Chapter 1°- Takot
"Armando, umuwi na tayo. Bilisan mo at baka abutan pa tayo ng dilim dito!" Nagmamadaling iniligpit ni Sonia ang kanilang mga gamit upang makaalis na sa lugar na iyon. Nangingilabot siya kapag nakikita ang malapalasyong bahay na nakatayo malapit lang sa dagat.
Usap-usapan sa kanilang lugar na may naninirahan daw na halimaw sa malaking bahay na iyon. Noong una ay hindi siya naniniwala at inisip niyang gawa-gawa lamang iyon ng matatanda sa kanilang lugar bilang panakot sa mga bata ng sa gayon ay hindi na magpagala-gala pa ang mga ito sa labas kapag sumasapit na ang gabi. Ngunit, minsan ng dumalaw siya sa kaniyang mga magulang sa kabilang isla at ginabi siya sa pag-uwi ay nasilayan nang dalawa niyang mga mata ang nagma may-ari nang magarang bahay, napagtanto niyang tama nga ang sinasabi ng kaniyang mga kababaryo hindi nagsisinungaling ang mga ito. Isang mataas na nilalang na may makapal na buhok, mabalahibong mukha na may nanlilisik na mga mata at matalim kung makatingin ang naninirahan sa estrangherong bahay na iyon.
Ginabi ang mag-asawang Sonia at Armando, pumunta sila sa kabilang isla upang doon ipagbili ang kanilang mga alagang manok at mga naaning gulay. Sinikap nilang maubos ang kanilang mga paninda, nilako nila ang mga iyon at nagbahay-bahay, sa sobrang abala nila ay hindi nila namalayan ang oras.
"Bilisan mo, Armando! Malapit nang lumubog ang araw baka maabutan tayo rito ng halimaw!" utos ni Sonia sa asawa na may halong pagmamadali.
"Tumigil ka nga, Sonia! Huwag mo akong tarantahin, mas lalo lang tuloy akong nagtatagal sa ginagawa mong 'yan!"singhal ni Armando sa kaniyang asawa.
"Alam mo namam kasi ang mga kwento-kwento sa lugar natin 'di ba? Mahirap nang abutan pa tayo ng dilim dito." Bakas sa mukha ni Sonia ang matinding takot.
Sa kagustuhan ng mag-asawa na makaalis sa lugar na iyon sa madaling panahon ay para bang inaadya ng pagkakataon na mas lalo pa silang matagalan. Hindi mahanap ni Armando ang susi ng kaniyang tricyle. Umaga bago sila lumisan ay gumamit sila ng bangka patawid sa kabilang isla, iniwan lamang nila ang serbis na tricycle sa gilid ng dagat. Nakasakay na si Sonia at hinihintay na lamang ang kaniyang asawa.
"Armando! Bakit ba ang tagal mo? Ano pa'ng hinihintay mo, paandarin mo na ang motorsiklo?" utos nito sa asawa.
"Bwiset! Nawawala ang susi, hindi ko makita, wala sa bulsa ko! Tingnan mo nga sa loob ng bag mo at baka nariyan!"
"Ano ka ba naman!" Inis na hinalughog ni Sonia ang laman ng suot na mumurahing bag at hinanap doon ang susi ng kanilang motorsiklo.
Nagdilim ang mukha ni Draco, kanina pa siya may naririnig na parang nagtatalo sa labas ng kaniyang mansion. Wala siyang balak na tingnan kung sino ang mga iyon ngunit masakit na sa tainga ang ingay. Binuksan niya ang malaking gate, malakas at nakangingilabot na tunog ang nilikha niyon dahilan para mapalingon si Armando sa malaking bahay. Nanlaki ang mga mata nito nang makitang bumubukas ang gate ng malapalasyong bahay.
"Nakita mo na ba ang susi, Sonia? Bilisan mo palabas na ang halimaw!" Siya naman ngayon ang nagpapamadali sa asawa.
"Tigilan mo ako, Armando! Huwag kang magbibiro ng gan'yan!" singhal ni Sonia.
"Hindi mo ba naririnig ang nakapangingilabot na ingay? Bumubukas ang malaking gate ng bahay!" anito.
"Huh!" Nilingon ni Sonia ang direksiyon ng sinasabing tirahan ng halimaw. Katulad ng naging reaksiyon ng kaniyang asawa ay napaawang din ang bibig nito sa labis na pagkabigla.
