Kung kanina habang nasa malayo sina Sir Kiro at Sir Kenzo ay panay ang malalakas na tili nitong mga nasa malapit sa'min, ngayon ay biglang tumahimik ang paligid na para bang pati paghinga ay pigil-pigil ng mga katabi namin ni Julienne.
Dinig na dinig ko tuloy ang biglang pagtambol ng puso ko.
Sus, Ginoo!
Kinabahan ba ako? Bakit?
Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang magsalubong ang mga titig namin ni Sir Kenzo.
Kung wala lang sila ni Sir Kiro sa harapan namin mismo ni Julienne ay siguro kanina ko pa sinapo ang dibdib ko dahil parang lalabas yata ang puso ko sa nerbiyus.
"Ang galing-galing ni'yo po talaga, Kuya Kiro!"
Nababaghan akong napatitig kay Julienne na nasobrahan sa bitamina noong bata pa kaya masyadong bibo.
Napansin ko kasi, kanina sir siya nang sir pero ngayong nasa harapan na namin iyong mga amo namin ay Kuya na ang tawag niya.
Magiliw na ngumiti sa kanya si Sir Kiro at ginulo ang buhok niya at kasabay niyon ay mga nangangarap na pagbuga ng hangin ng ibang mga katabi ko.
"Kaya siguro kami nanalo dahil sa malakas mong pag-cheer." Ang ganda talaga ng ngiti nitong si Sir Kiro.
Siguro kung katulad lang sana nito itong kakambal nito ay tiyak hindi nakakaasiwang titigan- teka, hindi naman ako tumitig kay Sir Kenzo pero naaasiwa talaga ako dahil siya itong tingin nang tingin eh!
"Ito po talagang si Kikay ang nag-apurang pumunta dito!" Awang ang panga at nanlaki ang mga matang gilalas akong napatitig kay Julienne dahil sa mga lumalabas sa bibig niya.
At tinawag niya pa talaga akong Kikay! Sa mismong harap nina Sir Kiro at Sir Kenzo!
"Pinilit niya po talaga akong pumunta rito nang maikwento ko sa kanya na maglalaro kayo ngayon ni Kuya Kenzo!"
Ang anak ng tikbalang na sinungaling na ito!
Mabilis akong napabaling kay Sir Kiro nang marinig ko ang mahina nitong tawa habang nakatutok sa'kin ang nagningning nitong mga mata na nangingislap dahil sa pagkaaliw.
Saan ba ito naaliw , sa pangalan ko o sa pinagsasabing kasinungalingan nitong babaeng kasama ko?
"Teka- hind-"
"Kikay, dalhin mo nga 'to pauwi."
Naputol ang pagpapaliwanag ko sana dahil tumakip sa mukha ko ang isang tuwalya na bigla na lang inihagis ni Sir Kenzo sa direksiyon ko.
Tama ba namang tawagin akong Kikay? At ang lakas pa ng boses niya!
Nang matanggal ko ang towel sa mukha ko ay ang papalayong likod na lamang Sir Kenzo ang naabutan ko.
"Pagpasensiyahan mo na si Kenzo, asar talo kasi iyon."
Napakurap-kurap ako dahil sa biglang pagdukwang ni Sir Kiro sa mukha ko.
Di ko alam kung alin ang una kong papansinin, ang makinis nitong mukha at asul na mga mata o ang mabango nitong hininga na tumama sa mukha ko habang nagsasalita ito?
Isang magaang tapik ng hintuturo nito sa dulo ng ilong ko ang iniwan ni Sir Kiro bago ito patakbong humabol sa papalayong si Sir Kenzo.
Hindi pa man ako nakahuma sa pagkagulat sa mga pangyayari ay biglang pinag-agawan ng mga katabi ko iyong tuwalyang hawak ko.
Dahil wala pa ako sa huwisyo ay mabilis nila itong naagaw sa'kin at pinagkaguluhang amuy-amoyin.
"Oh my gosh! Amoy- Kenzo!"
"Ang bango ng pawis!!"
"Sarap nito itabi sa pagtulog!"
"Amoy na amoy ko ang kagwapuhan niya rito!"
"Paamoy rin ako!"
"Oy, huwag ni'yong ubusin iyong amoy! Tirhan ni'yo kami!"
At ayon na nga, tuluyang hindi ko na maaninag kahit dulo ng tuwalya dahil pinagkumpulan na ng mga kababaehang talo pa ang nakadruga sa pagiging bangag.
"Paano ko iuuwi iyong tuwalya, Julianne—?" Nangunot ang noo ko dahil wala akong Julianne na nalingunan sa gilid ko.
