CHAPTER 1
“SUNOD-SUNOD na nagpapakasal ang mga residente ng Bachelor’s Pad, no? Ang mga hindi pa ikinakasal, may mga fiancée naman. Soon, lahat sila aalis na rito. It’s going to get really quiet in here again,” komento ni Keith.
“That can’t be helped. Nasa tamang edad na tayong lahat para mag-asawa. Of course they will all get married eventually,” balewalang sagot ni Apolinario. Hindi siya nakatingin sa lalaki kasi abala ang mga kamay niya sa paghahalo ng vegetable salad sa malaking bowl.
“Ang dami naman niyang ginagawa mong salad. Pang ilang araw ‘yan?”
“Hanggang sa maubos niya.”
“You know, you really spoil Maki. Kung tutuusin hindi mo na kailangan lagyan ng healthy food ang ref niya every other day. He’s no longer the stupid eighteen year old boy who tries to kill himself by refusing to eat.”
Tiningnan ni Apolinario ang mukha ni Keith. Nakapangalumbaba ito sa kitchen island, nakalugay ang kulot at hanggang balikat na buhok at balbas sarado. As always. “At hindi na ikaw ang tahimik na lalaki na palaging nakatitig sa kawalan. I bet wala sa mga residente ng Bachelor’s Pad ang maniniwala na may panahon sa buhay mo na hindi ka madaldal at pakielamero.”
Natawa si Keith at dumeretso ng upo. “That’s all thanks to you, Mr. Montes.”
“It was my job,” kibit balikat na sagot niya.
“Sa simula. Aminin mo man o hindi pero na-attach ka na sa amin eventually. That’s why we are still friends after all these years.”
Tinapos ni Apolinario ang paghahalo sa vegetable salad saka naghugas ng mga kamay at nagpunas. “Kayo ang na-attach sa akin.”
Tumawa si Keith. “Well, that’s true.”
Bago makasagot si Apolinario sumulpot na sa kusina si Maki, naka-sweatpants at t-shirt, halatang bagong gising. “Montes. I’m hungry.”
“Ito na. Kapag hindi mo naubos ilagay mo na lang sa ref. And sleep in your bed, not in your office. At magpagupit ka na. Your hair is getting longer.”
“Yes, mother,” sarkastikong sagot ni Maki na umupo sa stool na katabi ng kay Keith.
Umiling si Apolinario at pinagmasdan ang dalawa. Siyam na taon na ang nakararaan pero hanggang ngayon hindi pa rin niya alam kung paano nangyari na naging magkakaibigan sila. It just happened. And throughout the years they gained more friends that he never thought he will ever have. At ngayon malapit na mag isang dekada ang pagkakaibigan nila.
“Bakit nandito pa kayong dalawa? May pupuntahan kayong kasal, ‘di ba?” sabi ni Maki na ngumunguya na ng salad.
Napatingin si Apolinario sa wristwatch na suot niya. “Right. I need to get dressed now. Kitakits na lang sa venue, Keith.”
Humakbang na siya palayo sa kusina nang magsalita si Keith. “Sigurado kang okay lang sa’yo pumunta sa kasal ng ex-fiancee mo?”
Nilingon niya ang lalaki. “Mag-iisang taon nang tapos ang relasyon namin ni Jesilyn. May anak na sila ni Ryan at alam kong mahal nila ang isa’t isa. Hindi ako pupunta sa kasal ng ex-fiancee ko. Pupunta ako sa kasal ng mga kaibigan ko.”
Ngumisi si Keith. “You act like a snob but you’re actually a good and loyal friend, Montes.”
Si Maki tahimik lang na pinagpatuloy ang pagkain pero nakataas ang mga kilay habang nakatingin sa kaniya. Ibig sabihin sumasangayon ito sa komento ni Keith.
Umiling si Apolinario. “Weirdos. Aalis na ako.” Saka siya tumalikod at tuluyang umalis ng penthouse, pababa sa floor kung nasaan ang kanyang sariling unit.
