Halos kalahating oras nang naglalakad si Lara ngunit parang hindi na niya kaya pang magpatuloy. Matinding kilabot ang nadama niya ng marinig ang malakas na pag alulong ng aso na hindi niya alam kung nasaan. May narinig din siyang mga kaluskos sa gitna ng kakahuyan. Nagmamadali siyang naglakad at halos patakbo na nga, makalayo lang sa lugar na iyon.
Natagpuan na lamang niya ang sarili na nakatayo sa harapan ng malaking bahay. Tiningala niya ang mataas na gate. Nagtataka siya dahil kanina ay parang wala naman siyang napansing ganuon ng lumabas siya buhat doon.
Nangangamba siya para sa sariling kaligtasan at isa pa ay naisip niya ang kinakasama ng kaniyang ina na si Mang Pablo, natatakot siyang baka nasundan siya nito.
Huminga siya nang malalim, doon siya kumuha ng lakas ng loob para katukin ang gate na bakal. Desidido na siyang humingi ng tulong sa masungit na lalake.
"Tao po! Tao po!" malakas na sigaw niya.
Hindi siya tumigil hangga't hindi siya naririnig ng nasa loob. Ilang minuto na siya sa ganuong gawain ngunit wala paring nagbubukas. Masakit na ang mga kamay niya kaya naisipan niyang mamulot ng bato, isang may kalakihang bato ang kaniyang nakuha, iyon ang gagawin niyang pangkatok sa gate para mas malakas ang tunog. Sinimulan na niya ang pagpukpok sa bakal na bakod. Napangiti siya dahil mas malakas na ang tunog niyon kaysa kanina na kamay lang ang gamit niya.
Paulit-ulit siyang tumawag mula sa labas. Hindi niya alam kung anong oras na at kung tulog na ba ang nasa loob ngunit nagbakasakali parin siya. Wala na siyang ibang mapupuntahan, hindi siya maaaring bumalik sa kanila dahil siguradong itutuloy ni Mang Pablo ang masamang balak nito sa kaniya. Wala siyang pera, ni wala nga siyang maayos na damit kaya ang tanging pag asa na lamang niya ay ang lalaking iyon na hindi niya mawari kung tao ba o halimaw? Tinulungan siya nito kaya naman naisip niyang hindi ito masama. Hindi niya tinigilan ang pagpukpok ng bato sa gate. Napaigtad siya ng umingit ang bakal, nakangingilo ang tunog niyon, maya-maya ay bumukas nang malaki ang tarangkahan.
Gusto niyang magtatakbo sa takot ngunit pinigilan niya ang sarili, isa pa ay hindi rin naman siya makakilos sa kaniyang kinatatayuan. Nakatingala lang siya sa lalaking may makakapal na kilay at puno ng balahibo ang mukha, nanlilisik ang mga mata nito at tila ba galit na galit.
"Why the hell are you still here? I told you to leave my house! And yet, you have the guts to dusturb me in the middle of the night! Are you crazy?" Halos sumigaw na ito sa galit.
Okay lang 'yan, Lara. Kung mamatay ka rin lang naman piliin mo na lang na sa kamay ng lalake na ito ikaw mamatay kaysa naman lapain ka ng mga halimaw sa kakahuyan.
Pilit niyang pinakalma ang sarili at hinarap ang lalake ng buong pagpapakumbaba.
"Pakiusap! Wala akong ibang matutuluyan, hayaan mo muna akong manatili sa bahay mo kahit hanggang umaga lang. Delikado rito sa labas baka may makasalubong akong masasamang tao sa gitna ng daan at gawan ako ng hindi maganda. Sige na, parang awa mo na, tulungan mo 'ko!" pagmamakaawa niya, kulang na lang ay lumuhod siya sa harapan nito.
Biglang nag bago ang ekspresyon ng mukha ng lalake. Ang kaninang galit na itsura nito ay unti-unti nang kumakalma ngayon.
Hindi ito nagsalita ngunit iminuwestra naman na pumasok siya sa loob na siya naman niyang ginawa. Lumakad na ang lalake papasok at sumunod naman siya sa likuran nito.
"May pagkain ka ba d'yan, Mister? Nagugutom na kasi ako, eh!" tanong niya habang hinihimas ang manipis na tiyan.
"I don't know, go search the kitchen," walang pakialam na sabi nito at umakyat na ng hagdan.
Naiwan siya sa ibaba.
"Hmmm... Bakit ba napakadilim naman dito? May kuryente naman bakit kaya hindi niya buksan ang mga ilaw?" bulong niya sa sarili.
Isa-isa niyang hinanap ang mga switch ng ilaw.
Nagliwanag sa buong paligid ng i-on niya ang mga iyon.
Halos lumuwa ang mga mata niya sa pagkabigla. Napakagulo ng paligid, maraming nagkalat na balat ng mga pagkain, basag na salamin, baso at mga bote ng alak.
"Huh! Bahay pa ba 'to, parang tambakan nang basura!" reklamo niya.
Hinanap niya ang kusina, binuksan niya rin ang ilaw roon. Kumpleto sa kasang kapan sa pagluluto, may two door ref at gas range na parang hindi man lang nagamit, puno lang iyon ng alikabok at dumi. Binuksan niya ang ref. Halos masuka siya sa amoy ng nabubulok na karne. Napakaraming laman, punong-puno ang ref kaya lang parang hindi na mapapakinabangan lahat. Kahit ang mga prutas ay kung hindi tuyot ay inuuod na. Nanlulumong napakapit siya sa counter table. Nang tumingala siya ay nakita niya ang pantry, maraming groceries na nakalagay doon ng sipatin niya ngunit ang lahat naman ay expired na.
