Nagtataka siya sa inaasal ng lalaki pero naisip niya na baka ibang tao talaga ito dahil ibang-iba naman kasi ang itsura sa kilala niyang Solomon. Ang kilala niyang Solomon ay natitiyak niyang hindi kasing yaman ng lalaking nasa harapan niya ngayon. Nasa harap kasi niya ito habang bumibili sa sikat na drugstore sa bayan. Bumili ito ng ilang pirasong malalaking kahon ng gatas na para sa may mga edad na. Ito nga ang gatas na pangarap niyang mabili niya para sa kanyang nanay pero hindi kaya ng kanyang budget kahit na nga maliit na kahon o kaya ay isang lata ay hindi talaga kaya ng budget niya.
Pero sa tindig at itsura nito ay parehas na parehas, ang kaibahan lamang, si Solomon nakikita niya na palaging nakasuot ng uniform samantalang ang lalaki ay natitiyak niyang mamahalin ang suot nitong damit. Pero kung siguro magsuot din ng ganoong klase ng damit si Solomon ay pag-iisipan talaga na iisang tao lamang. Ngunit imposible namang mangyari iyon lalo pa't narinig niya ang boses ng lalaki. Medyo iba naman sa boses ng kilala niyang Solomon pati na ang boses nito na palaging malumanay ay iba sa lalaking nasa kanyang harapan. Kung ikukumpara sa paraan ng pagsasalita nito, masasabi niyang talagang nakaaangat sa buhay ang lalaking ito lalo na kung papaano ito makipag-usap sa pharmacist.
Ngunit kahit na gano'n para sa kanya ay mas nais pa rin niya ang malumanay na boses ni Solomon kaya naman natiyak niya na ibang tao talagang dalawa. Iyon nga lang parang pinagbiyak na bunga ang mukha ng dalawa. Talagang magkamukha kasi ang mga ito.
Matapos bumili ng lalaki ay muli na itong bumalik sa sasakyan at nang mapaharap sa kanya ay tila hangin lang siyang nilampasan nito, ibig sabihin nga ibang tao talaga ito. Napansin din niya na magkaiba ang amoy ng dalawa, oo parehas mabango ang perfume na gamit ng dalawa pero magkaiba ng amoy niyon. Isa kasi sa tumatak talaga sa kanya ay ang amoy ni Solomon. Sobrang sarap kasi sa ilong, parang hindi nakakasawang singhutin. Kung iisang tao lamang ang dalawa, ei di dapat iisa lamang ang pabango ng mga ito. Pero ang nakakatuwa lamang ei parehong swabe sa ilong ang amoy ng dalawa.
Matapos na makabili ang lalaki saka naman siya lumapit sa harap ng counter at binili na ang dapat niyang bilhin. Tsaka nagpasyang dumaan saglit sa palengke para bumili ng sariwang isda para ulam na rin nila mamayang hapunan.
Samantala.
"Kung hindi dahil sa katangahan mo, bakit naman kasi sa dinami-dami pa ng makakalimutan kong bilhin ito pa gatas ni Mama!" Palatak niya sa sarili habang nagmamaneho ng kanyang kotse patungo sa villa.
Nagkataon kasi na may bibilhin siyang kailangan niya sa bayan kaya naman nakiusap ang kanyang mama na bilhan ito ng iniinom nitong gatas dahil namalengke nga naman ang kanilang kasambahay kaninang umaga pero nakalimutang bilhin ang gatas ng kanyang Mama. Kaya naman siya ang naatasan ang kanyang Mama na bumili ng gatas nito pero ang inutos pa nito ang una niyang nakalimutan. Pauwi na sana siya ngunit bigla niyang naalala ang gatas ng kanyang Mama kaya napabalik siya ng wala sa oras sa bayan.
Malapit na kasi siya sa kanilang Villa ng kanyang maalala ang pinapabili nito. Hindi niya napansin ang babaeng pababa ng tricycle, huli na nang mapagsino niya ito, si Carlota pala. Nakababa na siya ng kanyang kotse bago pa ito mapansin at nagtama ang kanilang mga mata. Nabanaag niya ang pagkagulat sa mga mata nito. Kumaway ito sa kanya pero nagpatay malisya na lamang siya, dahil hindi maaaring mabuking siya nito. Kaya naman ang napipinto nitong pagngiti sa kanya ay bigla nitong binawi.
