Kabanata 5

2010 Words
Nagkaroon nanaman ng pagkakataong tumakas ang Hari ng kaharian ng Kalepso sa kanyang makukulit na kawal at mga tagapanglingkod. Muli nanaman siyang nakakaramdam ng pangungulila sa namayapa niyang kasintahan kaya naman nais niyang mag-isa. Kaya naman gumawa siya ng paraan para matakasan ang realidad, nais niyang magtungo sa lugar kung saan siya naging masaya at iyon ay sa batis. Sa tuwing nagkakaron siya ng pagkakataong tumakas sa mga ito. Nagtutungo siya sa nakatagong batis sa may bandang dulo ng kanilang kaharian. Doon siya naglalagi, nagpapakasawa sa paglangoy at kapag napagod ay magpapahinga sa maliit na kwebang nakakubli sa mismong binabagsakan ng tubig mula sa taas. Ang kwebang ito ay napakaraming masasayang ala-ala ang nakapaloob dito. Masasayang ala-ala ng namayapa niyang kasintahan. Katulad ngayon, wala siyang kahit anong saplot habang nagpapakasawa sa paglulunoy sa napakalinaw na batis. Ngunit napakunot ang noo niya ng may maramdaman siyang ibang nilalang na papalapit sa kanyang nakatagong Paraiso. Agad siyang nagmadaling lumangoy para magkubli sa kweba. Doon kasi hindi siya mararamdaman o makikita ng kung sinong lapastangang gumambala sa kanyang tahimik na pamamahinga. Agad siyang pumwesto sa lugar kung saan malaya niyang makikita kung sino man ang magtatangkang lumapit sa batis. At napakunot ang noo niya ng makita kung sino ang mapangahas. Isang babae, ngunit natitiyak niyang hindi nila ito kauri. Sa pananamit palang nito ay halatang isa itong tao. Ang kanilang uri ay lamang lupa ngunit hindi nalalayo ang kanilang itsura sa mga taga lupa. Iba lang silang manamit, may mga taglay din silang kakayahan na wala ang mga tao. Siya si Haring Saithon ang hari ng Kahariang Kalepso, ang kaharian na kinabibilangan ng mga lamang lupa. Ang kaalaman ng mga taga lupa ay mga pangit na nilalang ang mga lamang lupa ngunit lingid sa kanilang kaalaman, isa sila sa may mga pinaka magandang lahi na nabibilang sa ibang uri na nilikha ng Diyos. Kadalasan din na masama ang tingin sa kanila ng mga tao. Kesyo, sila daw ay nagbibigay ng sakit sa mga ito. Na kesyo, kinukuha daw nila ang mga kaluluwa ng mga ito kapag natipuhan nila. Ngunit hindi sila ganon, payapa lang din silang namumuhay sa kanilang kaharian. Ang kaibahan nga lamang meron silang kaharian at sila ang namumuno. Ang pamilya nila ang may dugong bughaw na nagpapasalin-salin ang pamumuno. Nang pumanaw ang kanyang Amang Hari bilang panganay, sa kanya ipinamana ang trono. Tatlo silang magkakapatid, Si Prinsipe Saimon ang nakababata niyang kapatid at si Prinsipe Saifron ang sumunod naman sa kanya. Pawang mga binata pa rin ang mga ito, kaparis niya. Napakatagal ng panahon ng siya ay hirangin bilang Hari pero hanggang ngayon wala pa siyang Reyna. Dahil ang nag-iisang babaeng kanyang minahal noong siya ay Prinsipe pa lamang ay pumanaw dahil sa malubhang karamdaman. Napakalungkot na ng bawat sandali para sa kanya mula ng mamatay si Selina. Ang kanyang kababatang si Selina na anak ng salamangkiro ng kaharian. Hanggang sa maging Hari na siya dinamdam pa rin niya ang pagkawala nito ngunit dahil nga sa kanyang katungkulan bilang hari hindi siya pwedeng magpakita ng kahinaan. Ngunit ang kanyang Ina ay naghahangad ng agaran niyang pagpapakasal. Tumanggi siya at sinabi dito meron na siyang iniibig at darating ito sa takdang panahon. Nagsinungaling siya para hindi mapilit ng sinuman na magpakasal pero ang totoo wala talaga siyang iniibig. Ayaw lang talaga niyang maikasal sa nais nitong babae dahil gahaman ang ama nito, naghahangad ito ng mas malakas na kapangyarihan sa kaharian para makontrol pa lalo nito ang mga kawal. Natatakot siyang ito pa ang maging mitsa ng hidwaan sa pagitan nila at ng angkan nito. Mas nanaisin pa niyang manatiling mag-isa kesa naman manganib pa ang kanilang kaharian. Isang araw lumapit sa kanya ang ama ni Selina, ang salamangkero ng kanilang kaharian. Ito ang bukod tanging nakakaalam ng tunay niyang saloobin. Naging lihim man sa lahat ang relasyon niya sa anak nito. Ngunit dito na Ama nito ay batid ang kanilang