Isang linggo matapos ang insidente na iyon ng makilala niya ang babaeng umekstra bilang kargador sa kanila. Sabihin man na tuluyan na niyang tinapos ang ugnayan nila pero hindi pa rin niya maiwasan na mag-alala para sa babae. Isang linggo na silang nagdedeliver sa palengke na iyon pero hindi pa rin niya ito namamataan. Pasimple kasi niyang hinahanap ang babae pero hindi niya ito makita. Imposible namang hindi na ito naghahanap ng mapapasukan sa palengke o nagtatrabaho doon.
Nakokonsensya tuloy siya sa naging desisyon niya dati. Pwede naman sana niya itong i-hire pero ewan ba niya parang natatakot siyang mapalapit dito. May kakaiba kasi sa kanyang damdamin na hindi niya maipaliwanag. Hindi niya mawari kung awa ba o ano, tsaka bata pa ito at batid niyang hindi ito nababagay sa plano niya. Mukhang wala itong pakialam sa ibang bagay, sa pamilya lamang at syempre kumita ng pera ang pinagtutuunan nito.
"Mang Emong maiwan ko muna po kayo diyan ha, may nakita akong sariwang pusit sa kabila. Favorite iyon ni Mama kaya bibili ako para maipaluto ko kina Manang, ikaw na muna po ang bahala," paalam niya sa may edad ng lalaki.
"Sige na Solomon wag kang mag-alala ako na ang bahala muna dito," nakangiting wika naman nito.
"Salamat po Mang Emong." Iyon lamang at tumalikod na siya ng tuluyan patungo sa kabilang parte ng palengke kung saan nandoroon ang tindahan ng mga isda at iba pang mga lamang dagat. Nasa may pwesto na kasi sila ng mga karne kaya kinailangan niyang umikot pa. Paborito kasi ng kanyang Mama ang pusit lalo na kung sariwa ito. Kanina kasi namataan niya ng mag-deliver sila doon sa suki nila na medyo malapit, hindi na niya nabalikan dahil tumuloy na sila sa iba nilang suki.
Malapit na siya sa may pwesto ng nakitaan niya ng sariwang pusit ng maagaw ang pansin ng tila nag-aaway na lalaki at babae.
"Anong gagawin mo sa mga natapon na isda na iyan?! Sa tingin mo may bibili pa ng mga 'yan?!" Narinig niyang galit na singhal ng lalaki sa babaeng kaaway nito, nakatalikod ang babae sa kanya.
"Manong, pano namang hindi sariwa ang mga isda na iya, natapon lang hindi na sariwa at hindi na mabibili? Maaari ko namang pulutin iyan dahil natapon lang naman at kahit iyong mga yelo na natapon pwede ko rin naman pulutin. Kung hindi man, ako na mismo ang bibili ng yelo para sa inyo pero iyong pababayaran mo sa akin ang buong banyera ng isda sumusobra naman na po yata kayo!" Wika ng babae.
"Aba ei sino pa ba ang magbabayad ng lahat ng ito?! Sinasabi mo ba na ako ang may kasalanan? Sino ba sa atin ang nakatapon ha?!" Galit na singhal muli ng lalaki.
"Binangga ninyo ako diba? Alam nyo naman na napakabigat ng mga iyan tapos ngayong natapon gusto nyo pabayaran sa akin? Nasaan naman ang konsensya nyo doon Manong? Kaya nga ako na nagbubuhat ng mga iyan para kumita ng kakarampot na pera mula sa inyo. Pero heto at sinisingil ninyo na ako kahit alam naman ninyo na wala akong kakayahang magbayad. Pagkain nga ng pamilya ko at pambili ng gamot ng Nanay ko, hirap ko pang kitain ei. Tapos iyan pa ang gagawin ninyo, sisingilin nyo ako kahit naman pwede nyo pa iyang ibenta, grabe naman po kayo Manong?! Maaari nyo pa namang pulutin at itinda dahil hindi naman nadumihan at nabilasa. Wala ho ako maibabayad diyan, aalis na lamang ho ako kung ayaw ninyong tulungan ko kayo sa pagpulot." Galit din na pahayag ng babae at akmang aalis na ngunit agad na hinawakan ng lalaki ang braso nito.
"Sinong may sabi sayong pwede kang umalis ha!" Singhal nito habang hawak-hawak ang braso ng babae.
"Aray ko, nasasaktan ako ano ba?!" Daing nito at pilit na nagpupumiglas.
"Nababagay lamang 'yan sa'yo kapag hindi mo binayaran ang mga natapon na isda na iyan malulugi ako kaya kung gusto mo talagang makabayad, mabilis lang naman akong kausapin. Pwede naman nating pag-usapan ng tayong dalawa lang," wika ng lalaki tsaka tila may ibinulong sa babae.
