"What's the real score between you and my kuya?"
Napatigil ako sa pagtingin sa mga jellyfish ng tinanong sa akin iyon ni Olivia. Field trip namin ngayon at siya ang kasama ko sa paglalakad. Si Chari at Sebastian kasi ay hindi maihiwalay sa isa't isa.
Naglaho ang ngiti ko pagkalingon sa kanya. She's smiling from ear-to-ear pero nagtatanong ang mga mata niya habang nakatingin sa akin.
"Ha?" tanging natanong ko sa kanya.
"You know that I like you, Mics. It's fine as long as you're in good terms with him. He told us that he bought a house at Estrella. He didn't name you or what...it's just my hunch. So, what's the real score between you and him?" diretsong tanong niya sa akin.
Ano nga ba? Hindi ko rin kasi alam. Ilang linggo na rin kasi ang nakalipas matapos kong sabihin sa kanya na gusto ko siya. Hindi naman nagbabago iyon hanggang sa ngayon. Hindi lang siguro ako sanay na may pinapapasok akong lalaki sa buhay ko.
"Hindi ko rin alam," yumuko ako pagkasabi nun sa kanya.
"Well, I know for a fact that Kuya likes you a lot. I mean, he would even ask me if how was your day and he also called me kanina just to asked me if how are you. Can you believe that?" sagot nito.
Nasabi ko naman kay Leon na mayroon kaming field trip. Niloko pa nga niya ako na sasama siya pero alam kong imposible iyon dahil midterms niya ngayon. Wala pa namang ibang nakakahalata sa pakikitungo ko kay Leon maliban na lang siguro talaga kay Olivia na kapatid nito.
Lagi pa naman silang magkasama sa bahay kaya tiyak ako na nahahalata niya.
Araw-araw ay nagkikita kami ni Leon. Kung hindi niya ako nasusundo sa school, sinisigurado naman niya na napupuntahan niya ako sa bahay. Hinahayaan ko na lang din naman dahil kapag hindi ko siya nakikita ay hinahanap ko ang presensya niya.
Sabi niya sa akin ay pinapaayos na raw niya yung bahay sa Estrella. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapaniwalaan na binili niya iyon para sa akin. Hindi ko iyon sinasabi kina Nanay at Tatay o kahit sa kaninong kaibigan. Ayoko kasing mag-isip sila ng kakaiba.
"Basta...you know naman na I really really like you for my kuya!" Yumakap pa siya sa akin pagkatapos nun.
Nagpatuloy nga kami sa pag-iikot pero dala ko pa rin sa utak ko yung sinabi niya. Tuwing tinitignan niya tuloy ako ay naiilang na ako. Pakiramdam ko ay may gusto pa siyang sabihin at pinpigilan niya lang ang sarili.
Pinilit ko na lang na hindi pansinin iyon dahil sa kaarawan ni Chari ngayon. Naghanda ng surpresa sina Olivia at Sebastian para dito. Pagdating namin sa Mall of Asia ay nagpunta kami sa isang restaurant, pina-reserve pa iyon nina Olivia at Sebastian para lang sa araw na ito.
Hindi maipaliwanag ang saya ni Chari. Sa totoo lang ay deserved niya ito. Matapos niyang maging malungkot dahil sa pagkawala ni Aling Elena, kahit sa ganitong paraan man lang ay sumaya siya.
Sa isang theme park ang sumunod naming pinuntahan. Humiwalay sa amin sina Chari at Sebastian kaya kami lang ni Olivia ang magkasama, nakikisali na lang kami sa iba naming kaklase. Ang boring naman kasi kung kaming dalawa lang.
Dahil hindi kami mahilig sa extreme ay sumakay na lang kami sa ibang rides na halos pambata. Nadaig pa kami ng mga first year at second year students na sumasakay sa mga nakakatakot na rides.
Pagsapit ng alas nuebe ay bumalik na kami sa bus, wala pang ilang minuto ay napuno na ang bus namin at bumiyahe na pabalik ng Trinidad.