relasyon. Nang mamatay si Selina, dahil isa siyang dugong bughaw ay hindi siya nakadalo sa huling sandali nito sa mundo ni hindi niya ito nakita o nahawakan manlang, sinunog ang katawan nito at doon lang siya nagkaron ng pagkakataong makita ito ng mailagay na ito sa sanktuwaryo na nagsisilbing libingan ng mga katulad nila. Pinagbabawal kasi na makisalamuha sila sa mababang uri na lamang lupa. Dobleng sakit ang dulot niyon kay Haring Saithon, hindi niya nahawakan ang kahit labî manlang ng kanyang pinakamamahal. *falshback* "Kamahalan, patawad po dahil wala akong magawa sa inyong nararamdaman. Patawad dahil hindi ko napangalagaan ang kalusugan ng aking anak na si Selina. Ngayon tuloy nagdurusa kayo sa pagkawala niya," sabi ng may edad ng salamangkero. "Wag kayong humingi ng tawad Ginoong Loring, hindi siguro talaga para sakin si Selina kaya maaga siyang kinuha ni Bathala. Tanggap ko na ang lahat, ngunit ako ay nangangamba sa nais ng aking Ina. Nais niyang ako ay ipakasal sa binibining anak ni Tiyo Damian. Alam ko na ito ay magiging banta sa ating kaharian kapag nangyari iyon,kapag lumakas lalo ang kanyang kapangyarihan kapag naging kabiyak ko ang kanyang anak," pahayag niya dito. Alam kasi niya na hindi titigil ang kanyang ina na hindi siya mapapayag sa kagustuhan nito. Halos isang daan taon na rin kasi ang paghihintay nito na magkaron ng apo sa kanya. Ang kanilang lahi ay may kakayahang mabuhay ng kung ilang libong taon. Katulad ng kanyang Inang Reyna mahigit isang libong taon na ito. Siya naman ay mahigit dalawang daang taon na rin. Kapag sumapit sa edad na limampu ang lahi nila, natitigil ang kanilang pagtanda. Kung maihahalintulad sa mga tao, iyon palang ang panahong binata o dalaga na sila at handa ng magkaron ng pamilya. Magsisimula nanamang dumagdag ang edad nila kapag umabot sila sa edad na limang daan. Nababawasan lang ang kanilang lahi kapag may namamatay, sanhi ng sakit o kung anumang naging sanhi ng pagkamatay nito. "Ganon po ba Mahal na Hari. May nais po sana akong sabihin sa inyo kung inyong mararapatin. Alam kong kahibangan ito pero sa tingin ko po ay makakatulong ito," seryosong pahayag ng salamangkero. "Ano po ba iyon Ginoong Loring?" tanong niya, napukaw ang atensyon niya dito. Alam kasi niyang mahalaga ang sasabihin nito pagkaganon. "Napanaginipan ko po kagabi ang aking anak na si Selina, nais niya na tulungan kita na makalimot at makahanap ng babaeng nararapat mong mahalin at mamahalin ka rin. Iyong hindi maghahangad ng kapangyarihan o hindi sa kanya mahalaga ang pagiging Reyna. Iyong babaeng handa kang paglingkuran at maging tapat sa iyo habang buhay," mahabang pahayag nito. "T-Talaga Ginoo?" bigla ang sigla ng katawan niya ng marinig ang sinabi nito. Bumilis ang t***k ng puso niyang patuloy pa ring umiibig sa anak nito. "Opo Mahal na Hari, tutulungan niya tayo," muling sabi nito. "Tutulungan? P-Panong?" takang tanong niya, papano ba naman sila matutulungan si Selina, matagal na nga itong namahinga. "Sinabi sakin ni Selina ang paraan sa panaginip Mahal na Hari. Nais niyang gamitin natin ang konting bahagi ng abo ng kanyang katawan at luha ninyo. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ko, mailalakip ko ang damdamin ng anak ko doon na siyang makakatulong para pumili ng babaeng nararapat para sayo," sabi nito, medyo naguluhan siya pero batid niyang may kakayahan nga itong gawin iyon. "Napakabuti talaga ng anak ninyo Ginoo, kahit na wala na sya ay patuloy pa rin niya akong ginagabayan. Nakakapanghinayang lang na maaga niya akong nilisan, mahal na mahal ko siya at napakarami pa sana naming pangarap," naluluha niyang pahayag dito. Hindi siya takot ipakita ang kahinaan dito dahil para na rin niya itong ama kung ituring. Isa pa ito ang kaisa-isang taong batid niyang matapat sa kanya kahit pa noong panahong hindi pa niya naging kasintahan ang anak nito. "Marahil nararamdaman ni Selina ang paghihirap mo Mahal na Hari batid ko naman na mahal na mahal kayo ng aking anak kaya nag-aalala siya sa inyo, dumagdag pa ang suliranin mo sa pagpipilit ng Inang Reyna na magpakasal