"Bastos!" galit na wika ng babae tsaka walang babalang sinampal sa mukha ang lalaki.
Napansin niyang pati ang mga nanonood sa dalawa ay tila nabahala na rin. Mukhang iniisip ng mga ito na baka saktan din ng lalaki ang babae kaya naman agad na siyang lumapit sa mga ito at tamang-tama namang inambahan ng suntok ng lalaki ang babae kaya agad niyang sinalag iyon.
"Aba't tarantadong!" Galit na singhal ng lalaki pero agad niya itong inundayan ng suntok sa mukha, tumba ang lalaki sa sahig. Akmang aatakihin pa niya ito pero itinaas nito ang dalawang kamay.
"Tama na po Sir! Hindi na po, p-pasensya na!" Takot na takot na pagmamakaawa nito.
"Miss magkano ba ang ba— i-,ikaw?!" gulat na wika niya ng makilala ang babae. Hindi na kasi niya ito natingnan kanina dahil ang nasa isip lamang niya ay ipagtanggol ito sa lalaki lalo na at inambahan ito ng suntok.
"B-Boss?!" turan nito.
"Ikaw na naman? Bakit ba palagi na lamang sa pagtatagpo natin dito sa palengke ay nasasangkot ka sa gulo? Ano bang problema mo dito? Bakit ba galit na galit ang lalaking ito at nais ka pa yatang saktan? Ano ba ang mangyari?" tanong niya dito.
"Sampung banyera kasi ng mga isda ang kailangan kong buhatin, pito na ang nabuhat ko kaya medyo napapagod na rin at medyo ngalay na ang aking kamay pero ito kasing si Manong Oping, bigla akong nabangga habang buhat-buhat ko iyong isang banyera kaya naman, ayan dumulas sa kamay ko at natapon ang mga isda pati na ang yelo. Pero itong si Manong Oping nais na bayaran ko ang mga isda, hindi na daw mabebenta dahil hindi na sariwa. Natapon lang naman ang isda kaya bakit sasabihin niya na hindi na sariwa at alam na alam naman niya na nagtatrabaho ako dito sa palengke para kumita ng pera tapos sisingilin niya ako. Hindi pa nasiyahan ng akmang aalis na ako, nais pa yatang pumayag ako sa kabastusan niya para daw hindi na ako magbayad, kaya ayan nasampal ko sya," mahabang paliwanag nito sa kanya.
"Tskk, ikaw talaga palagi ka nalang nasasangkot sa gulo. Magkano ba ang babayaran ng mokong na ito sayo?" tanong niya.
"Seven hundred po dapat kung nakumpleto ko na sampung banyera ang nabuhat ko pero pito lang po at natapon pa iyong isa. Hindi ko po alam kung magkano pero kapag kasama po iyong natapon 490 po kasi ang usapan po namin 70 po sa bawat mabubuhat ko na banyera," sagot muli nito.
"Gano'n naman pala Manong, bayaran nyo na po siya para matapos na tayo dito. Tsaka hindi naman po nabilasa ang mga isdang natapon kaya bakit ninyo ipinagpipilitang bayaran niya? Isa pa, alam nyo po bang maaari kayong makasuhan dahil sa pananamantala ninyo dito sa bata? Isa pa may nais kayong gawing kahalayan sa kanya kaya po kapag nagreklamo siya sa pulis, tiyak na makukulong kayo. Sa uulitin po wag ninyo ng gagawin ang ganyang pananamantala, siguro nga sinadya nyo siyang banggain para mangyari ito at nang mapapayag mo siya sa kalokohan ninyo. Malas nyo lang hindi siya ganong klase ng babae. Ano isusuplong nalang namin kayo sa pulis o magbabayad kayo?" wika naman niya sa lalaki na may pagbabanta.
Nahihintakutan naman itong naglabas na lamang ng pera at iniabot sa babae ang isang libo.
"Ayan na, sayo na yan! Umalis na lang kayo dito, wag n'yo lang akong ireklamo. Malalagot ako sa asawa ko kapag nakarating ito sa kanya. Parang awa nyo na, pasensya na Ening hindi ko na uulitin iyon." Hinging paumanhin nito at akma pang luluhod.
"Wag na po Mang Oping, okey na po. Suklian nyo na lamang po ako, tama na po ang 500 lang. Iyon lang naman po talaga ang dapat kaya suklian nyo na lamang po ako o kaya naman palitan nyo ito ng 500," wika ng babae sabay abot sa lalaki ang isang libo.
