"Nanay uminom na po ba kayo ng gamot?" Tanong ni Carlota sa ina. Kakatapos lang kasi nilang kumain ng pananghalian, bali hindi na siya kumain dahil busog pa siya ang kanyang mga kapatid at ang kanyang Nanay na lamang ang kumain.
Bihira namang umuwi ang kanyang tatay kaya naman halos sila na lamang mag-iina ang magkasama sa kanilang tahanan. Dating trabahador ng isang minahan ng ginto ang kanyang tatay. Noong panahong nagtatrabaho pa ito doon maalwan ang kanilang pamumuhay. Nakakapag-aral silang lahat, nakakakain sila ng kahit na anong gustuhin nila, nakakagala pa sila noon sa mall at nabibili ang nais nilang damit na magkakapatid lalo na siya dahil siya ang panganay na anak.
Kapag swerteng malaki ang parte ng kanyang tatay sa minahan ng ginto ay nagtutungo pa sila sa isang sikat na beach sa kanilang lugar at doon ay nag-overnight ang buong pamilya. Kung hindi siya nagkakamali mga seventeen years old lamang siya noong huling maranasan niya na maging masaya ang kanilang pamilya.
Nagbago ang lahat ng isang araw ay umuwi ang kanilang tatay mula sa minahan na lasing na lasing. Sinabi nito na tinanggal ito sa trabaho ng kanilang amo dahil sa pinagbintangan ito na nagnakaw ng tipak ng ginto kahit hindi naman ito sangkot sa nakawan ng ginto na nawawala. Ito daw ang idiniin ng mga kasamahan kahit na wala naman itong alam sa bagay na iyon dahil natutulog lamang naman ito sa mismong barracks ng minahan ng mga oras na iyon. Ang masama nga lang, lasing ito noon at ng may biglang magtakbuhan nakitakbo naman ito dahil may sumigaw na may mga bandido. Dati na kasing sinalakay ang minahan ng mga bandido at ilang tauhan ang namatay dahil sa pamamaril ng mga ito.
Nasa kabundukan kasi ang minahan kaya maaari talagang malooban na ng mga bandido ang minahan ngunit ng mga panahon na iyon ay wala naman talagang bandidong dumating kundi ilang mga kasamahan nito sa minahan ang nagnakaw ng isang tipak ng bato na napupuluputan ng ginto. Hindi biro ang batong iyon dahil kung gilingin para palabasin ang ginto ay mahina ang isang milyon ang halaga.
Sa pagtakbo ng kanyang tatay kasama ang iba pa nitong mga kasamahan ay nahuli ang mga ito. Dahil malaki ang tiwala sa kanya ng may-ari ng minahan at kadalasan nga ay kinakainggitan ito ng lahat dahil favorite daw ito. Kaya naman may lihim palang galit dito ang mga kasamahang pumuslit. Ang tatay niya ang itinurong mastermind ng panloloob kahit na wala naman itong kaalam-alam.
Kahit na anong paliwanag ng kanyang tatay sa may-ari ng minahan at sa mga kasamahan nito na nakakakilala sa kanya ay hindi naniwala dahil malaking halaga ang katumbas ng batong iyon kung naipuslit nila kaya iniisip talaga ng mga ito na siya ang may pakana ng lahat. Tinanggal ito sa trabaho ng may-ari kahit ito ang unang naging tauhan doon kaya nga naging katiwala ito. Halos maglumuhod na ito sa pagmamakaawa pero hindi pa rin pinakinggan dahil pera na nga naman ang pinag-uusapan.
Simula ng umuwi ng gabing iyon sa kanila ang kanyang tatay hindi na ito muling nanatili pa sa kanilang bahay. Umuuwi lamang ito kapag naliligo, o kaya magbihis dahil palagi na lamang itong nandoon sa mga tropa nito at nakikipag-inuman o kaya ay nagsusugal. Tuluyan ng nawala ang ulirang ama na kilala niya noon. Ang amang mapagmahal, ang amang mahalaga sa kanilang pamilya at ang amang nagbabalikat ng lahat lalo na sa gastusin ng pamilya.
Pero kahit gano'n mahal na mahal pa rin niya ang kanyang tatay kaya iniintindi na lamang niya ito. Ngunit dahil sa konsumisyon, ang kanyang Nanay ay tuluyan ng nagkasakit. Noong una kasi pumasok ito bilang labandera sa mga kakilala nitong may mga kakayahang magpalaba. Matapos itong maglaba, tumatanggap pa ito ng mga costumer na magpapalinis ng kuko. Halos magkanda kuba ito sa katatrabaho para lamang matustusan silang tatlong magkakapatid. Lalo na siya dahil high school na siya.
Ngunit isang araw sa pag-uwi nito galing sa paglalaba at pamamalantsa ay hindi inaasahang naulanan ito. Doon na ito nagsimulang magkaroon ng ubo. Noong una hindi naman gano'n kalala pero habang tumatagal ay palala ng palala. Hinihingal na rin ito at konting galaw ay talagang halos naghahabol na ng hininga. Hindi nila alam kung ano ang karamdaman ng kanyang ina dahil wala naman silang pera pambayad sa ospital. Basta noong isang beses na inatake ito ng matindi, ipinahiram lamang ito ng nebulizer ng kanilang kapitbahay at pinainom ng gamot na para daw sa hika. Gumaling ang inay niya ng mga oras na iyon kaya iniisip na lamang nila na hika ang sakit nito. Tapos dati na itong may maintenance sa highblood kaya naman talagang doble kayod siya ng magkasakit ito.
Napilitan na rin siyang tumigil sa pag-aaral para matutukan ang pagtatrabaho para kumita ng pera at syempre maalagaan ang kanyang Nanay. Ang kanila kasing tatay kahit na nalaman na nito ang tungkol sa nangyari sa kanila ng nanay ay tila wala itong pakialam. Parang ang mahalaga na lamang dito ay ang uminom ng uminom at magsugal. Isang beses pa nga umuwi ito nang lasing, nasaktan pa siya dahil humihingi ito ng pera pambili ng alak pero nagmatigas siya hindi niya ito binigyan kaya naman nasaktan siya nito. Pero nang mahimasmasan yata at na-realize kung ano ang ginawa nito sa kanya ay ito rin ang kusang humingi ng tawad at umiiyak na tumalinod. Naiyak na lamang siya dahil ang dating kilala niyang tatay ay hinding-hindi gagawin ang bagay na iyon sa kanya.
Pero hanggang ngayon hindi pa rin niya sinusukuan ang kanyang tatay. Alam niya na magbabago pa rin ito dahil kilala niya ito at isa itong mabuting ama na handang ipagtanggol at suportahan sila. Pasasaan ba't magiging maayos din ang lahat sa kanila kaya naman patuloy siyang nagsisikap para sa kanilang pamilya. Gagawin niya ang lahat para mabuhay at suportahan ang kanyang pamilya habang hindi pa handang bumalik sa dati ang kanyang tatay.
"Nakainom na ako anak, kaya lang hindi ko pala nasabi sayo na ubos na ang pampausok ko kanina, ikinakatakot ko na baka atakihin ako ng hika mamayang gabi, medyo malamig pa naman ngayon. Maaari ba anak na saglitan mo muna ako sa bayan? Pasensya na dahil nakalimutan ko talaga, babalik ka pa tuloy doon," pahayag ng kanyang ina.
"Okay lang naman po iyon Nanay, sasaglit po ako sa bayan tsaka para bumili na rin po ng bigas, nakalimutan ko rin po kasi kanina. Hindi ko rin po naalala na baka nga wala na kayong pampausok at saka may konting ubo din po si CJ bibilhan ko na lang din po siya ng gamot para mawala ang kanyang ubo," nakangiting wika niya sa ina.