Tulog ang karamihan sa biyahe samantalang ako ay nanatiling dilat, pinagmasdan ko ang liwanag ng Kamaynilaan na mawala sa mata ko. Hindi ako nakaramdam ng pagod dahil masaya ako sa pinuntahan namin.
Lagi naman akong nakakasama sa Field trip namin lalo na kung Maynila ang pupuntahan pero ngayon ko mas naappreciate ang ganda ng siyudad. Hindi ko alam kung kailan ako makakabalik doon.
Intramurals ng school ang sumunod na pinakamagandang pangyayari sa akin. Open house iyon kung kaya't maging ang mga college students sa annex ay nakapasok sa school namin.
"Galingan natin guys!" sigaw ni Chari sa aming lahat.
Nag-open kasi ang section namin ng food stall at kami rin ang namamahala sa blind date booth. Required ang lahat ng mapapasok sa blind date booth na bumili sa food stall namin. Ganun kautak si Chari.
"Yung sexbomb dancers naman diyan sa labas, galingan niyo pag-attract sa mga target natin. Yan na lang ambag niyo ngayon!" ani ni Chari kina Natasha na inatasan nitong kumanta o kaya sumayaw sa labas ng stall namin.
Lahat ng materyales para sa dalawang booth ay pinag-ipunan namin. Late na kami halos umuwi nina Chari at ilang classroom officers para lang mapaganda ang blind date booth.
Si Sebastian ang head ng blind date booth samantalang food stall naman si Chari. Nag-assign siya ng mga tasks na kailangan naming gawin. Grades kasi namin ito sa lahat ng subjects kaya wala kaming choice kung hindi gawin ito.
"Ikaw kaya dito. Ang init kaya!" reklamo ni Natasha.
Isa ako sa taga-luto sa food stall. Simpleng silog meals lang naman tsaka mga picka-picka ang tinda namin. Kasama ko sa pagluluto si MJ, Joanna, at Isabel. Runners naman sina Ivan, Ramon, Ben, at Justin. Si Chari naman ang namamahala sa counter para sa pera. Ang laki ng tiwala ng section namin sa kanya dito.
Noong pinagpulungan namin ito ay siya talaga ang nag-push na food stall sa amin para may choices yung mga bibili. Sa sobrang bilis niya kaming napapayag, kami lang tuloy ang kaisa-isang food stall sa intramurals. Kaya inaasahan na namin ang dami ng mga kakain mamaya.
Dalawang malaking tent ang meron kami. Si Senyora Tamara ang nag-provide ng materials para sa stall namin. Yung mga silya at lamesa, kutsara't tinidor, mga baso, at iba pang kakailanganin. Lahat iyon ay pinahiram ni Senyora Tamara. Nagpadala rin siya ng maliit na chiller para doon ilagay yung mga fresh products namin. May ref din para sa soft drinks. Kami lang ang bumili ng mga kakailanganing pagkain.
Isang malapit na room naman para sa blind date booth ang sinetup din namin. Tulong-tulong kaming lahat para gawing romantic ang lugar na iyon. Ang ibang kaklase naman namin ang maghahanap ng mga pinalilistang tao sa blind date booth.
Isang major rule sa blind date booth na hindi makakalabas ang mga naroon kapag walang biniling pagkain mula sa food stall namin.
May isa pa rin namang food stall sa tapat namin pero drinks lang ang offer nila. Sa isang section iyon napunta. Hindi kasi pwedeng maulit ang mga stall para daw lahat kumita naman. Yung isang stall ng fourth year ay nagtitinda lang ng snacks. Hanggang ganun lang. Sa amin talaga ang pinakamalaki.
"Kasi kung naki participate kayo noong nagpaplano tayo sa mga positions niyo, edi sana wala kayo diyan! Ngayon nagrereklamo kayo." parinig ni Chari sa mga ito.
"Gusto ko talaga sa blind date booth!" reklamo ni Natasha.
