Chapter 9*- Ang Katotohanan Tungkol kay Draco

2079 Words
Biglang napatayo si Lara nang may marinig siyang nag-bukas ng gate at may naulinagan siyang mga boses na tila ba nag uusap. Kasalukuyan siyang nagbubungkal ng lupa sa bakanteng lote para sa itatanim niyang mga halaman. Tinanggal niya ang suot na guwantes at inalam kung sino ang naroon. Nakaramdam siya ng takot dahil sa isiping, baka pinasok na sila ng magnanakaw. Si Draco ay hindi lumalabas lalo na kapag maliwanag pa kaya imposibleng ito ang nagbukas ng gate. Binitbit niya ang pala na ginamit sa pagbubungkal ng lupa at dahan-dahang tinungo ang harapang bahagi ng bahay. "Sige, ipasok n'yo na ang lahat ng box sa loob," utos ng babae na sa tingin niya ay nasa singkwenta anyos na ang edad. Panay ang mando nito sa dalawang lalake na kasama. Matangkad ang babae, nakakasilaw ang kaputian nito at sa kabila ng edad ay maganda parin ito at sexy. May kani-kaniyang bitbit na katamtamang laki ng karton ang dalawang lalake na ipinapasok sa main door ng bahay. Labas pasok lang ang mga ito at patuloy lang ang paghakot ng mga box sa labas ng gate. Nagtataka siya kung paanong nabuksan ng mga ito ang main door, sa pagkakatanda niya ay ni-lock niya ito kagabi bago siya matulog. Bawal naman kasing buksan iyon lalo na sa umaga dahil ayaw na ayaw ng masungit niyang amo na nakakakita ng liwanag kaya sa pinto sa likod ng bahay lang siya dumadaan. Isinandal niya ang hawak na pala sa pader at agad lumapit sa may edad na babae. "Ale, sino po kayo? Paano po kayo nakapasok dito? Paano n'yo po nabuksan ang gate pati na ang pinto?" Habang sinasabi iyon ay kinakalabit niya ang babae na hindi siya pansin dahil abala ito sa pag uutos sa mga kasama. Medyo napakislot ito, hindi nito inaasahan na may iba pang tao sa bahay na iyon. Pumihit ito paharap kay Lara at napataas ang kilay nito. Ibinaba ang suot na shades at pinasadahan ng tingin ang dalaga sa kaniyang harap mula ulo hanggang paa. "Huh! Ikaw ang sino? Ano'ng ginagawa mo rito?" mataray na tanong nito sa kaniya. "Ho! Nagtatanim po ako ng mga halaman d'yan sa bakanteng lote," inosenteng sagot naman niya. "Halaman? Bakanteng lote?" Maang na napatingin ito sa mukha ni Lara at pagkatapos ay inilibot ang mga mata sa paligid. Ngayon lang nito napansin na ang laki na pala ng ipinagbago ng lugar. Dalawang buwan na ang nakalilipas ng huli siyang pumunta rito. Napapaligiran ng matataas na damo noon ang malaking bahay pero ngayon ay napakalinis na. Gayundin ang garahe, wala ka man lang makikitang basura o kaya mga nagkalat na tuyong dahon. "Nasaan ang alaga ko?" Binalingan nito si Lara. Nanlaki naman ang mga mata ng dalaga. "Huh! Alaga? Wala pong nagagawi ritong hayop. Wala po rito ang alaga n'yo," sagot niya. Napabuntong hininga ang ale. "Don't mind me asking, ako na ang maghahanap sa kaniya." Iwinasiwas nito ang mga kamay na para bang binalewala ang sagot na iyon ni Lara. Lumakad ito at iniwan ang dalaga. "Te-teka lang po! Saan po kayo pupunta?" pigil na tanong niya rito at dali-daling sinundan ito hanggang sa makapasok sa loob ng bahay. "Sinabi ko naman po sa inyong walang naliligaw na hayop dito," aniya habang humahabol parin sa babae ngunit hindi naman siya pinapansin nito. "Pakiusap umalis na po kayo bago pa magising ang masungit na lalake. Ayaw po no'n na nakakakita ng tao. Tiyak na pagagalitan ako no'n kapag nalaman niyang nagpapasok ako ng iba rito sa bahay," dire-diretsong sabi niya. Napatigil siya sa paglalakad nang bigla ring tumigil ang ginang at pumihit paharap sa kaniya. Itinapat nito ang kanang hintuturo sa labi. Senyas iyon na tumahimik siya kaya naman awtomatikong napatakip ng kamay sa bibig ang dalaga. "I'm not referring to a pet. I'm looking for my nephew, Draco. He's in his room right?" naninigurong tanong nito kaya napatango na lamang siya bilang tugon. May maliit na ngiti na sumiwang sa labi ng ginang at ipinagpatuloy muli ang paglalakad. Nang umakyat ito sa hagdan ay hindi na sumunod pa si Lara rito. Napapaisip siya habang tinitingala ang