ka kaya marahil tinutulungan ka niya. Ngayon po, hinihingi ko ang inyong pahintulot para magawa ko na ang nais ng aking anak," hinging pahintulot nito. "Sige Ginoo, simulan mo na ang nais ng aking mahal," utos niya dito ng may kasiyahan sa kanyang puso. "Masusunod po kamahalan!" may himig na kasiglahan na sagot nito. May inilabas itong maliit na palayok, umusal muna ito ng dasal bago iyon buksan. "Mahal na Hari, nasa palayok na ito ang konting bahagi ng abo ni Selina na gagamitin natin sa paglikha ng nais niya. Ang kulang nalang po ay ang inyong luha. Kahit isang patak lang po Mahal na Hari para maisakatuparan natin ang lahat," pahayag nito sa kanya. Tumalima naman siya. Inalala niya ang masasayang sandali nila ni Selina na patago nilang pinagsaluhan sa nakatago nilang paraiso, ang mga pangarap na binuo nila doon ng magkasama, ang matatamis na ngiti ng kanyang mahal. Ang paraiso nila ay batis na naging tagpuan nila na nasa dulo ng kaharian na walang ibang may alam dahil nababalot ito ng kapangyarihan ni Ginoong Loring. Mismong si Selina ang humiling nito sa ama para may lugar silang dalawa na malaya nilang napupuntahan kapag nananabik sila sa isa't-isa. Nang maalala ang lahat ng iyon, kusa ng tumulo ang luha niya sa mismong palayok at kalakip ng luha na iyon ang sakit na dulot ng pagkawala ng kanyang mahal. Matapos iyon, umusal ng kakaibang lenggwahe si Ginoong Loring at agad na nagningas ang loob ng palayok. Kasunod niyon ang bahagyang pag-usok nito, kinumpas nito ang kamay at agad na lumutang ang isang bagay na nagmula doon. Namangha siya sa nakita. "I-isang kwentas, isang napakagandang kwentas?" sabi niya. "Opo Mahal na Hari, isang kwentas ngunit hindi siya pangkaraniwang kwentas. Nasa kwentas na iyan ang damdamin ninyo at damdamin ng anak ko. At ang patak ng luha ninyo na nakukulong sa palawit nito. Ang mga sangkap na yan ang magtuturo sa babaeng nararapat ninyong maging kabiyak, sa babaeng magiging Reyna ninyo sa hinaharap na walang ibang gagawin kundi ang mahalin kayo at hindi maghahangad ng anumang kapangyarihan," mahabang paliwanag ng salamangkero. "Pero anong kakayahan meron ito Ginoo? Kahit sino pwedeng makita ito, papano tayo makakatiyak na siya na nga ang hinahanap natin?" tanong niya dito. Hinawakan nito ang kwentas na nakalutang pa rin. Inilagay sa palad nya at muling umusal ng kakaibang lengwahe. Naging abong muli ang kwentas na kanina lamang ay napakaganda. Nagtaka siya sa ginawa nito. "Papakawalan natin siya sa hangin Mahal na Hari, siya ay hahayaan nating maglakbay kasama ng hangin at muli lamang siyang mabubuo kapag natagpuan na niya ang tamang babae. Ang babaeng iyon lamang ang may kakayahang makita ito at sa oras na makita na niya ito. Magiging ganap na itong kwentas muli at kahit sino ay makikita ito. Ngunit ang babaeng nakatakda mong maging Reyna ay magkakaron ng mga pangitain o mga panaginip na magtutulak sa kanya para hanapin o alamin ang mga pangitaing iyon. Hindi ko lang tiyak kong tungkol sa nakaraan ninyo ng anak ko, o tungkol sayo o tungkol sa inyong hinaharap ng babae. Basta ang kwentas ang mismong gagawa ng paraan para kayo ay magkita." mahabang paliwanag nito. Umusal muna ito ng kakaibang lenggwahe at ilang sandali lamang ay hinipan na ng may edad ng salamangkero ang abo na nasa kanyang kamay at hinayaang sumama sa hangin. * End of Flashback * Napagtanto ni Haring Saithon na hindi pangkaraniwan ang babae dahil walang sinuman ang may kakayahang matagpuan ang lugar na iyon dahil sa kapangyarihan ni Ginoong Loring na nagpoprotekta sa lugar na ito. Sa tuwing nalulungkot siya at nananabik siya sa kanyang mahal na si Selina ay nagtutungo siya doon ng walang nakakaalam. Dito niya sinasariwa ang lahat ng mga ala-ala nila ng kanyang namayapang kasintahan. Nang makita niya ang babae,naisip niyang baka ito na ang sinasabi ni Ginoong Loring na napili na maging kabiyak niya. "Ngunit bakit hindi siya kauri namin?! Panong siya ang nakatakda kong maging kabiyak ay isa siyang taga lupa!" naguguluhang sabi niya sa sarili. ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD