Lumapit si Esteban sa dalawa at halata sa mukha ng mga ito na nagulat ng makita ang lalaki. Ayaw sana niyang lumapit sa mga ito pero kumaway si Esteban at lumapit naman si Mang Emong sa mga ito kaya napilitan siyang sumunod.
"Hello po Mang Emong. Good Morning Solomon. Kain po tayo ng lugaw," nakangiting aya ng babae sa kanila.
"Naku salamat nalang hija, busog pa kami, kumain na kasi kami ni Sen.... ni Solomon kasi dumaan ako sa kanila at pinakain na rin ako nang Nanay niya bago kami umalis," tanggi ni Mang Emong dito na muntik pa ngang madulas na tawagin siyang Senyorito.
Siya naman ay hindi umimik basta nakatingin lamang siya dito ng seryoso ang mukha. Nagtama pa nga ang paningin nila, pero ito ang unang bumawi niyon.
"Ganon po ba Mang Emong, sige po tapusin lang po namin itong kinakain namin para po makapagsimula na kami." nakangiting sagot nito sa matanda at ipinagpatuloy na ang pagkain.
Napatingin naman ito sa may gawi niya, tumango lamang ito nang bahagya at muling hinarap si Gabriel pati na si Esteban, nakipag kwentuhan pa sa mga ito habang kumakain ng lugaw.
Siya naman ay naiinis na ewan basta hindi niya maipaliwanag pero hindi niya nagugustuhan ang pakikipag kwentuhan nito sa iba nilang kasamahan. Halos dalawang araw pa lamang na nagkasama ang mga ito ay talagang close na close na ang tatlo lalo na si Gabriel may patapik tapik pa sa balikat ni Carlota. Parang gusto niyang pagsabihan ang mga ito o kaya ay hilahin ang kamay ni Gabriel.
Hindi siya nakatagal kaya naman nagpaalam siya sa mga ito na magtutungo na lamang sa truck. Hindi naman kalayuan sa may lugawan ng kinakainan ng mga ito ang sasakyan kaya natatanaw pa rin niya ang apat habang masayang nagkukwentuhan. Maya-maya lamang ay nakita niya na tumayo na ang mga ito at papalapit na sa sa truck. Pasado alas kwatro na ng mga sandaling iyon kaya naman oras na para magtrabaho.
Nagsimula sila sa bagsakan ng mga gulay at prutas. Siya naman ang nagboluntaryo sa paglilista ng mga ibinababa at kung ilang kilo ang nabubuhat ng mga ito. Halos isang oras na ay tila wala pa ring kapaguran ang babae. Minamasdan lamang niya ito dahil batid niyang mabibigat ang gulay at prutas na binubuhat nito. Nakita niya na medyo nahihirapan ito pero sige lang ito sa pagtatrabaho, tila hindi pinapansin ang bigat ng buhat-buhat nito nakuha pa nga na makipagbiruan sa mga kasamahan lalo na kay Gabriel. Ewan ba niya dahil talagang naiinis siya sa tuwing maririnig ang tawanan ng mga ito.
Hindi naman niya masaway dahil baka isipin naman ni Carlota na masyado na siyang pakialamero kaya naman nanatili lamang siyang tahimik sa isang tabi habang binibilang ang mga binababang gulay at prutas. Pero ang tenga niya ay kanina pa naririndi sa tawanan ng dalawa.
Mahigit ding 30 minutes bago sila matapos sa mga gulay pati na sa prutas kaya naman sa pwesto naman ng mga karne ang punta nila. Kapag kasi linggo manok, gulay at prutas lamang ang ide-deliver nila dahil may ibang truck na nagdadala ng baboy at karneng baka. Bale dalawang truck iyon, isang truck na para sa karneng baboy at isang truck na para sa karneng baka.
Kaya naman siguradong bago mag-ala sais ng umaga ay matatapos na agad sila. Maaga silang makakapagpahinga, tama rin iyon dahil pakiramdam niya ay nais niyang humilata pag uwi. Alas dos pa lamang kasi ay gising na siya, personal kasi niyang tini-check ang lahat ng deliveries nila. Kapag linggo, nasa limampung truck lahat ang nagdedeliver sa mga karatig na bayan at maging sa Manila. Kapag regular na araw naman ay 40 trucks lang.
Nagugulat talaga siya sa dedikasyon sa trabaho ng babae. Totoo nga ang napansin ni Mang Emong na mabilis talagang kumilos ang babae. Halos naka dalawang balik na ito pero sina Esteban Gabriel at maging si Mang Emong ay nakaka isa pa lamang. Kahanga-hanga ang mga ganitong kilos at pag-uugali ng isang tao. Hindi naman niya hinahangad na maging ganito din ang kilos ng tatlo pero hanga talaga siya sa babae dahil naturingan pang babae pero eto talaga ang pinaka maliksing kumilos sa tatlo.