"Gawin kaya kitang blind para happy? Tumawag na lang kayo ng costumers diyan!" galit na turan ni Chari sa mga ito.
Matapos ding mawala ni Aling Elena ay naging mas matapang si Chari. Kung minsan ay hindi na siya napipigilan ni Sebastian lalo na kung sina Natasha ang kinatatalo niya.
"You witch!" sigaw ni Natasha dito.
"Thank you, Snow white. Now, dance and sing. That's your job now." mataray na sagot ni Chari dito.
Pasimple namang napalakpak ang mga kaklase naming nanonood sa pagtatalo nila. Kinawayan naman sila ni Chari bago ito lumabas ng tent namin.
Napaglagay kasi ng aircon si Senyora Tamara sa stall namin para daw hindi mainitan yung mga kakain at para umulit daw. Dalawang aircon ang pinalagay niya para sakop ang buong dalawang tent. Kaya napakalamig na sa loob. Hindi lang namin alam kung kakayanin yung mga kakain mamaya. May lutuan naman kami sa isang tent sa likuran para hindi magtalo yung init at lamig.
"Magluto na tayo. Ready na ba yung fried rice natin?" tanong ko kina MJ. Ako kasi ang chef daw nila since marunong akong magluto.
"Oo. Okay na. Nagpadala na rin si Cha-cha ng pagkain doon sa mga nasa booth para may energy daw sa pagtakbo mamaya." sagot naman ni Isabel sa akin.
Ngayon ay iintayin na lang namin ang official na pagbukas ng mga booth at magiging abala na kami.
Dahil na rin sa sobrang busy ay hindi ko nagawang kitain si Leon sa mga nakalipas na linggo. Masyado kasi kaming abala sa pagplano at paghahanap ng supplier ni Chari. Mabuti na lang at pumayag si Aling Josefa na bigyan ako ng discount sa mga bibilhin kong gulay. Sa Oliveros kami namimili ng mga gulay, karne, itlog, at isda pati na rin yung ibang picka-picka. Bagsakan kasi doon at mas mura ng nasa tatlumpu hanggang limampung piso ang bilihin doon.
Uniform ang suot namin para sa stall at booth. Mananahi kasi ang nanay ni Marionne kaya nag-prisenta ito na gawan kami ng damit. T-shirt para sa mga nasa booth samantalang para kaming tauhan sa restaurant naman dito sa stall.
Tumunog na ang malakas na sound hudyat na open na ang lahat ng stall sa school. Pinatugtog na rin namin ang music namin para ma-attract ang lahat na pumasok dito. May balloon arc pa sa labas ng stall namin pati na rin malaking signage.
Nasa labas naman ang ibang boys at nag-aabot ng flyers para sa food stall namin. Kinakabahan na rin ako dahil baka hindi masarapan ang mga bibili sa amin although simpleng silog lang iyon.
"We have orders na! 2 Tapsi and 2 Hotsi plus 4 coke in can. Thank you!" boses ni Olivia sa intercom.
Nasa blind date booth kasi siya. Ito naman ang in-charge sa mga order na pagkain doon habang si Sebastian naman sa pera na makukuha mula sa nakikipag date.
"Copy!" sagot ni Marionne na in-charge naman sa pagtanggap ng order mula sa booth. Sinulat nito iyon sa papel bago inabot sa maliit na butas na pagitan ng malaking tent papunta sa maliit na tent namin.
Nagsalang na kaagad ng tapa at hotdog sina Joanna. Nag-ready naman kaagad ako ng disposabl na lalagyan para doon ilagay ang pagkain. Lahat ng gamit namin ay disposables maliban na lang sa mga panluto para hindi na makadagdag sa hugasin.
Mabilis lang natapos ang pagluluto. Ako na ang nag setup nun sa lalagyanan. Si Marionne na rin ang kumuha ng inumin sa ref at nilagay sa plastic.
"Where are the orders, guys?" tawag ulit ni Olivia.
"Papunta na." sagot ni Marionne dito.
Nilagay ko naman sa plastic ang mga inorder na pagkain matapos kong maayos iyon sa lalagyanan.
