Nagpatuloy ako sa pagtakbo hangang makarating ako sa isang bakanteng lote. Marami din akong nadaanan na mga bahay pero hindi ko mahanap ang tamang lugar palabas ng kalsada. Hindi kasi ako pamilyar sa mga dinaanan namin kanina. Nagpasya akong tumigil pansamantala. Sa tingin ko ay parke ang lugar na ito dahil marami ang palaruan ng bata sa lugar na ito. Wala pa ring tigil ang pagpatak ng aking luha naalala ko si Inay nawala siya sa mundo na hindi man lang niya alam ang katotohanan. Pagkatapos nagdurusa naman ako ngayon dahil hindi ko kayang tangapin ang ginawa ni Itay at pati na rin ang galit ng asawa niya sa akin. Mabuti na lamang at walang tao sa parke pwede akong umiyak ng walang nakakakita at nakakarinig sa akin. Dahan-dahan akong umakyat sa hagdan ng may padulasan. Tumigil ako sa gitna at umupo. Sinandal ko ang aking likod sa bakal at niyakap ko ang aking tuhod, iniyuko ko ang aking ulo upang itago ang basa ko ng mukha dahil sa luha. Para akong batang humahagulgol na iniwan ng magulang. Pero wala akong paki-alam walang paglagyan ang sakit ng aking nararamdaman.
Minsan gusto kong tanungin si papa God, kung bakit lumaki akong walang kompletong pamilya. Kung bakit nahirapan kami ni Inay. Kung bakit kinuha niya ito sa akin at kung bakit niya ako hinahayaan na mahirapan sa mura kong edad. Alam ko hindi ako masamang tao pero bakit parang pinaparusahan niya ako?
Ngayon ay naisip kong bunga ako ng isang kasalanan at pagtataksil ni Itay sa kanyang asawa. Kaya siguro ako pinaparusahan dahil hindi dapat ako narito sa mundong ito. Hindi dapat ako nabuhay at hindi dapat ako nandito.
“Nay? P-pwede bang isama niyo na lang po ako? Hindi ko na kaya Inay, hirap na hirap na po ako. Namimiss ko na po kayo Inay. Wala na pong nagmamahal sa akin dito.” Humihikbing paki-usap ko habang nakatingin sa langit. At patuloy ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi. Namimiss ko na ang nanay ko, ngayon ko napagtanto na mahirap mabuhay ng walang nanay. Kailangan ko siya, kailangan ko ng yakap niya. Upang mapanatag ako, upang hindi ako matakot sa kakaharapin ko pang pagsubok.
“Inay nangako ka sa akin diba? Sabi mo hindi mo ako iiwan? Sabi mo dito ka lang sa tabi ko? Nasaan ka? Gusto kitang makita….. Yakapin mo po ako please.”
Nagsusumamo kong pahayag. Muli akong yumuko upang humagulgol. Hindi ko dapat pinagdadaanan ang ganitong pagsubok sa buhay.
Naramdaman ko ang pagpatak ng ulan. Ngunit hindi na ako nag-abala na umalis pa sa aking kinaroroonan. Pakiramdam ko ay nawalan na ako ng gana pang tumakbo at magtago sa lilim ayaw gumalaw ng aking katawan at gusto kong manatili na lamang dito kung saan malaya kong nailalabas ang aking sama ng loob.
Palakas ng palakas na rin ang ulan pero hindi parin ako natitinag sa kinauupuan ko at nanatili lamang akong nakayuko at yakap ang tuhod. Wala na rin naman akong mapupuntahan pa dahil alam kong hindi naman ako kayang tangapin ng pamilya ni Itay.
Nasa ganun akong kalagayan nang may makita akong paa sa harapan ko. Nawala din ang malakas na ulan na bumabasa sa aking pagod na katawan. Napatingala ako at nakita ko ang mukha ng isang lalaking nakangiti sa akin habang nakahawak ng kulay itim na payong at pinapayungan niya ako upang hindi ako maulanan. Hindi ko man lang naramdaman ang pagdating niya dahil na rin siguro sa lakas ng ulan.