Wala pang alas sais nakatapos na agad ang mga ito. Matapos na maisaayos ang lahat at makulekta ang mga kabayaran ng mga deliveries nila nag-aya na siya sa mga ito para kumain.
"Hindi na siguro ako kakain Solomon kumain naman na kami ng lugaw ni Gab, kaya siguro uuwi na lamang ako para makapag asikaso sa bahay," tanggi nito ng mag-aya siya.
"Natunaw na iyong lugaw na 'yon kaya sumabay kana sa amin, ako naman ang magbabayad," pamimilit niya dito.
Kahit na sabihin nito na kumain na ito ng lugaw sa dami ba naman ng binuhat nito, imposibleng hindi natunawan ng kinain nito. Marahil nahihiya lamang ito sa kanya.
"Tayo na Carlota, hindi naman pwedeng kami kakain, tapos ikaw hindi. Tsaka maaga tayong nakatapos ngayon, kung inaalala mo ang pag-uwi mo edi pagtapos natin kumain ihahatid na lamang kita, may motor naman ako. Hindi ba at taga Basud ka lang naman?" Nakangiting tanong naman dito ni Gabriel.
Hindi tuloy niya maiwasang sumimangot dahil may balak pa yatang ihatid ni Gabriel ang babae.
"Oo taga Basud lang ako, ikaw ba saan ka ba?" Balik tanong naman ng babae.
"Taga Basud din sa purok 1 ako. Ikaw ba?" tanong ulit ng lalaki.
"Wow talaga! Iisang baranggay lang pala tayo ei! Sa purok 4 naman ako!" masayang wika ng babae.
"Hala, ang galing naman magkalapit lang pala! Edi maaari ka na sa akin sumabay sa umaga kapag magtutungo na tayo sa palengke," masayang wika naman ni Gabriel.
"Ay naku, wag na nakakahiya. Kaya ko naman magtungo dito ng mag-isa," tanggi naman ng babae.
Parang nakahinga naman siya ng maluwag dahil tumanggi ito.
"Sabagay, ikaw ang bahala. Ang sa akin lang naman ay para hindi kana mahirapan pang sumakay," wika naman ng lalaki.
"Naku, tigilan mo iyan Gabriel. Gulo ang dadanasin mo diyan, warfreak pa naman ang girlfriend mo mamaya niyan malaman non na may maganda kang babaeng isinasakay sa motor mo. Mapahamak pa itong si Carlota," sabat naman ni Esteban.
Si Mang Emong naman ay pasimpleng siniko ang lalaki. Tsaka tiningnan ito ng matanda sa mata. Tumango-tango naman ang lalaki at mukhang nakuha na ang nais sabihin ni Mang Emong. Hindi lang niya alam kung ano ba iyon.
"Oo nga pala, sorry Carlota mag-commute ka na lang pala sa pagtungo dito at pag-uwi. Medyo dragon nga pala ang girlfriend ko baka biglang tupakin ei makipag-break ng wala sa oras sakin," tila nahihiyang turan naman nito habang kakamot-kamot sa ulo.
"Naku, wag kang mag-alala ako pa ang magsasabi sa girlfriend mo na hindi tayo talo. Tsaka mas okey na rin iyong mamasahe ako para hindi ka na rin maabala pa. Salamat na lang sa offer Gabriel," nakangiting wika nito.
Lalo namang lumuwag ang pakiramdam niya dahil natiyak niyang hindi na matutuloy ang plano ni Gabriel. Para nga lamang siyang timang dahil kung ano-ano na agad ang naiisip niya. Ewan ba niya, simula ng makilala niya ang babaeng ito nagugulo na ang utak niya.
"Okay lang naman sana iyon, kaya lang naalala ko nga na masyadong mainitin ang ulo ng girlfriend ko. Alam mo na iwas gulo nalang para tahimik ang buhay," nakangiting wika ulit ni Gabriel.
"Okay lang iyon, sige na mauna na ako sa inyo ha," paalam muli niya sa mga ito.
"Mamaya ka na umuwi kumain na muna tayo tsaka kukuhanin ko pa ang number mo at dapat naka-save na ang number ko sayo para naman kung halimbawang magkaproblema ka o hindi ka makapasok ay makapagtext ka para malaman ko," wika naman niya dito.
"Sige na Carlota, maaga pa naman. Wag ka ng tumanggi kay Solomon, alam mo madaling magtampo iyan," wika naman ni Mang Emong.
Napangiti ang babae at pagkuway pumayag na rin.