"Ivan, pakidala." utos ni Chari dito sabay abot ng dalawang plastic.
"Roger!" Tinanggap naman ni Ivan iyon at nagmamadaling lumabas.
Malapit lang naman ang blind date booth sa lugar namin kaya hindi naman kailangan tumakbo nang tumakbo ang mga runners namin. Mabuti na lang din at wala pang tao sa stall namin, malamang ay umiikot ang mga ito kaya baka mamaya pa kami maging busy.
"2 Tapsi again and 2 bottled water. Make it fast, please." Tawag ulit ni Olivia sa amin.
Mabilisan ang ginawang kilos namin. Mabuti na lang at nagsasalang na kaagad sina Joanna at Isabel ng tapa. Nakapagluto naman kami ng itlog at iniinit na lang iyon sa microwave para mabilis.
"2 Chicken Silog please and 2 coke in can as well." tawag ulit sa amin.
Tumulong ako sa paghahanda. Luto naman na yung manok at iniinit na lang iyon lahat.
"May order na tayo guys! 3 Pork chop silog tapos dalawang tapsi. Galing sa annex ang order!" sigaw ni Marionne sa loob.
"Hala! Dumadating na sila!" Natatarantang sabi ni Joanna.
"Kalma lang. Kaya natin ito." sabi ko sa kanila. Nagsalang na kaagad ng order si Isabel habang binabalot naman ni MJ ang order para sa booth.
Hinahanda ko naman kaagad ang order ng mga taga- Annex.
Mga college students iyon doon. Dito lang siguro nila naisipang kumain. Pinadala naman namin kay Ramon ang order para sa booth samantalang mabilis naman naihanda ang order sa loob ng stall. Nilabas ko kaagad iyon mula sa loob ng kusina.
Kaya lang kung hindi ako maagap ay baka natapon din iyon sa akin. Dahil nagulat pa ako sa unang batch ng costumer namin. Sina Leon kasama ang mga kaklase nito.
Nakatingin siya sa akin habang ang mga kaklase niya ay patuloy na nagkukwentuhan.
"Okay ka lang?" agap na tanong ni Justin sa akin pagkakuha ng order.
Iniwas ko naman kaagad ang tingin sa kanya at pumasok sa loob ng kusina. Nalaman kaagad niya na ito ang stall namin. Nag-ikot pa kaya muna ito bago kumain?
Malamang kinuwento ni Olivia ang stall namin sa kuya niya kaya nandito ang mga ito ngayon.
Confident naman ako sa pagluluto ko pero ito ang unang beses na kakain si Leon ng ginawa ko. Hindi ko alam kung masasarapan sila o ano. Ako kasi ang nagtimpla ng pinagbabarang sarsa ng tapa at ilang karne. Gusto ko kasi na may maiwang masarap na lasa sa kanila kapag kinain iyon.
Noong pinatikim ko iyon sa mga kaklase ko ay aprubado nila kaya nga ako ang inasahan nila para sa kusina.
May mga dumating pang order mula sa booth. Mukhang nakakarami ng costumers doon kaya hindi na kami halos nakaupo sa kusina. Dumaan na rin ang ilang oras at hindi ako lumabas ng kusina. Sigurado naman ako na wala na si Leon sa stall namin dahil narinig ko ang boses nito kanina habang palabas sila.
Baka lang kasi magkita kami kapag sinubukan kong umikot o ano. Nagditangan na rin ang ibang estudyante na natapos ng mag-ikot at nanginain na sa amin. Mas naging abala kami dahil sunod-sunod ang order para sa stall at booth.
Super late lunch tuloy ang nangyari sa aming lahat. Hindi na ako nakakain dahil pakiramdam ko ay busog pa ako mula sa nangyaring pagluluto. Yung mga kasama ko na lang ang pinakain ko pati yung mga runners.
Nagpadala na rin ako ng pagkain para sa booth. Hinahanda ko iyon lahat ng pumasok si Chari sa kusina.
