Alas sais pa lang ng umaga ay nagsimula na si Lara sa paglilinis ng buong sala. Pakanta-kanta pa siya habang naglalampaso ng sahig.
Nang mga oras na iyon ay naalimpungatan si Draco, dinalaw na naman siya ng masamang panaginip. Hindi na niya nagawa pang makatulog. May narinig siyang kumakanta, maganda ang boses na para bang boses ng isang anghel ang hindi niya lang nagustuhan ay ang kinakanta nito. Ayaw na ayaw niyang naririnig ang awiting iyon. Sumilakbo ang galit sa kaniya, agad-agad siyang tumayo at lumabas sa kaniyang silid. Narinig niyang sa ibaba nanggaling ang tinig kaya binagtas niya ang hagdan pababa.
"Why is it so bright here? Turn off the light!" makapangyarihang utos ni Draco, pilit niyang idinidilat ang mga mata ngunit hindi niya kaya, talagang hindi siya makatitig sa liwanag.
Nagulat si Lara at natigilan sa pagkanta pumihit ito paharap kay Draco na hawak-hawak parin ang mop na ginagawa niyang mic kanina.
"Huh! Mister, gising ka na pala ang aga pa, ah!" sabi niya na hindi alintana ang galit ni Draco parang nakasanayan na kasi niya na sinisinghalan siya nito at sinusungitan kaya normal na lang sa kaniya iyon. Tanggap na niya na ganuon talaga ang ugali ng lalake.
"I said turn off the light!" sigaw na naman nito.
Wala nang nagawa pa ang dalaga kung hindi sundin ang kagustuhan nito. Pinatay niya ang mga nakabukas na ilaw at tuluyan ng dumilim ang buong paligid.
"Hay, paano pa ako makakapaglinis nito kung ganito kadilim? Wala naman akong makita!" reklamo niya.
"I don't want to hear you singing that song again, not in my house!"
"Bakit? Ano ba'ng masama sa kanta ko? Maganda kaya ang boses ko, kapag may kasiyahan nga sa baryo namin ako ang madalas nilang pakantahin sa videoke."
"I don't care if your voice is nice or what! This is my house and that's my rule. Don't you dare sing that song again or I'll fire you out! Do you understand?"
Napilitang tumago si Lara. Hindi niya alam kung ano ang meron sa kanta na iyon at galit na galit ang lalaking ito?
"And one more thing, I don't want you to use the light in this house!"
"Ha! Paano naman 'yon, ang dilim-dilim kaya kapag walang ilaw. Nagtitipid ka ba sa kuryente, sa solar panel naman tayo kumukuha ng kuryente 'di ba? Ah, alam ko na, bampira ka siguro kaya takot ka sa liwanag," walang prenong sabi nito. Ngunit natutop niya ang bibig ng mapagtanto na hindi dapat niya sinabi ang mga huling salitang binanggit niya.
"That's why I don't want you to stay here because apart from being so annoying, your mouth is also rude!"
"Huh! Sorry na, hindi ko naman sinasadyang sabihin 'yon. Ngayon lang kasi ako nakakilala ng tao na takot sa liwanag at hindi kumakain," paliwanag niya.
"So, you think I'm a monster, huh? Just like all the people outside think about me."
"Hala! Naku hindi, ah! Wala naman akong sinabing halimaw ka at saka hindi ko pa nasubukang umalis ng bahay at makipagkwentuhan sa mga tao sa labas. Huwag ka namang mapagbintang d'yan! Paano kasi nila hindi iisipin na halimaw ka, tingnan mo nga, ang kapal-kapal ng bigote at balbas mo, tapos lagi pang salubong ang kilay mo at saka kung maka tingin ka para kang mangangain ng tao." Napatakip na naman siya ng bibig ng maalalang sumobra na naman siya sa pagsasalita.
Nagsasabi lang naman kasi siya ng totoo.
"You, woman! Get out of my sight now!" pagtataboy nito sa kaniya, hindi nagustuhan ni Draco kung paano siya kausapin ng babaeng ito.
"Sorry na uli! Sige na aalis na 'ko, do'n na lang ako muna sa kusina, magluluto na ako ng almusal."
Binitbit ni Lara ang mop at balde, mabibigat ang mga hakbang at nanunulis pa ang nguso na tinalikuran nito si Draco ngunit bigla itong tumigil ng may naalala. Lumakad ito paatras palapit sa binata at pumihit paharap dito.
"Siya nga pala, Mister! Gusto ko lang malaman mo na ang pangalan ko ay Lara, kaya tawagin mo akong Lara at 'wag, woman." Pagkasabi niyon ay tinalikuran na ito at nagtungo sa kusina.
Nasapo ni Draco ang namimigat na ulo. Ilang araw palang sa bahay niya ang babaeng iyon pero puro konsumisyon na ang ibinibigay nito sa kaniya.
Ibinagsak niya ang katawan sa mahabang sofa. Napansin niyang wala ng alikabok na lumabas mula roon ng umupo siya. Aminin man niya o hindi ay nakikita naman niya ang pagpupursige ni Lara. Tinutupad nito ang pangako na aayusin ang bahay niya.