Marahil na naisip ni Carlota na siya at ang kilala nitong Solomon ay iisa. Pero mukhang napatunayan naman niya na magkaiba sila, buti na lamang pala at hinayaan niya ang kanyang Mama na i-spray sa kanyang damit ang bagong perfume na binili ng kanyang Mama para sa kanya. Bago kasi siya umalis kanina sa villa, may ipinaamoy ito sa kanyang pabango. Binili daw nito para sa kanya, napakasarap sa ilong at dipa nasiyahan, ini-spray sa buong katawan niya ang perfume. Kung hindi nangyari iyon siguradong makikilala siya ni Carlota dahil sa pabango.
Pinilit pa niyang baguhin ang kanyang boses para hindi makahalata si Carlota buti na lamang at kinagat iyon ng dalaga. Kaya naman malaya siyang nakaalis ng pharmacy na iyon ng hindi nabubuking. Sana lang talaga hindi na maulit iyong ganito. Mas mainam siguro kung iiwasan na lamang niya ang pagtungo sa bayan para safe.
Kinabukasan ala una pa lamang ng madaling araw ay gising na si Carlota para maghanda sa pagtungo niya sa palengke batid niyang napakaaga pa pero sinadya niya talagang gumising ng maaga para kahit papaano ay maka extra pa siya sa pagbubuhat ng mga banyera ng isda. Ang sabi kasi ni Solomon sa kaniya ay mga 4am pa daw ang dating ng truck nila sa palengke kaya naman may dalawang oras pa siya para maka-extra.
Malaking bagay din iyon kung makakapagbuhat siya kahit mga limang banyera. Dagdag pa iyan sa porsyento niya sa bago niyang trabaho. Kagabi napag-usapan nila ng kanyang Nanay ang tungkol sa bago niyang trabaho at ikinatuwa iyon ng husto ng kanyang nanay dahil batid nito na hindi na siya masyado pang mahihirapan. Nag-aalala din kasi ito sa klase ng trabahong meron siya, nalaman kasi nito noong minsang mapaaway siya sa isang may-ari ng pwesto na ayaw siyang bayaran ng tama.
Uminom lamang siya nang kape at kinain ang isang slice ng tasty bread na natira nila kahapon tsaka mabilis na siyang naligo at nag handa para sa pagpasok. Dati rati naman kahit anong isuot niya ay wala siyang paki basta makapunta lamang siya sa palengke at wala rin siyang pakialam sa amoy ng malansang isda o kung ano mang amoy ng mga binubuhat niya pero ngayon. Nagdala pa talaga siya ng isang maliit na bag at naglagay doon ng isang pirasong t-shirt na maaari niyang bihisan, pagkatapos niyang magbuhat ng mga banyera ng isda. Ewan ba niya pero parang nahihiya siya na lumapit or makatabi si Solomon na amoy isda siya.
"Oi Carlota!" masayang tawag sa kanya ni Gabriel. Isa sa magiging katrabaho niya kasama si Solomon.
"Hi Gabriel, kanina ka pa?" nakangiting tanong niya dito. Nagulat siya dahil napakaaga nitong dumating samantalang 4am pagdating ng truck.
"Kararating ko lang din inagahan ko kasi mag-extra din ako sa pagbubuhat. Hindi mo lang ako napapansin kasi nandoon ako sa gulayan pero gano'n talaga din ang ginagawa ko. Gusto mo pakilala kita don sa isa kong boss? Kapag wala kang diskarte dito pwede ka doon sa amin. Lagi kaming kulang sa taga buhat," nakangiting wika nito sa kanya. Sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad nito sa kanya, di lang niya alam kong may asawa na ito o wala pa.
"Sige ba, gusto ko yan 2 hours pa naman tayo maghihintay bago dumating sila Solomon diba?" tanong niya dito.
"Oo mga 4am pa sila darating ni Mang Emong. Tara na oras na para magbuhat, ayan na iyong truck ng mga gulay na pagbubuhatan ko oh," wika nito sabay turo sa truck kaka-park pa lamang.
"Sige ako din, good luck. Kita na lang tayo mamaya," wika niya dito sabay kaway.
"Sige, ingat ka. Kain tayo ng lugaw kapag maaga tayong natapos ha," wika nito.