"Kumain ka na." utos niya sa akin. "Wala naman masyado ng tao dahil hapon na kaya chill na tayo. Alam kong masyado kang napagod today kaya ako na muna dito." sabi niya sa akin.
"Sinong nasa cashier?" tanong ko sa kanya. Hindi niya kasi pwedeng iwan ang cashier dahil nandoon ang pera namin.
"Nandoon si Olivia. Pinapasok niya yung benta ng booth."
Tumango na lang ako sa kanya at tipid na ngumiti. Nakakapagod man ay sobrang fulfilling ng araw na ito. "Tapos ka na bang kumain?" tanong ko sa kanya.
Pagak na tumawa ito sa akin, "Padala nang padala ng pagkain si Sebastian kaya malamang mabubusog ako." Umiiling na sabi nito sa akin.
"Ako na muna kakain. Huhugasan na lang namin mamaya yung mga kawali na ginamit kapag nagsarado na tayo." sabi ko sa kanya.
"Tutulungan ko na kayo mamaya. Magbabalanse lang kami ng pera ni Olivia." sagot nito sa akin.
Kumuha na ako ng pagkain at nakisalo ng kain sa iba naming kaklase. Mula sa init ay naramdaman ko kaagad ang lamig ng buong stall. Parang nalulusaw lahat ng pagod ko sa sobrang lamig. Nakakaantok tuloy. Kaya hindi ko masisi yung ibang boys namin na nakahanap ng pwesto sa isang gilid at natulog muna. Pagod na pagod din naman kasi talaga sila sa kakadala ng order.
Alas-kuatro ang tapos ng mga stall sa school kaya 3:30 pa lang ng hapon ay nagliligpit na kami. Ang mga boys na nakatulog ang siyang nagpunas ng mga lamesa. Sinulit din nila ang ilang minuto na natitira para maglaro sa mga games na naroon.
Nilagay na muna namin ang close na signage sa labas ng stall para wala ng papasok. Wala sina Natasha dahil ang-iikot daw ang mga ito sabi ni Marionne.
"Wala namang tulong. Saglit na sumayaw-sayaw tapos umalis na. Bukas nga ilagay mo as runners yung mga malalanding iyon." Gigil na sabi ni Marionne kay Chari.
"Kala kasi nila kinaganda nila yung ginagawa nila. Sila dishwasher bukas. May iniwan na mga plato at kubryetos si Senyora Tamara diyan. Yun ang gamitin natin para makatulong tayo sa kapaligiran." Gigil na sagot ni Chari naman.
Nakatapos na kami sa paghuhugas ng dumating ang mga nasa kabilang booth. Rotation kasi ang mangyayari maliban na lang sa akin, kay Chari, kay Sebastian, kay Olivia, at kina Marionne pati Joanna.
"Ito pala ang aircon! Ang sarap matulog!" sigaw ng ilang boys pagpasok sa loob ng stall. Wala kasi silang tambayan doon dahil hindi naman sila pwedeng mamalagi sa loob ng booth.
"Good job sa ating lahat guys... So ang total ng pera na napagbentahan dito sa food stall pa lang ay 6, 358 pesos plus yung mga order mula sa booth na umabot ng 4, 230 pesos. Ang kabuuan na napagbentahan natin para sa pagkain ay 10, 588 pesos. Di bale lumabas naman na yung puhunan natin na 8, 750 pesos. Kaya mayroon na tayong 1, 838 pesos. May mga supplies pa naman na natira sa atin kaya yung mapagbebentahan nun for tomorrow ay kasama na sa profit natin. Kaya maibabalik na rin sa bawat isa yung ambag for the food. After matapos ng ating event ay ibabalik ko na sa inyo yung ginastos at syempre madaragdagan iyon base sa ating profit for the next three days pa. Kaya pag-igihan pa nating lahat!" imporma sa amin ni Chari.