Ilang minuto rin siyang nanatili roon at nag isip. May punto naman talaga ito sa mga sinabi nito kanina. Ang ikinaiinis lang niya sa babaeng iyon ay walang pakundangan ang bibig. Matagal siyang nabuhay ng mag-isa at hindi siya sanay na may nakikialam sa kaniya. Pakialamera si Lara, matanong at makulit, iyon ang ayaw niya rito.
_
Hindi nawawalan ng pag asa si Lara na isang araw ay magagawa rin niyang mapilit na kumain si Draco. Ang alam lang niyang kinakain nito ay instant noodles na hindi naman niluto, 'yung mismong noodles lang na dapat sana ay pakukuluan pa sa tubig para lumambot pero kinakain niya ng hilaw. Hindi naman niya mismo nakita ng aktuwal kaya lang madalas siyang makapulot ng balat nito sa mga lugar dito sa bahay kung saan madalas itong tumambay. Kung wala naman sa sala ang binata ay nasa terrace ito o kaya ay nagkukulong sa kuwarto nito.
Unti-unti na niyang nalinis ang buong bahay ang bukod tanging marumi na lang at hindi pa niya nagagawang linisin ay ang silid na tinutulugan ni Draco. Plano niya rin sanang gawin iyon pero parang suntok sa buwan na makapasok siya sa silid ng binata.
Maaga pa lang ay naroon na siya sa bakuran at nililinis ang mga kalat dito. Balak niyang magtanim ng mga halaman, sayang ang bakanteng lupa kaya gagawin na lang niyang garden. May nakita siyang mga ligaw na halaman doon na basta na lang siguro tumubo at ang iba ay sadyang naroon na talaga. Mataas na ang mga damo kaya tinabas niya ang mga iyon gamit ang gunting na pangyero na nakita niya sa bodega. Balak niyang paramihin ang mga halaman na naroon.
Napansin din niyang may swimming pool sa likod bahay. Natatakpan ito ng malaking lona at ng tanggalin niya ang lona na iyon ay nakita niya ang swimming pool na walang tubig. Sa tingin naman niya ay ayos pa ito at walang sira, marumi lang at nilulumot na pero kung pagtitiyagaang linisin ay siguradong babalik ang dating ganda nito. Iyon ang susunod na proyekto niya kapag natapos na niya ang kaniyang garden, kaya habang hindi pa ay ibinalik muna niya ang takip na lona nito para hindi pasukin ng tubig ulan at pamugaran ng mga kiti-kiti.
Nakakita siya ng tumutubong talbos sa likod bahay. Namitas siya ng ilan para gawing sahog sa iluluto niyang ginisang sardinas. Puro delata lang, instant noodles at pansit canton ang kinakain niya kaya minsan ay nakakasawa narin. Gusto nga sana niyang lumabas para mamalengke. Nami-miss na niyang kumain ng isda at manok kaya lang hindi naman niya magawa dahil baka pagalitan siya ng masungit na binata. Bukod pa do'n ay wala naman siyang perang pambili. Minsan nga iniisip niyang baka may pera ito at pwede siyang mangutang ng pambili para maranasan naman niyang makakain ng tunay na pagkain, 'yung lutong bahay.
Bangong-bango siya sa amoy ng ginisang sardinas at talaga namang natatakam na siya. Naisip niyang mas masarap kumain kung nakaligo na kaya umakyat muna siya sa kaniyang silid para maligo bago mananghalian.
Malamig ang tubig sa shower at masarap magbabad, inabot din siya ng lagpas kalahating oras sa paliligo. Nakaramdam na siya ng gutom kaya naman nagmadali na siyang magbihis, ibinalot lang niya ng tuwalya ang mahabang buhok, basang-basa pa ito at hindi niya basta-basta masusuklay. Matatagalan pa kung patutuyuin niya.
Excited na dumiretso siya sa kusina ngunit laking dismaya niya na ang pinakaa-asam na pagkain ay hindi niya naabutan. Wala nang laman ang kaserola, pati ang kanin sa kaldero na sinaing niya ay nasimot din. Ang tanging natira sa kaniya ay ang mga hugasin sa lababo. Gutom na gutom pa naman siya. Nagtataka siya kung sino ang kumain ng pagkain niya. Wala naman siyang pwedeng pagbintangan kung hindi ang masungit na lalake na 'yon dahil dalawa lang naman sila sa bahay. Kung may nakapasok man na ligaw na pusa sa loob ay hindi naman siguro magagawa nitong gumamit pa ng plato at kutsara habang kumakain.
Hinanap niya si Draco para komprontahin, wala namang masama kung ito nga ang kumain ng niluto niya pero sana tinirhan naman siya nito kahit na konti. Ang dami niyang ginawa ngayong araw tapos wala pa siyang makain kaya naghihimutok ang butse niya.
