Kabanata 4

1983 Words
"Grabe ang batang iyan, mas maliksi pang kumilos kesa sa dalawa. Napakaliit ng katawan pero mabilis kumilos at masipag. Naka-isang buhat ng tray iyang dalawa siya pangatlo na," bilib na bilib na wika ni Mang Emong. Ito kasi ang nagti-check kung tama ba ang naibababang products ng kanilang kargador. Manghang-mangha ito sa babaeng nagpresentang magtrabaho sa kanila bilang kargador. Kahit siya naman ay namamangha din sa taglay nitong liksi. Babae ito at napakaliit pa kaya talaga kahit sino ay magtataka kung papano nito nakakayang magbuhat ng mabigat at kumilos ng maliksi kahit na may buhat ito. "Nagpapakitang gilas siguro manong para nga naman magustuhan natin sya. Syempre next time niyan, hihiling na iyan na talagang i-hire na natin siya ng tuluyan," napapailing na turan niya. Wala siyang balak na tanggapin ang babae lalo pa at batid niya na hirap naman talaga ito sa ginagawa. Tsaka mga kalalakihan ang kasama niya sa pagde-deliver. Hindi maaaring isabay sa kanila, naawa lamang siya kanina dito dahil nakita niya kung papano ito talakan ng babae. "Sabagay, mukhang matindi ang pangangailangan niya Solomon. Kawawa naman, ano kaya ang ginagawa ng mga magulang niya para gawin niya ang mga bagay na hindi naman dapat gawain ng isang babae. Tsaka maganda ang batang iyan, kahit na ganyan ang pananamit niya hindi matatawaran ang ganda. Buti na lamang walang nambabastos sa kanya dito," muling wika ni Mang Emong. Narinig niya kanina na may sakit ang ina nito kaya siguro nandito ito sa palengke para kumita ng pera. Sa itsura nito parang nasa dalawampu o hindi pa lalampas sa dalawampu ang edad nito dapat nasa eskwelahan ito at nag-aaral. Sabagay, dito nga pala sa kanilang probensya bibihira ang nakakapagpa-aral ng mga anak sa kolehiyo. Kung hindi maagang nag-asawa, nagtatrabaho naman para tumulong sa pamilya. Mukhang iyon ang kinahinatnan ng babae, bata pa at dapat nag-eenjoy pa sa buhay pero heto at mukhang problemado na buhay. Maya-maya ay nakatapos na ang mga ito kaya naman lumipat na sila sa ibang pwesto sa palengke hanggang sa maubos ang kanilang dinideliveran. Mababakas sa mukha ng babae ang pagod pero todo ngiti pa rin ito sa kanilang mga suking pwesto, nakikipagbiruan pa at karamihan ay talagang kasundo ng babae. Lalong naging kapansin-pansin ang kagandahan nito habang matamis na nakangiti sa kanilang mga suki, pawisan pero hindi iyong naliligo sa pawis na mukhang amoy mabaho. Kanina nga napadaan ito sa harap niya pero nagustuhan niya ang amoy nito. Isang mumurahing cologned ang naamoy niya na humalo sa pawis nito pero masarap amuyin, parang natural lamang na amoy nito iyon. Napaiwas pa nga siya ng tingin ng mapadako ang tingin niya sa makinis nitong leeg na dinadaluyan ng pawis, lalo na ng punasan nito iyon ng panyo na dala-dala nito papasok sa ibabaw ng dibdib. Napatikhim pa siya bago umiwas ng tingin, pano ba naman nakangiti ito, nakikipag-usap sa isa nilang suki habang pinupunasan ang leeg hanggang sa puno ng dibdib kaya di sinasadyang napatingin siya doon. Ilang sandali pa at naubos na lahat ang laman ng kanilang truck kaya naman inaya na niya ang mga ito na kumain muna sa karendiryang nasa labas ng palengke para bumalik ang lakas ng kanyang mga kargador. Syempre kasama ang babae. Napansin niya ang pagningning ng mata nito ng mapatingin sa bulalo. Kaya inisip niya na baka iyon ang ulam na nais nito. "Sige na maupo na kayo, ako na ang o-order." wika niya tsaka itinuro na niya sa serbidora ang nais na ulam ni Mang Emong, pati na ang mga kargador kasama ang babae. Pero bulalo ang inorder niya para dito tsaka dalawang kanin. Matapos magbayad, nagtungo na siya sa lamesa nila. Never pa siya naka-try na kumain sa ganong kainan, pero simula nong magpasya siyang magpanggap bilang driver. Natuto na siyang kumain sa ganitong uri ng kainan. Maliit na karinderya lang ito, napakamura