Agad namang kinuha iyon ng lalaki at pinalitan na lamang ng 500. Iyon lamang at nagpaalam na dito ang babae, tsaka sabay na silang lumayo sa lugar na iyon. Hindi na niya nagawang bumili pa ng pusit, dumamii na kasi ang taong nakikiisyoso sa kanila. Hindi talaga mapanglamang ang babae, nakakatuwa lamang isipin na may ganito pa pala talagang klase ng tao. Mas nakakahanga dahil isa itong babae, bata pa at kahit na namomroblema sa pera ay halatang nais mamuhay ng marangal at lumaban ng parehas.
Kaya lang naaawa na siya dito dahil sa tuwing nakikita niya ito ay may kinasasangkutan itong gulo. Paano na lamang kung wala siya kanina baka nasaktan na ito nang lalaking iyon.
"Bakit pala hindi ka makakakuha ng regular na trabaho dito sa palengke? Ayaw mo ba kahit na tindera man lang para naman bagay sa iyo ang trabaho?" Hindi nakatiis na tanong niya dito.
"Hindi po kasi ako naka-graduate sir, tsaka kung aasa lamang po ako sa pagiging tindera, hindi po siguro sa sapat para sa amin ng aking pamilya. Kadalasan po ang sahod lamang po ng isang tindera dito sa palengke ay tatlong libo sa loob ng isang buwan. May dalawa pa po akong maliliit na kapatid ang nanay ko naman po ay may sakit kaya hindi rin po nakakapag trabaho. Ang tatay ko naman po ay hindi na po nagtatrabaho, palagi nalang po siyang umiinom at tila nawala po siya talaga ng gana sa buhay kaya ako na lamang po ang bumabalikat sa lahat ng tungkulin niya. Kaya kung aasa lamang po ako sa 3,000 ang month na sweldo ng pagiging tindera ay hindi po talaga sasapat, sa gamot pa lamang po ng aking Inay kulang na kulang na po iyon. Paano nalang po ang pagkain namin tapos si Itay pa kung minsan kapag umuuwi ng bahay hindi pwedeng hindi ako magbigay ng pera sa kanya. Lalo na kapag nais niyang uminom kung hindi sasaktan niya po kami. Kaya napipilitan po akong maging kargador dito sa palengke kasi sa araw-araw po minsan nakapag-uwi po ako ng 700, minsan naman po pag maganda-ganda po ang kita at marami pong nagpapabuhat ng mga banyera umaabot pa ng 2000. Pero kadalasan nga po ay bokya, maiuuwi man pero kulang na kulang po." mahabang paliwanag nito sa kanya na lalo niyang ikinamangha.
Talaga palang nakakaawa ang buhay ng babaeng ito kaya noong una niya itong makita ay halos magmakaawa ito doon sa isa nilang suki.
"Ay gano'n ba eh bakit hindi ka na lamang mag-stay sa isang amo para doon ka lang magbubuhat. Alam ko sa mga katulad nila meron silang sahod monthly at meron pa silang porsyento sa mga mabubuhat nila. Tsaka kung tutuusin napakahirap ng trabaho mo para sa isang katulad mo, babae ka tapos nagbubuhat ka. Alam mo bang delikado iyon?" wika naman niya dito.
Katulad kasi sa kanila may sweldo ang kanyang mga tauhan monthly at meron ding porsyento ang mga ito. Per kilo ang labanan sa bawat mabubuhat ng mgabitong karne at mga gulay. Sabi nga ng karamihan na masyado silang maalwan sa mga trabahador nila. Ang kanyang Papa ang nagpatupad niyon at isa pa tama lang din naman na suklian nila ang kabutihan ng kanilang mga trabahador lalo na at madarama mo ang pagmamahal at katapatan ng mga ito sa kanilang pamilya at syempre sa trabaho ng mga ito.
"Sa totoo lang po gusto ko po sana iyong gano'n kasi sa tingin ko po mas maganda po ang kitaan at libre na rin po ako ng pagkain. Katulad po sa mga kakilala kong nagbubuhat dito sa palengke. Libre na po ang pagkain at pamasahe, may sahod pa po kada isang buwan na sa tingin ko sapat na po, iyon nga lang po walang porsyento pero ang kagandahan po ay maaari pa rin akong umekstra sa iba. Okey na rin po sana iyon kaya lang po wala pong nais tumanggap sa akin dahil isa nga po akong babae. Sa isip nila hindi ko kakayanin ang trabahong kahit na nakikita naman nila kung paano ako magtrabaho kapag nakiki-extra sa kanila. Kaya kahit mahirap nagtitiyaga po ako, madalas man na konti lang ang kita pero meron pa rin kaya okay lang po konting tiis lang talaga para na rin po sa pamilya ko," pahayag muli nito.