Ilang sandali pa at nasa karendirya na sila. Siya ulit ang nag-order, pero pinapili muna niya si Carlota ng ulam. Iyon nga lang ang walang kamatayang bulalo pa rin ang pinili nito. Matapos mai-served sa kanila ang pagkain, masaya na silang kumain habang nagku-kwentuhan.
Nakikisabay siya sa kakulitan ng mga ito pero hindi niya nagugustuhan ang pagiging super close ni Gabriel at ni Carlota sa isa't-isa. Pero syempre hindi naman niya pinapahalata na naiirita siya. Iyon nga lang parati siyang napapatulala kapag napapatingin kay Carlota. Lalo na kapag ngumingiti ito, mas lalo kasing lumalabas ang kagandahan nito. Isa pa parang palaging nagnining-ning ang mga mata nito. Kapag napapatingin ito sa kanya, parang matutunaw ang kanyang puso. Natatawa na nga lang siya sa kanyang sarili dahil parang teenager siya kung umasta.
Natagalan sila bago matapos kumain dahil sa patuloy pa rin sila sa pagkukwentuhan iyon nga lang tumawag ang girlfriend ni Gabriel sinabing nasa kabilang bayan ito at next week pa ang balik. Napansin niya na imbis na malungkot eh natuwa pa ang lalaki at agad na sinabi kay Carlota na maaari na itong sumabay sa kanya pag-uwi sa Basud. Hindi niya sigurado kung may balak ba dito si Gabriel o wala pero hindi naman ganoon ang ugali ng lalaki. Sa totoo lang nagustuhan nga niya ng ugali nito at kasipagan na rin tsaka may dedikasyon nito sa trabaho, ang alam din niya ay nag e-extra ito na parang katulad ni Carlota na nagkakargador din para sa iba.
Ang alam kasi niya ay malaki ang pangangailangan nito sa pera hindi lamang niya alam kung ano ang dahilan. Pero sa mga kwento ni Mang Emong batid niyang seryoso ang dahilan nito. Gwapo din ito at halos magkasing katawan sila. Iyon nga lang mas bata ito sa kanya kung hindi siya nagkakamali nasa 25 years old na ito. Kaya naman naisipan niyang alukin ito ng ibang trabaho lalo pa at kasundo na rin naman niya ito.
Balak niyang gawing driver dahil nagresign na ang dati niyang driver dahil balak ng pamilya nito na lumipat na ng tirahan. Ang alam niya ay sa Manila, kailangan kasi niya ang driver lalo na kung pagod siya sa galing sa trabaho. Minsan nga, nakakatulog na siya sa kanyang opisina dahil sa sobrang pagod hindi na niya kaya pang magdrive. Buti na nga lang naisipan niyang magpahinga ng isang buwan, oo nagpapanggap siyang driver sa truck pero hindi siya masyadong pagod dahil na rin sa umaga lang naman siya nagda-drive. Kapag dumating naman siya sa villa, ang mga report na lamang ng kanyang secretary ang inaatupag niya. Ang Papa na muna niya kasi ang namahala sa lahat, marahil sa kagustuhan din nitong magkaron na siya ng asawa ayon todo support talaga ito sa kanya.
Maya-maya ay nagpaalam siya sa mga ito, may tinawagan. Lumayo lamang naman siya ng konti sa mga ito pero kay Carlota nakatuon ang paningin niya. Napapangiti din siya kapag napapangiti ito, sabay biglang bumibilis ang t***k ng puso niya.
"Whoa! Ano bang nangyayari sakin?" wika niya sa sarili sabay pilig ng ulo.
"Ano po iyon Sir?" tanong ng kausap niya sa kabilang linya. Hindi niya napansin na napalakas pala ang pagkakasabi nita.
"Ahh, wala. Ikaw na ang bahala Nilda. Hihintayin ko na lang," wika niya sa sekretarya niya.
"Sige po Sir, nasabi ko na po parating na diyan," sagot nito sa kanya.
"Okey, salamat," sagot niya. Pinatay na ang call at bumalik na sa mga kasamahan.
"Ano tayo na Carlota?" aya ni Gabriel sa babae.
Marahil ipinilit talaga nito ang kagustuhang ihatid si Carlota. Nasa malayo lang ang girlfriend, feeling safe na ang kumag.
"Sakin sasabay si Carlota. Mang Emong ikaw na po ang mag-drive sa truck." seryosong wika niya sabay abot ng susi kay Mang Emong.
Tila iisang tao namang sabay-sabay na tumingin ang mga ito sa kanya. Kahit siya hindi makapaniwalang nag-volunteer siya na ihatid ang babae, pero huli na para bawiin pa ang sinabi.
ITUTULOY