na ng pagkain pero napakasarap naman ng pagkakaluto. Lalo na iyong bicol express nila dito. Ilang minuto pa at isinilbi na sa kanila ng isang serbidora ang kanilang mga pagkain. "Pray muna tayo bago kumain," wika niya pero natigilan siya pati na ang kasamahan niya ng mapatingin sa babae. Naglagay na kasi ito ng sabaw ng bulalo at nag-umpisa ng kumain. Natigilan naman ito ng mapansin sila na nakatingin dito. "N-Naku, pasensya na po mga kuya. G-Gutom na gutom na po kasi ako, katunayan po dalawang nilagang kamote lamang po at mainit na kape ang inalmusalan ko kaya kanina pa po ako n-nanginginig sa gutom," nahihiyang paliwanag nito. "Ahh, ganon ba? S-Sige na Miss kain ka na diyan. Kung gusto mo pa ng kanin at ulam, sabihin mo lang." nakangiting wika niya, nakaramdam siya ng awa dito. Biruin mo kaninang madaling araw pa ito sa palengke, tapos ngayon malapit na mag alas syete. Napakabigat ng trabaho nito, kaya pano nito nagagawang makatagal na ganon lang ang kinain sa umaga. Matapos nilang magpasalamat sa Maykapal, nagsimula na rin silang kumain. Sinanay kasi siya ng kanyang Mama at Papa na magpasalamat sa Itaas, malaki man o maliit na biyaya ang matanggap niya. Kaya nasanay na rin ang kanyang mga kasamahan, halos isang buwan na ba naman silang magkakasama. Siya na nga ang gumagastos ng para sa pagkain ng mga ito, ang alam kasi niya may allowance ang mga ito sa pagkain. Katulad din ng iba pang trabahador pero minabuti niyang ilibre na ang mga ito sa pagkain para naman dagdag kita pa ang allowance ng mga ito at maaari pa nilang iuwi iyon sa kani-kanilang pamilya. Ilang minuto na silang kumakain bago niya napansin na tila sinasadya ng babae na hindi pakialaman ang laman ng ulam nitong bulalo. Sabaw lamang ang inuulam nito pero tinitipid pa nga pati sabaw. Kumuha lamang ito ng kaunting gulay na sahog ng bulalo tsaka magana na itong kumakain, halos maubos na nga nito ang dalawang order ng kanin. Nagkatinginan ulit sila ni Mang Emong papabayaan na sana niya pero parang hindi niya masikmura ang ginagawa nito ang na samantalang sila kinakain ng ulam nila. Tapos ito sadyang hindi pinapakialaman ng ulam at naisip niya na marahil hindi ito kumakain ng karneng bulalo. "Ineng bakit hindi mo inuulam ang bulalo mo. Ayaw mo ba ng karneng baka?" Hindi nakatiis na tanong ni Mang Emong. Tila nahihiya itong tumingin sa matanda pati na sa kanya. Tsaka dahan-dahang binitawan ang kutsarang hawak nito. "Hindi po sa gano'n Mang Emong sa totoo po niyan favorite ko po ang bulalo kaya lang po okey na po ako sa sabaw at least po nakatikim ako kahit sabaw lang. Gusto ko po kasi na dalhin iyong tira ko kay Inay kasi malaking tulong po sa kanyang makahigop ng masarap na sabaw ng bulalo. Sa totoo lang po hindi ko na po matandaan kung kailang panahon pa po huling nakahigop ng sabaw ng bulalo ang Inay. Lalo na po ngayon may sakit sya kaya kailangan po niya ito. Hayaan nyo na lamang po ako, malakas pa naman po ako ei." nakangiting pahayag nito sa kanila tsaka sinimulan ulit ang pagsubo. "Kainin mo na miss ang ulam mo, order nalang tayo ng bago para sa iyong Inay," wika naman niya dito. "Naku huwag na po Boss. Okay na po ako dito sa sabaw lang. Sayang naman po kasi kung mababawasan pa ang masasahod ko mula sa inyo, kailangan ko po kasi iyon para makabili ng pagkain namin para ngayong tanghalian at hapunan, pati na rin po sa gamot ni Inay," pigil nito sa kanya. "Hindi ko ikakaltas, ako ang magbabayad. Sige na kainin mo na yan, sa susunod siguraduhin mong may laman ang tiyan mo bago ka magtrabaho. Mas mahirap kung ikaw naman ang magkasakit, papano na ang Inay mo at mga kapatid mo," wika niya dito. Namilog naman ang mata nito, at tila di makapaniwala sa kanyang sinabi. "T-Talaga po?! Naku salamat po boss!" masayang wika nito, nangniningning pa ang mata. Hindi pa nasiyahan at hinawakan pa ang kamay niya ng mahigpit. Agad namang