"Draco... please help me! Dracoooooo!"
Humihingi ng tulong sa kaniya ang sugatang babae habang nasa loob ito ng nakabaliktad na SUV, nag-aapoy na ang sasakyan at malakas na ang usok niyon. Pilit na tumatayo si Draco papunta sa direksiyon nito ngunit hindi niya magawa dahil bali ang kaniyang mga paa, puno nang bubog ang kaniyang katawan at umaagos pa ang dugo sa kaniyang ulo dala ng pagkahulog niya sa sasakyan at makaladkad siya nito sa kalsada. Ginapang na lamang niya ang paglapit dito. May mga sasakyan na tumigil ang iba ay gustong tumulong, tumawag ng rescue at pulis ang ilan. Delikado nang lapitan ang nasusunog na SUV dahil lumalaki na ang apoy nito. Sa kagustuhan ni Draco na matulungan ang kaawa-awang babae ay nagawa niyang makatayo, hindi niya ininda ang sakit, kailangan niya itong iligtas. Nakita niyang unti-unti na itong nanghihina hanggang sa nawalan na ito ng ulirat kaya mas lalo pa siyang nagpursige na makalapit dito ngunit, pinigilan siya ng mga taong naroroon.
"Let me go!" galit na sigaw niya habang nagpupumiglas. Sa sobrang lakas niya ay hindi siya nagawang pigilan ng mga ito.
Masyadong malayo ang kinaroroonan niya pinilit niyang magmadali kahit na paika-ika pa siya, tumutumba siya ngunit tumatayong muli.
Mga sampung hakbang na lamang at abot kamay na niya ang babae, nang biglang may sumiklab na apoy galing sa unahang bahagi ng sasakyan. Mas lalo siyang nagmadali, hila-hila ang kaniyang kanang paa ay nagpumilit parin siyang makalapit.
Sir! Bumalik ka rito delikado na d'yan!" Nagsigawan ang lahat nang naroon, tinatawag siya at pinababalik ngunit parang wala siyang naririnig. Ang kagustuhan niyang mailigtas ang babaeng iyon ang nagbibigay sa kaniya ng lakas. Hanggang sa isang malakas na pagsabog ang nangyari, nayanig ang buong paligid. Narinig niya ang malakas na hiyawan. Dahil sa tindi ng pagsabog at sa impact nito ay nilipad siya at tumilapon sa kung saan. Namilipit siya sa sakit, nagdilim ang buong paligid at nawalan siya ng malay sa mga nagaganap sa paligid.
"Huh! Napabalikwas nang bangon ang hinihingal pang si Draco. Sapo-sapo ang namimigat na ulo ay napangiwi siya sa kirot nito. Dinalaw na naman siya ng babaeng iyon sa kaniyang panaginip. Isang masamang panaginip na hindi niya matakas-takasan.
"Why are you keep on haunting me? I'm so sorry for what happened! Please, leave me in peace!" nagsusumamong pakiusap niya sa pagitan ng paghagulgol.
Ilang minuto siyang nanatiling nakayuko at walang humpay na umiiyak hanggang sa mapagod at marahas na pinalis ang luha sa kaniyang mga mata. Tumayo siya at dumiretso sa banyo, binuksan ang tubig sa bath tub at hinayaang mapuno iyon, sumampa siya rito at nahiga para ibabad ang katawan. Inilubog niya ang sarili sa tubig at hindi umahon hangga't hindi nauubusan ng hininga. Maraming beses na niyang hiniling na sana ay namatay na lang siya kasabay ng aksidenteng iyon nang sa gayon ay hindi na niya pinagdudusahan ang mga nangyari noon.
Kasabay ng paghabol niya sa kaniyang hininga at pag ahon ng ulo sa bath tub ay may isang nilalang naman sa kabilang silid ang bigla na lamang nagmulat ang mga mata.
Takot na takot na napaupo si Lara. Makailang beses niyang inilinga ang mga mata sa paligid. Hindi niya alam kung nasaan siya at kung buhay pa ba siya. Madilim ang lugar, sarado ang mga bintana at puno ng kurtina ang paligid niyon.