babae na ngayon ay nasa pinakadulong baitang na ng hagdan. Ang buong akala niya ay walang pamilya ang lalake na 'yon at nag iisa lang ito sa mundo. Palaisipan sa kaniya kung bakit ito nagtitiyagang mabuhay ng mag-isa sa bahay na ito gayong may kamag anak pa pala ito? Draco pala ang pangalan nito, iyon ang narinig niyang sabi kanina ng tiyahin nito. Naitanong tuloy niya sa sarili kung pinaiksing Dracula kaya ang ibig sabihin no'n? Takot sa liwanag, hindi kumakain, panay lang alak at madalas ay lumalabas ito kapag malalim na ang gabi. Hindi kaya sa gabi ito naghahanap ng makakain kaya lumalabas? Ang alam kasi niya si Dracula ay nabubuhay lang sa pag inom ng dugo. Nagtayuan ang balahibo sa katawan ni Lara sa isiping ang kasama niyang masungit na lalake na iyon ay isa pala talagang bampira at dugo ng sariwang babae ang puntirya nito gaya ng napanuod niya noon sa isang pelikula. Dahil ayon sa palabas ay ang sariwang dugo ng birheng babae raw ang nagpapanatili sa kabataan ng bampirang iyon. Bigla siyang napahawak sa kaniyang leeg. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na takot. Naisip niya, paano kaya kung naubusan na ito ng makukuhanan ng dugo at siya naman ang puntiryahin? Pinakaiingatan niya ang kaniyang p********e, birhen pa siya kaya hindi malayong maging biktima rin siya nito kung sakali. Iniisip niya kung ilang dugo ang mababawas sa kaniya kapag sinipsip nito? Matutulis nga kaya ang pangil ni Draco? Na-imagine na niya kung gaano kasakit kapag bumaon sa leeg niya ang matutulis na ngipin nito. Ipinilig niya ang kaniyang ulo at itinigil ang hindi magandang isipin. Kung may sa bampira nga itong si Draco ay dapat bampira rin ang tiyahin nito. Pero hindi naman ito takot sa liwanag kaya hindi totoo ang naiisip niya. Mali ring akusahan niya ito ng kung anu-ano. Masyado lang talagang malawak ang imahinasyon niya. Tinungo na lamang niya ang kinaroroonan ng dalawang lalake na kasama nang tiyahin ni Draco. Mukhang tapos na ang mga ito sa paghahakot ng mga box. Walong box ang nakasalansan ng maayos malapit sa kusina kasama ng dalawang styro box. "Kuya, saan kayo galing at ano ang mga 'yan?" tanong niya sa dalawa na panay ang punas ng pawis sa dalang bimpo. "Sa Maynila po, Ma'am," sagot ng isa na mas bata do'n sa kasama niya. "Mga pagkain at grocery supplies po 'yan ni Sir Draco," sabi naman ng mas matanda, habang itinuturo ang mga kahon. Napatango siya. Kaya pala nang una siyang dumating dito ay napakaraming nabulok at nasirang pagkain. Dinadalhan pala ito ng tiyahin niya, ang problema nga lang ay hindi naman nito kinakain kaya nagkanda sira na lang. "Let's go aalis na tayo!" Sabay na napalingon sa kanilang likuran ang tatlo ng biglang sumulpot ang tiyahin ni Draco. "Huh! Aalis na po kayo agad, bakit ang bilis naman?" takang tanong ni Lara, hindi pa nga nagtatagal ng isang oras ang mga ito. "Hmm... What's your name nga pala?" tanong ng ginang kay Lara. "La-Lara, po!" sagot niya. "Okay, Lara, I am Beatriz, as I've told you pamangkin ko si Draco. Nagpapasalamat ako sa 'yo at malaki na ang ipinagbago ng bahay na ito. Gusto ko sanang makiusap sa 'yo, maliban sa paglilinis ng bahay ay alagaan mo rin ang pamangkin ko. Draco, don't want me or any of his family to be here for too long. Ikaw lang ang bukod tanging tao na pinayagan niyang manatili ng matagal sa bahay niya. Please take care of him and be patient with him," pakiusap ng ginang. "Teka po, gusto ko lang malaman kung bakit narito siya at hindi nakatira kasama ng pamilya niya? May mga magulang at kapatid pa po ba siya o ulila na?" "Yes, Draco has a family. His father is my eldest brother. May limang kapatid siya na puro lalake. His mother is so worried about him. He choose to leave his own family and stay here for some reason but I don't think you need to know that reason. It's a private matter anyway. Ayaw na ayaw ni Draco na pinag uusapan siya lalong-lalo na ang nakaraan niya. Ang masasabi ko lang ay pagtiyagaan mo muna ang ugali niya, kung kaya mo siyang baguhin para sa kabutihan