Tarantang kinapa nito ang maliit na bulsa sa loob ng kaniyang bag habang ang mga mata ay hindi inaalis sa gate na palaki na nang palaki ang awang.
"Huh! Heto na, nakita ko na!" bulalas ni Sonia.
Nagmamadaling inabot sa asawa ang susi.
"Kunin mo na, bilisan mo paandarin mo na ang tricycle bago pa makalabas ang halimaw at maabutan tayo rito!" tarantang utos nito sa asawa.
Maagap namang kinuha ni Armando ang susi, dahil sa pagkataranta ay nahirapan pa itong ipasok iyon sa susian.
"Ano pa ba'ng ginagawa mo? Bilisan mo na, Armando!" Halos maiyak nang sabi ni Sonia. Pigil ang kaniyang paghinga, nanatiling nakatutok ang mga mata sa gate nang malaking bahay, nangangamba siyang ano mang oras ay lalabas na ang halimaw at aatakihin sila, tuluyan ng lumubog ang araw at bumalot na ang kadiliman sa buong paligid.
"Eto na!" pasigaw na sabi ni Armando ng sa wakas ay maipasok na niya ang susi sa susian. Pinihit nito pakanan ang susi at nagsimula nang tumunog ang makina. Nakahinga nang maluwag si Sonia nang paharurutin ni Armando ang motorsiklo, mabilis ang naging pagpapatakbo nito, sinadya niyang gawin iyon upang tuluyang makalayo sa mapanganib na lugar.
Galit na sinipa ni Draco ang gate, matigas na ito at nangangalawang kaya naman mahirap nang buksan. Isinara na lang niya itong muli at lumakad na pabalik sa loob ng kaniyang bahay. Narinig niya ang papaalis na motor, nawala narin ang ingay na para bang may nagtatalo kanina lamang.
Tanging mga dim light lang ang nagsisilbi niyang ilaw, nasisilaw siya sa liwanag.
Tinungo niya ang sala at kinuha ang bote ng mamahaling alak na nakapatong sa center table, marahas na binuksan iyon at inihagis na lang sa kung saan ang takip. Walang pag-iingat na umupo ito sa sofa dahilan para maglabasan ang mga alikabok niyon, sinipa nito nang malakas ang lamesa bumagsak iyon at nabasag, nagkalat ang bubog nito sa sahig. Hinayaan lang niya iyon at pinagtuunan ng pansin ang tangan niyang bote. Nilagok ang laman niyong alak na para bang uhaw na uhaw. Sa kagustuhang maubos ito nang isang tunggaan lamang ay wala siyang pakialam kahit halos mapuno na ang kaniyang bibig at umagos na ang alak sa kaniyang leeg pababa sa kaniyang dibdib dahilan para mabasa ang kaniyang nanlilimahid nang kasuotan. Nang maubos ang laman ng bote at sa tingin niya ay wala na itong pakinabang ay inihagis na lamang niya ito sa kung saan. Tumayo siya at pasuray-suray na umakyat ng hagdan, tinungo niya ang kaniyang silid upang matulog. Dinadaan niya sa pag-inom ang lahat upang matakasan ang mapait na alaala ng nakaraan.
Katulad ng nakagawian sa loob ng apat na taon, pagsapit ng gabi ay lulunurin niya ang kaniyang sarili sa alak at matutulog ng walang laman ang tiyan.
Siya si Draco ang halimaw na kinatatakutan ng mga naninirahan sa isla ng ng San Vicente. Isang estrangherong nilalang na napadpad sa lugar. Walang nakakakilala at hindi alam kung saan nagmula. Laman ng katatakutan ng mga tao sa isla. Nabubuhay ngunit animo ay patay. Walang maglakas ng loob na lumapit sa bahay nito. Nagsimula ang lahat ng dahil sa isang kwento-kwento.
Mahigit apat na taon na ang nakalilipas, may isang batang naglalaro sa dalampasigan ang bigla na lamang nawala at hindi na nakita pa ng kaniyang mga magulang. Ayon sa haka-haka ang batang iyon ay kinuha ng isang halimaw at kinain. Ang halimaw na kanilang tinutukoy ay ang naninirahan sa malapalasyong bahay. Simula noon ay wala ng nagtangka pang lumapit sa malaking bahay na iyon at magpaabot ng gabi sa dalampasigan.