Hindi na siya nakasagot dahil nagtungo na ito sa truck. Napailing na lamang siya at nagtungo na sa suki niyang mabait.
Matapos ang mahigit isang oras na ang pagbubuhat, mukhang sinuwerte siya nang araw na iyon. Mababa man magbigay sa bawat banyera pero naka buhat siya ng kinseng banyera kaya doon palang sa kita niya ay sapat na para sa maghapon nilang panggastos. Kahit na mapagod, makita lang niya na gano'n ang kinita niya ei talagang nasisiyahan siya, syempre pati na ang kikitain niya mamaya. Kaya naman pag nakikita niya na gano'n ay parang nawawala ang pagod niya dahil natitiyak niya na hindi na niya poproblemahin pa ang panggastos nila ng kanyang pamilya. Isa pa, siguradong kahit papano ay makakapagtabi na siya para kung walang-wala sila ay may madudukot siya.
Maya-maya ay namataan na rin niya si Gabriel maluwang ang pagkakangiti nito habang nakatingin sa kanya at kumaway pa nga.
"Tapos ka na rin ba? Tara kain tayo ng lugaw," aya nito sa kanya.
"Naku wag na Gabriel busog pa kasi ako eh," tanggi niya rito.
May 30 minutes pa kasi bago dumating ang truck ng Montilla Farm. Ang isa sa mga delivery truck na pagmamay-ari ng Montilla. Kaya pala pamilyar sa kanya ang apilyedo na iyon dahil kilalang pinakamayaman at makapangyarihan ang pamilyang iyon. Sila ang nagmamay-ari ng pinakamalaking farm dito sa Norte. Pero ang alam niya napakabait at may puso para sa mahihirap ang may ari ng Montilla Farm. Kaya pala gano'n ang sabi sa kanya ni Solomon, tungkol sa sahod. Doon palang mararamdaman na niyang may malasakit talaga ang pamilya Montilla sa mga manggagawa nila dahil kung ikukumpara sa ibang farm o kahit na sa ibang trabaho masasabi niyang maluwag ang Montilla at galante pagdating sa pasahod.
"Sus, ikaw talaga. Wag kana magtipid, para 25 pesos lang ei. Ako na ang sagot, wag ka ng mag-alala. Alam ko kasi na baka kamote o tinapay with coffee lang inalmusalan mo, siguradong natunaw na iyan sa pagbubuhat mo palang. Pano na lamang mamaya, alam mo naman kailangan nating maging malakas para mabilis tayong kumilos mamaya. Kaya lika na, libre ko na," anito sabay hila sa kanya patungo sa lugawan na nasa gilid lamang ng palengke.
Wala na siyang nagawa kundi sumunod na lamang. Ito na rin ang umorder at siya naman ay pinaupo na nito. Maya-maya lamang ay papalapit na ito, dala-dala ang dalawang mangko ng lugaw at may tokwang baboy pa. Nakangiting ipinatong nito sa lamesa ang isang mangko at tokwa, tsaka ipinatong din ang para sa sarili nito umupo at tinimplahan na ang lugaw.
"Atake na Carlota!" Nakangiting wika nito sabay subo na.
Natawa na lamang siya at magsimula na ring kumain. Ang daming kalokohan nito habang kumakain, puro banat pa ng jokes kaya talagang napapahagalpak pa siya ng tawa.
Samantala.
"Mang Emong nasaan na kaya si Gabriel? Nandito na kaya iyon? Si Carlota baka mamaya pa iyon kasi ang alam niya 4am pa tayo darating. Pero malapit ng mag 4am ah, nasaan na kaya si Gabriel?" tanong niya kay Mang Emong habang tinitingnan ang oras sa relong pambisig.
"Naku, tiyak na nandito na iyon. Iyon pa ba ang magpahuli? Baka nga suma-sideline pa iyon," sagot naman ng matanda.
"Boss, Mang Emong, diba si Gabriel at Carlota iyon?" tanong naman ni Esteban sabay turo sa dalawang masayang nagtatawanan habang kumakain ng lugaw.
Awtomatiko namang napakunot ang noo niya at nakaramdam ng pagkainis ng makita ang dalawang masayang nag-aasaran habang sabay na kumakain.
ITUTULOY