CARMELA
Hindi na kami nag-uusap na dalawa sa biyahe. Pagdating namin ay kaagad akong umakyat sa room ko. Nasaktan ako sa mga sinabi niya sa akin. Wala sa sariling tinawagan ko si daddy. Hindi niya sinasagot. Kung sabagay, ano ba ang aasahan ko. Kung totoo ang sinabi ni Oliver na siya mismo ang nag-alok sa akin para maging pambayad sa utang niya. Umiyak ako ng umiyak para naman mabawasan ang sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko.
Sobrang sakit na pamilya ko at sarili kong ama ang naging dahilan ng paghihirap ko. Sa lahat ng ginawa niya sa akin ay ito na ang pinaka-matindi sa lahat. Wala akong naging reklamo sa lahat ng mga ginagawa niya. Kahit na hindi na niya ako sinuportahan sa pag-aaral ko ay never akong nagalit sa daddy ko. Pero ngayon ay hindi ko alam dahil galit na ako sa kanya.
“Mommy, mahal ba talaga ako ni daddy?” tanong ko sa kawalan. Hinayaan ko na lang ang sarili ko na mapagod sa kakaiyak.
Kinabukasan ay maaga pa akong gumising para pumasok sa school. Tumambay ako sa library hanggang sa hindi ko namalayan. Nagising lang ako dahil sa lakas ng bell. Pagpasok ko sa loob ng classroom namin ay umiwas na ako kay Marco. Hindi ko siya pinapansin. Hanggang sa matapos na ang klase ko.
“Miss Fae, sorry po kung absent ako noong mga nakaraan.”
“Okay lang, nag-alala nga ako sa ‘yo. Akala ko kasi hindi kana talaga papasok.” sabi niya sa akin.
“Nagka-trangkaso po ako,” pagsisinungaling ko sa kanya. Hangga’t maaari ay itatago ko ang nangyayari sa akin. Ayoko na may ibang nakaalam sa pinagdadaanan ko.
“Okay ka na ba ngayon?” Tanong niya sa akin.
“Opo,” mabilis na sagot ko sa kanya.
“Pero kapag hindi ka pa okay ay magpahinga ka na lang muna,” nakangiti na saad niya sa akin.
“Salamat po.”
Ito ang gusto ko sa boss ko. Sobrang bait niya at halos lahat sila ay mabait. Kahit na mayaman sila ay namumuhay lang sila ng payak. Ilang oras lang naman ang trabaho ko at nagcommute ako pauwi. Pagdating ko ay nagulat ako dahil sinampal ako ng mommy ni Oliver. Napahawak na lang ako sa pisngi ko.
“Bakit ngayon ka lang?!” galit na tanong niya sa akin.
“May pasok po ako sa trabaho ko,” mahina na sagot ko sa kanya.
“Trabaho? Ang trabaho mo ay dito sa bahay. Hindi mo ba ako naiintindihan?! Sa tingin mo ba ay libre ang pagpapatira ko sa ‘yo dito. Sa tingin mo ba kayang bayaran ng katawan mo ang 20 million na inaksaya ng anak ko sa ‘yo. At kahit buong buhay ka pang maging katulong ay hindi mo ‘yun mababayaran sa amin. Pasalamat ka dahil pinayagan ka pa rin ng anak ko na mag-aral.” aniya sa akin.
“Sorry po,” humingi ako ng paumanhin para hindi siya magalit sa akin.
“Lumayas kana sa harapan ko. Maglinis ka ng lahat ng banyo!” sigaw niya sa akin.
Tumakbo naman ako paakyat sa silid ko para magbihis. Pagkatapos ay isa-isa kong nilinis ang mga banyo. Kumakalam na ang sikmura ko pero tiniis ko hanggang sa natapos na ako. Alas dose mahigit na ako natapos. Wala na akong lakas para bumaba kaya bumalik na lang ako sa silid ko para magpahinga na.
Isang linggo ko ng hindi nakikita si Oliver. At sa loob ng isang linggo ay naging mas mahirap para sa akin ang pakisamahan ang pamilya niya. Pagod na pagod na ang katawan ko. Halos sa akin na nila pinapagawa ang mga gawain na dapat ay sa mga katulong. Pero pinipilit at tinitiis ko pa rin para lang makapasok ako sa school at sa bakeshop. Minsan ay school na ako umiidlip dahil laging kulang ang tulog ko.
“Car, are you okay? Namumutla kana,” biglang tanong sa akin ni Marco.
“Okay lang ako, sige mauna na ako sa ‘yo.” paalam ko sa kanya at palabas na ako sa gate para umuwi.
“Wait!”
“Please, Marco. Huwag mo na akong kausapin.” sabi ko sa kanya.
“Nag-aalala lang ako sa ‘yo.” mahinahon na sagot niya sa akin.