Nagpalakpakan naman ang lahat. Sumunod naman na nagsalita si Sebastian. "We earned 2, 100 pesos para sa blind date booth. Wala naman tayong masyadong ginastos doon maliban sa ilang paper back drop na nasa 350 pesos lang naman kaya malaki ang profit natin para sa araw na ito. I will give the money to Chari since she's our class president and she keeps all our money." saad ni Sebastian.
"Bakit hindi kay Olivia, siya ang treasurer natin?" tanong ni Helsey.
"No. We have decided na hindi ako hahawak ng pera, right? I'm handling our class fund alredy and I won't be taking the money from our event. So, no." pirming sagot nito.
Wala namang ibang umangal sa sinabi ni Sebastian. Sang-ayon naman ang lahat na si Chari ang humawak ng pera ngayon.
"Rotation tayo sa booth and stall. Yung mga naka-assign sa permanent position ang hindi maaalis. Except kina Natasha, Krystal, Helsey, at Abigail na nag-present na magiging dishawaher for tomorrow." anunsyo ni Chari.
Napalingon lahat sa flower girls na nasa likuran. Halata ang gulat sa mga mukha nito. "Hey! Wala kaming sinabi! We don't want to become a flower girls noh!" sigaw ni Natasha.
"Sandali nga lang kayong sumayaw sa labas tapos nawala kayo. Unfair naman kung kami lang ang pagod. Grade natin ang pinag-uusapan dito." sabat ni Chari.
"Ugh! I really hate you witch!" sigaw ni Natasha.
"Thank you Snow white. Now moving on. Bunot ng isa sa fish bowl then inform niyo ko sa positions niyo. Attendance card niyo rin pala kukunin ko at papipirmahan ko kay Kuya Spencer." dagdag niya at ang tinutukoy ay ang school student council president.
Kinolekta naman namin ni Olivia ang attendance card ng bawat isa at binigay iyon kay Chari. "Nakabunot na ba lahat? May papaikot akong papel indicate your name and position for tomorrow." sabi ni Chari.
"Pwede na bang umuwi, Cha? Pagod na talaga kami." tanong ni Allen sa gilid.
Tumango naman si Chari. "Sige. Inventory lang kami dito pero yung iba pwede na. Color pink na t-shirt tayo bukas ah. As in lahat tayo." dagdag pa niya.
Matapos makapagsulat ng iba ay nagpaalam na ang mga ito na uuwi. Naiwan kami nila Chari at Sebastian para sa inventory. Naiwan din si Olivia kasi susunduin daw siya ng mommy niya.
Late na rin kami natapos ng inventory. Kung hindi lang ako hinatid nila Chari at Sebastian ay hindi ko na magagawang maglakad pa. Umalis na rin ang sasakyan na nagbaba sa akin sa tapat ng bahay. Ang gusto ko na lang ay matulog kaagad dahil sa sobrang pagod.
Hindi pa man ako nakakapasok sa loob ng bahay ay nakita ko na kaagad ang pamilyar na motorsiklo ni Leon nakaparada iyon sa tapat ng bakuran namin. Wala pang ilaw ang loob ng bahay kaya tiyak na wala pa sina Nanay at Tatay.
Isang ngiti ang pinakawalan ko sa labi ko tsaka lumapit kay Leon. Amoy na amoy ko ang mabango niyang pabango at halatang bagong ligo rin siya.
"Hi!" nakangiting bati niya sa akin.
Kahit pagod ay pinilit kong ngumiti at lumapit sa kanya. Dala marahil ng pagod ay yumakap ako sa kanya, nakapikit ang mata ko habang nakadikit ang mukha ko sa dibdib niya.
"Salamat sa pagpunta kanina." bakas ang pagod sa boses ko pagkasabi nun. Pagod na pagod talaga ako at ang tanging gusto ko na lang ay matulog ngayon.
Halata ang gulat kay Leon sa ginawa ko pero nakabawi rin siya at binalot ako ng yakap niya. Ang mainit niyang mga braso at katawan ay nagbigay sa akin ng enerhiya na nawala ko buong araw.
"You did well today, baby." bulong niya sa akin.