HINDI mahilig sa kasal si Sheila Ignacio. Kasi deep inside hindi siya naniniwala na happy ending na kapag ikinasal ang dalawang taong nagmamahalan. Para sa kaniya, ang kasal ay isang kulungan na hindi mo na malalabasan kapag pinasok mo. At kung maling lalaki pa ang napili mo mapangasawa, hindi lang kulungan ang marriage kung hindi isang impiyerno. Nakita niya iyon ng personal sa naging relasyon ng kanyang mga magulang mula pa noong bata siya hanggang mamatay ang tatay niya noong fourth year college siya. Alam niya na may masasayang marriage pero malas lang niya kasi ang nakamulatan niya ay hindi ganoon. Mahirap alisin sa sistema niya ang isang bagay na matagal na tumatak sa isip at pagkatao niya.
So the fact na nakasuot siya ng bestida bilang maid of honor sa kasal na iyon ay patunay lang kung gaano kaimportante sa kaniya ang bride. Si Jesilyn ang isa sa mga taong kilala niya na sobrang deserve maging masaya. Kaya para sa minamahal niyang bestfriend na hindi nagdalawang isip na kaibiganin siya mula pa noong bagong pasok siya sa Happy Mart kahit na anak ito ng may-ari at isa lang siyang simpleng empleyado, willing balewalain ni Sheila ang allergy niya sa wedding ceremonies.
Sa Manila Cathedral ginanap ang kasal. Halos mapuno ang kalahati ng malaking simbahan sa dami ng mga bisita. Hindi lang sa side nina Jesilyn kung hindi maging sa side ng groom nito na si Ryan Decena. Mayroon pang media coverage na katulad ng isang kasal na napanood nila sa TV maraming buwan na ang nakararaan.
Habang nasa altar na sina Jesilyn at Ryan, hindi napigilan ni Sheila ang mamasa ang mga mata kahit na hindi siya iyakin. Kasi naman alam niya ang pinagdaanan ng mga ito bago dumating sa puntong iyon. Pagkatapos may isang bagay pa siyang kanina pa hindi napipigilan gawin – ang pasimpleng sulyapan si Apolinario Montes na nakapuwesto sa hilera kasama ang iba pang kaibigan ni Ryan. Tinitingnan niya ang mukha ng binata at inoobserbahan ang ekspresyon. Ano kaya ang nararamdaman nito ngayong ikinakasal ang ex-fiancee at kaibigan nito? Talaga bang balewala na rito ang lahat? Naka-move on na ba talaga ito sa break-up nito at ni Jesilyn? At ano ba ang pakielam niya kung ano ang nararamdaman ni Apolinario eh hindi naman sila magkaibigan. Katunayan, mas masasabi niyang enemies sila.
Kung gaano katagal niyang kakilala si Jesilyn, ganoon din niya katagal nang kakilala ang binata. At mula pa noong una silang magtagpo palagi nang mainit ang dugo nila sa isa’t isa. Minsan kahit gusto niyang maging mabait dito, kapag nag-usap at nagkatinginan na sila nauuwi sa bangayan ang usapan. Palagi kasi itong iritable kapag nakikita siya kaya naiinis din tuloy siya. Minsan naman siya ang iritable at ito ang naiinis. Anyway, never sila nagkaroon ng matinong usapan. Ni hindi pa nga sila nagkangitian kahit kailan.
Nakatingin pa rin si Sheila kay Apolinario nang bigla itong lumingon at magtama ang kanilang mga paningin. Umangat ang mga kilay nito. Hindi niya pinahalata na napahiya siyang nahuli siya nitong nakatingin. Tinanguan niya ito, kunwari gusto lang itong batiin, at saka ibinalik ang tingin sa altar. Iniwasan na niyang sulyapan uli ang binata hanggang matapos ang seremonya at bumiyahe na ang lahat papunta sa venue ng wedding reception.