NAGULAT si Sheila na pumayag si Apolinario sa sinuhestiyon niyang truce. “Okay…” Nanuyo ang lalamunan niya kaya tumungga uli sa boteng hawak. Kaunti na lang ang nainom niya kasi ubos na ang beer na laman niyon. Inilapag niya ang bote sa lamesa, humalukipkip at pumihit paharap sa binata. “Kaya palagi akong tumitingin sa’yo kasi gusto kong malaman kung talagang okay ka lang.”
Tumaas na naman ang mga kilay nito. “What do you mean?”
Nagkibit balikat siya. “Kasi kasal ng ex-fiancee mo? Ang nag-iisang babae na nakarelasyon mo ng seryoso at binalak pakasalan? Talaga bang okay ka lang? Wala kang nararamdamang pagsisisi o hinanakit o bitterness?”
Ilang segundong tumitig sa mukha niya si Apolinario bago umiling. “I don’t feel any of those emotions today, Sheila.”
Kumunot ang noo niya. “Kahit katiting lang wala talaga?”
“Yes.”
“Bakit?”
Iginala ng binata ang tingin sa paligid hanggang huminto ang mga mata nito sa kung saan. Nang sundan niya ang tinitingnan nito nakita niya sina Ryan at Jesilyn, magkayakap at nakangiti habang nakatingin sa isa’t isa at parang may pinagbubulungan. Mukhang masayang masaya at nagmamahalan ang dalawa.
“I hate to admit it but what you said to me so many months ago was true.”
Bumalik ang tingin ni Sheila sa mukha ni Apolinario. “Alin sa mga sinabi ko ang tinutukoy mo?” kunot noong tanong niya.
“Ang sabi mo hindi ko mahal si Jesilyn sa paraang dapat minamahal ng isang lalaki ang isang babae na gusto niyang pakasalan at makasama habambuhay. You said there is a kind of love that consumes you and makes you sleepless at night. Pero hindi ko ‘yon naramdaman para sa kaniya. Hindi ko pa ‘yon naramdaman kahit kanino sa buong buhay ko. Kaya sa tingin ko tama lang na si Ryan ang napili niya. She deserves a passionate person like him.”
Ah, natatandaan na niya. Iyon ang sinabi niya noong nakikipaghiwalay na si Jesilyn kay Apolinario pero nagmamatigas ito kasi ayaw nitong masira ang mga plano nito sa buhay. Nainis kasi siya rito nang araw na ‘yon kasi nang pumunta ito sa Happy Mart convenience store inakusahan siya nito na itinatago niya si Jesilyn. Pero sa totoo lang alam niyang wala siyang karapatan sabihin ang mga ‘yon sa binata.
“Sorry pala tungkol ‘don. Hindi ko dapat isinumbat sa’yo ang mga ‘yon kasi outsider ako sa relasyon ninyo ni Jesilyn dati.”
Gulat na tumingin ito sa kaniya. “I didn’t expect you to apologize. Besides, tama naman ang mga sinabi mo ‘non.”
So hindi talaga nito minahal si Jesilyn. Kumunot ang noo ni Sheila. “Kung gan’on bakit niligawan mo siya at nang maging kayo bakit inaya mo siya magpakasal?”
Tumiim ang bagang ni Apolinario at naningkit ang mga mata. “Akala ko ba hindi tayo mag-aaway ngayong gabi?”
Nanlaki ang mga mata ni Sheila. “Hindi naman ako nagsisimula ng away. Nagtatanong lang ako.”
Tinitigan siya nito, parang sinisiguro kung nagsasabi siya ng totoo. Pagkatapos pumihit ito paharap sa kinauupuan niya at ibinigay sa kaniya ang buong atensiyon nito. “I have a fifty-year-plan.”
Kumurap si Sheila. “Ano?”
“When I was young, I wrote a plan for my life that I will follow no matter what happens. Nasabi na siguro sa’yo ni Jesi na ayoko ng surprises. My fifty-year-plan made it possible for me to live my life without any unexpected occurences that are big enough to impact my life in a negative way.”
Nanlaki ang kanyang mga mata. “Seryoso ka?” Alam niya na may pagka-obsessive compulsive si Apolinario pagdating sa schedule, oras at kung anu-ano pa. Obvious ‘yon sa palaging perpektong pananamit at pagsasalita nito. Dati rin kapag tumatawag ito kay Jesilyn palaging parehong oras sa araw-araw.
“Seryoso ako. Ang buhay ay parang isang nutrition plan, Sheila. Kailangan mo ibalanse ang lahat para masigurong malusog ka. At higit sa lahat, kailangan mo sundin ang plano na ginawa mo hanggang sa kahuli-hulihang detalye para masigurong effective.”