Lalo namang naantig ang kanyang puso sa mga sinabi nito. Sabagay kahit noong una na nagmakaawa ito sa kanya na tumulong sa pagbubuhat para kumita ito ay nag-aalangan siya dahil naiisip niya na babae ito at walang kakayahan sa gano'ng trabaho tsaka naawa din siya dito. Pero nasubukan naman niya, nakita niya kung gaano ito kasipag at sabihin man natin na medyo nahihirapan talaga ito sa pagbubuhat pero kung maikukumpara mo ang liksi nito sa iba ei talagang masasabi niya na mas magaling pa ito sa mga datihan na nilang kargador.
"Saan ka na ngayon niyan 8am palang so ibig sabihin, maghahanap ka pa ng ma-i-extrahan?" tanong niya dito.
"Opo susubukan ko doon sa isang pinag i-extrahan ko kung papayag siya pero kung hindi po, siguro uuwi na lamang po ako ngayon. Salamat na nga lang po at nakita mo ako kanina kasi siguradong wala po akong maiuuwing pera sa amin dahil siguradong hindi ako babayaran ng Mang Oping na iyon," wika muli nito.
"Buti nga napadaan ako sa banda na iyon, bibili sana ako ng pusit pero nakita nga kita hindi kita agad nakilala kasi nakatalikod ka sa akin. Kailangan mo naman pala ng pera eh bakit hindi mo na lang tinanggap iyong binibigay ng lalaking iyon. Sayang din iyong 500 na nawala sayo one thousand na sana iyong binibigay sayo?" wika niya dito at hindi na siya nakatiis nagtanong na.
"Naku okay lang po iyon Boss, sobra-sobra naman na po iyong 500 dapat nga po 490 lang iyong ibibigay niya sa akin eh. Tsaka hindi po tama iyon na kesyo nagkaproblema kami ay manlalamang na po ako. Oo mahirap lang po kami, pero hindi po kami pinalaki ng aming mga magulang na manlamang sa kapwa tao. Nais ko po ay parehas lang, kung ano po iyong pinagpaguran ko iyon lang po ang dapat na matanggap ko kaya nga po noong binigyan niyo po ako ng dalawang libo no'ng nakaraan hiyang-hiya po ako no'n. Gusto ko nga po sana makapagtrabaho na nalang sa inyo kapalit nong binigay ninyo kaya lang, ang totoo po nahihiya po ako sa inyong lumapit kasi baka isipin ninyo po na sinasamantala ko naman kayo kaya kapag nakikita ko po kayo na paparating na umiiwas na lamang po ako para hindi ninyo na po ako makita," mahabang pahayag nito na naging sanhi para awtomatikong mapangiti siya.
Talagang maayos nga ang pagpapalaki ng mga magulang nito dahil sa pinapakita nitong ugali. Kaya naman agad siyang nakaisip para hindi na ito magpalipat-lipat pa ng pagtatrabaho at isa pa hindi na ito masangkot pa sa anumang gulo.
"Uhhmm, ano nga ulit pangalan mo?" tanong niya dito.
"Carlota po boss, Carlota Velasco," nakangiting sagot nito.
"Aahh, gusto mo pa bang mag-apply bilang kargador sa amin?" nakangiting tanong niya rito.
Namilog ang mga mata nito at napatakip pa ang dalawang kamay sa bibig tila hindi makapaniwala sa narinig na sinabi niya.
"T-Talaga po Boss?! May bakante na po ba? Okey lang po ba talaga sa inyong magtrabaho ako kasama kayo?" tila hindi makapaniwala ang sunod-sunod na tanong nito.
"Pasaway oo naman, tsaka wag mo akong tawaging boss, Solomon na lang dahil driver lang din ako. Alam mo na medyo may kapit ako sa mga amo natin sa taas kaya naman maaari kong magawa ng paraan para maisingit ka sa amin. Pwede naman na ilipat na lamang iyong isa naming kargador sa ibang truck para dito ka nalang sa amin. Masyado ka kasing mahilig sa away, mahirap na baka sa sunod talagang mapasabak na ako sa bugbugan nito," natatawang pabirong wika niya dito.
"Naku, pasensya na po promise po hindi na iyon mauulit. Pero sobra po akong nasisiyahan Boss, ay este Solomon pala! Salamat po talaga!" masayang pasasalamat nito.
Natatawa naman siyang tumingin nalang dito ngunit hindi niya napaghandaan ang sunod nitong ginawa. Mabilis itong yumakap sa kanya at bahagya pang tumitili dahil sa sobrang kaligayahan.
"Ehhemmm...." napatikhim na lamang siya dahil sa inasal nito.
ITUTULOY