Nandito lang kanina ang babaeng iyon ah! Nasaan na iyon?
Mabilis kong nilibot ang paningin sa paligid sa pagbabakasakaling matanaw ko ito.
Bigla akong kinabahan dahil hindi ko alam kung paano uuwi. Hindi ako sigurado kung matatandaan ko iyong dinaanan namin papunta rito. Iniwan ba ako ni Julianne?
Bumalik iyong tingin ko sa mga nagkakagulo sa tuwalya ni Sir Kenzo. Napangiwi ako dahil parang lalo silang dumami.
Hindi ko alam kung paano ko babawiin sa kanila iyong tuwalya.
Nasa ganoong sentimyento ako nang mapansin ko si Julienne na gumagapang palabas mula sa ilalim ng binti ng mga nagkukumpulan at nagkakagulong mga kababaihan dahil sa kapirasong tuwalya.
Mula sa mga binti at paa ng mga nagkakagulo ay lumabas si Julienne— dala ang lukot-lukot na tuwalya.
Madungis at sabog ang buhok na paika-ika itong lumapit sa'kin.
Nagtataka lang ako kung bakit hindi pa rin nabuwag iyong kumpulan gayong hawak na ni Julienne iyong tuwalyang pinagkakaguluhan nila.
"Pinalitan ko ng ibang tuwalya itong tuwalya ni Sir Kenzo," hinihingal nitong paliwanag at bahagyang ininguso ang isang upuan na may mga nakasabit pang mga tuwalya na hula ko ay pagmamay-ari ng ibang manlalaro.
Nasa kabilang panig ng court iyong mga naglalaro kanina at mukhang may pinag-uusapan kaya hindi nila gaanong napansin ang kaguluhan sa panig namin.
Siguro masyadong halata ang katanungan sa mukha ko kaya muling nagsalita si Julienne, "Malilintikan ka kapag hindi mo maiuwi ito dahil si Sir Kenzo ay ang taong masyadong OA sa mga gamit niya. At... itong kapirasong towel na ito mahal pa ito sa buhay nating dalawa."
Na-touch ako sa ginawa niya pero parang hindi ako naniniwala sa halaga ng towel.
"Magpapasalamat sana ako pero naalala ko may kasalanan ka pala sa'kin," naningkit ang mga matang sumbat ko sa kanya.
"Peace offering ko ito sa'yo," nakangisi nitong sabi sabay abot ng tuwalya sa'kin.
"Umuwi na nga tayo. Baka mamaya niyan dumugin na ulit tayo dahil sa tuwalyang iyan," naiiling kong sabi sabay pasimpleng tinakpan ng katawan ko ang tuwalyang inilahad niya mula sa ibang maaaring makakita.
Magkakasakit pa yata ako sa nerbiyus dahil sa kapirasong tuwalyang ito.
"Ayaw mo nang panoorin sina Sir Ki—"
"Ikaw lang naman ay may gustong manood, dinamay mo pa ako," pairap kong putol sa sasabihin pa sana nito.
Bumungisngs lang ito at sumunod na sa'kin nang magpatiuna akong naglakad.
Habang naglalakad pauwi ay panay ang bida ni Julianne sa galing ng mga amo namin maglaro.
Kahit ilang sandali ko lang napanood ang laro nila ay masasabi kong magaling nga sila at patunay na roon ay iyong mga fans nila na halos mahimatay na sa kakasigaw.
"May tanong pala ako," putol ko sa masigpang pagkukwento ni Julienne. "Bakit sir ka nang sir ngayon kina Sir Kiro at Sir Kenzo pero kanina no'ng kinausap tayo ni Sir Kiro ay tinawag mo siyang Kuya?"
"Ah iyon ba? Ganito kasi iyon... gusto nila na Kuya iyong itawag ko sa kanila katulad rin ni Ate Khaila .... pero nakakailang kasi na Kuya at Ate iyong itatawag ko sa kanila gayong ang layo ng kagandahan ko sa alindog nila! Nakakahiya maki-kuya at maki-ate gayong ang perpekto nang pagkakahulma sa kanila halatang biniyayaan tapos ako hinulma lang ganern! Kaya tinatawag ko lang silang kuya at ate kapag kaharap ko sila at sir at ma'am kapag wala sila," mahaba nitong paliwanag.
Napaisip ako sa sinabi nito, oo nga at pinagpala ng magagandang mukha at lahi iyong mga Carson pero napakabuti nila sa aming mga katulong nila.
Kahit ang layo ng agwat namin sa kanila ay itinuring nila kaming pamilya.