siyang napatikhim sabay tingin sa mga kasamahan. Tsaka marahas na hiniklas iyon mula sa pagkakahawak ng babae. "Ay naku po, s-sorry po boss! Sobrang natuwa lang po talaga ako, sa totoo lang po kasi elementary pa po ako hiling nakatikim ng bulalo. Kaya po di ko po napigilan ang sarili ko, buti nga po hindi ko kayo nayakap ei!" todo ngiti pang paliwanag nito. Muli siyang napatikhim, si Mang Emong naman ay nakangiti sa kanya at ang dalawa pa nilang kasama ay tila pinipigil ang tumawa. Bahagya naman siyang lumayo sa babae, sila kasing dalawa ang magkatabi. Ang babae naman ay tila wala ng pakialam, linantakan na nito ang bulalo na kanina lamang ay tinitipid nito. Tsaka siya nagpatuloy na rin sa pagkain. Matapos nilang kumain, inabutan niya ng two thousand pesos ang babae kahit na halos dalawang oras lamang ito nagtrabaho, bahagya pa ngang namilog ang mga mata nito pag-abot niya ng pera. Inorderan na rin niya ng dalawang order ng bulalo at sinamahan pa ng Igado para mamayang pananghalian ng mga ito hindi na nito problemahin pa ang ulam para sa tanghalian. "B-Boss, sobra-sobra po ito sa napag-usapan natin. Okey na po ako sa 300, hindi naman po ganon kabigat ang mga binuhat ko ei. Tsaka dalawang oras lang po ako, karamihan pa doon nakatayo lang. Tapos nilibre nyo pa po ako ng pagkain at binilhan nyo pa ng iuuwing ulam para kay Inay at sa mga kapatid ko. Okey na po itong 300 sa akin, sige na po tanggapin nyo na itong sobra." tanggi nito sa ibinigay niya at pinipilit na ibalik ang 1,700. Natutuwa siya sa asal nito, hindi mapagsamantala. Pero sinadya niya talaga pasobrahan ang sahod nito kesa sa napag-usapan nila. Para sa kanya ei tulong na lamang niya ang 1,700 dito. Pambili na rin nito ng bigas at ilang pangangailangan nito sa bahay. Iniisip din naman niya na ito na ang huli kaya maano bang pasobrahan niya, isa pa nagmula sa sarili niyang pera ang pasobra dito at syempre pinambili ng ulam. "Sige na, sa iyo na yan. Pambili mo ng bigas at gamot ng Inay mo. Ito na rin naman ang huli nating pagkikita kaya isipin mo na lang na tip ko yan para sayo." seryosong wika niya tsaka akmang aakyat na sa driver set mg truck. Ngunit agad siya nitong pinigilan. Hinawakan nito ang laylayan ng polo shirt niya. "S-Sir, Boss, Amo, saglit lang naman. Ito naman masyadong nagmamadali ei. Wag naman po last na pagkikita natin, di pa naman po ako mamamatay ei. Kayo ha, ang lala nyo sakin!" kunwa'y pairap na wika nito pero tila nagpapacute at pinikit-pikit pa ang mata habang tila iniipit ang sariling labi. "Sino ba may sabi na mamamatay ka, pasaway to. Ang sabi ko, huli na nating pagkikita dahil ito na ang huling beses na makakasama ka namin." wika niya at muling aakyat na sa truck. "Sir! Ang labo nyo naman po ei! Akala ko ba sabi nyo kanina tanggap na ako bilang kargador nyo, bakit ngayon binabawi ninyo? Boss naman, wag naman pong ganon. Kakaumpisa ko lang sisante na agad ako?" wika nito, parang maangas pa pagkakasalita nito pero napansin niya na parang pinipigilan nito ang maluha, mama-samasa na kasi ang mga mata nito. "Miss, hindi ako ang may ari kaya wala akong karapatang mag-hire. Isa pa, wala ng bakante. Absent lang iyong isang kargador pero bukas siguradong papasok na iyon. Tsaka sabi ko lang kanina na tanggap kana kasi naawa ako sayo, binubungangaan ka na nong Ale ei. Pero hindi ibigsabihin non na magtatrabaho ka na ng permanente kasama namin. Pasensya na pero wala na akong magagawa," seryososong pahayag niya dito. Nagbago agad ang masayang aura nito kanina. Nakita niya ang pagpatak ng luha nito pero agad ding pinahid nito iyon. "S-Sige po Boss, salamat po. Pasensya na k-kung mali ang pagkakaintindi ko." hinging paumanhin nito tsaka bahagyang yumukod sa kanya. Hindi na siya nagsalita pa, tuluyan na siyang sumakay sa truck at nagmaniobra na palayo sa palengke. ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD