“Saan mo ba talaga ako dadalhin? Bakit kailangan nating sumakay sa kotse na yan?” Tanong ko sa kanya nang tumapat na kami sa kulay gray na kotse. Hinila ko ang kamay ko at muling pinagdudahan siya.
“Miss iyakin, hindi naman pwedeng iwan ko ang kotse ko dito. Banda roon pa ang bahay namin.” Turo niya sa akin papunta sa malayo.
Binuksan niya ang unahang bahagi ng pinto at ipinasok ako sa loob. Umikot siya sa kabila upang sumakay naman sa driver seat.
“Marunong kang mag-drive?” Nag-aalalang tanong ko sa kanya. Para kasing hindi pa naglalayo ang edad naming dalawa. Pero matangkad siya sa akin.
“Oo naman! Sampung taong gulang pa lamang ako nang mag-umpisa akong turuan ni Dad, at ngayon ay may license na din ako. Wag kang mag-alala hindi naman ako kaskasero.” Nakangiting sagot niya sa akin. Napadikit ako sa pintuan ng kotse nang bahagya siyang lumapit sa akin. Yakap ko pa ang aking sarili dahil sa matinding lamig na ngayon ko lang naramdaman dahil malamig din dito sa loob ng kotse.
Akala ko ay may balak na siya sa akin pero may kinuha lang pala siya sa likuran na upuan.
“Ipunas mo itong tuwalya sa buhok mo. At itakip mo sa katawan mo mamaya.” Hinagod niya ako ng tingin ang basa kong buhok pababa sa aking mukha hangang sa aking harapan. Saka ko pa lamang napansin na bakat na pala ang aking baby bra. Kaya napatakip ako sa aking sarili. Tumikhim siya at ibinalik ang tingin sa harapan.
“Mabuti na lamang at hindi ko nakakalimutan na magdala ng tuwalya dahil sa swimming lesson ko.” Sambit niya pero hindi ko na lamang pinansin. Mas lumakas pa ang buhos ng ulan. Ngayon ko lang naisip kong hindi niya ako kinumbinsi baka naroon pa ako ngayon at basang-basa na parang sisiw.
Tahimik lang ako nang mag-umpisa siyang paandarin ang kotse. Gaya nga ng sinabi niya ay dahan-dahan lang ang pagmamaneho niya. Ilang sandali lang ay tumigil na siya.
“Andito na tayo.” Sambit niya. Muli siyang bumaba bitbit ang hindi kalakihan na payong at umikot sa gawi ko. Binuksan niya ang pintuan at inilahad ang kanyang kamay. Nakatakip na sa katawan ko ang tuwalya na ibinigay niya. Malaki ang tuwalya ay balot na balot ang katawan ko. Nahihiya man ay wala na akong choice kundi sumama sa kanya. Nawala na rin kasi ang pagdududa ko dahil naramdaman kong mabait siya.
Pagkababa namin ay pumasok kami sa malaking gate.
“Dumikit ka pa sa akin para hindi tayo mabasa.” Wika niya sa akin. Naiilang na inilapit ko pa ang aking sarili hangang sa makarating kami sa pinto. May pinindot siya sa gilid at lumikha yun ng ingay. Maya-maya pa ay bumukas na rin ang pinto.
“Senyorito? Naku ano pong nangyari sa inyo at basang-basa kayo?” Wika ng isang babae na sa tingin ko ay may edad na.
“Aling Rosa, pakitulungan naman po siya. Nakita ko sa playground kanina. Wala siyang mapuntahan kaya inuwi ko muna.” Sambit niya. Napayuko ako dahil sa mapanuring mata ng ginang.
“S-sige po, halika iha.”
Hinawakan niya ako sa kamay at iginiya sa kung saan. Nagpatianod akong sumunod sa kanya. Paglingon ko ay nakangiti pa rin ang binata sa akin na hangang ngayon ay hindi ko pa rin kilala. Ipinasok niya ako sa isang kwarto.
“Kwarto ko ito, dito ka na rin maligo. Ano ba kasing nangyari sa’yo? Saka ano bang pangalan mo iha?” Tanong niya sa akin nang maisara na niya ang pinto.
“Emerald po, pasensya na po kayo Aling Rosa. Nagpumilit po kasi yung senyorito niyong tulungan ako.” Nakayukong sambit ko sa kanya.
“Naku! Mabuti na lamang at si senyorito Noah ang nakakita sa iyo. Mabait talaga ang batang yun. Kahit nga pusakal inuuwi ng batang yun dito.” Litanya niya.
“Emerald, maligo ka muna doon hubarin mo yang mga damit mo para malabhan kaagad. Ihahanap muna kita ng duster ko.” Wika niya nang hinila niya ako sa pintuan ng banyo. Pumasok ako sa loob at hinubad ang lahat ng damit ko. Ipinatong ko yun sa lababo.
“Akin na yang damit mo.” Narinig kong sabi niya mula sa labas. Nahihiya man ay ibinigay ko na lang sa kanya ang basa kong damit saka ko palang naalala na naiwan ang isang bag ko ng damit doon sa bahay ng Tatay ko. Nawala sa aking isip dahil abala ako sa aking nararamdaman na galit. Pagkatapos kong naligo ay ibinalot ko ulit ang sarili ng tuwalya. Paglabas ko ng banyo ay may nakalatag na damit sa ibabaw ng kama. Nilapitan ko yun at tinignan. Bumukas ang pintuan at bumungad sa akin si Aling Rosa.
“Yan muna ang suotin mo mamaya rin ay matutuyo na rin yung damit mo. Pinagliitan ko yan noong payat at bata pa ako. Yan naman underwear ay kinuha ko sa kabinet ni Elisse. Kapatid ni Noah na nasa abroad. Sa tingin ko kasi magkasing edad lang kayo at sigurado akong kasya yan sayo. Wag kang mag-aalala bago naman yan.” Nakangiting sabi niya sa akin.
“Pasensiya na po ako Aling Rosa, pero salamat po sa pagtulong niyo.” Nangingilid ang luhang sambit ko. Hindi ko akalain na may mabubuting tao pa rin pala sa mundo. Matapos nang naranasan ko kanina sa asawa ni Itay nakatagpo naman ako ng mababait na tao. Kahit hindi nila ako kilala ay pinatuloy nila ako sa kanila.
“Wala yun, pagkatapos mong magbihis ay lumabas ka na rin dahil sabi ni senyorito Noah sabay daw kayong kumain.”
“Opo, maraming salamat po ulit.” Sambit ko lumapit siya sa akin at inilagay niya ang kamay sa aking balikat.
“Iha, kung ano man ang pinagdadaanan mo ngayon. Magtiwala ka, dahil pansamantala lamang ang lahat. Wag mong kalimutan na may diyos tayo. Kahit ano pwede mong ilapit sa kanya. Kung may pinagdadaanan ka man ngayon na nagpapahirap sa’yo. Wag mong isipin na hindi ka mahal ng diyos. Maaring sinusubok ka lamang niya. Pero may plano talaga siya sa’yo. Wag kang susuko. Naintindihan mo?” Mahinahon na wika niya sa akin. Naramdaman ko na lang ang pagtulo ng aking luha. Hindi ko alam pero dahil sa sinabi niya nagkaroon ako ng panibagong lakas. Pero hindi ko pa rin alam kung ano na ang mangyayari sa akin ngayon at kung babalik pa ba ako kina Itay.