Hindi tulad ng mga napanood ko sa mga teleserye noon sa bayan kung saan ay laging madam ang itatawag sa babaeng amo at senyorita at senyorito naman sa mga anak.
Ang dami-dami pang utos tapos nanakit pa kesyo mayaman sila at kalimitan sa mga bida sa teleserye ay mahihirap.
Minsan din ang sarap mangarap na sana ay bida na lang ako sa isang teleserye kasi kahit gaano kahirap ang mga pinagdaanan ng mga bida ay may happy ending pa rin sila.
Ako yata, puro hirap lang ang napagdaanan ko... ang labo pa ng ending dahil wala pa akong balak maghanap ng mayaman at gwapong lalaki na tulad ng mga nasa teleserye ay siyang mag-aahon sa bidang katulad ko sa kahirapan.
Hindi ko pa nga naranasan magka-jowa. Kahit nga crush-crush ay hindi sumagi sa isip ko dahil maaga akong nagtrabaho upang makatulong sa mga magulang ko kahit na noong nag-aaral pa ako.
Nang makauwi kami sa bahay ng mga Carson ay agad tinuro sa'kin ni Julianne kung kanino iabot ang tuwalya ni Sir Kenzo.
"Dito sa pamamahay na ito ay may nakatoka na tagalinis ng silid ni Sir Kenzo at taga-ayos ng mga gamit niya." Paliwanag sa'kin ni Julienne matapos kong iabot kay Ate Lucia iyong tuwalya.
"Si Ate Lucia ay ang tagalaba ng mga damit ni Sir Kenzo. Si Ate Ving ay ang tagalinis ng silid niya at ang tanging pwedeng humawak sa mga gamit niyang naroon."
"Sila Sir Kiro at Ma'am Khaila, gano'n din ba?" singit kong tanong.
"Hindi," mabilis na sagot ni Julienne. Bahagya itong nagpalinga-linga sa paligid bago pabulong na nagpatuloy, "Mas maarte pa kaysa kay Ma'am Khaila si Sir Kenzo. Kahit noong teenager pa ito ay naikwento ni Tatay na nagwawala daw ito kapag nahawakan ng iba ang kahit na anong gamit nito. Kahit nga dito sa bahay ay may mga lugar na ayaw ni Sir Kenzo na pinupuntahan ng kahit na sino."
"Ay, gano'n?" di makapaniwala kong tanong.
"Oo," tumango-tangong kumpirma ni Julienne.
"Kahit nga sina Ma'am Kofie ay limitado ang oras nang pagpunta sa mga lugar na iyon dahil magiging bugnutin na si Sir Kenzo kapag may nagtagal sa sanctuary niya."
Pamilyar sa'kin iyong binanggit niyang sanctuary. Narinig ko na iyon eh...
"Kaya ikaw, huwag na huwag kang tumbay sa swimming pool sa likod bahay dahil kay Sir Kenzo iyon. Noong may pinsan siyang naligo roon ay nagwala si Sir at muntik nang manuntok. Talagang binalak pa niyang patayuan ng bakod ang paligid upang hindi muling mapasok ng ibang tao , mabuti na lang at napakiusapan nina Sir Klaus na huwag ituloy dahil masisira iyong mini garden. Kaya ayon, nagpagawa ng panibagong pool area sina Sir Kevin upang hindi na muling maisturbo ang sanctuary ni Sir Kenzo."
Nanlaki ang mga mata ko at bigla akong pinagpawisan dahil ngayon naalala ko na kung kailan ko narinig ang salitang sanctuary, narinig ko itong nabanggit ni Sir Kiro no'ng napadpad ako sa swimming pool sa likod.
"Hindi ka pa ba nakapunta sa bagong pool?"
Wala sa sarili akong napailing sa tanong ni Julienne. Wala sa tanong niya ang isip ko kundi nandoon sa insidenting pagkapadpad ko sa sanctuary diumano ng masungit na si Sir Kenzo.
Iyong pinsan nga niya, kadugo niya mismo ay ayaw niyang naliligo roon tapos ako, tinesting ko pa talaga iyong tubig! Buti at hindi niya ako nilunod sa tubig at ginawang pataba sa lupa.
"Halika, punta tayo roon ... Alam mo bang pwede tayong maligo roon basta tapos na ang trabaho natin o di kaya ay day off natin!"
Bigla ay nawala lahat ng mga gumugulo sa isip ko at nagningning ang mga mata kong napatitig kay Julianne.
"Talaga?!" di makapaniwala kong tanong.