“Hindi ko kailangan ang pag-aalala mo. Sorry, pero mas maganda na huwag mo na akong kakausapin. Mas makabubuti sa ating dalawa.” sabi ko sa kanya at naglakad na ako palayo sa kanya.
“Ganun na lang ba ‘yun? May nagawa ba akong mali? Bakit ganito ang pakikitungo mo sa akin? Mahal kita at alam mo ‘yun. Tinanggap ko na hindi mo ako gusto pero ang layuan ako at hindi ako kausapin ay sobra na. Masakit, Car. Kaya kong maging kaibigan mo pero ang layuan mo ay hindi ko kaya.” sabi niya bigla na ikinatigil ko.
“Sorry, Marco.” ‘yun lang ang tanging nasabi ko. Ano ba ang dapat kung sabihin sa kanya? Sorry dahil may asawa na ako. At malalagot ako kapag sinuway ko siya. Gustuhin ko man na ipagtapat sa kanya ang totoo ay ayaw ko naman siyang madamay sa galit ni Oliver.
Mabilis akong pumara ng jeep pauwi sa mansyon. Pero hindi ko inaasahan ang bubungad sa akin. Nakauwi na pala si Oliver. Nakatingin siya sa akin na wala paring emosyon. Isang linggo man ang dumaan ay wala pa ring nagbago sa kanya.
“Pack your things, sasama ka sa akin.” malamig na utos niya sa akin.
Hindi ako sumagot at umakyat na ako. Kaagad akong nag-impake, pagkatapos ko ay binuhat ko ang maleta ko pababa. Masamang tingin kaagad ang ibinigay sa akin ng mommy niya. Alam ko na nais niya akong manatili rito para pahirapan ako.
“Bakit kailangan niyo pang lumipat, anak? Dito na lang kayo.” tanong niya sa anak niya.
“Masyadong malayo sa office at napapagod ako sa biyahe.” sagot ni Oliver sa mommy niya.
“Ganun ba, anak. Bakit isasama mo pa itong babae mo? Ano bang balak mo sa kasal niyo ni Laureen?”
“Mom, let’s not talk about it. Pagod ako at gusto ko ng magpahinga.” sabi niya at mabilis niya akong hinila palabas sa mansyon.
Panay pa rin ang salita ng mommy niya pero hindi ito pinansin ni Oliver. Siya ang nagdrive ng kotse niya at kagaya pa rin ng dati ay tahimik lang kami pareho. Nakarating na kami sa isang sikat na condominium. Tahimik lang akong nakasunod sa kanya. Bumungad sa akin ang isang magandang unit. Itinuro niya ang magiging silid ko pero nagulat ako dahil sa silid niya ako pinapasok. Nagtataka man ako ay hindi na lang ako nagtanong.
“May gusto ka bang iluto ko?” tanong ko sa kanya.
“None,” mabilis na sagot niya sa akin.
“Okay,” mahina na saad ko.
“Aalis ako at hindi ko alam kung ano oras ako uuwi.” saad niya sa akin at lumabas na sa silid niya.
Nang makaalis na siya ay inikot ko ang buong condo unit niya. Naka-lock ang ibang silid. Kaya siguro doon niya ako pinatuloy. Pero dahil ayoko na makasama siya sa iisang silid ay inilabas ko ang gamit ko at nilagay ko sa storage room. Nilinis ko ito ng maayos at naglatag ako ng kumot at unan. Malaki ito at kasya ako.
Nagluto lang rin ako ng pagkain ko. Kahit na sobrang sama ng pakiramdam ko ay pinilit ko pa rin na asikasuhin ang sarili ko. Hindi ako puwedeng magkasakit dahil walang mag-aalaga sa akin. Kailangan ko pa rin mabuhay kahit na gaano pa kahirap ang pagdadaanan ko.
Uminom ako ng gamot. Pagkatapos ay natulog na ako. Nang magising ako ay sobrang nilalamig ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Mas binalot ko pa ang sarili ko ng kumot. Ala una na pala ng madaling araw nang tumingin ako sa orasan. At hindi pa nakaka-uwi si Oliver. Pero nagulat ako sa pagdating niya.
“Where are you?!” sigaw niya.
“Malilintikan ka talaga sa akin! Subukan mo akong layasan ay papatayin ko ang daddy mo!”
“N–Nandito ako,” nauutal na sagot ko sa kanya dahil takot ako sa sinabi niya.
“What are you doing there? Umiiwas ka ba sa obligasyon mo sa akin? Papatunayan mo ba talaga sa akin na wala kang kwenta!” Galit na tanong niya sabay hila sa akin patayo.
Lalo akong nahilo sa ginawa niya sa akin. Kaya napa-pikit na lang ako.
“What the h*ll?! Bakit ang init mo?!” sigaw niya sa akin pero bigla na lang dumilim ang buong paligid.