"Ta-tao po! May tao po ba rito?" tanong niya sa mahinang boses. Walang sumagot, hinipo niya ang kaniyang kinahihigaan. Isang malambot na kama iyon, bumaba siya at lumakad, nangangapang hinanap niya ang switch ng ilaw. Imposibleng walang ilaw sa lugar na iyon, may nahawakan siyang seradura ng pinto. Inilibot niya ang mga kamay sa dingding na semento hanggang sa wakas ay matagpuan niya ang kaniyang hinahanap. Pinindot niya ang nakapang switch at lumiwanag sa buong paligid. Isang malaki ngunit makalumang silid ang kaniyang kinaroroonan. Maalikabok, marumi at walang kaayusan ang paligid.
Matapos tangayin ang balsang sinasakyan niya ng malakas na alon hanggang sa mahulog siya sa talon ay wala na siyang maalala pa sa mga nangyari. Napatunayan niya sa sariling buhay pa nga siya dahil humihinga siya ngunit, palaisipan parin sa kaniya kung nasaang lugar siya ngayon.
Matapos ang halos isang oras na pagbababad ni Draco sa bath tub ay naisipan na niyang umahon. Nagsabon ng katawan sandali at saka itinutok ang sarili sa nakabukas na dutsa.
Pagkatapos banlawan ang sarili ay pinatuyo niya ng tuwalya ang katawan. Itinapi niya ang tuwalyang ginamit sa kaniyang bewang. Hindi siya nag abalang magbihis, lumabas siya ng kaniyang silid para bumaba at magtungo sa kusina upang kumuha ng alak. Didiretso na sana siya sa hagdan ng maagaw ang atensiyon niya sa nakabukas na ilaw sa kabilang silid. Nagliliwanag iyon kaya naman nagtaka siya, dali-dali niyang tinungo ang nakasaradong pinto at walang pag iingat na binuksan iyon.
"Ayyy... Halimaaaw!" Tili ni Lara, napalundag siya sa gulat ng may malakas na puwersang nagbukas ng pinto at bumungad ang halos hubad na lalake sa kaniyang harapan. Tuwalya lamang ang nagsisilbing saplot sa pang ibaba nitong katawan. Nakaramdam siya ng takot lalo pa at halos hindi niya mapag sino ang lalake. Makapal at mahaba ang balbas at bigote nito. Tanging mga mata at noo lamang nito ang nakalabas na nakikita ni Lara.
Itinabing naman ni Draco ang kaniyang kanang braso sa kaniyang mga mata, nasisilaw siya sa liwanag.
Kahit takot ay umiral parin kay Lara ang katapangan, naghanap siya ng maaring ipang depensa sa sarili kung sakaling atakihin siya ng halimaw sa kaniyang harapan. Wala siyang ibang nadampot kung hindi ang malaking unan sa higaan. Inamba niya iyon sa estranghero na hindi niya mawari kung tao nga ba ito o isang halimaw na nagpapanggap lang na tao.
"Si-sino ka?" matapang na tanong niya rito.
Hindi sumagot si Draco, lumapit siya sa switch ng ilaw at pinatay iyon. Tanging ang apat na dim light lamang ang binuksan niya.
"Huh! Ano'ng ginagawa mo?" gulantang na tanong ni Lara.
"I think you're okay now, you're strong enough to fight with me, huh! I have done my part, you can leave my house now. I'm just going to the kitchen, I don't want to see your face here when I come back," walang kangiti-ngiting sabi ni Draco.
Natigilan si Lara.
Anong klaseng halimaw 'to, english speaking?
Teka lang, nasa Pilipinas pa ba ako?
Hala! Baka inanod ako ng dagat hanggang sa makarating ako sa ibang bansa.
Akmang lalabas na ng silid si Draco nang pigilan ito ni Lara.
"Te-teka lang!" aniya rito.
Nangunot ang noo ng binata. Pumihit ito paharap kay Lara. "What?" pasigaw na tanong nito kaya napakislot ang dalaga gulat.