Sumimangot si Sheila. Hindi siya sangayon sa sinabi ni Apolinario pero naalala niya ang kanilang truce kaya nagdesisyon siyang huwag na lang makipag-argumento. At least ngayong gabi. Humalukipkip na lang siya. “Okay. So, anong kinalaman ni Jesi sa fifty-year-plan mo?”
Ilang segundong hindi nagsalita ang binata. Iniwas nito ang tingin sa mukha niya bago sumagot, “Don’t tell the newlyweds okay? Alam ko kung gaano ka kadaldal at kapakielamera sa buhay ng iba.”
Umismid si Sheila. “Marunog akong magtago ng sikreto kapag gusto ko, okay?” inis na sagot niya.
Naniningkit ang mga mata na ibinalik nito ang tingin sa mukha niya. Mariing nakatikom ang bibig nito. Sandaling nag-alala siya na baka tapusin na nito ang usapan nila. Sa loob ng walong taon never silang nag-usap ng ganoon katagal. May palagay din siya na hindi na mauulit pa ang pangyayaring ito. Baka nakainom lang si Apolinario at nadadala ng selebrasyon kaya nagiging madaldal sa presensiya niya. Normally kasi inii-snub lang siya nito.
“So? Ano na nga?” tanong niya sa mas mabait na tono. Hindi siya komportable na magpakumbaba sa lalaking ito pero titiisin niya kesa mamatay siya sa curiosity kapag hindi nito itinuloy ang gusto nito sabihin.
Bumuntong hininga si Apolinario at iniwas na naman ang tingin sa kaniya. “I plan to get married before I turn thirty. Pero bago ‘yon kailangan ko muna i-build ang relasyon namin ng mapapangasawa ko. Sa isip ko si Jesi ang perpektong asawa para sa akin. Matagal na kami magkakilala at komportable kami sa isa’t isa. Malapit na magkaibigan ang mga tatay namin. Maganda siya, matalino, graceful, mahinhin. She will be a good wife and a good mother. Sa isip ko noon, magiging komportable at peaceful ang buhay na kasama siya. Higit sa lahat… siya ang gusto ni papa na mapangasawa ko.”
Napatitig si Sheila sa mukha nito. “Siguro noong nag-aaral ka ikaw ang tipo ng estudyante na palaging sumusunod sa rules and regulations at hindi nakakatanggi sa teacher kapag may gusto ipagawa sa'yo. Hindi naman ikaw ang tipong walang sariling disposisyon pero hindi mo matanggihan lahat ng gusto ng tatay mo, ‘no?”
Sumimangot ang binata at marahas na ibinalik ang tingin sa mukha niya. “I don’t expect you to understand because you don’t know anything.”
“Oo wala akong alam pero sigurado ako na OA ang pagiging perfectionist mo.”
Tumiim ang bagang ni Apolinario. “Akala ko ba hindi tayo mag-aaway?”
“Nakikipag-away ba ako?”
“Hindi ba? Kasi naiinis ako.”
“Naiinis ka kasi tinatamaan ka sa mga sinasabi ko. Sinabi ko na sa’yo dati, hindi maganda ang planadong buhay. Hindi masaya kapag perpekto masyado. Boring ‘yon.”
“I don’t mind boring.”
“Kasi wala ka ni katiting na passion sa katawan mo. Kung ipagpapatuloy mo ‘yan talagang hindi matutuloy ang plano mong mag-asawa bago ka mag trenta. Sinong babae ang gusto ma-stuck sa isang asawa na malamig, boring at siguradong hindi rin passionate sa kama?”
Nanlaki ang mga mata ni Apolinario at namula ang mukha. “Sheila!”
Nagulat sila pareho kasi biglang humina ang tugtog kaya sobrang lakas ng naging dating ng boses nito. Sabay silang napalingon sa paligid nila. Napanganga si Sheila nang marealize na wala nang tao sa rooftop maliban sa mga waiter at staff ng hotel. Kahit sina Jesilyn at Ryan wala na! Napatayo siya at tinawag ang atensiyon ng isang waiter na nagliligpit na.
“Nasaan na ang mga bisita?” tanong niya nang makalapit sa kanila ang waiter.
“Kanina pa ho sila isa-isang umalis. Kayo na lang ho ang natira kaya papatayin na sana namin ang tugtog. Pero kung gusto ho ninyo ng drinks puwede pa kayo umorder.”
Napakurap si Sheila. “Wala man lang nagpaalam sa atin kahit isa sa mga kaibigan mo.”
Tumayo na rin si Apolinario. “Yeah. I wonder why.”