - - - - - -
TO BE CONTINUED . . .