Habang naglalakad siya sa pasilyo ng bahay ay may narinig siyang mahihinang hilik, nanggagaling iyon sa sala kaya doon siya nagpunta. Nakita niya si Draco na natutulog sa mahabang sofa. Hindi niya ito makompronta dahil tulog na tulog ito. Gusto niya lang makasiguro na ito nga talaga ang kumain ng pagkain niya kaya pamartsang lumapit siya rito. Ang tanging naisip lang niya para makumpirma na ito nga ang salarin ay ang amuyin ito. Malansa ang sardinas at siguradong kakapit ito sa katawan nito kung siya nga talaga ang kumain.
Huminga muna siya nang malalalim. Tamang-tama at nakatagilid ito paharap sa kaniya. Yumuko siya at inilapit ang ilong sa damit ng binata sa bandang dibdib nito siya nagsimula, sininghot-singhot iyon. Hindi niya nakuha roon ang amoy na kaniyang hinahanap kaya itinaas niya ang ilong at nagawi siya sa mukha ng lalake. Kailangang mapatunayan niyang malansa ang bibig nito kaya walang pag aalinlangang inilapit niya ang mukha sa mukha nito. Kampante naman siya na hindi ito magigising ngunit isang pulgada na lang sana ang layo ng mga mukha nila ng biglang dumilat ang binata. Nagulat ito ng makita siya kaya biglang napabangon. Tumama pa ang ulo nito sa noo niya at nagkauntugan sila.
"Aray!" sigaw ni Lara na sapo-sapo ang kaniyang noo.
"What the hell are you doing?" galit na tanong nito sa kaniya.
"Ha... ah-eh!" Hindi malaman ni Lara kung ano ang isasagot dito.
"Are you trying to kiss me?" tanong na naman ng binata na salubong pa ang mga kilay.
"Huh! Naku hindi, ah! Bakit naman kita hahalikan? Ano'ng palagay mo sa 'kin may gusto sa 'yo at saka ang kapal-kapal ng balbas at bigote mo ni hindi ko nga makita kung may labi ka ba!" sagot niya rito.
Sinamaan siya ng tingin nito.
"If you're not trying to kiss me then what are you planning to do with me?" Hindi mapakali si Draco hangga't hindi niya nalalaman kung ano ba ang gustong gawin sa kaniya ni Lara.
"Ah... ka-kase nawawala 'yung niluto kong pagkain. May walang hiyang kumain tapos inubos. Walang awa. Hindi man lang nakuhang magtira. Aamuyin lang sana kita kung amoy sardinas ka ba. Wala naman tayong ibang kasama rito kaya ikaw lang ang pagbibintangan ko."
"Tsh! Are you accusing me of being a thief? I don't eat sardines and I don't eat grass either!" singhal nito.
Grass? Ano'ng grass ang pinagsasabi ng lalaking 'to?
Napaisip ng todo si Lara kung bakit may nabanggit pa itong damo? Hanggang sa maalala niya ang talbos na isinahog niya sa sardinas, iyon siguro ang tinutukoy ng lalake na iyon na damo.
Natigilan siya, kung hindi ito ang kumain ng pagkain niya bakit nasabi nito ang salitang damo? Ibig lang sabihin no'n siya talaga ang salarin, hindi lang niya alam kung ano ang tawag sa talbos kaya sinabi na lang niya na damo iyon. Pinakatitigan ng husto ni Lara ang binata.
"Hey! Why are you looking at me like that?" tarantang tanong ni Draco hindi magawang salubungin ang tingin ni Lara dahil guilty siya at may kasalanan siya rito.
Ang totoo ay siya talaga ang kumain ng pagkain nito. Kukuha lang dapat siya ng alak sa bodega ang kaso naamoy niya ang mabangong amoy ng ginisang sardinas. Na-curious siyang tingnan ang laman ng kaserola kaya lang ng makita niya ang niluto nito ay nakaramdam siya ng matinding gutom kaya hindi niya napigilan ang sarili. Sa una ay tinikman lang niya pero ng magustuhan niya ang lasa ay hindi na siya nakapagpigil pa na kumain hanggang sa hindi niya namalayan na naubos na pala niya ang ulam at kanin. Huli na para magsisisi pa siya.
Dumiretso ng tayo si Lara at inisnab si Draco. Walang pasabing nilayasan niya ang binata at bumalik sa kusina.
Napamaang si Draco sa ginawi nito. Hindi na kasi ito umimik, alam niyang galit ito. Walang pakundangan ang bibig nito kung makapagsalita kaya nakakapagtakang nanahimik ito.
Wala ng nagawa si Lara kung hindi ang magluto na lamang ng noodles para lang mapawi ang gutom niya. Naiinis siya sa masungit na lalake na 'yon dahil kahit obvious naman na ito ang salarin ay hindi parin nagawang umamin.
Kahit mainit pa ang noodles ay sinalsak na niya sa bibig niya. Nagkanda iyak-iyak na siya sa paso.
Samantalang, si Draco ay nakasilip lang sa pintuan ng kusina at tinitingnan si Lara habang kumakain. Nakita niyang sumisinghot pa ito at panay ang pahid ng luha sa mga mata.