Parang umurong ang dila niya at hindi makapagsalita sa takot. Matalim ang mga tingin ng lalaking iyon sa kaniya.
"Ah-eh, i-itatanong ko lang sana... ku-kung bakit ako narito? Ikaw ba ang nakapulot sa akin sa dagat? Iniligtas mo ba ako? Pilipinas pa ba 'to?" sunod-sunod na tanong niya.
Nagsalubong ang kilay ni Draco.
"I don't owe you an explanation. Just leave my house now!" galit na sabi nito at hinampas pa ng ubod ng lakas ang pintuan. Napapikit na lang sa takot si Lara. Hinihintay niyang sunggaban siya nito at sakalin ang leeg niya gamit ang mga kamay nito na may matutulis na mga kuko.
"Please, pakiusap huwag mo 'kong sasaktan. Aalis na 'ko, promise... lalabas na 'ko!" pakiusap niya na hindi parin idinidilat ang mga mata.
Talaga namang kumakabog ang puso niya sa matinding kaba. Paano kung bigla na lang siyang sakmalin nito?
Nilakihan ni Draco ang bukas ng pinto.
"Get out of my house now! Get out!" sigaw na naman nito na ikinataranta niya. Idinilat niya ang isang mata. Nakahinga siya ng maluwag dahil nakita niyang malayo parin ito sa kaniya, walang indikasyon na nilapitan siya nito. Ibig sabihin lang noon ay wala itong balak na sakmalin siya.
Tarantang lumakad siya at lumabas ng silid.
Nagulat siya sa paglabas niya ay makita niyang para siyang nasa isang lumang palasyo. Malamlam ang ilaw sa paligid ngunit sapat naman iyon para masilayan niya ang kabuuan ng lugar. Nag aalanganin siya kung saan dadaan. Itinuro ng lalake ang hagdan na may maraming baitang. Bumaba siya roon habang ang lalake ay nakasunod lamang sa kaniyang likuran.
Napakalawak sa ibaba at hindi niya alam kung nasaan ang pinto palabas. Nauna na sa kaniyang maglakad ang lalake, sumunod siya rito at naabutan niya itong binubuksan ang mataas at napakalaking pintuan. Nakakakilabot ang langit-ngit ng pinto habang bumubukas. Yung tunog ng bumubukas na pinto na para bang sa mga horror movies mo lang maririnig na talaga namang kikilabutan ka at magtataasan ang lahat ng balahibo mo sa katawan.
"The door is already open, leave my house now!" utos nito.
Wala nang nagawa si Lara kung hindi ang lumabas sa malaking pinto. Matapos makatapak sa labas ang dalawa niyang paa ay napakislot siya ng umingit na naman ang pinto at bigla na lang sumara na para bang itinulak ng malakas na hangin. Nilingon niya iyon, tuluyan na itong lumapat at hindi na niya nakita pa ang nakakatakot na halimaw.
Napayakap siya sa kaniyang sarili ng makaramdam nang matinding lamig at saka lang niya napagtanto na isang malaking t-shirt lamang pala ang kaniyang suot na hindi pa nga umabot ng hanggang tuhod ang haba. Napaawang ang bibig niya at nanlaki ang mga mata niya ng kapain ang kaniyang sarili at malamang wala pala siyang suot na kahit anong panloob.
Kung nakakatakot sa loob ng lumang bahay na 'yon ay mas matinding takot ang naramdaman niya ngayong nasa labas na siya. Malalim na ang gabi, napakadilim sa buong paligid, walang katao-tao at walang ibang bahay maliban doon sa tirahan ng halimaw. Kumakalam na ang sikmura niya sa matinding gutom. Hindi niya alam kung saan siya tutungo at sa itsura niya ngayon ay hindi malayong mapahamak siya. Nagtatalo ang isip niya kung babalik ba sa bahay na iyon at makikiusap sa halimaw na hayaan siyang magpalipas muna ng umaga o maglalakad na lamang palayo?