Tumulong agad ako kay Nanay sa pagluluto pagdating sa bahay. Sanay naman na akong magluto, at ilalako ko rin iyon ngayon para may baon ako bukas. Nagluluto kasi si Nanay ng mga binalot na ulam tapos mabenta naman iyon lalo na sa mga kapitbahay namin.
May order tiyak si Nanay kaya maaga siyang dumating galing sakahan. Magsasaka kasi sila ni Tatay sa lupain ng mga Velasquez, nila Basti. Ang tagal na nilang naglilingkod doon. Maganda naman ang pasweldo sa kanila kaya mayroon kaming maliit na tindahan sa harapan ng bahay.
Nabubuksan lang iyon kapag dumarating ng maaga si Nanay. "Ako na bahala dito, anak. Mag-aral ka muna at mamaya ikaw din naman ang maglalako nito." nakangiting sabi ni Nanay sa akin.
Napahinto naman ako sa paghihiwa ng ilang sangkap sa niluluto niya. Kakayanin kaya namin na gumastos para doon sa contest na iyon?
"Nay, may sasabihin po sana ako." simula ko sa kanya.
Hindi naman inihiwalay ni Nanay ang tingin niya sa hinihiwa niya at sandaling nag-angat ng tingin sa akin. "Ano yun, anak?"
"Napili po kasi akong representative ng section namin para sumali sa Miss Intrams. Pwede po ba akong sumali?" tanong ko sa kanya.
Napahinto naman si Nanay sa paghihiwa at nag-angat ng tingin sa akin bago bumuntong hininga. "May gagastusin ba anak? Para makautang na kami kaagad ng Tatay mo."
Marahang umiling ako sa kanya, "Provided naman na po lahat ng mga kaklase ko. Ayaw po kasi ni Chari na sumali kaya ako na lang daw."
"Paano ang make up mo? Kasama ba ang damit at sapatos sa ilalaan ng mga kaklase mo?" tanong ni Nanay sa akin.
"Si Angelica na daw po sa make up tapos yung ibang kaklase ko po sa damit, baka may sapatos na rin po doon. Nagpapaalam lang po ako kung papayagan ninyo po ako." sabi ko sa kanya.
Binaba ni Nanay ang kutsilyo na hawak niya at tinignan ako. "Nakakahiya naman at wala kaming maitulong ng Tatay mo, anak. Pero hayaan mo baka magawan ko ng paraan yung kahit sapatos man lang."
"Wala naman po yun sa akin, Nay. Ang importante po ay pinayagan niyo po ako." sabi ko sa kanya.
Hinawakan ni Nanay ang kamay ko at marahang pinisil iyon. " Hayaan mo anak. Gagawa talaga ako ng paraan. Asahan mo rin kami ng Tatay mo na panonoorin ka ah. Huwag kang kakabahan doon. Galingan mo lang." nakangiting sabi niya sa akin.
Marahang tumango naman ako at ngumiti sa kanya. "Opo, Nay. Salamat po."
"Ang ganda-ganda kasi ng anak ko kaya napili ka. Ipapamalita ko kaagad yan sa mga tiyahin mo para naman makadalo rin sila o matulungan tayo." dagdag pa niya bago nagsimulang maghiwa ulit.
Maghihiwa na rin sana ako ng may narinig akong kumakatok sa tindahan namin. Ako na ang tumayo para lapitan iyon. Marami namang laman ang tindahan, wala lang kaming mga tindang inumin dahil wala naman kaming ref. Gawa sa bato ang bahay pero sa unahang bahagi lamang dahil ang likuran ay pawid, kawayan, at mga pinagtagpi-tagping kahoy. Ang tindahan naman namin ay inutang ni Tatay ang pagpapagawa sa mga Velasquez.
Ang pera na nakukuha ko naman mula sa scholarship ay ipinatatago nila Nanay at Tatay sa akin dahil para daw iyon sa kinabukasan ko. Sinusunod ko naman sila dahil alam kong sa kabutihan ko rin iyon.
"Ano po iyon?" tanong ko sa nakatalikod na lalaki, nahaharangan lamang ng wire mesh ang tindahan at may maliit na butas lang para labasan ng pinagbibili namin.
Humarap ang lalaki sa akin. Agad ko siyang nakilala dahil nahinto rin siya sa paninigarilyo niya pagkakita. Si Kuya Leon, yung kapatid ni Olivia na bagong lipat.
"Kayo po pala, Kuya. Ano pong sa inyo?" tanong ko ulit sabay baba ng tingin sa may sindi pang sigarilyo. Agad naman niya iyong tinapon sa lupa at tinapakan.
"Sorry about that." sabi niya sa akin.
Marahang tumango naman ako. Wala naman sa akin iyon. Madalas naman akong nakakakita ng mga naninigarilyo. Hindi lang siguro ako sanay na katulad niya ang maninigarilyo.
Noong bagong dating kasi sila talagang manghang-mangha ako sa itsura niya, sa kanilang magkapatid. Ang yaman din kasi nila masyado tsaka tuwing nagpupunta kami sa kanila para maturuan namin si Olivia na magsalita ng Tagalog ay nakadungaw lang siya sa bintana.
Mas matanda siya sa amin. Ang pagkakaalam ko ay 18 na siya.
Tumikhim muna ito bago sumagot sa tanong sa akin. "Do you have mint candy?" tanong niya.
Tumango ako at tinuro ang dalawang garapon na may laman ng tinutukoy niyang candy. "Piso, isa po. Parehas naman pong mint yan."
Nagbaba siya ng tingin sa dalawang garapon na tinuro ko. "Eto na lang." he pointed the first jar. Inabot ko naman iyon.
"Ilan po?"
"Twenty."
Nilapag ko muna sandali ang garapon at kumuha ng plastic para doon ilagay ang candy. Tahimik kong binilang at nilagay sa lalagyanan ang candy na nabili niya bago ko inabot. He slip a twenty peso bill pagkaabot ko ng binili niya.
"Salamat po." nilagay ko na iyon sa lalagyanan sa pag-aakalang aalis na siya pero nanatili siyang nakatayo doon at nakatingin sa akin. "May bibilhin pa po kayo?" tanong ko.
"Uh...Olivia, asked me to buy a sanitary napkin. Do you have one?" namumula ang pisngi nito pagkatanong sa akin.
Kumunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Alam ko kompleto lagi ang grocery nila. Sa ilang beses na nakapunta kami doon ay laging namimili ang Mama nila.
Pero para hindi na lang siya mapahiya ay tumango ako at itinuro ang brand ng napkins na mayroon kami. "Alin po?"
Nagkamot siya ng ulo at mas lalong namula. "I really don't have an idea. I think anything is good. One pack. I just need a pack."
Lumabi naman ako sa sinabi niya at inabot ang isang pack ng sanitary napkin. Hindi ko alam kung ito ang ginagamit ni Olivia pero ito kasi ang ginagamit namin ni Chari. Baka naman pwede. Tatanungin ko na lang siya pag nagkita kami ulit. "Thirty-five pesos po." sabi ko sa kanya pagkaabot ko ng napkin na inilagay ko sa plastic.
Tumango siya ulit at humugot ng 50 pesos naman at iniabot sa akin. "Keep the change." anito bago nagmamadaling umalis.
Napatigil naman ako pag-alis niya. Nahihiya lang siguro talaga siya na gawin iyon.