Nakalimutan din naman kasi niya kanina bago sana umuwi galing sa palengke, paano ba naman kasi okupado ang kanyang isipan. Iniisip niya ang sinabi ni Solomon kanina na hindi na ito magtatagal na magiging driver ng truck na minamaneho nito. Nalulungkot siya sa isiping ang mabait na lalaki ng ilang beses na tinulungan siya at ngayon ay tinulungan yang magkaroon ng regular na trabaho ay aalis na at siguradong hindi na rin sila magkikita.
Sabi nga nito baka italaga ito sa Manila o kung saan mang ibang lugar nang kanilang amo. Nalulungkot siya sa isiping inuna magkakalayo na sila, napakabait pa naman ng lalaki sa kanya pati na sa iba pa nilang katrabaho. Batid naman niya na maganda ang pakikitungo nito sa mga kasamahan dahil nakita din niya kung papaano nalungkot ang mga ito nang sabihin ni Solomon na hindi na rin ito magtatagal sa pagiging driver sa truck na iyon.
Parang gusto pa niyang makatrabaho si Solomon at makasama sa araw-araw lalo pa at napakabait talaga nito at maalalahanin pa. Ewan ba niya unang kita pa lamang niya rito batid na niya na mabuti itong tao. Akala nga niya noong una magtatrabaho na siya bilang kargador sa truck na minamaneho nito pero hindi ito pumayagna dahil wala daw bakante buti na lamang ngayon ito na mismo ang nagpresinta. Kaya lang hindi rin naman pala magtatagal dahil aalis na rin agad ito, pero wala naman siyang magagawa dahil kailangan nito ng trabaho. Kapag hindi ito sumunod baka tuluyan itong mawalan ng trabaho.
Sa tingin niya noong una nasa mga twenty five years old lamang ito kaya nagulat talaga siya ng sabihin ni Mang Emong sa kanya kanina habang nagbubuhat siya na 30 years old na daw ito hindi niya talaga mapaghahalataang gano'n na ang edad nito. Ewan ba niya pero kanina lang tinulungan siya ng lalaki nakaramdam siya kakaiba para dito, animo may mainit na bagay na humaplos sa kanyang puso. Hindi niya maipaliwanag kung ano iyon pero nasisiyahan siya sa ginawa nito.
"Maraming salamat anak ko, salamat sa sakripisyo mo sa amin ng mga k-kapatid mo. Napakabuti mo talaga anak, s-sana lang magbago na ang Tatay mo. Sana lang lang bumalik na siya sa dati," nangingilid ang luhang wika ng kanyang nanay sa pagaralgal ng boses.
"Walang anuman po Nanay, wag na po kayong mag-alala babalik din po sa atin si Tatay. Alam ko po na mahal na mahal niya tayo kaya hindi iyon makakatiis ng matagal," nakangiting wika niya dito, pinasigla pa niya ang boses pati na ang mukha para hindi na malungkot ang kanyang Nanay.
Ilang sandali pa at nagpaalam na siya sa kanyang nanay para magtungo sa bayan. Mabuti na lamang at may tricycle na maaaring sakyan patungo sa bayan malapit na kasing mag 1pm. Halos isang oras din ang biyahe ng tricycle bago nila narating ang bayan. Malapit sa may mall ang drugstore na palagi niyang binibilhan ng gamot ng kanyang Nanay. Doon kasi ang pinakamura kumpara sa iba.
Pababa na siya ng tricycle nang biglang matigilan dahil napadako ang tingin niya sa magandang kotse na pumarada sa tapat ng drugstore. Bumaba ang kung sinong nagmamaneho niyon at ganon na lamang ang kanyang pagkagulat ng makita si Solomon. Ibang-iba man ang pananamit at itsura nito pero natitiyak niyang si Solomon talaga ito.
Nagtama ang kanilang mga mata, ngumiti siya at akmang kakawayan ito pero tila wala lamang siya dito, naglakad lamang ito at nilampasan siya.
ITUTULOY