“Kaya pala biglang sumama ang panahon, ikaw pala ang may kagagawan.” Nakangiti niyang sabi sa akin.
“Pati ba naman ang pagpatak ng ulan isisisi mo sa akin?” Malungkot kong pahayag. Hindi naman kasi ako nakaramdam ng takot sa kanya. Mukha ding hindi naglalayo ang aming edad. Pero tingin ko ay matangkad siya sa akin. Kaagad siyang yumuko upang magpantay ang aming mukha.
“Grabe, nagbibiro lang naman ako. Wag ka ng magalit miss iyakin. Alam mo bang bahain ang subdivision na ito? Kapag hindi tumigil ng pag-iyak baka mamaya niyang tumaas ang tubig dito at malunod pa tayo.” Litanya niya sa akin.
“Weh? Talaga?” Di makapaniwalang tanong ko sa kanya.
“Oo! Kaya tumayo ka na riyan at ihahatid na kita sa inyo.” Dagdag pa niya. Saka ko lamang napansin ang gwapo niyang mukha. Magaganda siguro talaga ang mga nakatira sa siudad. Masyado kasing makinis at maputi ang balat niya. Bukod doon napaka-kapal din ng kanyang kilay at maganda ang kanyang mga mata nakangiti ito habang nakatitig lang sa akin.
Kaagad akong nagtakip ng mukha dahil nahiya ako sa kanya. May kakaiba kasi sa tingin niya na ngayon ko lamang naramdaman at hindi ko kayang ipaliwanag.
“Wala naman akong uuwian dito. Wala na rin ang Inay ko ang nag-iisa kong pamilya. Kaya iwan mo na lang ako.” Saad ko. Yumuko akong muli upang itago ang pangingilid ng luha ko.
“Sigurado ka? Pero paano ka napadpad dito? Imposible namang nakalagpas ka sa mga gwardya sa labas?” Tanong niyang muli. Hindi na ako sumagot pa dahil baka dalhin niya ako sa aking Ama. Halos magkakapareho din kasi ang bahay dito kaya hindi ko alam kung saan ako lalabas o san ako nangaling kanina. Lalo pa at malakas din ang buhos ng ulan.
“Kung wala kang mauwiang iba duon ka muna sa bahay namin. Mabait si Mommy at Daddy.” Sambit niya kaya napatingin ulit ako sa kanya. Hindi ko alam kung anong oras na pero pagod na ang katawan ko at mahapdi na rin ang aking mata sa matagal na pag-iyak. Hindi ko na rin napigilan ang pagtunog ng tiyan ko dahil sa gutom na ikinagulat niya.
“See? Hindi ka lang basa sa ulan. Mukhang galit na rin ang mga dinosaur’s mo sa tiyan…” Natatawang sabi niya sa akin. Lalo ko lamang napansin ang ka-gwapuhan niya dahil sa pantay at maputi niyang ngipin.
“Let’s go!” Saad niya. Tumayo siya at inalok niya ang kanyang kamay sa akin.
“H-hindi ako sasama sa’yo hindi kita kilala. Sabi ni Inay masama daw ang sumama sa hindi kilala.” Litanya ko sa kanya. Yun naman kasi ang laging sinasabi ni Inay kapag umaalis ako ng aming bahay.
“Okay, naintindihan ko. Heto! Gamitin mo sa akin yan kapag may ginawa ako sayo. Solid yan! Matigas pa sa ulo mo yan kaya kapag naramdaman mong may gagawin ako sa’yo ihampas mo yan sa akin.” Nakangisi niyang wika sabay abot sa akin ng matigas at mahabang bagay.
“Ano ba iyan?” Tanong ko sa kanya.
“Baseball bat, tangapin muna para makaalis na tayo dito dahil pareho tayong mababasa at isa pa baka magkasakit pa tayo nito. Mahina pa naman ako sa ganitong weather.” Sambit pa niya sa akin.
Dahan-dahan kong inabot ang baseball bat na hawak niya. Napagtanto kong mabigat nga yun.
“Tara!” Kaagad niyang hinila ang kamay ko pababa sa padulasan.