"Hindi yata kumakain ang lalaking 'yon, pero bakit pa siya bumibili ng maraming pagkain kung hindi rin naman niya kakainin? Tsk! Nagsasayang lang siya ng pera," naiintrigang tanong niya sa sarili.
Muli hinimas niya ang humahapding tiyan dala ng gutom. Pino-problema niya kung paano siya makakakain. Sa pag atras niya ay may nabangga siyang bagay. Nilingon niya iyon at nakita niya ang isang malaking kahon sa gilid ng pinto. Na-curious siyang buksan ito at alamin kung ano ang laman. Gusto niyang maglulundag sa tuwa ng mapag alaman na mga groceries pala ang nasa loob ng karton. Mukhang bago pa ang mga iyon, isa-isa niyang tiningnan ang expiry date ng mga biskwit, tinapay, noodles, delata at palaman. Tama siya, bago pa nga ang mga ito at matagal pa para ma-expired. Halos lahat ay imported. Kumuha siya ng biskwit, humatak siya ng bangkuan at naupo sa harapan ng karton. Binuksan niya ang plastic nito, cookies ang laman niyon. Natakam siya kaya agad niyang nilantakan ito. Halos maubos niya ang laman. Nakaramdam siya ng uhaw, naghagilap siya ng maiinom sa loob ng box at nakakuha naman siya ng bottled water. Binuksan niya iyon at nilagok hanggang sa masaid ang laman. Nakaramdam na siya ng kaginhawaan ngayong busog na siya. Matapos kumain ay pinatay niya ang mga ilaw at umakyat sa itaas, tinungo niya ang silid kung saan siya naroon kanina.
Dahil sa kabusugan ay hindi siya dalawin ng antok kaya ang ginawa niya ay nilinis na lang ang silid. Tinanggal niya ang mga kurtina at hinayaan lang na nakabukas ang salaming bintana nito para pumasok ang hangin sa loob. Inalis niya ang mga sapot at alikabok. Nakahanap siya ng walis, dustpan at basurahan sa storage room na nakita niya sa pinakadulo ng pasilyo. Umabot rin siya ng halos dalawang oras sa paglilinis. Natuwa siya ng makita niya ang kinalabasan. Napakalinis na ng kaniyang silid tulugan kaya lang napatanong siya sa kaniyang sarili kung bakit pa siya nagpakapagod na gawin iyon gayong hindi naman siya magtatagal sa bahay na ito. Hanggang umaga lang ang paalam niya sa lalake, kapag sumikat na ang araw at magising itong naroroon pa siya ay siguradong papalayasin siya nito.
Naisip niya kung paano kaya kung magmakaawa uli siya rito at humiling na payagan siyang dito na lang pansamantalang manirahan hangga't hindi pa siya nakakakita ng ibang matutuluyan.
Napangiti siya sa isiping iyon. Ibinagsak niya ang patang katawan sa kama at sinimulan nang matulog. Itananim niya sa isip na kailangan niyang magising ng maaga para mag-linis sa kusina at maghanda ng almusal.
Kung magsisipag siya ay baka matuwa pa sa kaniya ang masungit na lalake na iyon at payagan siyang magtagal sa pamamahay nito.
-
Nang magmulat ang mga mata ni Draco ay bumaba siya agad para kumuha ng alak na maiinom. Nasa itaas na baitang palang siya ng hagdan ay may naamoy na siyang kakaiba. Sinundan niya ang amoy at dinala siya nito sa kusina.
Natigilan siya ng makita ang babaeng tinulungan niya. Nagtataka siya kung bakit narito parin ito samantalang ang paalam nito sa kaniya ay aalis na ito pagsikat ng araw?
"Huh! Gising ka na pala, Mister! Nagluto ako ng almusal, halika at kumain na tayo. Pasensiya ka na, niluto ko lang kung ano'ng meron dito. Nagsaing ako ng kanin, malapit na siyang maluto, may corned beef at prinitong itlog. Kung ayaw mo namang magkanin, may tinapay naman diyan at palaman. Ipagtitimpla kita ng kape, ano ba ang gusto mo yung may cream o black lang, may asukal ba o wala?" kaswal na tanong ni Lara na para bang matagal na silang magkakilala ni Draco at home na at home siya sa pamamahay nito.
"Who told you to mess with my kitchen? I didn't give you the permission to touch the things here. I thought you're already gone. You are not suppose to be here anymore!" Inis na sabi ni Draco, hindi niya nagustuhan ang pagiging pakialamera nito.
Natameme si Lara, gusto niyang ibuka ang kaniyang bibig para magsalita ngunit hindi niya magawa, ang mga tingin kasi nito sa kaniya ay parang gusto siyang lamunin sa sobrang galit.
"I don't f*****g need you here!" sigaw na naman nito.
Pilit niyang nilabanan ang takot. Pinakalma niya ang sarili para makapag isip ng tama. Kanina habang naglilinis siya ng kusina ay pinag isipan na niya lahat ng posibleng sabihin dito para mapapayag niya ito sa gusto niyang mangyari ngunit isang sigaw lang ng lalaking ito na palaging galit ay nagbablangko na agad ang utak niya.