"Oo," malaki ang ngiting sagot ni Julienne. "Noon ay wala akong makasama sa paliligo kaya nag-alangan din akong maligo mag-isa pero ngayong nandito ka na... MALILIGO TAYO!"
Masaya kaming nagtatalon habang magkahawak ang mga kamay.
Grabe , di ko lubos maisip na isang araw pa lang ako dito ay maranasan ko nang maligo sa swimming pool!
Kinagabihan ay humingi kami ng permiso kay Ma'am Kofie na maliligo kami sa swimming pool nila kinabukasan.
Abot-abot ang kaba ko dahil baka 'di kami payagan.
"Kayong dalawa lang?"
"Opo Ma'am," mahinang sagot ni Julienne . May panahon pala na kalmado lang magsalita ang isang ito.
"Ay, ang boring naman niyon. Ano kaya kung tayong lahat ang maliligo bukas? Mas maganda kung gano'n." Nangingislap ang mga matang suhestiyon nito.
Nagkatinginan kami ni Julienne at nagkangitian. Iisa lang ang nasa isip namin... PUMAYAG SI MA'AM KOFIE!
"Mag-barbeque tayo bukas. Wala rito iyong mga Sir ninyo dahil may out of town conference sila kaya magpa-party tayo!!" Mukhang mas excited pa kaysa amin itong si Ma'am Kofie.
Gusto kong itanong kung sinong mga Sir ang tinutukoy niya, iyong mga asawa niya o iyong kambal niyang anak? O baka pareho ?
Sa kaisipang wala bukas iyong mga anak niya ay parang mas mae-enjoy ko ang sinasabi niyang party.
Matapos naming kausapin si Ma'am Kofie ay ito pa mismo ang personal na kumausap kina Tiya Melva at sa ibang kasambahay tungkol sa mangyayari bukas.
Pagkauwi ko ng quarter namin ni Tiya Melva ay nadatnan ko sila ni Ate Yolly na masayang nag-uusap sa sala habang may pinagkaabalahang tinutupi.
"Kikay, may isusuot ka na bang swimsuit?" bungad agad na tanong sa'kin ni Ate Yolly nang mamataan niya ako.
"Magsho-shorts po ako bukas, hindi po ako sanay magsuot ng swimsuit at wala rin naman akong gano'n," natatawa kong sagot dahil napansin kong puro swimsuit iyong mga nakalatag sa harapan nila ni Tiyang Melva na unang inakala ko mga bagong labang damit na tinupi nila.
"Ano ka ba naman! Dapat ay explore your bahdi! Ipakita mo sa madlang pepz ang wangkata mong katawan." Sabay kaming napatawa ni Titang dahil sinabayan pa ng giling ni Ate Yolly ang sinabi nito kaya umalog iyong may kalakihan nitong tiyan.
Hindi ako sigurado sa English niya pero dahil di rin ako maalam sa English ay namangha pa rin ako pero mas namangha ako sa pag-alog ng katawan niya tuwing gumiling-giling siya.
"Tumigil ka nga, Yolly, baka magsilaglagan iyang mga taba mo," tumatawang saway ni Tiyang dito dahil lalo pa nitong pinag-igihan ang paggiling .
"Grabe ka talaga sa'kin, Ate Melva! Dito napunta lahat ng ipon ko kaya dapat ay ipagmalaki ko iyong katawan ko! Explore you bahdiii nga, 'di ba?"
Pumosing pa ito na parang modelo bago muling gumiling-giling na lalong nagpalakas sa tawa namin ni Tiyang Melva.
"Halika, Kikay, gayahin mo ako para naman mahawaan ka nitong kaseksihan ko." Napatawa akong nakisabay sa giling niya dahil talagang hinila nila ako patabi sa kanya.
"Ganyan nga, igiling mo pa! Giling pa! Ibaba mo pa."
Panay ang tawa ko habang ginagaya ang pagiling-giling niya pababa. Si Tiyang Melva naman ay ang tagapalakpak namin kaya mas lalong ginanahan si Ate Yolly na mas pag-igihan ang paggiling.
Isang malakas na tikhim ang nagpatigil sa katuwaan namin.
Biglang nanigas ang katawan ko at pakiramdam ko nagliyab sa init ang mukha ko nang masalubong ng mga mata ko ang seryosong mukha ni Sir Kenzo na nakatayo sa bukas naming pintuan na nakalimutan kong isara.
Nanawagan po ako sa lahat ng mga engkanto, maligno at lamang lupa na parang awa ni'yo na, kunin ni'yo po ako at huwag na muling ibalik!