niya ay mas matutuwa ako. Kailangan niya ng tao na mapagkakatiwalaan, baka sakali kapag nagsimula uli siyang magtiwala ay bumalik na siya sa kaniyang dating buhay. Hindi ganiyan dati si Draco, he is a strong and dignified man. He has a lot of friends, marunong siyang makisama sa kahit na kaninong tao. Matalino siya, magaling sa lahat ng bagay, very competitive and most of all masayahing tao si Draco," pagkukwento nito. "Huh! Tao si Draco?" wala sa sariling naitanong ni Lara. Nangunot ang noo ng ginang. "Of course, tao ang pamangkin ko, ano ba ang tingin mo sa kaniya, halimaw?" "Ho! Naku hindi po!" mariing tanggi niya sabay iling. "He may look strange pero huwag kang maniniwala sa mga bali-balita. Draco is a good man, lagi siyang galit at aborido but believe me, mabuting tao ang pamangkin ko." Tumango si Lara, nakita niya sa mga mata ng kausap ang sinseridad sa kaniyang mga sinabi. Gusto niyang paniwalaan ito na totoong mabuting tao si Draco. "I'm so sorry but we need to go, Lara, naghihintay na ang chopper sa amin. Sana gawin mo ang pakiusap ko sa 'yo." Ginagap pa nito ang kamay niya at pinakatitigan siya. "Susubukan ko pong gawin ang makakaya ko para ibalik sa normal na pamumuhay ang pamangkin ninyo pero huwag po kayong masyadong umasa dahil na sa kaniya parin po ang desisyon kung gusto niya ba talagang magbago o hindi," tugon niya. "I know you can do it, I believe in you, Lara!" Hinatid niya ang mga bisita hanggang sa gate ngunit bago tuluyang umalis si Beatriz ay kinuha nito ang palad niya at may inilagay roon. Nagulat ang dalaga at hindi agad nakapagsalita. "Huwag mong tanggihan 'yan, isipin mo na lang na reward mo 'yan dahil sa kasipagan mo. Bumili ka ng mga damit o kahit na anong gusto mong bilhin basta huwag mo lang iiwan si Draco huwag mong gamitin ang pera na 'yan para layasan siya. Please, he needs you more than anybody else. Kunin mo lang ang tiwala niya para magtiwala uli siya sa mundo." Hindi na nakasagot pa si Lara dahil mabibilis na hakbang na ang ginawa ni Beatriz, nakalayo agad ito at nakasakay sa puting van. Tiningnan niya ang nakabukas niyang palad na may nakapatong na isang bungkos na pera na sa tingin niya ay nagkakahalaga ng isang daang libong piso. Napaawang ang bibig niya at hindi makapaniwala, sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakahawak ng ganuon kalaking pera. Lingid sa kaalaman ni Lara ay naroon sa terrace si Draco at kanina pa nakamasid sa kanila. Nang isinara niya ang gate ay umalis na rin ang binata at pumasok sa kaniyang silid. Hindi maisip ni Lara ang gagawin sa pera na iyon kay umakyat muna siya para itago iyon. Inilagay niya ang pera sa ilalim ng kaniyang higaan at saka na lang niya kukunin kung may naisip na siyang pagkakagastusan dito. Bumaba muli siya at tinungo ang mga karton. Isa-isang tiningnan ang laman ng mga iyon at nagulat siya sa dami ng mga pagkain. Gusto niyang maghihiyaw sa tuwa ng buksan niya ang styro box at makita niya ang mga karne ng baboy at manok na sariwa pa. Ang isang styro box ay mga seafood naman ang laman, may hipon, pusit, tilapia, bangus at iba pang klase ng isda. May sari-saring gulay rin sa box, mga groceries at toiletries. Kumpleto na ang lahat ng kakailanganin nila. Ang saya-saya niya habang inilalagay sa pantry ang mga groceries at sa ref naman ang mga karne, seafoods at gulay. Ipinasya niyang mamayang hapon na lang uli ipagpatuloy ang naudlot na pagtatanim. Excited na kasi siyang magluto, balak niyang mag tinola para makatikim naman ng masarap at mainit na sabaw. Nakaupo sa gilid ng kaniyang kama si Draco at pinagmamasdan ang ibinigay ng kaniyang Tita Beatriz na bagong-bagong cellphone at laptop, pati na ang susi ng kotse niya na nakaparada sa garahe. Madalas naman niyang tanggihan ang mga ibinibigay nito sa kaniya ngunit hindi niya alam kung bakit ngayon ay hindi na siya nakatanggi at hinayaan na lamang niya ang kaniyang Tita Beatriz na iwan ang mga bagay na iyon sa ibabaw ng kaniyang kama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD